top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 10, 2025



ISSUE #372



Noong gabi ng Marso 30, 2017, sa payapang Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, isang sigaw ng kaguluhan ang bumasag sa katahimikan ng gabi.


Si Edgar, hindi niya tunay na pangalan, ay duguang natagpuang nakahandusay matapos umanong saksakin ng isang lalaking kilala lamang bilang alyas “Bogart.” Ngunit sa pagdaan ng mga taon ng paglilitis, isang tanong ang lumutang, sapat ba ang ebidensya ng tagausig upang patunayan na si Bogart nga ang salarin?


Sa kasong People of the Philippines v. Sinaya (Crim. Case No. 00236-17-xxx), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Honorable Judge Catherine A. Velasco-Supeda, 24 Hulyo 2023, sinuri ng hukuman kung ang ebidensya ba ng tagausig ay sapat upang magpatunay prima facie ng kasalanan ni Bogart, o kung ang alinlangan ay dapat magbunga ng kanyang pagpapawalang-sala.


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman.


Ayon sa impormasyon na isinampa noong Abril 28, 2017, bandang alas-10:00 ng gabi ng Marso 30, 2017, sa Purok Sunflower, Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani, umano’y sinaksak ni Bogart si Edgar, edad 55, gamit ang patalim, na may intensyong pumatay at sa paraan umano ay may pagtataksil (treachery). Tinamaan ng saksak si Edgar sa katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.


Sa paglilitis, ipinrisinta ng tagausig ang salaysay o Complaint-Affidavit ni Tata Eta, ina ng biktima, ngunit tinanggap ng magkabilang panig na wala siyang personal na kaalaman sa pangyayari bago ang alas-10:00 ng gabing iyon. 


Ang pangunahing testigo ay si Rogelio, pamangkin ng biktima, na tumestigo na nakita umano niya ang aktuwal na pananaksak ni Bogart kay Edgar.


Ngunit nang suriin ng hukuman ang kabuuan ng kanyang salaysay, lumitaw na malalim ang pagkakaiba ng kanyang mga pahayag sa sinumpaang salaysay at sa kanyang testimonya sa hukuman. 


Sa bago niyang pahayag, iginiit ni Rogelio na nasa barangay hall siya noong gabi ng insidente bilang tanod at nakarinig lamang siya ng sigawan. Doon niya umano narinig ang tinig ni Edgar na humihingi ng tulong, at nang tumakbo siya papunta sa pinangyarihan, duguan na ang kanyang tiyuhin. Ngunit sa kanyang affidavit o sinumpaang salaysay, sinabi niya namang kasama niya si Edgar pauwi mula sa barangay hall nang marinig nila ang kaguluhan sa bahay ni Berna, at doon diumano niya mismong nakita na sinaksak ni Bogart ang biktima.


Matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si Bogart, sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO), sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan na si Atty. Karl Benjamin R. Fajardo ng PAO-Sarangani District Office, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure, na nagtatakda na maaaring ibasura ng hukuman ang kaso kung ang ebidensya ng tagausig ay hindi sapat upang magtaguyod ng prima facie case laban sa akusado.


Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ay hindi kapani-paniwala at walang ibang independiyenteng patunay na nag-uugnay kay Bogart sa krimen.

Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Bogart.


Ayon sa hukuman, upang mapatunayan ang krimeng murder, kailangan merong: (1) isang taong napatay; (2) ang akusado ang pumatay; (3) ang pagpatay ay may kasamang kuwalipikadong sirkumstansya gaya ng pagtataksil; at (4) ito ay hindi parricide o infanticide. 


Sa kasong ito, bagaman napatunayan ang unang rekisito, nabigo naman ang tagausig sa ikalawa at ikatlong rekisito sapagkat walang moral na katiyakan na si Bogart nga ang pumatay, at hindi rin naitaguyod ang pagtataksil o treachery. 


Ayon sa jurisprudence, ang treachery ay hindi maaaring ipagpalagay kung ang akusado ay hindi nagpakita ng anumang paghahanda upang siguraduhing walang pagkakataon ang biktima na lumaban o tumakas.


Tinukoy ng hukuman na ang pagbabago ng salaysay ni Rogelio tungkol sa lugar, oras, at paraan ng pagpatay ay sumisira sa kabuuan ng kanyang patotoo. Hindi ito maaaring ipalusot bilang pagkalimot; ito ay nagpapatunay ng kawalan ng katiyakan sa pinakamahalagang bahagi ng kaso — ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sa kasong People v. Lumikid (G.R. No. 242695, 23 Hunyo 2020), binigyang-diin ng Korte Suprema na, “Inconsistent statements cannot be dismissed as inconsequential because they go into the very identification of the perpetrator of the crime.” 


Samantala, sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011]), ipinahayag na ang

matagumpay na pag-uusig ay nakasalalay sa tiyak na pagkakakilanlan ng salarin, at ang presumption of innocence ay hindi mawawasak ng isang pagkakakilanlan na puno ng alinlangan.


Binigyang-diin ng hukuman ang probisyon ng ating Saligang Batas, malinaw ang nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 14(2) ng 1987 Konstitusyon:


“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”


Kalakip nito, sinipi rin ang Rule 133, Section 2 ng Rules on Evidence, na nagtuturo na ang “proof beyond reasonable doubt does not mean absolute certainty, but moral certainty which produces conviction in an unprejudiced mind.” 


Sa kabiguan ng tagausig na makamit ang antas ng katibayan na ito, ang akusado ay nararapat na mapawalang-sala.


Matapos suriin ang lahat, pinagtibay ng hukuman na walang sapat na ebidensyang nagpapatunay ng kasalanan ni Bogart. 


Ang Demurrer to Evidence ay iginawad, at ang kaso ay ibinasura dahil sa insufficiency of evidence. Iniutos ang kanyang agarang paglaya maliban na lamang kung may iba pang kaso na dahilan ng kanyang pagkakakulong.


Ang kaso ni Bogart ay isang malinaw na paalala na ang hustisya ay hindi maipapataw sa batayang alinlangan o pangalawang salaysay. Ang tungkulin ng pagpapatunay ay laging nasa estado at ang akusado ay hindi pinipilit na patunayan ang sariling kawalang-sala.


Sa huli, nanaig ang batayang prinsipyo — “Mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente.” Sa harap ng kawalan ng tiyak na katibayan, ang hukuman ay pinili ang landas ng katarungan — ang landas ng pagdududa na nagbubunga ng kalayaan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 20, 2025



ISSUE #369


Ang pag-ibig ay dapat nagdadala at nagdudulot sa bawat isa sa atin ng inspirasyon at kasiyahan. Ito ang dapat na pinagmumulan ng tiwala, pag-asa, at nag-uumapaw na kabutihan. Subalit, merong pag-iibigan na nauuwi sa hiwalayan, at may iilan nama’y nauuwi sa malagim na kamatayan.


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay tungkol sa magkasintahan na sina JP at LEM, hango sa kasong kriminal na may pamagat na People of the Philippines vs. Michael Angelo Malapad and LEMXXXXXXXXXXXXXXX (Criminal Case No. 99-22, April 25, 2025). 


Ang kanilang relasyon ay nauwi hindi lamang sa simpleng hiwalayan, kundi sa kalunus-lunos na kamatayan. Sama-sama nating tunghayan kung ano ang mga naganap, batay sa testimonya ng mga saksi, at kung ano ang naging pinal na paghahatol ng hukuman.

Si JP ay pinaslang noong Hulyo 15, 2022, bandang ala-1:30 ng madaling araw, sa Brgy. Ihatub, Boac, Marinduque. At si LEM, na kanyang kasintahan, ang isa sa mga pinaratangan sa naturang pamamaslang. Sapagkat, wala pa sa hustong gulang si LEM, siya ay itinuring bilang isang child in conflict with the law o CICL. 


Kasama ni CICL LEM na sinampahan ng reklamo ang kanyang kapatid na si Michael. Paratang para sa krimen na murder ang inihain laban sa dalawa sa Branch 9 - Family Court, Regional Trial Court ng Marinduque (RTC Marinduque). 


Diumano, kumilos nang may pag-unawa si CICL LEM, nakipagsabwatan, at nakipagtulungan kay Michael, nang may pagtataksil, malinaw na paghahanda, at bentahe ng higit na lakas, upang salakayin at pagsasaksakin si JP habang natutulog ang naturang biktima. 


Ang mga malulubhang sugat mula sa mga saksak na tinamo ni JP ang naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan.


Batay sa testimonya ng mga saksi ng tagausig na kaibigan ni JP na sina Jhereeco at Argel, pati na rin ng isang nagngangalang Mindhomar, nakita nila ang isang tolda na malapit sa “aromahan” habang sila ay naglalakad sa tabing-dagat sa Brgy. Ihatub, bandang alas-9:30 hanggang alas-10:00 ng gabi, noong ika-14 ng Hulyo 2022. Pauwi na umano sila sa kani-kanilang bahay noong oras na iyon. Nilapitan diumano ni Argel ang nasabing tolda at nagtanong kung meron bang tao sa loob nito, subalit wala umanong sumagot. Kung kaya’t nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad. Ilang saglit, nakita umano nila ang dalawang motorsiklo, ang isa ay kulay itim at berde na nakaparada na may 10 metro ang layo sa nabanggit na tolda, habang ang isa naman ay kulay itim at kahel na nakaparada, may 10 metro ang layo sa naunang motorsiklo. Gayunman, wala umano silang nakitang tao sa paligid noong mapadaan sila sa naturang lugar.


Bandang alas-11:00 ng gabi ring iyon, napadaan diumano si Brenda, kaibigan din ni JP, upang isugod ang kanyang ama sa pagamutan. Habang nasa daang-bayan, napansin diumano ni Brenda ang isang payat na lalaki, 5’7 ang taas, nakasuot ng itim na jacket, short, facemask, at sumbrero na nakaupo, may 20 metro ang layo sa nabanggit na tolda. Kalaunan ay kinilala ni Brenda ang naturang lalaki bilang si Michael.


Bandang alas-12:45 ng hatinggabi, ng ika-15 ng Hulyo 2022, nakita umano ni Arvin, isa rin sa mga kaibigan ni JP, ang isang lalaki at babae na nag-uusap sa tabi ng daan. Pauwi na umano si Arvin ng bahay mula sa kanyang trabaho sa isang resort sa Brgy. Ihatub lulan ng kanyang motorsiklo. Diumano, 4’5 ang taas ng naturang babae, mahaba ang buhok at manipis ang mukha, habang ang lalaki nama’y malapad ang katawan, maitim, 5’5 ang taas, at bilugan ang mukha. Naaninag niya umano ang nasabing lalaki at babae dahil sa ilaw ng kanyang motorsiklo.


Bandang alas-5:15 ng umaga ring iyon ay nakatanggap diumano ng tawag ang himpilan ng pulisya ng Boac, mula sa isang nagngangalang Russel at sa Marinduque Provincial Hospital. 


Diumano, isang babae na may mga saksak ang humarang sa minamanehong sasakyan ni Russel, na dinala niya sa nabanggit na pagamutan, na kalauna’y kinilala na si LEM. 

Ayon diumano kay LEM, siya ay ginahasa at sinakal hanggang sa mawalan ng malay. Ang taong gumawa sa kanya ng mga ito ay siya rin diumanong sumaksak sa kasintahan niya na si JP.


Bandang alas-5:30 hanggang alas-5:40 ng umaga ring iyon ay nagtungo umano sina PSSG Landoy at PCpl Mogol sa iniulat na pinangyarihan ng insidente sa Brgy. Ihatub. Nakita nila malapit sa dagat ang bangkay ni JP na bahagya nang natatakpan ng tolda.


Nakita rin nila ang isang motorsiklo na kulay itim at berde. 


Sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), napag-alamang nagtamo ng 10 saksak si JP—meron sa likod, leeg, katawan, at tiyan nito, habang nagtamo naman umano si LEM ng maliit at mababaw na mga sugat sa leeg.

Bandang alas-6:00 ng umagang iyon nang maipagbigay-alam sa mga magulang ni JP, na sina Alexander at Maribel, ang kalunus-lunos na sinapit ng kanilang anak. 


Diumano, agad silang nagpunta sa pinangyarihan ng insidente. Nakita umano nila roon ang SOCO, pati na rin si Michael.


Batay kay Maribel, bumisita umano sa burol ng kanyang anak si Michael at ang mga nag-iimbestigang pulis. Ipinakilala umano sa kanya si Michael bilang kapatid ni LEM, na kasintahan ni JP. 


Naalala umano ni Maribel na nabanggit sa kanya ni JP na merong pagbabanta si Michael, sapagkat tutol umano ito sa relasyon nina JP at LEM. Maging ang mga kaibigan diumano ni JP ay pareho rin ang sinabi kay Maribel patungkol sa mga pagbabanta ni Michael.


Mariin naman ang pagtanggi nina Michael at CICL LEM sa mga paratang laban sa kanila. 

Matapos makapagprisinta ng ebidensya ang tagausig, ay pormal na naghain ang Depensa, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan M.I. Catillon-Rey ng PAO-Boac, Marinduque District Office, ng mosyon na humihingi ng pahintulot sa hukuman ng paglilitis na ibasura ang kaso laban sa magkapatid bunsod ng kakulangan ng ebidensya o demurrer to evidence. Marubdob na iginiit ng Depensa na hindi naitaguyod ng panig ng tagausig ang pagkakakilanlan ng mga inakusahan bilang salarin sa pamamaslang kay JP, sapagkat wala umanong direktang ebidensya na nag-uugnay sa kanila sa krimen. 


Maging ang mga circumstantial evidence na inihayag ng tagausig ay hindi umano sapat. Maliban sa mga ito, nagdulot ng makatuwirang pagdududa sa pagkakakilanlan ng mga salarin ang magkakasalungat na testimonya ng mga saksi ng tagausig.


Sa pagdedesisyon sa kaso na ito, unang binigyang-diin ng RTC-Marinduque na ang pagpapasya ng hukuman sa pagkakasala o kawalan ng kasalanan ng isang akusado ay nagsisimula sa pagkilala ng kanyang karapatan na ipagpalagay bilang inosente sa mga paratang laban sa kanya alinsunod sa ating Saligang Batas. Magagapi lamang ang naturang palagay o presumption of innocence sa oras na mapatunayan ang kasalanan ng akusado, nang merong moral na katiyakan, sa pamamagitan ng katibayan ng lampas sa makatuwirang pagdududa.


Sang-ayon ang hukuman ng paglilitis na walang direktang ebidensya na nagpapatunay sa partisipasyon nina Michael at CICL LEM sa pamamaslang kay JP. Dahil dito, ang mga circumstantial evidence na inihayag ng tagausig na lamang ang maaaring pagbatayan. 


Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis ang mga kondisyon na kinakailangan upang magamit bilang basehan sa paghahatol ang circumstantial evidence, ito ay ang mga sumusunod: 


(1) Merong higit sa isang sirkumstansya na ipinrisinta; 

(2) Napatunayan ang mga impormasyon, kung saan nagmula ang mga sinasabing sirkumstansya; 

(3) At ang kumbinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Sa kaso na ito, naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na naitaguyod lamang ng tagausig ang sirkumstansya na pinaslang si JP, at na ang kasintahan niya na si CICL LEM ang napagbatid na huling kasama nito. Maliban dito, wala umanong ibang ebidensya o pagpapaliwanag kung paano pinaslang si JP, kung siya man ay sadya ngang pinaslang, at kung sino ang may-akda sa naturang krimen.


Naging kapansin-pansin din umano sa hukuman ng paglilitis na ang tanging katibayan lamang na maaaring mag-ugnay naman kay Michael sa pagkamatay ni JP ay ang motorsiklo na kulay itim at kahel na namataan may ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng insidente. Subalit, hindi umano naitaguyod ng tagausig nang merong kasiguruhan na ang nabanggit na motorsiklo ay pagmamay-ari ni Michael. 


Sinubukan din ng tagausig na iugnay si Michael sa pamamaslang kay JP batay sa alegasyon ng mga saksi patungkol sa diumano’y pagtutol ni Michael sa relasyon ng biktima at ng kanyang kapatid na si CICL LEM. Subalit, para sa RTC-Marinduque, hindi sapat ang nag-iisang alegasyon lamang na iyon lalo na at wala umanong katibayan na malapit o naroon si Michael sa lugar ng mismong pinangyarihan ng krimen.


Para din sa hukuman ng paglilitis, hindi umano naisantabi ng tagausig ang posibilidad na ibang tao ang pumaslang kay JP. Ito ay sa kadahilanan na hindi malinaw na natukoy ng saksi na si Brenda, na si Michael ang lalaki na salarin. 


Sa testimonya ni Brenda, ipinahayag niya na sa taas at hugis ng katawan ng naturang lalaki niya ibinatay ang pagkilala sa naturang salarin. Nakapagtataka umano sa hukuman kung paano natiyak ni Brenda na si Michael ang salarin gayung ang kasuotan ng lalaki na inilarawan niya sa hukuman ay napakapangkaraniwan, nakasumbrero, naka-facemask, at 10 segundo lamang niya nakita nang mapadaan ang kanyang sinakyan noong gabi na iyon.


Maging ang testimonya ng saksi ng tagausig na si Arvin ay nagdulot din ng pagdududa sa isipan ng hukuman ng paglilitis, sapagkat nang ipaturo sa kanya ang babae na sinasabi niya na merong kinalaman sa pamamaslang kay JP, ang itinuro niya sa hukuman ay babae na kinilala na si Angelica Montiano.

Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na ang pangunahin na responsibilidad ng tagausig ay ang itaguyod ang pagkakakilanlan ng salarin sa krimen. Tulad ng mga elemento ng krimen, kinakailangan na mapatunayan nang merong moral na katiyakan ang pagkakakilanlan ng salarin sa pamamagitan ng katibayan na lampas sa makatuwirang pagdududa.


Sa kaso nina Michael at CICL LEM, hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na ang naturang magkapatid ang walang-awa na nasa likod ng pamamaslang kay JP. Sa kadahilanan na ito, minarapat ng RTC-Marinduque na bigyan ng merito ang Demurrer to Evidence ng Depensa, dahilan upang maibasura ang habla laban kina Michael at CICL LEM.


Hindi inapela o kinuwestiyon ang nasabing desisyon ng RTC Marinduque, na ipinroklama noong ika-25 ng Abril 2025. Kung kaya’t ito ay naging final and executory.

Lubhang nakalulungkot ang nangyari sa kaso na ito. Nagkahiwalay ang magkasintahan dahil sa malagim na krimen; ang isa ay pinaslang nang walang laban, habang ang isa ay sa krimen pinaratangan. Sa ganitong uri ng pagwawakas ng kaso, hindi maiwasan na maging hati ang ating damdamin. Sa isang banda, merong mararamdaman na ligaya, lalo na para sa panig ng tagapagtanggol, dahil nakamit na ng mga maling inakusahan ang ilang taon na inasam na pagpapawalang-sala. Para naman sa panig ng biktima at ng kanyang naulila na pamilya, kurot sa dibdib na may kaakibat na pagdadalamhati ang tiyak na madarama, sapagkat hindi nila nakamit ang inaasahan na hustisya.


Sa kabila ng lahat ng ito, kami ay patuloy na mananalangin at aasa para sa namayapang biktima, na darating ang araw na matutukoy rin ang mga totoong pumaslang sa kanya. Nawa ang mga ito ay lubos na mapanagot sa angkop na kaparusahan upang makamit ng kaluluwa ni JP hindi lamang ang katarungan kundi pati na rin ang katahimikan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 22, 2025



ISSUE #367



Ang pagkakaroon ng kapatid ay isang napakagandang biyaya mula sa ating Ama na Maylikha. 


Sa piling ng kapatid, ang buhay ay higit na masaya; lalo na kung siya ay lagi mong kasa-kasama. Kahit na minsan ay merong hindi pagkakaunawaan, tiyak na walang sinuman ang magnanais na ang kanyang kapatid ay malagay sa kapahamakan.


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na hango sa kasong People of the Philippines vs. Jose Tagyamon Jordio, a.k.a. Alfredo Jordio and “John Doe,” Criminal Case Nos. 1998-13510 and 1998-13512, March 4, 2024, ay tungkol sa magkapatid na Elebeb at Emmalou. 


Sa murang edad, sila ay hindi inaasahang pinaghiwalay dahil sa isang malagim na krimen. Krimen na nagdala kay Emmalou sa kabilang buhay. Ganunpaman, kahit higit sa dalawang dekada na ang dumaan, hindi sumuko si Elebeb sa legal na pakikipaglaban. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kanilang kuwento.


Isang malagim na gabi ang tumambad sa magkapatid na Elebeb at Emmalou noong ika-7 ng Pebrero 1998, nang walang kaabug-abog na sila ay pagbabarilin ng isang lalaki. 

Noong panahon na iyon ay 12-anyos lamang si Elebeb, habang 13-anyos naman si Emmalou. Naganap ang nasabing insidente bandang alas-7:00 o alas-8:00 ng gabing iyon sa kanila mismong tahanan sa isang barangay sa Dumaguete City.

Ang mga inakusahan sa nasabing pamamaril ay sina Jose alyas “Alfredo” at “John Doe”. Magkahiwalay na paratang para sa krimen na Murder at Frustrated Murder ang inihain laban sa kanila sa Regional Trial Court ng Negros Oriental (RTC Negros Oriental).

Sa kabila ng pagpapalabas ng hukuman ng warrant of arrest noong ika-25 ng Mayo 1998 ay nanatiling at-large ang dalawang akusado, dahilan upang mai-archive ang kaso laban sa kanila. 


Gayunpaman, sa hindi inaasahang pagbaling ng mga kaganapan, nadakip si Alfredo sa Caloocan noong ika-7 ng Pebrero 2023, o 25 taon mula nang maganap ang malagim na krimen. 


Ang pithaya para sa hustisya ng mga biktima ay nasimulan na rin nang ma-arraign si Alfredo noong ika-14 ng Marso 2023. 


Batay sa testimonya ni Elebeb, siya at si Emmalou ay nanonood ng telebisyon sa sala ng kanilang bahay nang biglang may dumating na isang lalaki na hinahanap ang kanilang ina. Diumano, sinagot ni Elebeb ang lalaking iyon na hindi niya alam kung saan naroon ang kanilang ina. Laking gulat na lamang nilang magkapatid nang bigla umanong bumunot ng baril ang naturang lalaki at sila ay pinagbabaril. Sinipa umano si Elebeb ni Emmalou mula sa sofa, dahilan upang siya ay makagapang sa sahig at makalabas sa kanilang likod na pinto. Habang siya’y nagtatago sa mga puno ng saging at niyog, patuloy ang pagputok ng baril sa loob ng kanilang bahay. 


Nakita umano ni Elebeb na lumabas ang nasabing lalaki at hinahanap siya, ngunit pumasok din itong muli sa kanilang bahay. Ilang sandali pa, nakita umano ni Elebeb na nakasalubong ng naturang lalaki sa loob ng kanilang bahay si Casio, kapitbahay nila Elebeb na isang pipi at bingi. Muling nakarinig ng mga putok ng baril si Elebeb. Pagkatapos noon ay narinig diumano ni Elebeb ang tunog ng motorsiklo na umalis. Agad diumano siyang tumakbo at nakita si Casio na duguan at nakahawak sa sariling tiyan. 


Sa kanyang paghingi ng saklolo, dumating ang tiyahin ni Elebeb at tinulungan siya na maisugod sa ospital sina Emmalou at Casio. Binawian ng buhay si Emmalou, habang si Casio naman ay nagtamo ng matinding kapinsalaan sa katawan; ang malaking bituka at atay ni Casio ay malubha ring nasugatan.


Batay sa paglalarawan na ibinigay ni Elebeb sa mga pulis, ang lalaki na walang-awa na namaril sa kanila ay merong pangkaraniwang taas, kulot ang buhok, katamtaman ang laki ng katawan, nakasuot ng itim na t-shirt at camouflage na short at merong peklat sa mukha. 


Kinabukasan, habang kasama umano ni Elebeb sa isang sasakyan ang dalawang pulis ay bigla niyang nakita diumano ang nasabing lalaki na namaril pagkahinto nila sa isang tindahan sa Colon Extension sa Dumaguete City. 


Naglalakad lamang diumano sa kalsada ang nabanggit na lalaki. Agad niya umano itong ipinaalam sa kasama niya na pulis, subalit walang ginawa ang naturang pulis.

Makalipas ang mahigit dalawang dekada, o noong ika-2 ng Pebrero 2023, nakatanggap diumano si Elebeb ng mensahe mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na merong larawan ng isang lalaki ang naaresto sa Ilocos. Subalit, ayon kay Elebeb, hindi umano ito ang lalaki na walang-awang namaril sa kanila. 

Makalipas ang halos isang linggo, nakatanggap muli si Elebeb ng mensahe mula sa CIDG na merong larawan ni Alfredo. Positibo na kinilala ni Elebeb na ito ang lalaki na bumaril sa kanilang magkapatid at kay Casio.


Sa paglilitis sa hukuman, positibo na kinilala ni Elebeb na si Alfredo ang siyang bumaril sa kanila. 


Samantala, nagsumamo ng kawalang kasalanan si Alfredo. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.O. Laurente ng PAO-Dumaguete City South District Office, iginiit niya na wala siya sa Dumaguete City noong araw ng insidente; bagkus siya ay nasa Caloocan. Mula pa umano taong 1995 o 1996 ay naninirahan na siya sa Bagong Silang, Caloocan at hindi pa umano siya muling nakababalik sa Dumaguete City dahil sa kakulangan sa pera.


Pinatotohanan ng kapatid ni Alfredo na si Ponciano ang naturang alibi. Mula pa umano sa taong 1995 ay naninirahan na si Alfredo sa Caloocan. Kinumpirma rin ni Barangay Clerk Adduru ng Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan, ang katotohanan ng sertipikasyon na ipinalabas ng kanilang barangay na si Jose alyas “Alfredo” ay kilala sa kanilang komunidad mula pa taong 1995 at na wala itong derogatory record.  


Matapos ang mabusising pag-aaral ng hukuman ng paglilitis sa bawat alegasyon at ebidensya ng magkabilang panig, hatol ng pagpapawalang-sala ang iginawad kay Alfredo. 


Unang ipinaalala ng RTC Negros Oriental ang garantiya sa ilalim ng ating batas, pangunahin na sa ating Saligang Batas, na ipinagpapalagay na inosente ang isang akusado hanggang ang kanyang pagkakasala ay mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. At ang pasanin ng pagpapatunay sa bawat elemento ng krimen at sa pagkakakilanlan ng salarin, nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ay nasa panig ng nag-uusig.


Sa kaso ni Alfredo, hindi nakumbinsi ang RTC Negros Oriental na merong moral na katiyakan na siya ang may-akda ng mga krimen na ibinibintang laban sa kanya. Bagaman hindi umano mapag-aalinlanganan na naganap ang pamamaril at nagbunga ito ng pagkasawi ni Emmalou at ng matinding pinsala sa katawan ni Casio, nabahiran naman diumano ng pagdududa ang pagkilala ni Elebeb kay Alfredo bilang salarin sa naganap na mga krimen dahil sa napakahaba na panahon na ang lumipas nang maganap ang naturang insidente. 


Ipinaliwanag ng hukuman ng paglilitis na ang isa sa mga “danger signals” ng “out-of-court identification” o pagkilala ng saksi sa akusado sa labas ng hukuman ay ang malaking patlang ng panahon na lumipas mula nang makita ng saksi ang salarin na ginawa ang krimen at ang kanyang pagkilala rito. 


Hindi maisantabi ng hukuman ng paglilitis ang napakahaba na panahon na lumipas - 25 taon mula nang maganap ang krimen ng pamamaril nang kilalanin ni Elebeb si Alfredo sa pamamagitan ng ipinadala na larawan ng CIDG.


Binigyang-konsiderasyon din ng hukuman ng paglilitis na ang muling pagtatatag ni Elebeb ng mga naganap noong 12-anyos pa lamang siya ay maaaring naapektuhan, nabahiran o nasira ng matinding hilakbot at tensyon bunga ng pagkakasaksi sa matinding krimen. 


Naging kapuna-puna rin sa hukuman ng paglilitis ang kawalan ng katibayan na sumailalim si Elebeb sa counselling at therapy sa kabila ng matindi niyang pinagdaanan noong gabi ng insidente, pati na ang mga taon na lumipas na bitbit niya ang responsibilidad bilang natatanging saksi sa walang-awang pamamaril na kumitil sa buhay ng kanyang kapatid. Kung kaya’t, hindi rin maisantabi ng hukuman ng paglilitis ang posibilidad na nalimitahan ang pagkilala ni Elebeb sa salarin ng mga normal na pagkakamali ng isang tao pati na ng mga impluwensya na pahiwatig sa kanya. 


Para sa hukuman ng paglilitis, magiging kapabayaan diumano ng tungkulin kung ang pagdedesisyon sa kaso na ito ay ibabatay lamang ng hukuman sa natatangi na muling paggunita ni Elebeb ng mga pangyayari.


Sa panuri din ng RTC Negros Oriental sa mga naging pahayag ni Elebeb, napakalimitado lamang diumano ng kanyang pagkakakita sa lalaki na namaril kung isasaalang-alang ang bilis ng mga pangyayari at ang kanyang ginawa na pagtago. Meron ding hindi pagkakaayon diumano ang inisyal na paglalarawan ni Elebeb noong ipinatala ang insidente ng krimen noong taong 1998 sa kanyang naging paglalarawan noong taong 2023 ukol sa itsura ng salarin. 


Ang naturang hindi pagkakaayon ay nagdulot ng pagdududa sa isipan ng hukuman kung ang akusado nga ba ang salarin sa naganap na pamamaril. 

Dagdag pa sa mga ito ay ang kawalan ng iba pang ebidensya na maaaring mag-ugnay kay Alfredo sa krimen.


Pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis na mahina man na uri ng ebidensya ang pagdadahilan o alibi ng akusado, kikiling pa rin sa kawalan ng kasalanan ng akusado ang hukuman kung hindi maitaguyod ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Sa kaso ni Alfredo, merong makatuwirang pagdududa na nabuo sa isipan ng hukuman kung siya nga ba ang totoong salarin sa naturang pamamaril. 


Batay na rin sa mga dahilan na nabanggit, hatol na pagpapawalang-sala ang iginawad kay Alfredo ng RTC Negros Oriental noong ika-4 ng Marso 2024.

Wala nang naihain na petition for review on certiorari o apela na nagkukuwestiyon sa naturang desisyon ng hukuman.


Hindi man nagbunga ng pagkapanalo kay Elebeb ang isinampa niyang kaso, ang mahalaga ay napatunayan nilang magkapatid ang lalim ng pagmamahal nila para sa isa’t isa. 


Sa murang edad na 13, ang pagmamahal ni Emmalou sa kanyang kapatid ang namutawi nang unang pumasok sa kanyang isipan noong sila ay pagbabarilin ay ang iligtas si Elebeb sa tiyak na kapahamakan, gayung ito ang naging daan ng kanyang kamatayan. 


Si Elebeb naman, ipinakita ang pagmamahal sa pamamagitan ng patuloy na pakikipaglaban upang sana ay makamit ng namayapang kapatid ang katarungan. Kahit lumipas na ang higit sa dalawang dekada, hindi siya sumuko sa pagnanais na makamit ng kaluluwa ni Emmalou ang karampatang hustisya.


Sana ay nakapulutan natin ng aral at inspirasyon ang kuwento na aming ibinahagi sa araw na ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page