top of page
Search

ni Lolet Abania | January 25, 2021




Tinatayang nasa 38 na nakasalamuha ng 13 infected ng UK variant ng coronavirus ang nagpositibo sa test sa COVID-19, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes.


Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, sa 12 COVID-19 cases na nasa Bontoc, Mountain Province, 34 na naging close contacts ng mga ito ay nagpositibo sa test sa COVID-19. “Iyong isang taga-Bontoc, he tested negative [for COVID-19] upon arrival last December 13. December 14 nakauwi siya sa kanila.


Noong December 25, nagkaroon sila ng pagdiriwang dahil Pasko. Tapos December 26, they had a ritual as part of their beliefs. December 29 na siya nagkaroon ng sintomas,” sabi ni Vergeire.


Sinabi rin ni Vergeire na natukoy na ang 144 na naging close contacts at 116 sa mga ito ang nakapagpa-test para sa COVID-19. Dagdag pa rito, ang COVID-19 patient na mula sa La Trinidad, Benguet na infected din ng UK variant ng coronavirus ay nahawahan ang apat na iba pang miyembro ng kanyang pamilya.


Gayunman, limang barangay sa Bontoc ang kasalukuyang naka-lockdown at sumailalim na sa mahigpit na quarantine dahil sa panganib ng bagong coronavirus variant. Binanggit naman ni Bontoc Mayor Franklin Odsey na ang limang barangay na ito ay Tocucan, Bontoc Ili, Caluttit, Poblacion, at Samoki.


Matatandaang sinabi ni Vergeire na ang UK variant ng COVID-19 ay mas nakakahawa subali't hindi severe ang nagiging epekto nito.


Gayundin, nilinaw ng isang infectious disease expert ang tungkol sa bagong variant ng coronavirus na sinasabing mas nakamamatay. Aniya, ang mga data na lumabas ay patuloy pa nilang sinusuri at pinag-aaralan.


Ayon kay Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng UP National Institutes of Health, wala pang ebidensiyang nagsasabi na ang B.1.1.7 variant ay mas nakamamatay.


 
 

ni Lolet Abania | January 20, 2021




Pumalo na sa 10,042 ang namatay sa bansa dahil sa COVID-19 matapos na makapagtala ng 64 na nasawi ngayong Miyerkules, ayon sa Department of Health (DOH).


Umabot naman sa kabuuang bilang na 505,939 ang nagpositibo sa virus dahil sa 1,862 naitalang bagong kaso ng infection.


Gayunman, mayroong 765 naitalang bagong gumaling sa coronavirus kung saan pumalo na sa 466,993 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 2, 2021



Sa pagpasok ng bagong taon, sinabi ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na maaari nang simulan sa Marso ang pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19.


Aniya, “According to our vaccine czar na si Sec. Galvez, mga end of first quarter nitong taong 2021.” Dagdag pa nito, ‘pag nagsimula ito ng Marso o second quarter ng taon ay tuluy-tuloy na ang pamamahagi ng vaccine hanggang sa marating ang 60%-70% ng populasyon, dahil ang layunin umano ay maisagawa ang herd immunity.


Wala rin umanong magiging problema sa distribusyon ng bakuna dahil mayroon silang formula na susundin kung sino ang mauuna.


Mayroon umano silang 5 kategorya at ito ay healthcare workers, matatanda, may sakit, mahihirap na pamilya at uniformed personnel tulad ng AFP at PNP.


Samantala, wala namang nabanggit si Duque kung anong bakuna ang napili at ituturok sa publiko.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page