top of page
Search

ni Lolet Abania | June 22, 2022


ree

Labing-apat mula sa 17 rehiyon sa Pilipinas ang nalampasan na ang kanilang epidemic threshold ng naitalang mga kaso ng dengue, batay sa anunsiyo ng Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.


Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nai-report na ang bansa ay mayroong 39,705 cases ng dengue mula Enero 1 hanggang Hunyo 4, 31% na mas mataas kumpara sa mga kaso sa parehong period noong nakaraang taon.


Karamihan, ani Vergeire, ng mga kaso na naiulat ay mula sa Central Visayas, Central Luzon, at sa Zamboanga Peninsula.


Nakapag-record naman ng 9,814 cases ng dengue mula Mayo 8 hanggang Hunyo 4, kung saan aniya, karamihan sa mga kaso ay mula sa Central Luzon, Central Visayas, at Calabarzon.


“’Yun pong ibang mga regions, we are already noting increasing trends in the recent comorbidity weeks. So 14 out of 17 regions na po ang nakapag-exceed ng kanilang epidemic thresholds for the past four weeks,” saad ni Vergeire sa isang media briefing.


Una nang sinabi ni Vergeire na ikinukumpara ng ahensiya ang kasalukuyang bilang ng mga kaso sa parehong period noong nakaraang taon para madetermina kung ang isang lugar ay nag-exceed na ng kanilang threshold ng naturang sakit.


Ayon pa kay Vergeire, nasa 202 na ang nai-record na nasawi sa bansa dahil sa dengue simula nitong Enero. Sa nasabing bilang, 29 ang naiulat noong Enero, 36 noong Pebrero, 34 noong Marso, 43 ng Abril, 48 ng Mayo at dalawa ngayong Hunyo.


Payo naman ni Vergeire sa publiko na sumunod at isagawa ang 4S strategy, kung saan ito ay search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation, and support fogging or spraying in hotspot areas upang makaiwas na tamaan ng sakit na dengue.


 
 

ni Lolet Abania | June 22, 2022


ree

Nakapagtala ng 32 bagong kaso ng mas nakahahawang Omicron subvariant BA.5, kaya umabot na ito sa kabuuang 43 cases sa bansa.


Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang 21 ay mula sa Western Visayas, apat sa Calabarzon, apat sa National Capital Region (NCR) at tatlo sa Central Luzon.


Ang mga kaso sa Western Visayas, ani Vergeire, siyam dito ay mula sa workplace cluster at tatlo mula sa household cluster.


Sinabi rin ni Vergeire, 30 sa mga kaso ay fully vaccinated na laban sa COVID-19, isa ang nakatanggap ng first dose habang ang vaccination status ng isang kaso ay bineberipika pa.


“Sa kasalukuyan hindi pa natutukoy ang exposure ng mga individuals at inaalam pa natin ang mga travel history ng mga ito,” saad ni Vergeire sa media briefing ngayong Miyerkules.


Binanggit naman ni Vergeire na 22 sa mga pasyente ay naka-develop ng mild symptoms, 5 ang asymptomatic, habang ang status ng natitirang kaso ay bineberipika pa.


Gayundin aniya, 16 sa mga kaso ang nakarekober na, 14 ay nananatili sa isolation, habang inaalam pa ng ahensiya ang quarantine status ng dalawang kaso. Ayon pa kay Vergiere, wala namang bagong kaso ng BA.2.12.1 Omicron subvariant na na-detect sa bansa.


 
 

ni Lolet Abania | June 19, 2022


ree

Mahigit sa 120,000 healthcare workers (HCW) at iba pang personnel na nakasama sa pendemic response ng bansa ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang One COVID-19 Allowance (OCA), ayon sa opisyal ng Department of Health (DOH) ngayong Linggo.


Sa isang radio interview, sinabi ni DOH Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na 400,000 mula sa 526,727 healthcare workers ang nabigyan na ng kanilang OCA ng national government.


Ginawa ito matapos na ipabatid ni Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) president Dr. Jose de Grano nitong Huwebes, na karamihan sa mga pribadong ospital ay hindi pa nakatatanggap ng kanilang OCA sa kabila ng naging pahayag ng DOH at ng Department of Budget and Management (DBM).


Ayon kay Vega, nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang DOH sa PHAPI hinggil sa listahan ng mga ospital kung saan ang kanilang mga healthcare workers ay hindi pa nakatanggap ng kanilang OCA.


“Napag-usapan po namin kahapon kung puwede ibigay ni President Rene de Grano ‘yung mga hospitals na hindi pa nakatatanggap para ma-coordinate at mabigyan ng tugon.


Okay naman, sabi niya ibibigay niya,” sabi ni Vega. Matatandaang ang DBM ay naglaan ng P7.92 billion budget para sa COVID-19 allowance ng mga pampubliko at pribadong healthcare workers at non-healthcare workers.


Sa naturang halaga, P4.5 billion ay para sa benepisyo ng 100,313 plantilla workers ng DOH sa mga public hospitals, mga opisina at rehabilitation centers, kabilang na ang mga military at state university hospitals.


Habang ang natitirang P3.42 billion ay para naman sa 426,414 health workers na nakatalaga o stationed sa mga local government units (LGUs) at private health facilities, at iba pa.


Tiniyak naman ni Vega na ang mga healthcare workers na hindi pa nakatatanggap ng kanilang COVID-19 allowance ay mabibigyan pa rin nito sa ilalim man ng susunod na administrasyon.


Una nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at naisabatas ang isang measure na nagmamandato para sa tuloy-tuloy na benepisyo sa lahat ng mga healthcare workers sa bansa sa panahon ng COVID-19 pandemic at sa iba pang hinaharap na public health emergencies.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page