top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 14, 2025



ISSUE #366



Marahil lahat tayo ay nagnanais na makamit ng bawat biktima ang hustisya na tinatangis. Hustisya para sa katahimikan ng kalooban ng mga nabubuhay na biktima, hustisya para sa katahimikan ng kaluluwa ng mga biktima na pumanaw na. Subalit, merong mga pagkakataon na hindi maihatid ang hustisya sa mga biktima, sapagkat ang pagkakakilanlan ng salarin ay hindi napatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Tulad na lamang ng kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kasong People of the Philippines vs. Casiano R. Nuñes, a.k.a. Casiano R. Nuñez, Reymar A. Marimon, Cedric F. Janipin, and Arc F. Janipin (Criminal Case Nos. 2022-29096 and 2022-29097, September 27, 2023). Isang hindi inaasahang insidente ng pamamaril ang naging mitsa ng buhay ng biktima na si Wilfreda, at nag-iwan ng labis-labis na takot at hinagpis sa kanyang naulilang pamilya. Naganap ang malagim na insidente bandang alas-10:00 ng umaga, noong ika-24 ng Mayo 2022, sa kanila mismong tirahan sa Siaton, Negros Oriental.


Sina Casiano, Reymar, Cedric at Arc, ang pinaratangan na mga salarin sa naturang insidente. Dalawang magkahiwalay na paratang para sa krimen na murder at attempted murder ang inihain laban sa kanila sa Regional Trial Court ng Negros Oriental (RTC Negros Oriental).


Batay sa bersyon ng tagausig, bandang alas-10:00 ng umaga, noong ika-24 ng Mayo 2022 ay kauuwi lamang ni Prudencio sa kanilang bahay mula sa bukid. Umupo siya at nanood ng telebisyon, habang ang kanyang kapatid na si Teddy ay nagpapahinga sa isang bangko sa kanilang sala at ang kanyang asawa naman na si Wilfreda ay nagbabantay sa kanilang tindahan na kalapit din lamang ng kanilang sala. Diumano, bigla na lamang nakarinig si Prudencio ng mga putok ng baril mula sa labas ng kanilang bahay. Ang isa nilang upuan ay tinamaan diumano ng bala. Si Wilfreda ay bigla na lamang pumasok ng kanilang sala at ipinaalam na meron siyang tama ng bala. Hindi nagtagal, pumasok diumano sa bahay nina Prudencio si Casiano at pinaputukan sila ng baril, habang sina Reymar, Cedric at Arc ay patuloy na pinagbabaril ang kanilang bahay mula sa labas. Nang sambitin diumano ni Prudencio na kilala niya si Casiano, agad na lumabas ng bahay ang huli. Narinig diumano ni Prudencio nang sabihin ng anak ni Casiano na wala na silang bala; nakita niya rin umano na mabilis na tumalilis ang apat na salarin lulan ng isang motorsiklo.


Pinatotohanan ni Teddy ang testimonya ni Prudencio, na mula umano sa labas ng kanilang bahay ang mga putok ng baril, na pumasok sa kanilang bahay si Casiano at pinaputukan ng baril si Prudencio, at nang lapitan ni Wilfreda si Prudencio ay tinamaan ito ng bala ng baril. Diumano, umatras si Casiano nang maubusan ito ng bala, ngunit muli silang pinagbabaril noong isinasakay na nila si Wilfreda sa tricycle. Narinig din diumano ni Teddy nang sabihin ng anak ni Casiano na ubos na ang kanilang bala. Nadala lamang umano nila si Wilfreda sa pagamutan nang makaalis na ang mga salarin. Gayunpaman, binawian din ng buhay si Wilfreda. 


Meron diumanong tatlong 9mm na basyo ng bala na nakita si Teddy sa kanilang bahay. Naibigay lamang niya ang mga ito sa imbestigador makalipas ang 6 na araw mula nang maganap ang malagim na insidente, sapagkat naging abala na siya sa pag-aasikaso sa burol.


Ayon naman sa anak nina Prudencio at Wilfreda na si Raymond, siya ay nagpapahinga sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nang bigla na lamang niyang marinig ang mga putok ng baril. Sumilip diumano siya sa bintana at nakita si Casiano at ang anak nito na si Johndy. Noong pumasok na umano ng kanilang bahay si Casiano ay dumapa na sa sahig si Raymond. Kanya rin umanong nakita na pinagbabaril ni Casiano si Prudencio.


Gumapang diumano ang kanyang ama patungo sa kanilang kusina, at nang magpunta roon ang kanyang ina ay tinamaan na ang likod nito ng bala ng baril. Tumulong diumano si Raymond na maisakay ang kanyang ina sa tricycle noong makaalis na sina Casiano. Nang itakbo na sa pagamutan ang kanyang ina ay naiwan siya sa kanilang bahay, at sa kanyang paglilinis ng mga dugo sa kanilang bahay, nakita niya ang mga basyo ng bala na kanya namang ibinigay sa pulis.


Si Dr. Lim, ang nagsagawa ng post-mortem examination sa bangkay ni Wilfreda. Sa kanyang opinyon, maaari na tumama sa puso at kaliwang bahagi ng baga ni Wilfreda ang bala at naiwan na ito sa atay ng biktima. Wala rin umanong isinagawang autopsy sa bangkay ni Wilfreda. 


Batay naman kay PSMS Cabangbang, na siyang rumesponde sa ulat ng pamamaril, sa kanya umano ibinigay ni Raymond ang mga nakita nitong basyo ng bala. Isinumite umano niya ito sa PNP Crime Laboratory. Batay sa resulta ng pagsusuri, nagmula umano sa .45 na kalibre ng baril ang tatlong basyo ng bala at ang isang basyo ay mula naman sa 9mm na kalibre ng baril. Ang mga basyo naman na ibinigay ni Teddy ay mula umano sa 9mm na kalibre ng baril.


Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.O. Laurente ng PAO-Dumaguete City South District Office, iginiit ng depensa na walang kinalaman sa naganap na pamamaril sina Casiano, Reymar, Cedric at Arc.


Batay sa testimonya ni Casiano, siya ay nasa Bulwagan ng Katarungan sa Dumaguete City noong umaga ng ika-24 ng Mayo 2022 para sa pagdinig ng kaso ng anak ng kanyang asawa. Matapos diumano ang nasabing pagdinig ay dumiretso sila sa opisina ng abogado ng anak ng kanyang asawa. Hinintay pa umano nila na makarating ang nasabing abogado, matapos ay nananghalian na rin sila at nagpalipas ng oras sa Dumaguete City. Hapon na umano sila nakabalik ng Siaton, Negros Oriental. Pinatotohanan ng asawa at kaanak ni Casiano ang kanyang alibi. 


Giit naman ni Reymar, siya ay nasa karagatan noong ika-24 ng Mayo 2022, lulan ng isang bangka na gamit para sa pangingisda. Siya umano ang nangasiwa sa naturang bangka upang masiguro na nasa maayos na kondisyon ito. Dumaong diumano ang kanilang bangka sa Munisipalidad ng Bacong upang magkarga ng yelo, ngunit isa umano siya sa mga hindi pinahintulutan na bumaba. Pinatotohanan ng kapitan ng nasabing bangka ang alibi ni Reymar.


Batay naman sa testimonya ni Arc, siya ay natutulog sa kanilang bahay noong umaga ng ika-24 ng Mayo 2022, at nagising na lamang sa mga putok ng baril. Lumabas diumano siya at napag-alaman sa kanyang mga kapatid na meron silang kapitbahay na nabaril. Ang nabanggit na testimonya ay pinatotohanan naman ng kapatid ni Arc. 


Paliwanag naman ng akusado na si Cedric, siya at ang kanyang pinsan ay nasa isang sanglaan sa Siaton, upang kumuha ng pera, noong oras ng sinasabing insidente ng pamamaril. Nang makuha umano nila ang pera ay nagpunta sila sa isang tindahan at bumili ng medyas at damit. Matapos ay kumain muna silang mag-pinsan at bumili na rin ng inihaw na manok bago sila umuwi. Nalaman na lamang nila ang tungkol sa insidente ng pamamaril noong sila ay makauwi na. Pinatotohanan ng pinsan ni Cedric ang nasabing alibi, suportado ng resibo ng sanglaan na naitago pa nito.


Ayon din sa isa pang saksi ng depensa na si Jessie, nakita niya ang dalawang lalaki na bumaril kay Wilfreda at nagpaulan ng bala sa bahay nila Prudencio. Diumano, noong maganap ang pamamaril, siya ay nasa bahay ng kapitbahay ng biktima. Nang marinig nila ang mga putok ng baril, agad diumano silang tumakbo sa direksyon ng bahay nila Prudencio at nakasalubong ang mga naturang lalaki. Giit ni Jessie, hindi umano ang mga akusado ang bumaril sa biktima, at hindi rin umano mga taga-lugar nila ang mga naturang lalaki.


Sa pagdedesisyon sa kaso na isinampa laban kina Casiano, ipinaalala ng RTC Negros Oriental ang kahalagahan ng pagpapatunay, nang merong moral na katiyakan, sa lahat ng elemento ng krimen at sa pagkakakilanlan ng may-akda nito. Ito ay sa kadahilanan na sa ilalim mismo ng ating Saligang Batas ay ipinagpapalagay na walang kasalanan ang bawat akusado hanggang ang kanilang pagkakasala ay mapatunayan sa hukuman nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ang krimeng murder ay merong mga sumusunod na elemento: una, merong biktima na pinaslang; ikalawa, ang akusado ang pumaslang sa biktima; ikatlo, merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at ikaapat, ang naganap na pamamaslang ay hindi parricide o infanticide.


Matapos ang masinsinang pag-aaral sa kaso nina Casiano, Reymar, Cedric at Arc, sang-ayon ang hukuman ng paglilitis na naitaguyod ng tagausig ang unang elemento ng krimen na murder sa pamamagitan ng testimonya ni Dr. Lim at ng Death Certificate ni Wilfreda. Naitaguyod din ng tagausig na merong qualifying circumstances, na ikatlong elemento, sa pamamagitan ng pagpapatunay ng paggamit ng baril ng mga salarin at ang kanilang pagsagawa sa nasabing krimen nang merong pagtataksil. Gayundin, ang ikaapat na elemento ay naitaguyod sapagkat ang biktima ay hindi asawa o nakatatanda o nakababata na kaanak ng mga salarin.


Magkagayunpaman, hindi nakumbinsi ang RTC Negros Oriental na naitaguyod ng panig ng tagausig ang ikalawang elemento - na ang mga akusado ang namaril at siyang naging sanhi ng pagkasawi ni Wilfreda. 


Ipinaliwanag ng hukuman ng paglilitis na bagaman positibo ang deklarasyon nina Prudencio, Teddy at Raymond na ang mga akusado, na kanila ring mga kapitbahay, ang nagpaulan ng bala sa kanilang bahay at bumaril kay Wilfreda, wala nang iba pang walang kinikilingan o independente na saksi na ipinrisinta ang tagausig na susuporta sa testimonya ng nabanggit na mga saksi. Nakapagtataka umano para sa hukuman ng paglilitis na nangyari ang insidente ng pamamaril sa kasagsagan ng umaga, subalit walang mga kapitbahay ng biktima ang tumayong saksi at tumestigo ukol dito, maging sa pagkakakilanlan ng mga salarin. Nabigo rin diumano ang tagausig na maiugnay sa mga akusado ang mga pisikal na ebidensya, tulad ng mga basyo ng bala na nakalap matapos ang insidente, ang mga baril at motorsiklo na ginamit sa pagtakas ng mga salarin. Naging kapuna-puna sa hukuman na walang inihain na ebidensya ang tagausig na maaaring magtaguyod sa pagmamay-ari ng mga akusado ng .45 o 9mm na kalibre ng baril o ng mga motorsiklo, na maaari sanang sumuporta sa testimonya nina Prudencio, Teddy at Raymond. Ang mga pagkukulang na ito ng tagausig ay nagdulot ng makatuwirang pagdududa sa isipan ng hukuman ukol sa partisipasyon ng mga akusado sa naganap na krimen.


Binigyang-diin pa ng hukuman ng paglilitis na ang pasanin ng pagpapatunay sa mga elemento ng krimen at pagkakakilanlan ng may-akda nito ay responsibilidad ng tagausig. Bagaman pagtanggi at pagdadahilan ang tanging depensa ng mga akusado sa kaso na ito, na karaniwan ay mahina na uri ng ebidensya at kinakailangan na sapat na mapatunayan upang mabigyang-halaga ng hukuman, hindi pa rin nababaling sa mga akusado ang responsibilidad na patunayan ang kawalan nila ng kasalanan. Sila ay ipinagpapalagay ng ating batas na walang kasalanan, at nananatili sa panig ng tagausig ang responsibilidad na patunayan ang kaugnayan o partisipasyon ng mga akusado sa krimen na ipinaparatang sa kanila.


Para din sa hukuman ng paglilitis, napatotohanan ng mga saksi para sa depensa, pati na rin ng mga dokumento na ebidensya, ang alibi nina Casiano, Reymar, Cedric at Arc. Maliban dito, binigyang-halaga ng hukuman ng paglilitis ang testimonya ng saksi na si Jessie, na nakapagbigay diumano ng ibang bersyon ukol sa pagkakakilanlan ng mga salarin sa naganap na pamamaril. Ang naturang testimonya ni Jessie ay nagtanim ng binhi ng pagdududa sa isipan ng hukuman sa posibilidad na nakatakas ang mga totoong pumaslang kay Wilfreda, at na ang mga akusado ay maling napagbintangan lamang.


Nilinaw din ng hukuman ng paglilitis na masigasig ang pagsuporta nito sa krusada kaugnay sa pagtutuligsa ng mga kriminal. Gayunpaman, tungkulin nito na iproklama ang kawalan ng kasalanan ng akusado kung ang kanilang pagkakasala sa batas ay hindi napatunayan ng tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Kaugnay nito ay minarapat ng RTC Negros Oriental na ipawalang-sala sina Casiano, Reymar, Cedric at Arc. Ika-27 ng Setyembre 2023 nang ibaba ng hukuman ng paglilitis ang desisyon na ito. Wala nang naihain na petition for review on certiorari o apela na nagkukuwestyon sa nasabing desisyon ng hukuman.


Napakasakit isipin na merong mga biktima na tulad ni Wilfreda at kanyang naulilang pamilya na hindi pa makamit ang hustisya dahil ang mga salarin ay hindi sapat na nakilala. Sadyang mahirap maitaguyod ang bawat hinihingi ng ating mga batas; tandaan na sa mga tao na mali na inakusahan, ang hukuman ay kailangan din maging patas. Maging sila man ay maituturing din na biktima - biktima ng maling pambibintang, maging ng mapaglarong tadhana.


Hindi naman nawawala ang aming pag-asa na matutukoy rin sa lalong madaling panahon ang pagkakakilanlan ng mga totoong may-akda sa pamamaril na kumitil sa buhay ni Wilfreda. Nawa ay hindi magtagal, makamit din ng kanyang kaluluwa ang mailap na hustisya at ang katahimikan ng kalooban ay maihahatid din sa kanyang naiwang pamilya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 7, 2025



ISSUE #365


Noong madaling araw ng Pebrero 19, 2023, isang trahedya ang naganap sa Filmore Street, Makati. 


Isang Pinay, na itago na lamang natin sa pangalang Maria, at ang kanyang nobyong banyaga na si Donald, hindi rin nito tunay na pangalan, ay inatake ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo. 


Nauwi ito sa pagkamatay ni Donald at pagkawala ng mga mahahalagang gamit ni Maria. Subalit, ang nananatiling tanong, sino nga ba ang tunay na salarin? Sapat ba ang pagkakakilanlan ng akusado upang ipataw ang katumbas na hustisya?


Sa kasong People v. Manalo Nagum (Criminal Case No. R-MKT-23-01288-CR), ika- 27 ng Agosto 2024, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Ruth S. Pasion-Ramos, ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Donald, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang Raffy, ay pinal na natuldukan nang siya ay napawalang-sala mula sa kasong Robbery with Homicide, kaugnay sa nabanggit na malagim na sinapit nina Maria at Donald. 

Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman. 


Bandang alas-12:25 ng madaling araw, noong Pebrero 19, 2023, sa tahimik na kalsada ng Filmore Street, Makati, na tanging ilaw ng poste at kaluskos lamang ng aso ang saksi—naglalakad si Maria at ang kanyang nobyo matapos maghatid ng labada. 


Sa gitna ng katahimikan, isang anino ang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran, at sabay sabing, “Hold-up!” habang nakatutok ang baril kay Maria. 


Gulat na gulat na lumapit si Donald upang ipagtanggol ang kasintahan. Ngunit bago pa siya makagawa ng hakbang, isang putok ang bumasag sa gabi. Tumama ang bala sa dibdib ni Donald. Bumagsak siya sa malamig na semento, at sa ilang segundo lamang ay tuluyan na siyang nawalan ng buhay. 


Hindi pa nakalilipas ang pagkagimbal, muling itinutok ang baril kay Maria. Sa nanginginig na mga kamay, sapilitan niyang isinuko ang kanyang cellphone at wallet. 

At mabilis na tumakas ang salarin, sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kasamahan na nakasuot ng helmet. Ang gabi ay muling binalot ng katahimikan, maliban sa iyak at sigaw ni Maria habang akap ang malamig na katawan ni Donald.

Sa hukuman, tumestigo si Maria. Ayon sa kanya, dalawang beses siyang gumawa ng sinumpaang salaysay. 


Una, noong mismong araw ng insidente, Pebrero 19, 2023—ngunit aminado siyang nasa matindi siyang pagkabigla. Wala siyang malinaw na paglalarawan sa mukha ng salarin. 


Subalit, sa kanyang ikalawang pahayag noong Pebrero 24, 2023, iginiit niyang si Raffy ang salarin. Tiniyak niyang nakita niya ang mukha nito nang mahulog ang suot na face mask habang binabaril si Donald. Dagdag pa niya, ipinakita sa kanya ng pulisya ang mugshots ng akusado, at dito niya ito kinilala. Ipinakita rin umano sa kanya ang larawan at isang CCTV footage ng ibang insidente ng robbery, kung saan muli niyang itinuro si Raffy bilang isa sa mga nandoon. Subalit, sa cross-examination, lumabas na hindi niya agad natukoy ang akusado sa unang pagkakataon, at wala ring malinaw na detalyeng naitala tungkol sa anyo o pangangatawan ng salarin. Gayunpaman, para sa tagausig, sapat na ang kanyang pagkilala upang idiin si Raffy bilang isa sa mga gumawa ng krimen.


Sa kabilang banda, mariin namang itinanggi ni Raffy ang paratang. Ayon sa kanya, siya ay nasa bahay ng kanyang nobya at natutulog noong mga oras ng insidente, matapos silang magtungo sa Batangas para mag-swimming. Meron pa diumanong CCTV mula sa kapitbahay ng kanyang nobya na magpapatunay sa kanyang depensa. Giit niya, naidawit lamang siya dahil kasama ang kanyang mugshot sa police gallery dahil meron siyang kaso sa Malolos. Ayon pa kay Raffy, may narinig siyang usapan na kailangang may mapanagot sa krimen—lalo’t isang banyaga ang napatay, kaya siya ang naging pinakamadaling target.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Atty. Ralph Raymond P. Arejola, Public Attorney II, pinakinggan at sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Raffy. 


Ayon sa Hukuman, ang nasasakdal ay kinasuhan ng Robbery with Homicide, isang special complex crime na nakasaad at pinarurusahan sa ilalim ng Article 294 (1) ng Revised Penal Code, na nagsasaad:


“Article 294. Robbery with violence against or intimidation of persons; Penalties. - Any person guilty of robbery with the use of violence against or intimidation of any person shall suffer:

The penalty of reclusion perpetua to death, when by reason or on occasion of the robbery, the crime of homicide shall have been committed, on when the robbery shall have been accompanied by rape or intentional mutilation or arson. 


Upang mahatulang guilty si Raffy, kinakailangan ng tagausig na patunayan ang mga sumusunod na elemento ng special complex crime na ito:

  1. Nagkaroon ng pagkuha ng personal na ari-arian na isinagawa sa pamamagitan ng karahasan o pananakot laban sa isang tao;

  2. Ang ari-ariang kinuha ay pagmamay-ari ng iba;

  3. Ang pagkuha ay may animo lucrandi o layunin ng pakinabang;

  4. At dahil sa pagnanakaw o sa okasyon nito, nagkaroon ng pamamaslang o homicide.


Sa kasong People v. Gallardo & Natividad (G.R. No. 1245544, 21 March 2022), binigyang-diin ng Korte Suprema ang bigat ng krimeng ito at ang kabigatan ng kaparusahan na nakalaan dito, na nagsasaad:


Robbery with homicide is a special complex crime penalized under Article 294 (1) of the RPC, which states: 


The crime carries a severe penalty because the law sees in this crime that men place lucre above the value of human life, thus justifying the imposition of a harsher penalty than that for simple robbery or homicide.”


Sa kasong nabanggit, ipinahayag ng Korte ang mga elemento ng robbery with homicide, katulad ng mga nabanggit. 


Sa kasong ito, hindi maikakaila na nagkaroon ng homicide dahil o sa okasyon ng pagnanakaw na naganap sa Filmore St., sa Lungsod ng Makati noong Pebrero 19, 2023, na nagresulta sa pagkamatay ng isang banyaga na si Donald. Ang testimonya ng biktima na si Maria hinggil sa pagkuha ng kanyang personal na mga ari-arian at ang pamamaril kay Donald habang tinutulungan siya nito ay malinaw na nakatala sa mga rekord. 


Sa katunayan, ang pagsusuri ng medico-legal officer ay umaayon sa ebidensya ng tagausig na ang pangunahing layunin ay magnakaw.


Dahil dito, ang pagpatay ay isinagawa upang maisakatuparan ang krimen ng pagnanakaw. Ang mga pangyayaring ito ay malinaw na pasok sa depinisyon ng special complex crime ng Robbery with Homicide. Tulad ng itinakda, ang homicide ay sinasabing nagawa dahil sa o sa okasyon ng pagnanakaw kung ito ay isinagawa upang (a) mapadali ang pagnanakaw o pagtakas ng salarin; (b) mapanatili ng salarin ang pag-aari sa ninakaw; (c) maiwasan ang pagkakadiskubre sa pagnanakaw; o (d) maalis ang mga saksi sa krimen.


Gayunpaman, bagaman may ebidensya sa pangyayari ng krimen, ang pagkakakilanlan sa salarin ay hindi napatunayan. Natuklasan din ng hukuman na may seryosong pagdududa sa ebidensya ng tagausig na tumutukoy kay Raffy bilang salarin. Wala kahit isang saksi ang malinaw at tiyak na nakapagpatunay na ang kanilang pagkakakilanlan kay Raffy bilang responsable sa krimen ay bunga ng kanilang sariling personal na kaalaman at alaala. Ang testimonya ni Maria ay nagkaroon ng mga hindi pagkakatugma. Sa kanyang unang salaysay noong Pebrero 19, 2023, matapos ang insidente, hindi siya nakapagbigay ng malinaw na pagkakakilanlan ng mukha o pangangatawan ng salarin. 


Subalit sa kanyang ikalawang salaysay, sinabi niya na nakita niya ang mukha ni Raffy nang mahulog ang suot nitong face mask, ngunit hindi ito nabanggit sa kanyang unang sworn statement. 


Sa cross-examination, inamin din niyang hindi niya agad nakilala si Raffy at sa katunayan, ipinakita sa kanya ang mga larawan ng suspek sa presinto bago niya ito tinukoy. Samantala, ang pulisya ay hindi nakapagpakita ng sapat na ebidensya upang patunayan na ang pagkakakilanlan kay Raffy ay resulta ng isang independent recollection at hindi impluwensya ng suggestive identification procedure.


Tulad ng itinatag sa jurisprudence, ang eyewitness identification, lalo na kung nagmula sa mga nakaranas ng matinding stress o trauma, ay dapat lapatan ng masusing pagsusuri ng hukuman. Ayon sa Korte Suprema sa ilang mga kaso, hindi maaaring umasa lamang sa iisang eyewitness testimony kung hindi magkakatugma o kulang sa proseso ng pagkilala. Sa kasong ito, dahil sa mga seryosong pagkukulang ng tagausig sa pagpapatunay ng pagkakakilanlan ni Raffy bilang salarin, nanaig ang presumption of innocence. Bagama’t kinikilala ang presumption of regularity in the performance of official duties ng mga pulis, hindi ito maaaring manaig laban sa presumption of innocence ni Raffy, lalo na kung may malinaw na duda at kakulangan sa ebidensya.


Samakatuwid, mula sana sa simpleng pag-uwi ng magkasintahan mula sa laundry shop, isang malagim na bangungot ang sumalubong sa kanila. Isang banyagang dumalaw lamang sa bansa upang makasama ang kanyang minamahal ang nasawi sa kamay ng mga kriminal. Sa kasong ating ibinahagi, sa halip na alaala ng pag-ibig, isang duguang trahedya ang naiwan—isang buhay ang nawala, isang babae ang ninakawan, at isang puso ang biniyak ng takot at pangungulila.


Ngunit higit sa lahat, pinaalala ng kasong ito ang matibay na prinsipyo ng ating batas, na mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente. Gaya ng binigyang-diin ng hukuman:


“The prosecution’s evidence must stand on the strength of its own merit and not on the weakness of the defense. Courts are duty bound to acquit when doubt persists, for conviction must rest on moral certainty and not on suspicion.”


Sa desisyon ng hukuman, sinasabi nito na hindi sapat ang pagdaramdam at pagkilala ng biktima upang hatulan si Raffy. Sa halip, pinairal ang mas mataas na aral na ang hustisya ay dapat nakabatay sa katiyakan, hindi sa hinala. Habang idinadalangin natin ang kaluluwa ni Donald at ang muling paghilom ng sugat ni Maria, nananatili rin ang ating pag-asa na magpatuloy ang paghahanap ng tunay na hustisya—na sa tamang panahon, ang tunay na salarin ay mapapanagot at ang hustisya ay lubos na makakamtan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Aug. 30, 2025



ISSUE #364


Sadyang napakahalaga ng pagkakaroon ng ebidensya sa pagsusulong ng anumang uri ng kaso upang makamtan ang hustisya. 


Ebidensya ang pangunahing sumusuporta sa pagtaguyod ng katotohanan. Mga alegasyon ng magkabilang partido ay maaaring magkasalungat man, subalit sa tulong ng ebidensya ay maipaglalaban ang kanilang mga karapatan.


Partikular, sa pagsusulong ng kasong kriminal para sa mga biktima, ebidensya laban sa inaakusahan na salarin ang kinakailangang maiprisinta upang maitaguyod ang kasalanan ng inaakusahan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay tungkol sa pamamaslang sa biktimang nagngangalang Jose, hango sa kasong kriminal na People of the Philippines vs. Antonio Dela Rosa y Perdes (Criminal Case No. S-6386, October 15, 2009). 


Sa kasamaang-palad, ang hustisya para sa kanyang kaluluwa ay hindi naigawad. Saan kaya nagkulang? Iyan ang sama-sama nating alamin at tunghayan.


Diumano, si Jose ay marahas na binaril noong ika-12 ng Mayo 2003, sa isang barangay sa Sta. Maria, Laguna. 


Ang bala na tumama sa kanyang ulo ang naging sanhi ng kanyang kagyat na pagpanaw.

Si Antonio ang pinaratangan na walang-awang pumaslang kay Jose. 

Kasong homicide ang inihain laban sa kanya sa Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna (RTC Siniloan, Laguna). 


Agad siyang naaresto, gayunpaman, siya ay naghain ng petisyon upang makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan, na pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis.


“Not guilty,” ang naging pagsamo ni Antonio sa hukuman. Mariin niyang itinanggi ang paratang laban sa kanya.


Sa pre-trial ng kaso, kapwa nagsumite ang tagausig at depensa para sa pagmamarka ng kani-kanilang ebidensya. 


Sa bahagi ng tagausig, partikular na minarkahan bilang Exhibit “A” ang sinumpaang salaysay ng isang nagngangalang Ruben; Exhibit “B”, ang sinumpaang salaysay ng naulila na maybahay ni Jose na si Carmelita; Exhibit “C”, ang death certificate ni Jose; Exhibit “D”, ang mga larawan ni Jose; at Exhibits “E” at “F”, ang medico-legal certificate at anatomical sketch na inihanda ni Dr. Tamares.


Para naman sa depensa, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan D.A. De Guia ng aming PAO-Siniloan, Laguna District Office, minarkahan ang sagot na salaysay ni Antonio bilang Exhibit “J”, at Exhibit “2” naman ang salaysay ni Yolanda, asawa ni Antonio.


Nang litisin na ang kaso laban kay Antonio, tanging dalawang saksi lamang ang tumestigo sa harap ng hukuman – sina Carmelita at Dr. Tamares. 


Si Carmelita ay tumestigo kaugnay lamang sa sibil na aspeto ng kaso, habang si Dr. Tamares ay tumestigo kaugnay sa nilalaman ng medico-legal certificate at anatomical sketch nang kanyang suriin ang bangkay ng biktima. 


Si Ruben, na diumano ay nakasaksi sa naganap na pamamaril sa biktima, ay makailang beses na pinadalhan ng subpoena upang humarap sa hukuman at kilalanin at patotohanan ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay. 


Siya ay pinadadalo sa pagdinig na itinakda noong ika-26 ng Abril 2006 sa bisa ng kautusan ng RTC Siniloan, Laguna, na may petsang ika-18 ng Abril 2006, ngunit hindi siya dumating. 


Ika-29 ng Nobyembre 2006, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis ang muling pagpapadalo kay Ruben sa pagdinig na itinakda sa ika-23 ng Enero 2007, subalit hindi siya dumalo.


Ika-7 ng Agosto 2007, ipinag-utos na ng hukuman ng paglilitis ang pag-aresto kay Ruben upang siya ay mapilitang dumalo sa susunod na pagdinig, ngunit hindi pa rin ito dumalo sa pagdinig. Gayundin sa pagdinig na itinakda ng ika-2 ng Abril 2008 ay muling hindi nagpakita sa hukuman si Ruben. 


Sa huling pagkakataon na ibinigay ng hukuman sa tagausig na padaluhin ang naturang saksi sa pagdinig na itinakda noong ika-8 ng Oktubre 2008 ay walang Ruben na sumipot.

Ika-23 ng Hunyo 2009 ay pormal nang isinumite ng tagausig ang kanilang mga minarkahang ebidensya sa hukuman, na mariin na tinutulan ng depensa partikular na ang sinumpaang salaysay ni Ruben. 


Giit ng depensa, hindi umano wasto na kinilala ang naturang salaysay, kung kaya’t hindi ito maaaring magamit laban kay Antonio. Pinahintulutan ng hukuman ang pagtanggap sa Exhibits “B” hanggang “F”, ngunit hindi ang Exhibit “A”. Kaugnay ng nasabing pagtutol, pormal na naghain ang depensa ng Demurrer to Evidence noong ika-14 ng Hulyo 2009.

Makalipas ang 6 na taon at halos 5 buwan mula nang maganap ang insidente ng pamamaril na kumitil sa buhay ni Jose, nakalulungkot na hindi naipagkaloob sa kanyang kaluluwa ang inaasam na hustisya. 


Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na sa ilalim ng ating Batas Kriminal, ang ebidensya ng pagkakasala ng inakusahan na higit pa sa makatuwirang pagdududa ay lubos na napakahalaga. Hindi ganap na katiyakan lamang ang kailangan ng hukuman upang mahatulan ng maysala ang inaakusahan. Bagkus, ang kailangan ng hukuman ay moral na katiyakan, iyong magbubunga ng pananalig sa pag-iisip ng isang tao na walang kinikilingan. At ang merong pasanin ng pagtataguyod ng naturang pagkakasala ng inakusahan ay sa tagausig nakaatang.


Matapos ang masinsinang pagsusuri ng hukuman ng paglilitis sa ebidensya ng tagausig, hindi nakitaan ng moral na katiyakan na merong kinalaman si Antonio sa pamamaril kay Jose na sasapat upang gawaran siya ng hatol ng may pagkakasala.


Ipinaliwanag ng hukuman ng paglilitis na sa mga naisumite na ebidensya, ang tanging ebidensya na makatutulong sa pag-uusig laban kay Antonio ay ang testimonya ni Ruben na nagpahayag na diumano ay nasaksihan niya ang marahas na pamamaslang sa biktima. Subalit, sa kabila ng maraming pagkakataon na ibinigay ng hukuman sa nasabing saksi ay hindi nito kinilala at pinatotohanan ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay bunsod ng kanyang hindi pagdalo sa mga pagdinig. Dahil sa pagkukulang na ito sa pag-uusig ay hindi maaaring papanagutin si Antonio sa kriminal na responsibilidad sa pagkapaslang kay Jose.


Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na, sabihin man na hindi na kinakailangan ang personal na testimonya ni Ruben at tinanggap ng hukuman ang kanyang sinumpaang salaysay, hindi pa rin kakumbinsi-kumbinsi ang nilalaman nito. 


Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na walang sapat at konkretong pahayag si Ruben na si Antonio ang siyang bumaril kay Jose. Bagkus, ipinahayag lamang ni Ruben sa kanyang sinumpaang salaysay na: (1) nagpunta siya sa bahay ni Antonio nang marinig niya ang putok ng baril; (2) sa daan ay nakita niya si Antonio at Yolanda palabas ng kanilang bahay; (3) sinambit ni Antonio ang mga katagang: “Kagawad, inuto ko na,” at matapos ay umalis na ang mag-asawang Antonio at Yolanda; at (4) pumasok siya sa nasabing bahay at nakita si Jose na nakahandusay sa sahig at may itak sa tabi nito. 


Hindi nakalampas sa mapanuring pag-iisip ng hukuman ng paglilitis na hindi man lamang binanggit ni Ruben sa kanyang salaysay kung meron bang hawak na baril si Antonio noong makita niya ito, kasama si Yolanda, palabas ng bahay.


Dahil dito, hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na naitaguyod ng tagausig ang pagkakasala ni Antonio sa batas nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 

Kung kaya’t minarapat ng RTC Siniloan, Laguna na ipawalang-sala si Antonio. Ang desisyon na ito ng hukuman ng paglilitis ay ipinroklama noong ika-15 ng Oktubre 2009, at wala nang naihain na petition for review on certiorari upang kuwestyunin ang naturang desisyon.


Nakakalungkot isipin na, tulad ni Jose, marami ang mga biktima ng mga walang katuturan na karahasan sa ating lipunan na hindi nabibigyan ng angkop na katarungan, at ang isa sa mga sanhi nito ay ang kakulangan ng katibayan. 


Batid namin na sadyang hindi madali ang maging saksi, lalo na kung ito ay merong kaugnayan sa krimen. Subalit, sana ay hindi sila pangunahan ng takot at pangamba. Dalangin din namin na sila ay mabigyan ng pagkupkop ng Poong Maykapal upang hindi sila mapahamak sa kanilang pagtulong na maisiwalat ang katotohanan at makapaghatid ng katarungan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page