top of page
Search
  • BULGAR
  • Feb 2, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 2, 2024



ree

Alam ni Gabriel na masasaktan si Glaiza sa kanyang sinabi, pero ayaw na niyang magkunwari pa. 


“Ano'ng sinasabi mo riyan?” Gulat nitong tanong sa kanya. 


“Ginamit lang kita.” 


Hindi niya ito gustong ipagmalaki, pero sa palagay niya ay kailangan niya na itong sabihin dahil nabubuwisit na rin siya sa pangungulit ni Glaiza. 


“ Sa paanong paraan mo ko ginamit?” Hindi pa rin makapaniwalang tanong nito. 


“Gusto ko lang makita at malaman kung magseselos ba si Princess.” 


Walang anu't ano, agad na sinampal ni Glaiza ang binata,  pero hindi niya ito ininda.


Alam niya kasing mas nasaktan niya ang damdamin ng dalaga. 


“Hindi mo man lang ba ako minahal? Kaya ba napakadali lang sa iyo na iwanan ako?


Minahal kita, Gabriel!”


Hindi agad nakakibo ang binata, at para bang gusto na lamang niyang magsisi. Ngunit, ayaw naman niyang paniwalain pa ito sa kanyang naging kasinungalingan. Mas maiging itama na niya ang kanyang naging pagkakamali.  


“Makakatagpo ka rin naman ng mas better. Akala ko nga ay nagawa mo na akong kalimutan dahil sampung taon na rin naman ang nagdaan.”


“Mahirap kalimutan ang unang pag-ibig.”


“Hangad kong matagpuan mo ang kaligayahan na hangad at deserve mo. Glaiza, hindi mo sa akin matatagpuan ‘yun. Hindi kita mahal, at hindi ikaw ang makakapagpaligaya sa akin.”


“Nagkamali ako na bumalik pa ako sa’yo. Akala ko, magagawa pa kitang ipaglaban sa babaeng nanggayuma sa’yo.”


“Ang gayuma ay tumatalab lang kapag ang nanggayuma sa akin ay mahal ko rin. Ang gayuma ay nagsisilbing lakas ng loob para tanggapin ang katotohanan.”


“Hindi mo ba ginayuma ang babaeng iyon?”


“Hindi ko siya ginayuma st hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin sa’yo noon na hindi talaga kita minahal. Glaiza, ginamit lang kita.”


“Isusumpa ko kayo ni Princess!” Galit nitong sigaw na nakakapangilabot, at para bang sinasabi nito na hindi ito papayag na ‘di makaganti. 


Itutuloy…

 
 
  • BULGAR
  • Feb 1, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 1, 2024



ree

Hindi alam ni Gabriel kung bakit hindi niya magawang iwan si Glaiza kahit na mabuti na ang kalagayan nito. Iniisip na lamang niya na naging bahagi rin naman ito ng kanyang buhay. 


“Minahal ko ba ito nang todo?” Tanong niya sa kanyang sarili. 


Agad siyang napailing sa kanyang katanungan, alam niya kasi sa kanyang sarili na iisang babae lang ang kanyang minahal. 


“Princess…?” Mangha niyang bulalas nang maalala niya ito. Dumagundong ang kabog ng kanyang dibdib dahil hindi niya ito makita, at para bang gusto niyang batukan ang kanyang sarili dahil hindi niya ito napansin. 


“Hey…”

Biglang kumabog ang kanyang dibdib dahil sa kaba na baka iwanan siya ni Princess, ngunit natigilan naman siya nang marinig niya ang pagtawag ni Glaiza. 


“Kumusta na ang pakiramdam mo?” Masuyo niyang tanong sa dalaga, ngunit alam niyang walang ibig sabihin ang pag-aalala niyang iyon. 


Ngumiti ito sa kanya at sabay sabing, “Mabuti na dahil nakita na kita. Salamat at ikaw ang una kong nakita.”


Marahan siyang tumango rito. Hindi naman kasi niya alam kung ano ba ang kanyang sasabihin. 


“Mahal pa rin kita,” walang pakundangang sambit ng dalaga. 


“Salamat,” wika niya.


“Hindi mo ba sasabihin sa akin ang salitang I love you too?” nanunudyong tanong nito sa kanya. 


“May girlfriend ako.” paalala niya rito. 


“Si Princess?” dudang tanong nito. 


Ngumiti muna siya bago ito sinagot. “Yes, at wala ng iba.”


“Mahal mo ba talaga siya?”


Mabilis ang pagsasalita niya ng, “Mahal na mahal.”


“Kahit na ginayuma ka lang niya?”


Kumunot ang kanyang noo sa sinagot ni Glaiza. Kahit na narinig niya na iyon kay Princess. 


“Tayo ang tunay na nagmamahalan dito. Bumalik ka na sa akin.” 


“Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.  Basta ang alam ko, mahal na mahal ko si Princess.”


“Pero…”


“Oo, niligawan kita kahit na si Princess ang tunay kong mahal.” 


Itutuloy…

 
 
  • BULGAR
  • Jan 31, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 31, 2024



ree


Wala namang sinabi si Gabriel na hindi na siya mahal nito. Ngunit, mas pinili ng dalaga na huwag na munang magpakita rito. Deep inside, nag-e-expect pa rin siya na makikipagkita at makikipag-ayos ito sa kanya, pero malabo na iyon mangyari.


Masyado na kasi itong busy kay Glaiza. 


Magmula nang dumating si Glaiza, parang nagka-amnesia si Gabriel, binabalewala na niya ang kanyang nobya na si Princess. May karapatan bang magalit si Princess kina Glaiza at Gabriel?


Ang malinaw na sagot d’yan ay wala. Kung tutuusin, siya ang nanggulo sa relasyon ng dalawa kaya dapat lang na magdusa siya ngayon. Sabi naman ng mga ritualist, maaaring ulitin ang pagbibigay ng gayuma kay Gabriel, pero hindi na niya maaatim na gayumahin itong muli. Ang ibig niya ay maging masaya na talaga si Gabriel.


Naramdaman naman ni Princess na naging masaya ang kanyang nobyo.


Ngunit, hindi siya nakasisiguro kung tunay nga ba ito o dahil lang sa gayumang kanyang binigay. Isa pa, ibang mukha na ang nakikita nito sa kanya, kaya alam niyang isa ‘yun sa dahilan kaya madaling naglaho ang gayuma niya rito. Mahal na mahal niya si Gabriel kaya naisip niyang mas maigi pa sigurong magpakalayu-layo na muna dahil hanggang nasa tabi niya si Gabriel, tiyak na masasaktan lang siya. 


Ngunit siyempre, hindi na niya kailangang ipaalam sa binata at sa kanyang mga magulang ang kanyang pinaplanong gawin. Nakatitiyak kasi siyang hindi siya papayagan ng mga ito. 


Pero, hindi ba dapat magpokus siya kung papaano niya maibabalik ang kanyang hitsura? Marahas na buntong hininga ang pinawalan niya. Kung wala rin naman sa kanya si Gabriel, wala na siyang pakialam kung anong mukha pa ang mayroon siya ngayon. 


Itutuloy…

 
 
RECOMMENDED
bottom of page