top of page
Search

ni Lolet Abania | March 2, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na sibakin sa puwesto ang dating embahador ng Pilipinas sa Brazil na nahuli-cam sa pananakit sa kanyang kasambahay.


Sa naganap na televised address ni Pangulong Duterte ngayong Lunes, binanggit nitong kanselado na ang eligibility ni Marichu Mauro bilang opisyal ng pamahalaan.


Walang matatanggap na retirement benefits si Mauro kahit na siya ay isang opisyal.


Gayundin, hindi na siya maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at hindi na papayagang kumuha ng civil service examination.


Mula noong Marso, 2016, naging kinatawan ng Pilipinas sa Brazil si Mauro at naitalaga sa serbisyo sa foreign service mula noong Pebrero, 1995.


Matatandaang noong Oktubre 2020, pinauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa bansa si Mauro matapos na lumabas sa mga report ang video ng pagmamaltrato niya sa kanyang kababayang kasambahay.


Gayunman, ayon sa DFA, unang pinauwi sa bansa ang kanyang kasambahay habang tinutulungan ito ng non-profit OFW group na Blas F. Ople Policy Center para sa legal at livelihood assistance.


Una nang tiniyak ni DFA Secretary Teodoro Locsin na tututukan nila ang kaso ni Mauro at hindi nila ito bibitawan upang maipatupad ang batas na nararapat para rito.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 29, 2021



Isasailalim sa lockdown ang building ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang opisyal, ayon kay Secretary Teodoro Locsin, Jr.


Inanunsiyo ni Locsin ang naturang balita sa sagot niya sa tweet ni US Secretary of State Anthony Blinken kaugnay ng pinag-usapan nila tungkol sa “US-Philippine Alliance.” Saad ni Blinken, “I had a great conversation today with @teddyboylocsin. We'll continue to build upon the strong U.S.-Philippine Alliance with our shared interests, history, values, and strong people-to-people ties. #FriendsPartnersAllies.”


Tugon naman ni Locsin, “Great conversation. Will get a lot done soon. Sadly I must quarantine. I’m negative but the building and officers I met yesterday tested positive.


We’re going into lockdown ‘til Tuesday when we test again. Again thank you for the call. Please tell your President what I said.” Samantala, hindi binanggit ni Locsin kung ilang opisyal ng DFA ang nagpositibo sa COVID-19.


 
 

ni Lolet Abania | January 17, 2021




Naglabas ng babala ang pamahalaan tungkol sa nagkalat na mga scammers na nag-iisyu umano ng pekeng "travel exemption letters" na kinakailangan ng mga dayuhan na papasok sa Pilipinas habang may mga travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.


Sa isang statement ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagbabala ang ahensiya sa publiko laban sa mga namemeke na nag-o-offer ng travel exemptions kapalit ng malaking halaga. Kasama na rito ang pagkakaroon ng passport appointment assistance gamit ang social media.


"We do not collect any 'travel exemption' fees nor charge foreign nationals permitted to enter the country in accordance with the protocols laid down by the IATF and the Office of the President," sabi ni Assistant Secretary for Consular Affairs Neil Frank Ferrer.


Matatandaan noong nakaraang taon, pansamantalang sinuspinde ng DFA ang visa issuance at iba pang pribilehiyo dahil sa pandemya, at noong nakaraang linggo, pinalawig ang travel restrictions sa mga foreign travelers mula sa mahigit 30 bansa hanggang sa katapusan ng Enero upang maiwasan ang pagkalat ng bagong Coronavirus variant, kung saan may naiulat nang kumpirmadong kaso sa bansa.


Nakasaad din sa statement ng DFA, na ang mga embahada at consulates ay hindi naniningil para sa booking appointments para sa consular services at passport services.


"The Department has received reports that some enterprising individuals are taking advantage of the pandemic by pretending to provide assistance to book a passport appointment in exchange for money," pahayag ni Ferrer.


Dagdag pa ng opisyal, "The DFA strongly advises the public to be vigilant and wary of such illegal services. Please help us by reporting any group or individual involved in these fraudulent services."


Sinabi pa ng DFA, sinuman ang nais na magtanong at mag-report ng kaganapan ay maaaring tumawag sa kanilang hotline sa 8836-7763 or 09683958599, o mag-e-mail sa oca.visa@dfa.gov.ph, o sa official social media pages ng ahensiya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page