top of page
Search

ni Lolet Abania | July 11, 2021


ree

Marami pang nakatakdang dumating na Sinovac vaccine ng China sa bansa sa susunod na linggo para patuloy ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga residente sa Metro Manila at kalapit-lalawigan.


“Sa July 14, may darating tayo na Sinovac para tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa NCR (National Capital Region) Plus 8,” ani Department of Health Undersecretary Myrna Cabotaje, hepe rin ng national vaccination operations center sa isang interview ngayong Linggo.


Binubuo ang NCR Plus 8 ng Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao. Gayunman, isinama na ng pamahalaan ang mga lungsod ng Bacolod, Iloilo, Cagayan De Oro, Baguio, Zamboanga, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga, at Legazpi sa listahan ng mga priority areas.


Samantala, sinabi ni Cabotaje na 1.1 milyon doses ng AstraZeneca na donasyon mula sa Japanese government ay ipinamahagi na sa Metro Manila Plus 8 areas.


Noong July 8, dumating naman ang donasyon ding 1,124,100 doses ng AstraZeneca vaccine doses sa bansa. “Sa NCR Plus 8 kasi, wala nang maiturok sa NCR.


About 90 percent of vaccines for NCR, Metro Cebu, Metro Davao, Calabarzon... those populated areas, highly urbanized areas, Bulacan, Pampanga, Cavite, and Rizal,” sabi ni Cabotaje.


Gayundin aniya, may 2.028 milyong AstraZeneca doses mula sa COVAX Facility, kung saan 1.5 milyon nito ay gagamitin para sa mga indibidwal na tatanggap ng second dose, habang 500,000 doses naman ang ibibigay sa mga babakunahan ng unang dose.


Sa ngayon, nasa 4.5% o 3.2 milyon pa lamang ang mga fully vaccinated na malayo pa sa target na 70 milyon populasyon para magkaroon ng herd immunity ang bansa.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 10, 2021


ree

Umakyat na sa 1,467,119 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong araw matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 5,675 new cases.


Ayon sa DOH, 49,968 pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 89% ang mild cases, 5.4% ang asymptomatic, 2.4% ang severe, at 1.5% ang nasa kritikal na kondisyon.


Tumaas naman sa 1,391,335 ang kabuuang bilang ng mga gumaling na matapos makapagtala ang DOH ng 7,552 new recoveries.


Samantala, umakyat naman sa 25,816 ang mga nasawi dahil sa COVID-19 matapos maitala ang karagdagang 96 na mga pumanaw.


 
 

ni Lolet Abania | July 9, 2021


ree

Hindi pa inirerekomenda ng mga lokal na eksperto ang pagkakaroon ng isang booster COVID-19 shot dahil limitado pa ang datos nito, ayon sa Department of Health (DOH), matapos na ang American drugmaker na Pfizer ay nag-anunsiyong kakailanganin nila ang awtorisasyon para sa third dose ng kanilang bakuna.


“Ang kanilang rekomendasyon, hindi pa. Hindi pa natin ‘yan irerekomenda. Kailangan pa ng mas maraming ebidensiya para masabi natin that it’s going to be safe. Ang ating primary consideration dito is safety,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa briefing ngayong Biyernes at aniya, ang booster shot ay tinatalakay pa ng mga eksperto nito lamang Huwebes.


Paliwanag din ni Vergeire, ang pagkakaroon ng booster dose ay nakadepende sa itatagal o haba ng immunity na naibigay ng isang vaccine sa nakatanggap na indibidwal.


“Wala pang manufacturer na nakakapagbigay talaga ng eksakto na sinabi nilang, ‘Itong bakuna ko, hanggang anim na buwan lang at kailangan mo na muling ulitin.’ Wala pang ganu’ng ebidensiya,” ani Vergeire.


Nanawagan din si Vergeire para sa tinatawag na “solidarity” sa paghihintay na mabakunahan muna ang malaking populasyon ng bansa bago isipin ang pagkakaroon ng booster shots.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page