top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 17, 2023




Nanindigan ang economic team ng administrasyong Marcos kaugnay sa pagtataas ng buwis para sa susunod na taon.


Ito ang ibinahagi ni Finance Sec. Benjamin Diokno nang humarap sa 2024 National Expenditure Program (NEP) budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado.


Sinabi ni Diokno na patuloy silang makikipagtulungan sa Kongreso sa kinakailangang paniningil ng karagdagang buwis para na rin sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mga kinakailangang reporma.


Kasama aniya rito ang pagpapasa ng mga natitirang tax reform packages ng nakalipas na administrasyon at mga bagong tax measures sa ilalim ng kasalukuyang Marcos administration.


Ang mga itutulak na dagdag na buwis ay ang Package 4 o ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation kabilang ang Excise tax sa single-use plastic,

Rationalization of mining fiscal regime, Motor vehicle road users tax, Excise tax para sa matatamis na inumin at junk foods, Buwis sa pre-mixed alcohol at VAT sa digital service providers.


Nabatid na target na maaprubahan ngayong 19th Congress ang pitong panukala para sa mga nabanggit na dagdag na buwis bilang suporta sa medium-term fiscal framework.

Idinagdag pa ni Diokno na kapag naipatupad ang mga naturang tax measures ay makakalikom ang gobyerno ng P120.5 bilyon na dagdag sa kita para sa taong 2024.


Kapag nagtuluy-tuloy ay tataas pa aniya ang makokolektang buwis dito sa P152.2 bilyon sa 2025 at P183.2 bilyon sa 2026.


Samantala, inihayag naman ni Senador Chiz Escudero na bakit hindi tingnan ang luxury taxes kung magpapataw ng mga bagong buwis.


Ngunit kapag dapat nang ipatupad aniya ang mga bagong buwis, sinabi niyang mas gugustuhin niyang taasan ang luxury tax sa halip na mga road users, online, o value-added taxes.


Matatandaang sinabi ni Escudero na dapat ayusin muna ang tax collection sa halip na magpataw ng mga bagong buwis at bigyan ng dagdag-pasanin ang mga Pinoy.



 
 

ni Mai Ancheta @News | August 11, 2023




Sampung ahensya ng gobyerno ang humirit sa Department of Budget and Management (DBM) para taasan ang kanilang confidential at intelligence fund sa ilalim ng panukalang pambansang budget para sa 2024.


Tinukoy ni DBM Sec. Amenah Pangandaman ang mga ahensiyang humiling ng dagdag na intelligence at confidential funds partikular ang Department of Information and Communications Technology na humihiling ng P300 million; Department of National Defense, P60M; Presidential Security Group, P60M; Department of Agriculture, P50M; Bureau of Customs, P30.5M; Armed Forces of the Philippines, P60M; National Security Council, P30M; Office of the Ombudsman, P20.46M, at Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity, P6M.


Ang kabuuang halaga ng hinihinging confidential at intelligence fund ng nabanggit na mga ahensiya para sa susunod na taon ay P10.14 billion, kasama na rito ang P4.5M para sa Office of the President at P500M para sa Office of the Vice President.


Binigyang-diin ni Pangandaman sa mga mambabatas na kumukuwestiyon sa confidential at intelligence fund na ito ay gagamitin sa pambansang seguridad at kaligtasan ng bansa.



 
 

ni Mylene Alfonso | May 19, 2023




Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman noong Mayo 16, ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders (SARO) na may kabuuang halaga na nasa P7,684,844,352 para pondohan ang implementasyon ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Nasa 7,597,546 bilang ng mga benepisyaryo ang inaasahang makikinabang mula sa TCT.


“Hindi po natin pababayaan ang mga kababayan nating nangangailangan. Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., tutulong tayong siguruhin na ang ating mga kababayan, lalo na 'yung mga vulnerable o 'yung mga kailangang mabigyan ng kalinga at suporta,” ayon kay Pangandaman.


Ang P7.68 bilyong pondo na inaprubahan ay sasakop sa natitirang dalawang buwan ng TCT.


Nagbibigay ang programa sa mga benepisyaryo ng P500 kada buwan, kasama na rito ang administrative cost at bank charges.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page