top of page
Search

ni Madel Moratillo | May 8, 2023




Ipinag-utos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang recall sa lahat ng canned tuna na nakasama sa kanilang naipamahaging family food packs at inirereklamong expired na umano.


Ayon sa DSWD, kasunod ito ng reklamo ng ilang benepisyaryo online.


Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD na inatasan na ni Secretary Rex Gatchalian ang lahat ng kanilang regional field offices para sa recall ng nasabing canned tuna.


Hindi naman tinukoy ng DSWD ang mga rehiyon na nakatanggap ng nasabing food packs.


Gayunman, ilan sa mga nauna nang nagreklamo patungkol dito ay ilang residente sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill.


Pinag-aaralan na rin ng DSWD ang mga posibleng parusa sa supplier, kabilang ang pag-hold sa bayad o pag-blacklist sa kanila bilang accredited suppliers ng kagawaran.


Sa kabila ng recall, nilinaw ng DSWD na hindi expired ang mga nasabing canned tuna batay na rin umano sa samples na naiprisinta sa social media.


 
 

ni Lolet Abania | March 18, 2021




Isasailalim sa lockdown ang opisina ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) sa Quezon City simula bukas (March 19) hanggang Linggo (March 21) dahil maraming mga empleyado nito ang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ipatutupad ang tatlong araw na lockdown upang magbigay-daan sa gagawing disinfection procedures sa lahat ng lugar sa loob ng DSWD compound.


Magbubukas naman ang kanilang opisina sa Lunes, March 22 habang ipatutupad na lamang ang 50% workforce.


Gayunman, patuloy na magkakaroon ng work-from-home arrangement sa mga empleyado.



Lahat din ng mga empleyado ay isasailalim sa anti-gen test bilang pagtugon ng ahensiya sa paglaban sa COVID-19 infections.



 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 8, 2020




Tatanggap ng P10,000 cash assistance ang mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly mula sa pamahalaan, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).


Ang National Housing Authority (NHA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pamamahagi ng cash aid, ayon kay DHSUD Secretary Eduardo del Rosario.


Aniya, “Magbibigay tayo ng P5,000 para sa mga partially damaged at P10,000 na tulong sa mga totally damaged na houses. “Ang NHA at DSWD, meron itong pondo na nakalaan, pondo para sa immediate financial assistance na puwedeng ibigay sa mga kababayan natin na ang kanilang mga bahay ay naapektuhan.”


Target na ipamigay ang cash assistance sa mga biktima ng Bagyong Rolly sa Bicol, Calabarzon at Mimaropa sa Miyerkules.


Samantala, ayon sa Office of Civil Defense-Region V, umakyat na ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Rolly sa Bicol Region sa 21; 13 sa mga ito ay mula sa Albay; 2 sa Camarines Sur; at 6 sa Catanduanes. Tinatayang aabot naman sa 292,728 kabahayan ang nasira, ayon sa OCD.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page