top of page
Search
  • BULGAR
  • Jan 20, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 20, 2024



ree

Akala ni Princess ay magagawa niyang kalimutan na minsan sa kanyang buhay ay gumawa rin siya ng ritwal para mapaibig ang kanyang pinakamamahal na si Gabriel Monteverde. 


Ngunit mali siya roon, sapagkat ngayon ay para itong bangungot na palagi niyang naiisip. Noon, hindi talaga siya pinapansin ni Gabriel, at binabalewala lang nito ang kanyang pagpapa-cute. 


Si Princess Sandoval ay isang campus princess, mapapahiya siya nang husto sa lahat kung ibang babae ang magugustuhan ni Gabriel, kaya kahit magmukha siyang katawa-tawa sa paningin ng iba, nag-research siya kung paano gayumahin ang isang tao, alam niyang isang malaking kalokohan ang kanyang gagawin pero wala siyang pakialam. Ang mahalaga ay mahal niya si Gabriel kaya handa niyang gawin ang lahat para lamang mahalin siya ng binata. 


Matapos niya ibulalas ang ritwal na nagsasabi na mamahalin siya ni Gabriel, laking gulat niya dahil hindi na nga siya tinantanan nito. Mula noon ay palagi na itong nakabuntot sa kanya. 


Napangisi siya nang husto, hindi niya kasi lubos akalain na sa unang subok palang ay gagana na agad ang ritwal na kanyang ginawa. Siguro dahil isinapuso niya ang mga katagang kanyang binibigkas kaya matapos niyang gawin ang ritwal na iyon, ito ay agad na umepekto. 


“Ang lalim naman nang iniisip ng mahal ko,” wika ni Gabriel.


“Mabuti na lang hindi ka tinablan ng gayuma,” sagot niya. 


“Hindi ako tatablan ng gayuma. Sabi ko nga sa’yo, mas matindi ang pagmamahal na ibinibigay ko para sa’yo.” Pagmamalaking sambit ng kanyang nobyo

“Pero, paano kung ginayuma rin kita?” Wika niya sabay harap kay Gabriel. 


‘Ika nga sa kasabihan, “walang lihim na hindi nabubunyag.” Kaya naisip niyang aminin na rito ang katotohanan. 

Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Jan 19, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 19, 2024



ree

“May iba pa bang nanggagayuma kay Gabriel kaya hindi ito tinatablan ng gayumang ibinibigay ko?” Manghang tanong ni Baninay sa kanyang sarili. 


Iyon lang naman kasi ang naisip niyang dahilan kaya balewala rito ang panggagayuma niya. 


Ipinilig niya ang kanyang ulo pagkaraan, imposible naman kasing mangyari iyon.


Ngunit, bigla siyang natigilan nang may ideyang pumasok sa kanyang isipan. 


“Hindi kaya ginayuma rin ito ni Princess?” 


Umiling siya. Para naman kasing imposibleng mangyari iyon. Napakaganda na ni Princess kaya hindi na nito kailangan pang gayumahin si Gabriel. 


“Sure ka?” Dudang tanong niya sa kanyang sarili.


Wala naman na kasing pupuwedeng manggayuma kay Gabriel kundi si Princess lang. Kahit tuloy maganda si Princess ay parang gusto niyang magduda rito. 


“Paano nga kung dati ay hindi naman talaga type ni Gabriel si Princess?” 


Ibig sana niyang matawa sa naisip niyang 'yun, pero bigla rin siyang natigilan. Sa mundong ito naman kasi, hindi lahat ng gusto mo ay makukuha mo. 


“Paano nga kung…?”  


Naisip niya na mas maigi kung mag-imbestiga siya. Kahit naman kasi komprontahin niya si Princess, hindi pa rin ito aamin, at magmumukha lang siyang kontrabida. 


Ngunit, pakiramdam niya ay may lihim siyang matutuklasan kung magiging matalino lang siya. Siyempre, ang una niyang dapat gawin ay ang mag-imbestiga. 


Kahit sinasabi ng utak niya na imposible ang naiisip niya, ang atribidang bahagi naman ng kanyang isipan ay nagsasabing, “paano nga kaya?”  


So, ano'ng dapat niyang gawin at saan siya dapat magsimula?


“Saan pa nga ba kundi sa eskwelahan,” nakangisi niyang sabi. 


Paniguradong du'n nagsimula ang kanilang kuwento. 


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Jan 15, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | January 15, 2024



ree

“Makukuha ko rin ang gusto ko,” nakangising sabi ni Baninay habang sinasabi ang mga katagang iyon. 


Sa ngayon, gagamitin muna niya ang katawan ni Princess para kamuhian ng publiko ang tunay na Princess. Sa mata ng nakararami, siya si Princess, at dahil hindi na makikita ng publiko na magkasama sila ni Gabriel, kailangan niyang magpaawa sa lahat.


Hindi man niya makuha ang pag-ibig ni Gabriel sa ngayon, nasa kanya naman ang simpatiya ng publiko. Tiyak pa niyang iba-bash nang iba-bash ang tunay na Princess. 


“Ngunit, maaapektuhan kaya sila?” Dudang tanong niya sa kanyang sarili. 


Sa ilang taon ni Princess sa showbiz industry, alam niyang gamay na ng dalaga kung paano dedmahin ang mga bashers.


“Kung hindi na talaga ‘ko mahal ni Gabriel, matatanggap ko naman, eh. Kaso makapangyarihan ang babaeng ipinalit niya sa akin,” wika niya sabay hagulgol. 


Kailangan niyang magmukhang kaawa-awa sa paningin ng lahat. 


“Ibig bang sabihin ay mayaman at maimpluwensyang babae ang bago ni Gabriel?” Interesadong tanong ng isang sikat na showbiz reporter.


Iyon nga lang ay hindi niya alam ang pangalan nito, pero tiyak niyang ito ang tinatawag na Ateng.  


“Hindi, may alam siya sa black magic. Ginayuma niya lang ang boyfriend ko,” wika niya sabay hagulgol. 


Muli ay mistulang nagkaroon ng madaming bubuyog sa paligid. Panay ang bulungan, kaya naman para may mapatunayan siya, ipinakita niya sa projector ang hitsura ni Baninay. 


“Siya po ang kinalolokohan ng nobyo ko ngayon. Sige nga, sabihin n'yo sa akin na maiinlab ba si Gabriel sa babaeng ‘yan?


“Siya ang babae?” Hindi makapaniwalang tanong ng mga ito. 


“Ay, ang pangit!” Pagdaragdag pa ng mga ito. 


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page