top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 7, 2022



Nakapagtala ng 166 na panibagong kaso ng dengue nitong Abril 24-30 ang lungsod ng Zamboanga sa walong magkakasunod na linggo na sinasabing lumagpas sa epidemic threshold level ng naturang sakit.


Batay sa datos ng City Health Office (CHO), mas mataas nang 3,220% ang naitalang kaso nitong morbidity sa ika-17 linggo ng taon, sakop mula Abril 24-30, kumpara sa bilang nito sa nakaraang taon na nasa limang kaso lamang ang dengue.


Ayon sa pinakahuling tala ng CHO, nitong katapusan ng Abril ay umakyat na sa 1,659 ang kabuuang bilang ng dengue cases sa lungsod kung saan 14 umano sa mga tinamaan ng sakit ang naiulat na nasawi.


Samantala, patuloy pang binabantayan ng lokal na pamahalaan ang mga clustering ng mga kaso sa komunidad at pinalalakas pa ang fogging activities sa mga lugar at barangay na mayroong mataas na kaso ng dengue upang maiwasan ang patuloy pang pagtaas ng bilang ng mga dinarapuan nito.


 
 

ni Lolet Abania | May 2, 2022



Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa.


Sa isang media briefing ngayong Lunes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergerie na ang pagtaas ng mga dengue cases ay nai-record sa Regions 2, 3, 7, 9, at CAR.


“When we say pagtaas, we compare the number of cases today with the previous time period, the same time period last year. Para masabi natin if they are going or nearing the epidemic threshold na tinatawag,” paliwanag ni Vergerie.


“Sa ngayon mino-monitor natin closely ang mga areas na ito. Nakapagbigay na tayo ng assistance and guidance to these areas,” dagdag ng opisyal.


Noong nakalipas na buwan, idineklara ang dengue outbreak sa Zamboanga City, kung saan ang mga kaso ay umabot sa 893, kabilang dito ang 11 nasawi, sa panahon ng Enero 1 hanggang Abril 2. Hanggang nitong Abril 16, nakapag-record ang Zamboanga City ng 1,135 cases na may 14 na namatay.


Ayon kay Vergeire, para mapigilan ang posibleng epidemya ng dengue, kailangan aniyang i-activate ang mga dengue fast lanes at magbigay ng logistical assistance para sa mga apektadong lugar.


Paalala rin sa publiko ng opisyal na iobserba ang “four-S” para mapigilan ang mga dengue cases gaya ng search and destroy mosquito-breeding sites, seek early consultations, self-protection measures, at support spraying/fogging.


“So, we do the four-S – kailangan po natin maglinis ng ating mga paligid, ating likuran. Linisin po natin ang lahat ng nakakaipon ng tubig, lahat po ng mga kuyagot. Let’s do the four S every 4 pm,” giit ni Vergeire.


“We advised all local governments also to activate and mobilize their dengue brigades. Para po mapigilan natin ang further na pagkalat at pagtaas ng sakit na ito,” sabi pa niya.


 
 

ni Lolet Abania | April 12, 2022



Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Martes na nakitaan nila ng pagtataas ng dengue cases sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao Region matapos ang deklarasyon ng isang dengue outbreak sa Zamboanga City.


Sa isang media briefing, ipinaliwanag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa kabila na pagtaas ng dengue cases kamakailan sa bansa, ang lingguhang nai-report na kaso nito sa kabuuang ngayong taon aniya ay “still significantly lower” kumpara sa mga kaso na nai-record noong 2021.


“Sa ngayon, kapag tiningnan natin ang breakdown among different regions, doon natin nakikita ‘yung pagtaas. Aside from Zamboanga or Region 9, meron din tayong nakikitang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa Region 2, sa Region 6, at saka Region 11,” sabi ni Vergeire.


Ipinunto rin ng opisyal na ang mga kaso lamang sa Zamboanga City ang nag-exceed sa naitalang epidemic nito, kung kaya ideklara ang isang dengue outbreak sa lugar.


Ayon sa local na gobyerno, ang mga kaso ng dengue sa Zamboanga City ay umabot na sa 893, kabilang na 11 nasawi, mula Enero 1 hanggang Abril 2. Anila, 85 dengue cases ang nai-record sa morbidity sa week 13, kung saan 963% mas mataas sa parehong panahon noong 2021.


“The most probable cause for this rise in cases would be nag-uulan na po. So, kailangan lang talaga ng masusing linisin ang mga backyard natin, ang ating mga tahanan, ang ating mga pwesto sa komunidad, public spaces para mawala ang pinagbabahayan ng Aedes aegypti o ‘yung lamok na nakakapag-cause ng dengue,” saad ni Vergeire.


Nitong Lunes, ang DOH ay nakipag-ugnayan na sa regional health at government offices sa Zamboanga City habang nagtakda na rin ng mga preventive measures upang labanan ang naturang sakit.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page