top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | May 3, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #393



Sa mga baryong karaniwang payapa ang gabi, may mga sandaling napapalitan ang katahimikan ng ingay ng kasiyahan—musika, tawanan, at sayawan. Pista, isang gabing pinagdiriwang, kung saan ang buong komunidad ay nagtitipon upang magsaya.


Ngunit may mga gabing, sa gitna ng kasiyahan, may isang pangyayaring babasag sa lahat, hindi lamang sa katahimikan ng gabi, kundi maging sa diwa ng pagdiriwang.


Sa ganitong mga pagkakataon, mabilis ang pagdaloy ng mga tanong, “Sino ang may sala?” at “Sino ang dapat managot?”


Subalit sa mata ng batas, ang sagot ay hindi maaaring ibatay sa hinala lamang. Sapagkat nananatiling matibay ang isang prinsipyong hindi matitinag—ang presumption of innocence. 


Ang bawat akusado ay itinuturing na walang sala hangga’t ang kanyang pagkakasala ay hindi napapatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Batay sa kasong People of the Philippines v. Rey Vergel E. Faller, Criminal Case No. L-6526, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 57, Libmanan, Camarines Sur, sa panulat ni Hon. Judge Irma Isidora M. Boncodin-Zamudio, sinuri ng hukuman kung sapat ba ang ebidensya upang hatulan ang akusado sa kasong murder sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code (RPC). 


Ayon sa impormasyon, noong ika-8 ng Enero 2017, bandang alas-3:00 ng madaling araw, sa Brgy. Sagrada Familia, Sipocot, Camarines Sur, kasabay ng kasagsagan ng kapistahan—ang biktima na tatawagin nating “Alyas Roland” ay diumano’y pinagsasaksak, na nagdulot ng kanyang kamatayan.


Ang gabi na sana ay para sa sayawan at kasiyahan ay nauwi sa trahedya. Ang itinurong responsable sa krimen ay ang akusado na itago na lamang natin sa pangalang “Alyas Marco.”


Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang kanilang mga saksi upang buuin ang kuwentong nangyari—hindi sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay, kundi sa pamamagitan ng mga pangyayaring diumano ay magtuturo sa akusado.


Si “Alyas Alex,” isang barangay tanod, na nagpatunay na siya ay nasa plaza noong gabing iyon dahil sa fiesta. 


Ayon sa kanya, bandang alas-2:00 ng madaling araw, may nagsabi sa kanya na mayroong taong nasaksak. Nang kanyang puntahan, natagpuan niya ang biktima na wala nang buhay. Wala umano siyang nababalitaang alitan sa pagitan ni “Alyas Marco” at ng biktima na si “Alyas Roland”.


Isinalaysay naman ni “Alyas Christian,” na bago ang insidente, nakita niya si “Alyas Marco” na nakasakay sa motorsiklo kasama ang dalawang angkas, patungo sa direksyon, kung saan kalaunan ay natagpuan ang katawan ng biktima na si Roland.


Makalipas ang ilang sandali, narinig niya ang balita na may nasaksak.

Ngunit sa kanyang testimonya, inamin niyang hindi niya nakita ang mismong insidente ng pananaksak. Ang kanyang kaalaman ay limitado sa mga pangyayaring naganap bago at pagkatapos nito.


Si “Alyas Helen,” kamag-anak ng biktimang si Roland, ay nagsabing narinig niya ang salitang “Roland, patay na ako,” habang siya ay nasa kanilang bahay. Subalit sa kanyang pagsisiyasat, wala siyang personal na nakita kung sino ang umatake sa biktima. Ang kanyang kaalaman ay batay lamang sa kanyang narinig at sa mga kuwentong nakalap matapos ang insidente.


Mahalaga ring bahagi ng ebidensya ang testimonya ni SPO4 Joven, ang imbestigador ng kaso. 


Ayon sa kanya, may natagpuang dugo sa sweatshirt ni “Alyas Marco.” Gayunman, nang ipadala ito sa crime laboratory, hindi naisagawa ang mahalagang pagsusuri. 


Ang dahilan, walang maibigay na blood sample mula sa pamilya ng biktima upang maikumpara ang dugong natagpuan sa damit ng akusado.


Sa kabila ng pagkakaroon ng blood stains, hindi napatunayan kung ito nga ba ay nagmula sa biktima. Sa madaling salita, ang isang mahalagang ebidensya na sana ay maaaring magbigay-linaw sa kaso ay nanatiling hindi napakinabangan.


Sa kabilang banda, sa tulong ni PAO Lawyer, Atty. Anthony Lorcha Belleza, mariing itinanggi ni “Alyas Marco” ang paratang laban sa kanya.


Ayon sa kanya, siya ay nasa plaza noong gabing iyon, nakiki-fiesta at nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga kaibigan. Bandang hatinggabi, siya ay umuwi at natulog. Kinaumagahan, saka lamang niya nalaman na siya ay iniimbestigahan kaugnay ng insidente.


Ang kanyang depensa ay suportado ng kanyang mga saksi na nagpatunay sa kanyang presensya sa ibang lugar noong oras ng krimen.


Sa pagresolba ng kaso, malinaw ang naging sentro ng pagsusuri ng hukuman, sapat ba ang circumstantial evidence upang patunayan ang pagkakasala ni “Alyas Marco” nang lampas sa makatuwirang pagdududa?


Ipinaalala ng hukuman na ang circumstantial evidence ay maaaring maging sapat upang maghatol ng pagkakasala kung ito ay bumubuo ng isang tuluy-tuloy at hindi napuputol na kadena ng mga pangyayari na humahantong sa iisang konklusyon, na ang akusado at wala nang iba ang may sala.


Subalit sa kasong ito, bagama’t may ilang pangyayaring ipinakita ang tagausig, tulad ng presensya ni “Alyas Marco” malapit sa lugar ng insidente, ang umano’y suot niyang damit na may bahid ng dugo, at ang mga narinig na pahayag ng mga saksi—ang mga ito ay hindi sapat upang bumuo ng isang matibay na kadena ng ebidensya.


Ang mga pangyayaring ito ay hindi direktang nag-uugnay kay “Alyas Marco” sa mismong krimen. Walang saksi na nakakita sa aktuwal na pananaksak. Ang mga testimonya ay pawang nagpapakita lamang ng mga pangyayaring maaaring may kaugnayan, ngunit hindi nagbibigay ng katiyakang siya nga ang may sala.


Lalong pinahina ng kakulangan ng blood sample ang kaso ng tagausig. Ang dugong natagpuan sa sweatshirt ni “Alyas Marco” ay nanatiling isang pahiwatig lamang, at hindi isang matibay na patunay.


Sa kabuuan, ang mga ebidensya ay nagdulot lamang ng hinala, hindi ng katiyakan. Sa ating mga batas penal, ang hinala, gaano man kalakas, ay hindi kailanman maaaring pumalit sa patunay na lampas sa makatuwirang pagdududa. Sa huli, pinawalang-sala si “Alyas Marco,” dahil sa kabiguang mapatunayan ang kanyang pagkakasala.


Sa ganitong mga pagkakataon, hindi lamang isa ang pinanggagalingan ng daing. May daing ang pamilya ng biktima, sapagkat ang hustisyang kanilang inaasam ay tila nananatiling mailap. Ngunit may daing din ang akusado—isang taong kinailangang ipagtanggol ang sarili laban sa isang mabigat na paratang na hindi napatunayan nang sapat.


Sapagkat sa ilalim ng batas, ang kalayaan ng isang tao ay hindi maaaring ipagkait batay lamang sa mga pahiwatig, sa mga salaysay na hindi tiyak, at sa ebidensyang hindi ganap.


Sa gitna ng isang gabing puno ng kasiyahan, isang buhay rin ang nawala. Ngunit sa harap ng hukuman, ang katotohanan ay nanatiling nababalot ng pagdududa. Sa mga ganitong kaso, ang batas ay nananatiling tapat sa kanyang paninindigan, na mas mabuti nang makalaya ang isang posibleng nagkasala kaysa makulong ang isang taong hindi napatunayang may sala.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | April 27, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #392



Ang mag-asawang Jane at Alex, ang tumayong magulang ng kanilang tatlong apo na sina Princess, 9-anyos; Prince at Ann, kapwa 6-anyos. 


Sila ang nag-alaga at nag-aruga sa tatlo mula nang sanggol pa lamang ang mga ito. Kung kaya’t isang napakapait na karanasan para sa kanila nang kitilin ang musmos na buhay ng kanilang mga apo. 


Ang noon ay masaya bagaman payak nilang tahanan, napalitan ng lungkot at labis-labis na sakit bunsod ng isang malagim na pangyayari - ang kamatayan ng tatlong bata.


Ang mga inakusahan sa walang awang pamamaslang sa tatlong batang biktima ay sina Maricris at Abegail. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kaso laban sa kanila, na mayroong pamagat na People of the Philippines vs. Maricris Bazar y Bello (G.R. No. 259037, September 29, 2025), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ricardo R. Rosario.


Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC), nagsabwatan at nagtulungan sina Maricris at Abegail, kasama ang dalawang hindi pa nakikilala at natatagpuan na mga John Does, na nilooban at pinagnakawan ang bahay ng mag-asawang Jane at Alex. Armado ng kawayan at sa pamamagitan ng karahasan at pananakot, nang walang kaalaman at pahintulot ng mag-asawa, tinangay ng mga inakusahan ang pera at alahas ni Jane na mayroong kabuuang halaga na P95,000.00. 


Bunsod ng nasabing pagnanakaw, nagtulungan ang mga inakusahan, nang mayroong puwersa, pagbabanta at pananakot, at paggamit ng higit na lakas, na pinukpok ang ulo ng mga apo ng mag-asawa na sina Princess, Prince at Ann, na nagdulot sa kanila ng matinding pinsala at ng kanilang kagyat na pagkamatay. 


Ang nasabing krimen ay naganap sa isang barangay sa Lipa City, Batangas noong ika-26 ng Hulyo 2015.


Batay sa bersyon ng tagausig, umalis ng kanilang bahay sina Jane at Alex noong madaling araw ng ika-26 ng Hulyo 2015. Sila ay patungo sa palengke, na 20 hanggang 30 metro lamang ang layo sa kanilang bahay, kung saan sila ay nagtitinda ng mga gulay. 

Diumano, si Princess pa ang nagsara ng kanilang pintuan at bumalik lamang sa pagtulog kasama ang dalawang nakababatang kapatid. 


Sa paglipas ng umagang iyon, nagtaka umano si Jane, dahil hindi pa sumusunod sa palengke ang kanilang mga apo. Gayunman, naisip niya baka natutulog pa ang mga ito, dahil Linggo naman noong araw na iyon. Pinapunta na lamang diumano ni Jane sa kanilang bahay ang kanyang pamangkin na si Arthur upang dalhan ng almusal ang tatlo. 


Pagkarating diumano ni Arthur sa nasabing bahay, bukas na ang pinto at basag ang mga bintana na mayroong bakas ng dugo. 


Natagpuan diumano ni Arthur si Princess na duguang nakahiga sa kama. Mabilis at nanginginig na tumakbo si Arthur pabalik sa palengke, at agad na ipinaalam kina Jane ang nadatnan. 


Dali-dali umanong umuwi sina Jane at nakita rin niyang bukas na ang kanilang pinto, basag ang mga bintana, mayroong mga dugo na nagkalat sa pader at kisame, basag na bote, nagkalat na mga tsinelas, at wasak na electric fan. 


Pag-akyat diumano ni Jane, tumambad ang wala nang buhay na mga katawan ng kanyang mga apo. Mayroon umanong malaking hiwa sa noo si Princess, habang sina Prince at Ann ay mayroong mga pasa sa mata at pinsala sa mukha. 


Nadiskubre din umano ni Jane na wala na ang kanyang wallet na naglalaman ng P40,000.00, at ang kanyang bracelet na nagkakahalaga ng P55,000.00.


Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis, at kanilang napag-alaman mula kay Balbina, ang nagpapaupa sa kalapit na bahay, na umalis nang walang paalam ang mga nangungupahan sa kanya na sina Maricris at Abegail, pati na ang kasama ng mga ito. 

Nang siyasatin ang bahay ni Balbina, nakita umano ng mga pulis ang mga bakas ng dugo sa pader at mga damit sa loob ng palikuran. Nakita rin umano ang isang maliit at isang malaking tuwalya, isang t-shirt at isang kurtina na mantsado ng dugo, pati ang isang bilog na kawayan na mayroong mga bakas ng kamay na may dugo. 


Batay pa sa testimonya ni forensic serologist Police Chief Inspector Adag, mayroon siyang natanggap na markadong ebidensya - isang tuwalya na mayroong nakasulat na, “I'm sorry, kung anuman ang nagawa ko, sorry.”


Mariing pagtanggi naman ang iginiit nina Maricris at Abegail, diumano, sila ay mga waitress sa isang bar noong maganap ang insidente. Nagsimula umanong mangupahan si Abegail, kasama ang kanyang mga paslit na anak, sa bahay ni Balbina dalawang linggo bago maganap ang insidente. Sa parehong bahay na iyon nangupahan si Maricris, kasama ang nobya at isang kaibigan nito.


Diumano, nasa trabaho si Abegail noong gabi ng Hulyo 25, 2015 at nakauwi sa inuupahan bandang alas-4:00 ng umaga noong Hulyo 26, 2015. 

Kasama niya umanong natulog ang kanyang mga anak. Nagising na lamang umano siya bandang alas-8:00 ng umaga, dahil sa mga sigaw sa labas ng bahay patungkol sa pamamaslang sa mga bata. 


Nanatili lamang umano sila sa loob ng bahay, kasama sina Maricris. Hindi rin umano umalis ng bahay si Abegail noong umagang iyon at nanatili pa roon ng tatlong araw matapos ang insidente. Si Maricris, at ang nobya at kaibigan nito ay umalis diumano bandang alas-10:00 ng umaga noong Hulyo 26, 2015.


Ayon naman kay Maricris, sila ng kanyang mga kaibigan ay nag-inuman noong gabi ng Hulyo 25, 2015. Nasa trabaho umano si Abegail, kaya’t siya ang kasabay ng mga anak ni Abegail na natulog bandang alas-10:00 ng gabing iyon. 


Kinaumagahan, nakarinig diumano sila ng mga sigaw dahil sa insidente ng pamamaslang sa mga bata. Umalis at nagpunta diumano sila ng kanyang mga kaibigan sa simbahan ng umagang iyon. Bumalik sila sa inupahang bahay, ngunit umalis ding muli. Siya ay nagpunta sa isang birthday party, ang mga kaibigan niya ay umuwi naman sa kani-kanilang mga bahay.


Diumano, nakatanggap ng text si Maricris mula kay Abegail na mayroon nang nakapatong na gantimpala sa ulo niya kaugnay sa insidente ng pamamaslang. kung kaya’t hindi na siya bumalik pa sa inupahang bahay. 


Pinakinggan din umano niya ang payo ng kapitan ng kanilang barangay na huwag munang babalik sa inupahang bahay hangga’t hindi nalilinis ang kanilang pangalan sa pagkakasangkot sa naturang insidente.


Matapos ang paglilitis, pinawalang-sala ng RTC si Abegail. Naitaguyod ang kawalan niya ng kasalanan, sapagkat siya ay nasa trabaho noong oras na napaslang ang mga biktima. 


Sa kabilang banda, hinatulan si Maricris para sa krimen na robbery with multiple homicide. Nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na siya ang may-akda sa krimen batay sa sumusunod na circumstantial evidence na ipinresenta ng Tagausig, na:


(1) nasa katabing bahay lamang si Maricris at ang kanyang mga kaibigan noong gabi ng Hulyo 25, 2015;


(2) noong umaga ng Hulyo 26, 2015, nadiskubre ni Balbina na wala na sila sa inupahang bahay at ang mga gamit doon ay nakabulaslas at sira na;


(3) hindi nagpaalam at iniwan nina Maricris ang kanilang mga gamit sa inupahang bahay;


(4) hindi na bumalik pa sa inupahang bahay si Maricris upang kunin ang kanilang mga gamit;


(5) tumakas at nagtago si Maricris; at


(6) mayroong nakalap na ebidensya ang mga pulis na mga tuwalya, damit at kawayan na mayroong mga mantsa ng dugo.


Naghain ng apela si Maricris sa Court of Appeals (CA). Kanyang iginiit na hindi sapat na naitaguyod ng ebidensya ng tagausig na siya ang salarin sa krimen sapagkat: (1) hindi lamang siya ang umukupa sa inupahang bahay at ang kanyang naging pangungupahan ay hindi nangangahulugan na siya na ang may-akda ng krimen; (2) hindi maaaring nanatili pa si Abegail sa naturang bahay ng ilang araw nang hindi nito napansin ang sinasabing mga bakas ng dugo sa pader at mga damit sa palikuran na mayroong mantsa ng dugo; (3) walang katibayan na hindi ginalaw at nakompromiso ang kanilang inupahang bahay mula noong nakatira pa sila roon hanggang sa sila ay umalis dahil ininspeksyon lamang ito ng mga pulis pagkatapos na mailibing ang mga batang biktima; (4) hearsay lamang ang testimonya ni Jane kaugnay sa kondisyon ng inupahang bahay, sapagkat wala siyang personal na kaalaman ukol dito; at (5) ang pag-alis sa isang lugar ay hindi agad nangangahulugan ng pagkakasala dahil maaaring ito ay bunsod ng takot na maling mapagbintangan o maaresto.


Pinagtibay ng CA ang desisyon ng RTC, bahagyang iniba lamang ang katawagan sa krimen bilang Robbery with Homicide.


Gayunman, hindi niya tanggap ang nasabing desisyon, kaya naghain si Maricris ng apela sa Korte Suprema. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan A.V. Caburnay mula sa PAO-Special and Appealed Cases Service, iginiit ng depensa na hindi naitaguyod ng circumstantial evidence ng tagausig na si Maricris ang salarin sa krimen.


Kaya muling pinag-aralan ang ginawa sa kaso ni Maricris. Sa kanilang pagdedesisyon, ipinaalala ng Korte Suprema na kinakailangang sundin ang apat na saligang tuntunin sa pagsusuri ng kahalagahan ng circumstantial evidence, alinsunod sa kanilang desisyon sa kasong People v. Monje, (438 Phil. 716 (2002) [Per Honorable Associate Justice Josue N. Bellosillo, En Banc]): una, dapat isaalang-alang ang naturang ebidensya nang mayroong pag-iingat; ikalawa, dapat ay naaayon ang mga ito sa teorya ng pagkakasala ng akusado; ikatlo, dapat ay nabubukod ang iba pang teorya maliban sa pagkakasala ng akusado; at ikaapat, dapat maitaguyod nang mayroong katiyakan ang pagkakasala ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Maliban sa mga ito, ang circumstantial evidence ay kailangan na pahalagahan nang sama-sama at hindi nang bukod-bukod.


Bagaman tumira ang mga inakusahan sa bahay na katabi lamang ng pinangyarihan ng krimen, naging kapuna-puna sa Korte Suprema na hindi lamang sila ang umukopa rito. 

Batay sa testimonya ng may-ari ng nasabing bahay, sampung katao ang umukopa rito.


Batay rin sa testimonya ni Jane, bagaman tuluyan na umalis sa naturang bahay ang mga akusado, mayroon ding tatlong hindi nakilalang mga lalaki ang umalis mula sa nasabing bahay. Hindi rin mabigyan ng kredibilidad ang testimonya ni Balbina, sapagkat hindi niya alam kung anong oras umalis ng bahay si Maricris dahil maging siya mismo ay umalis noong umagang iyon upang magpunta sa palengke. 


Sa kabilang banda, batay sa testimonya ni Abegail, naunang umalis sa kanya si Maricris noong araw ng insidente at bumalik din ng parehong araw na iyon; hindi rin umano nakakalat ang mga damit ni Maricris. Wala ring nabanggit si Abegail kaugnay sa mga bakas ng dugo sa pader at sa mga damit sa loob ng palikuran gayung nanatili pa siya sa inupahang bahay ng tatlong araw matapos ang insidente.


Sa pag-uugnay naman ng pagtakas at pagtatago sa pagkakasala ng akusado, binigyang-diin ng Korte Suprema na ang pagtakas at pagtatago ay hindi tiyak na nagtataguyod ng pagkakasala, bagkus isa lamang itong posibilidad. Hindi rin umano madadaig ng alegasyon ng pagtakas at pagtatago ang pagpapalagay sa kawalan ng kasalanan ng akusado sa ilalim ng ating Saligang Batas. Mahalaga na mayroon pang ibang ebidensya na nagtataguyod ng pagkakasala ng akusado. Pagpapaalala ng Korte Suprema, kahit sa mga karumal-dumal na krimen, maraming maaaring hindi masamang dahilan ng pagtakas o pagtatago ng akusado, kabilang na rito ang takot sa paghihiganti kung sila ay magsasalita kaugnay sa kanilang nalalaman, ang hindi nila pagnanais na tumayo bilang saksi, at ang takot na maling mapagbintangan o maaresto. 


Sa kasong ito, naunawaan ng Korte Suprema ang paliwanag ni Maricris na nagpasya lamang siya na hindi na bumalik pa sa inupahang bahay bunsod ng takot noong malaman na mayroon nang nakapatong na gantimpala sa kanyang ulo at na tumalima lamang siya sa payo ng kanilang kapitan na huwag munang babalik hangga’t hindi pa nalilinis ang kanilang pangalan. 


Nakita rin ng Korte Suprema ang panananatili pa ni Maricris ng ilang oras sa inupahang bahay matapos na naganap ang krimen, at bagaman siya ay umalis ay bumalik din noong araw na iyon.


Sa kabilang banda, naging palaisipan sa Korte Suprema na pormal na isinumite ng tagausig sa hukuman ng paglilitis ang Requests for DNA Examination ngunit hindi nito pormal na isinumite ang resulta ng DNA Laboratory Report sa nakalap na kawayan, mga t-shirt at tuwalya na mayroong mga mantsa ng dugo. Dahil dito, wala kahit katiting na katibayan na nagpapatunay na ang mga dugo sa naturang mga gamit ay mula sa mga biktima, walang katibayan na nag-uugnay kay Maricris na siyang gumamit ng mga ito, at hindi maisasantabi ang posibilidad na maaaring ibang tao, mula sa sampung tao na umukopa sa paupahang bahay, ang totoong salarin.


Pagpapaalala ng Korte Suprema, kung ang pag-uusig ay ganap na nakasalalay sa circumstantial evidence, higit na obligado ang tagausig na manangan sa lakas ng sarili nitong ebidensya at hindi sa kahinaan ng depensa ng akusado, at na ang paghahatol ng hukuman ay nakasalalay sa katibayan na hindi bababa sa moral na katiyakan. Kung ang circumstantial evidence ay nagpapakita ng magkakaibang interpretasyon, ang isang banda ay naaayon sa kawalan ng kasalanan ng akusado at ang kabilang banda ay naaayon sa kaniyang pagkakasala, nangangahulugan na hindi naitaguyod nang mayroong moral na katiyakan ang pagkakasala ng akusado, kung kaya’t hindi siya maaaring mahatulan.


Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi nila ipinagpapawalang-bahala ang kalupitan na sinapit ng mga batang biktima, na maagang binawian ng buhay. Gayunman, hindi nila maaaring ipag-utos ang pagpapakulong sa isang tao na ang kasalanan ay hindi sapat na napatunayan, sapagkat ang hustisya ay dapat ibigay ng pantay na mga kamay.

Dahil mayroong nabuo na makatuwirang pagdududa sa isipan ng Korte Suprema kaugnay sa partisipasyon ni Maricris sa pagnanakaw at pamamaslang sa mga batang biktima, kanilang minarapat na baliktarin at isantabi ang desisyon ng Hukuman ng mga Apela at ipawalang-sala si Maricris. 


Ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay ipinroklama noong ika-29 ng Setyembre 2025.

Sadyang napakasakit ng sinapit nina Jane at Alex. Dagdag pa na pait ang maging hanggang ngayon, wala pa ring sagot sa marami nilang tanong na, “Bakit sa kanilang pamilya nangyari ito?”; “Bakit mayroong mga tao na kayang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain na tulad ng krimen na ito?”; at, “Bakit hindi na lamang nagnakaw, kinailangan pang kitilin ang buhay ng kanilang inosenteng mga apo?”


Tanging ang Poong Maykapal lamang ang nakakaalam ng sagot sa lahat ng kanilang mga katanungan. Kaya nawa’y ‘wag silang mawalan ng tiwala sa Kanya. Patuloy kaming mananalangin na dumating ang panahon at pagkakataon na makikilala ang tunay na salarin. Karampatang hustisya para sa musmos na kaluluwa ng mga dumadaing na batang biktima, nawa ay makamit pa rin.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | April 20, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #391



Sa tahimik na gabi lalo na sa mga baryong ang ilaw ay nagmumula lamang sa iilang bombilya at ang katahimikan ay paminsan-minsang nababasag ng tahol ng aso—may mga pangyayaring biglang sumasabog sa dilim. Mga putok ng baril, mga sigaw, at sa isang iglap, isang buhay ay maaaring mawala.


Kapag may nasawi, mabilis ang daloy ng mga katanungan, “Sino ang bumaril?,” “Sino ang may sala?,” at “Sino ang dapat managot?”


Ngunit sa mata ng batas, ang katotohanan ay hindi basta-basta hinuhugot sa hinala. Ito ay kailangang patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa, sapagkat sa ating sistemang pangkatarungan, nananatiling matibay ang isang prinsipyo: ang presumption of innocence, o ang panuntunang ang isang akusado ay itinuturing na walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang kanyang pagkakasala sa paraang walang puwang sa pagdududa.


Batay sa kasong People of the Philippines v. Torres, et. al., Criminal Case No. 21552, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 44, Masbate City, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Mary Flor D. Tabigue-Logarta, sinuri ng hukuman kung sapat ba ang ebidensya upang hatulan ang mga akusado sa kasong murder o pamamaslang sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code.


Bilang pagbabahagi, ayon sa impormasyon na inihain ng tagausig, noong ika-22 ng Mayo 2021, bandang alas-10:30 ng gabi, sa Barangay Cabangcalan, Aroroy, Masbate, ang mga akusado diumano ay nagsabwatan at nagtulungan upang patayin si alyas “Eddie.” 


Ayon sa paratang, siya ay pinagbabaril nang ilang ulit gamit ang baril na nagdulot ng

kanyang agarang kamatayan.


Sa pag-usad ng kaso, dalawa sa mga akusado na sina alyas “Orly” at “Erwin” ang nadakip at naharap sa paglilitis, habang si “Gilmar,” ay nanatiling at large.

Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang kanilang pangunahing saksi na si alyas “Nestor,” na sinasabing eyewitness sa insidente.


Ayon sa kanyang unang salaysay, magkasama umano sila ng biktima nang makita nila ang mga akusado. Ikinuwento niyang si Orly ang nagtulak sa biktima, at nang ito’y bumagsak, agad itong pinaputukan nina Erwin at Gilmar gamit ang baril.


Ngunit nang siya ay tumestigo sa hukuman, nagbago ang kanyang salaysay.

Sa isang pagkakataon, sinabi niyang si Gilmar lamang ang may dalang baril. Sa ibang bahagi naman, sinabi niyang si Erwin ang bumaril. May pagkakataon ding sinabi niyang hindi niya nakita ang aktuwal na pamamaril dahil siya ay tumakbo sa takot.


Hindi rin nagtugma ang kanyang mga pahayag kung ilan ang putok ng baril, kung sino ang bumaril, at kung nakita nito mismo ang insidente.


Dagdag pa rito, ayon sa police investigator na si Sir Tubo, sinabi umano ni Nestor na 9mm na baril ang ginamit, habang sa kanyang testimonya sa korte ay inamin niyang hindi niya nakita ang baril.

Samantala, ang medical findings ay nagpakita na ang sanhi ng kamatayan ng biktima ay multiple gunshot wounds, na hindi rin lubos na umayon sa iba pang bahagi ng salaysay ng mga saksi.


Sa kabilang banda, sa tulong ni Manananggol Pambayan Ma. Theresa A. Legaspi-

Valencia, itinanggi ng mga akusado ang paratang laban sa kanila.


Si Erwin ay nagsabing siya ay nasa kanilang bahay at natutulog nang mangyari ang insidente, habang si Orly naman ay nagsabing siya ay rumoronda bilang barangay tanod noong gabing iyon at wala siyang kinalaman sa krimen. Pareho nilang itinanggi ang anumang motibo upang patayin ang biktima at iginiit na sila ay nadawit lamang sa kaso.


Matapos ang paglilitis, itinakda ng hukuman ang pangunahing isyu, ito ay kung napatunayan ng tagausig ang pagkakasala ng mga akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa.

Sa pagresolba nito, muling binigyang-diin ng hukuman ang mga prinsipyong matagal nang itinatag ng Korte Suprema.


Sa kasong People vs. Benie Mon (G.R. No. 235788, November 21, 2018, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa), ipinahayag na ang testimonya ng saksi ay dapat hindi lamang nagmumula sa isang mapagkakatiwalaang tao, dapat ay kapani-paniwala rin sa sarili nito ayon sa karaniwang karanasan at obserbasyon ng tao.


Sa kasong ito, kinilala ng hukuman na ang testimonya ni Nestor na siyang nag-iisang eyewitness ng tagausig ay hindi nagtutugma at puno ng inconsistencies at contradictions sa mga mahahalagang detalye ng krimen. 


Aniya, nag-iba-iba ang kanyang pahayag hinggil sa: a) kung sino ang may hawak ng baril; b) kung sino ang bumaril; c) kung nakita niya ang pamamaril; at d) at kung ilan ang putok na narinig nito. Nang dahil dito, ang kanyang kredibilidad bilang saksi ay seryosong nasira.


Dagdag pa rito, inamin mismo ng saksi na binago niya ang kanyang testimonya dahil “nakalimutan” niya ang kanyang naunang sinabi. Ito ay isang paliwanag na hindi tinanggap ng hukuman, lalo na’t ang mga detalyeng iyon ay tumutukoy sa mismong krimen.


Sa ganitong kalagayan, sinabi ng hukuman na hindi maaaring umasa sa isang testimonya na puno ng pagdududa upang maghatol ng pagkakasala.


Sa huli, ipinaalala ng hukuman ang isang mahalagang prinsipyo ng batas na ang isang kasong kriminal ay tumatayo o bumabagsak batay sa lakas ng ebidensya ng tagausig at hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa bawat akusado, nananatili ang karapatang mapawalang-sala hangga’t ang kanyang pagkakasala ay hindi napatutunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa.

Dahil sa kabiguang mapagtibay ang kaso laban sa mga akusado, pinawalang-sala ng hukuman sina Orly at Erwin, at iniutos ang kanilang agarang pagpapalaya mula sa kustodiya ng batas.


Samantala, ang kaso laban kay Gilmar, na hindi pa nadadakip ay in-archive at inatasan ang paglabas ng alias warrant of arrest upang siya ay maiharap sa hukuman.

Sa ganitong mga pagkakataon, hindi lamang isa ang pinanggagalingan ng daing. May daing ang pamilya ng biktima, sapagkat ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay ay tila nananatiling mailap.


Ngunit may daing din ang mga taong nadawit sa isang mabigat na paratang na kinailangang humarap sa paglilitis sa kabila ng kakulangan ng matibay na ebidensya laban sa kanila.


Sa ilalim ng batas, ang isang tao ay hindi maaaring hatulan batay sa salaysay na pabagu-bago, o ebidensyang may butas.


Kapag ang katotohanan ay nababalot ng pagdududa, ang hukuman ay walang ibang magagawa kundi pairalin ang prinsipyong matagal nang sandigan ng hustisya – ang pagpapawalang-sala sa akusadong hindi napatunayang nagkasala. At sa likod ng bawat putok sa dilim, nananatiling naghihintay ang liwanag ng katotohanan, na darating lamang kapag ang ebidensya ay malinaw, matibay, at walang pag-aalinlangan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page