top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 18, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 18, 2023





Kumunot ang noo ni Princess sa tanong na iyon ni Gabriel. Hindi niya maintindihan kung bakit hinahanap nito si Baninay na anak ng katulong ng mga Monteverde at aware rin siyang crush na crush nito Gabriel. 


Dinaluhong tuloy ng kaba ang kanyang puso. Bakit kailangan nitong hanapin ang babae? Nagtatakang tanong niya sa sarili. Gayunman, hindi naman siya nakaramdam ng pagseselos. Malaki ang tiwala niya sa kanyang nobyo at alam niyang mahal na mahal siya nito.


“Bakit mo siya hinahanap?” 

“Ha?”

“Bakit hinahanap mo si Baninay?”

“‘Di ko rin alam.”


Kumunot ang noo niya at sabay sabing, “malamang nasa bahay n’yo, gusto mo bang tawagan ko?”


Mabilis itong sumagot na para bang nakikipaglaban sa sarili. “No. Hindi ko rin alam kung bakit ko siya hinahanap.”


“Kumusta na ang pakiramdam mo?” 


Sa halip na mag-isip pa nang husto. Mas inalala niya pa rin ang kalusugan ng kanyang mahal. Hindi tuloy niya naiwasan ang makaramdam ng matinding pag-aalala. Mula kasi nang pasukin nito ang showbiz lagi na lang itong puyat, para tuloy gusto niyang sisihin ang kanyang sarili. Alam niyang malaki ang kinalaman niya kaya nangyari iyon. 


“Hey,” wika nito, at para bang gusto niyang umiyak ng mga sandaling iyon.


“I’m sorry.”


“Saan?” Nagtatakang tanong nito. 


“Dahil sa akin nagkaganyan ka,” tiyak niyang sabi. 


Marahang tawa ang pinawalan nito. “Huwag ka ngang mag-isip ng kung anu-ano.” 


Ibig sana niyang ngumiti, ngunit hindi niya magawa, at bigla na lamang siyang kinabahan. Bigla rin kasing pumasok sa kanyang isipan ang nakangising si Baninay. 


Kahit kasi sinasabi ng utak niya na malaki ang tiwala niya kay Gabriel. Parang may isang bahagi sa isip niya ang nagsasabi na magiging isang malaking banta ito sa relasyon nila ng kanyang nobyo. 


Dapat nga ba siyang kabahan? Ayaw sana ng utak niya. Ngunit, may pangamba sa puso niyang labis na umiibig lalo na ng pumasok sa isipan niya ang nakakainis na hitsura ni Baninay na nagsasabing, “pustahan, maaagaw ko siya sa’yo.” 



Itutuloy…


 

 

 
 
  • BULGAR
  • Dec 17, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 17, 2023




“Gumising ka na, mahal ko!” 


Ayaw pa sanang dumilat ni Gabriel dahil masakit na masakit pa ang kanyang ulo, pero parang may kung ano’ng klaseng kapangyarihan na tinataglay ang nagsalita kaya nagawa niya itong sundin. 


“Magandang umaga,” wika ni Princess. 


Lumapad ang ngiti niya nang makita niya ang babaeng mahal na mahal niya. Lumakas tuloy ang tibok ng kanyang puso. “Mas maganda ka pa sa umaga.”


Napahagikgik si Princess. Alam niyang kinilig ito. Ganu’n naman kasi talaga ito, kahit na korni ang kanyang sinasabi. Kaya naman, mahal na mahal niya ang kanyang nobya dahil nauunawaan nito ang kanyang damdamin. 


Kamusta naman ang pakiramdam mo?” Masuyong tanong nito sa kanya. 


Okey naman ako, ah. Ano bang nangyari?” Nagtataka niyang tanong. 


Bigla ka na lang hinimatay.”


“Ako?” Mangha niyang tanong. 


“Kaya tiyak na kung anu-ano'ng speculation ang lalabas niyan.”


Bahagyang tawa ang kanyang pinawalan. Naalala niya ang sinabi ni Princess dati.


Mahirap mabuhay sa mundo ng showbiz dahil laging nakasubaybay sa iyo ang lahat ng tao. Konti pagkakamali, huhusgahan na agad ang pagkatao mo.


“Baka sabihin nila buntis ako.” nag-aalalang sabi ni Gabriel. 


Natawa si Princess sa kanyang sinabi. Napangiti naman siya kahit kumikirot pa ang kanyang sentido. Pakiwari niya tuloy ay parang may gustong alisin sa kanyang memorya.  


“Basta ba ako ang ina.”


Kinilig naman siya sa hirit nito. Damang-dama kasi niya ang pagmamahal nito. “Walang ibang magiging ina ang mga anak ko, kundi ikaw lang.”


“Aba, dapat lang. Tandaan mo, may sumpaan tayo. Ikaw at ako lang.”


Siyempre, tandang-tanda niya ang kanilang pangako para sa isa’t isa at tutuparin niya iyon. Sa tingin naman kasi niya ay walang na siyang ibang kayang mahalin kundi ang kanyang nobya lang. 


Ngunit, may isang mukha na biglang nag-flash sa kanyang isipan, at 'di niya alam kung bakit. Hanggang sa bigla siyang nagtanong. “Nasaan si Baninay?”

 

Itutuloy…

 

 
 
  • BULGAR
  • Dec 16, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 16, 2023




“Kailan ba kayo magpapakasal?” Nananabik na tanong ng isang reporter na si Crispy Pata. 


Siyempre hindi ito ang tunay niyang pangalan, pero mas pinili niyang gawing katawa-tawa ito para umano mas madaling matandaan. Tama naman ang kanyang desisyon dahil isa siyang certified tsismosa ng taon. 


“Gusto mo ngayon na?” wika ni Gabriel Monteverde habang nakatingin sa kanyang kasintahan na si Princess Sandoval. 


Kahit hindi pa pormal na nagsasabi ang magkasintahan, pero sobra ang kilig na naramdaman ni Princess. Tiyak naman kasi niyang hindi lang pang-showbiz ang sagot ng kanyang nobyo.  Alam naman kasi niyang mahal na mahal siya nito. At siyempre, ganu’n din ang nararamdaman niya rito. 


“Ay, hindi puwede” sagot naman ni Princess. 


“Ibig sabihin, hindi mo pakakasalan si Gabriel?” Manghang tanong ni Crispy Pata. 


Kahit kinakabahan si Gabriel, mas naniniwala siya sa pag-ibig ni Princess, kaya nasisiguro niyang hindi siya nito ipapahiya sa buong mundo. 


“Hindi tayo puwedeng ikasal ngayon dahil wala namang pari eh,” wika ni Princess habang matamis na matamis ang pagkakangiti sa kanya. 


“So ibig sabihin, handa na kayong magpakasal?” Manghang tanong ni Crispy Pata. 


“Oo naman, wala naman akong ibang gugustuhing makasama kundi si Gabriel.”


Gusto ring sang-ayunan ni Gabriel ang sinabi ng kanyang nobya, pero bigla siyang natigilan dahil may boses siyang naririnig sa kanyang utak na paulit-ulit na nagsasabi ng mga salitang “akin ka, akin ka, akin ka!


“Love…?” Tawag sa kanya ni Princess. 


Napansin ni Princess na putlang-putla si Gabriel kaya hinawakan niya ang kamay nito at laking gulat niya na sobrang lamig nito. 


“Ano’ng nangyayari?” Tanong naman ni Crispy Pata. 


Gusto sanang sagutin ni Gabriel ang katanungan iyon, pero parang binabarena na ngayon ang kanyang utak. 

 

Itutuloy

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page