top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 7, 2024




Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Rueda Acosta

Sa tuwing nakakabalita tayo ng mga karumal-dumal na krimen -- madalas ang kasunod nating naiisip o nabibigkas ay ang salitang “hustisya,” na siyang nararapat sa anumang uri ng krimen, pagmamalabis, o kasamaan. 


Gayunman, may mga ilang pagkakataon na sa labis na pagsisigasig na mahanap ang hustisya at agarang solusyon – kawalan ng hustisya o ‘di kaya naman ay panakip butas ang nagiging pagtugon sa halip na tunay na solusyon. 


Sa ganitong pagkakataon, nasasakripisyo ang katarungan sa malalim na kahulugan nito. Hindi sapat na may maidiin lamang, dahil kahit kailan hindi ito hustisyang maituturing. 


Upang maiwasan ang mga ganitong uri ng sitwasyon, dapat patunayan ng estado sa pamamagitan ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng isang akusado nang higit pa sa makatwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt. 


Sa maraming kaso ng Korte Suprema, ito ay nararapat na mapatunayan sa pamamagitan ng lakas ng ebidensiya, at hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga natulungan ng aming tanggapan na mapawalang-sala sa kasong murder na isinampa laban sa kanya kaugnay sa malagim na kamatayan na sinapit ni Paterno, hindi niya tunay na pangalan.


Sa kasong People v. Barrion (CA-G.R. CR-HC No. 14) isinulat ni Hon. Justice Ruben Reynaldo G. Roxas, na may petsang ika-28 ng Pebrero 2022, na siya ring nagkaroon ng Entry of Judgement, napalaya sa mabigat na akusasyon ng pagpaslang ang isa sa ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Benjamin.


Ayon sa bersyon ng tagausig, noong hapon ng ika-15 ng Abril 2011, may dalawang hindi kilalang lalaki ang dumating sa talyer na pagmamay-ari ni Paterno at pinagbabaril siya. 

Si Paterno ay agad na dinala sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklara siyang dead-on-arrival dahil sa 4 na tama ng baril na kanyang natamo.


Kaugnay nito, noong ika-9 ng Setyembre 2011, pormal na sinampahan ng prosekusyon ng kasong murder si Benjamin at ang isa pang ‘di kilalang akusado para sa pagpaslang kay Paterno.


Ayon sa salaysay ni Marlon, hindi niya tunay na pangalan, isa sa mga naging saksi ng prosekusyon patungkol sa oras at lugar ng insidente, may kani-kanyang ginagawa sina Barry at Roel sa talyer nang mapansin niyang may dumating na dalawang lalaki sakay ng isang motor. Bumaba ang mga ito sa motorsiklo, kaya naman agad niya itong nilapitan, ngunit hiniling ng mga ito na makausap ang manager. Dahil dito, tinawag niya si Paterno at bumalik sa kanyang trabaho.


Hinintay ng dalawang lalaki si Paterno na halos tatlong braso ang layo sa kanya. Makalipas ang isang minuto, napansin niyang lumapit si Paterno sa dalawang lalaki at kinausap ang isa, habang ang isa naman ay nasa likuran ni Paterno. 


Ngunit bigla siyang nakarinig ng putok ng baril na nagmula sa direksyon ni Paterno. Ang putok ng baril ay sinundan pa ng kasunod na mga putok, na nagtulak sa kanya upang magtago.


Nang marinig niyang umalis ang dalawang lalaki, agad niyang pinuntahan si Paterno at nakita nila ito na duguan sa sahig. 


Pinagtibay nina Barry at Roel ang karamihan sa testimonya ni Marlon. Samantala, ayon kay Jean, isa pang testigo ng tagausig, nagtungo sila sa himpilan ng pulisya noong ika- 23 ng Mayo 2011, dahil sa nabalitaan nilang isang suspek sa pagpatay kay Paterno. Sa istasyon, itinuro nila ang lalaking inaresto na kinilalang si Benjamin. Ngunit, itinanggi ng akusado na ang akusasyon laban sa kanya. 


Ayon sa kanya, noong araw na siya ay inaresto, siya ay na-flag down dahil sa pagmamaneho ng kanyang motorsiklo nang walang lisensiya. Nang aminin niya ang katotohanang ito, sinabihan siya ng pulis na kailangan siyang makulong sa himpilan ng pulisya.


Kusa siyang sumunod at dinala sa himpilan ng pulisya. Sa hapon ng araw ding iyon, ilang indibidwal ang dumating sa istasyon na nakaturo sa kanya. Noon ay sinabi sa kanya na siya ay inakusahan ng pagbaril sa isang taong nagngangalang Paterno.

Matapos ang paglilitis, nahatulan si Benjamin sa kasong murder o pagpaslang. Kaugnay nito, umapela si Benjamin sa naunang hatol ng hukuman, at hiniling na siya ay mapawalang-sala. Tulad ng ating naunang nabanggit, binaliktad ang naunang hatol na konbiksyon ni Benjamin at tuluyang napawalang-sala. 


Ayon sa hukuman para sa mga apela, dapat mapatunayan ng estado ang pagkakasala ng isang akusado nang higit sa makatwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt sa pamamagitan ng lakas ng ebidensiya, at hindi sa kahinaan ng depensa ng nasasakdal. 


Sa kaso ni Benjamin, ayon sa hukuman para sa mga apela – kahit na paniwalaan natin na mayroong ilang mga saksi, ang kanilang pagkakakilanlan sa mga akusado tulad ni Benjamin bilang isang salarin ay hindi maaasahan dahil nabigo itong matugunan ang tinatawag na totality of circumstances test na itinataguyod ng Korte Suprema batay sa mga naging panuntunan na inilatag ng Korte Suprema ng Estados Unidos:

  1. Pagkakataon ng saksi na tingnan ang kriminal sa oras ng krimen; 

  2. Antas ng atensyon ng saksi sa panahong iyon; 

  3. Ang katumpakan ng anumang naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi;

  4. Ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkakakilanlan; 

  5. Ang haba ng oras sa pagitan ng krimen at pagkakakilanlan; at 

  6. Ang pagiging suhestiyon ng pamamaraan ng pagkilala.


Sa kasong ito, walang paglalarawan sa mga salarin ang ginawa anumang oras bago ang pag-aresto kay Benjamin. Walang naunang paglalarawan, at dahil wala nang iba pang katibayan ng pagkakasala ni Benjamin – ang mababang hukuman ay walang pamantayan upang masukat ang kredibilidad o kawastuhan ng pagkilala sa akusado ng mga nakasaksi diumano sa krimeng naganap.


Ang detalyadong paglalarawan ng mga salarin sa mga sinumpaang salaysay o affidavit ng mga testigo ay hindi maaaring kunin sa halaga kung isasaalang-alang na sila ay nagsagawa ng kanilang mga affidavit dalawang araw pagkatapos nilang makita at makilala si Benjamin sa himpilan ng pulisya. Upang bigyang-diin, ang mas mahalaga ay ang katiyakan sa simula o sa paunang pagkakakilanlan sa akusado, hindi sa isang medyo huli na yugto ng mga paglilitis sa krimen. 


Panghuli, iginiit din ng hukuman para sa mga apela na dahil ang mga sinasabing saksi ay desidido sa paggawa ng kanilang mga gawain o tungkulin sa talyer nang mangyari ang pamamaril, at sila ay nagkaroon lamang ng napakaikling engkuwentro sa mga salarin, kung mayroon man, makatuwirang isipin na walang naunang paglalarawan dahil ang mga saksi ay may ibang ginagawa nang mangyari ang naturang pamamaril.  

Kaya naman kaunting atensiyon lamang ang naibigay sa  mga katangian ng salarin. Nang dahil dito ay walang sapat na paggunita ang mga naging testigo sa mga pisikal na katangian ng salarin.


Samakatuwid, dahil hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang, ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa pagpapawalang-sala sa kanya – alinsunod sa pagpapalagay na inosente ang akusado maliban lamang kung mapatunayan ang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.


Sa kuwentong ating ibinahagi na hango mula sa tunay na pangyayari, daing pa rin ng pamilya ni Paterno ang malagim na sinapit nito. Gayunman, ang aral na dulot ng ating kuwento ay sinasabi na hindi isang dahilan ang nabanggit na kalagiman na sinapit upang laktawan at ipagwalang-bahala na ang mga rekisito upang mapatunayan ang konbiksyon. 


Kapag hindi ito napatunayan, ang daing ay hindi na lamang sa naturang biktima, bagkus, pati na rin  sa magiging biktima sa pagkakadawit sa isang krimen na hindi naman napatunayan katulad ni Benjamin. 


Ang kawalan ng katarungan sa magkabilang panig ay nagiging sanhi ng pagdaing. Ang tunay na tinig ng hustisya ay dinggin, nang walang masakripisyo, lalo na ang nadawit lamang sa isang kaso.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 22, 2024


Nakasaad sa ating batas ang tinatawag na minimum wage, at 13th month pay na obligasyon ng mga employer o amo na makatalima.


Sa kabilang banda, ang pagpalya o hindi pagtalima ng isang employer o amo na maibigay ang nararapat na sahod at benepisyong ipinagkaloob ng 13th month pay law ay maaaring maging dahilan ng isang manggagawa o empleyado na magsampa ng money claims laban sa kanyang pinapasukan o employer.


Sa kuwentong hango sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan, ating silipin kung paano natulungan ng tamang aplikasyon ng nasabing batas ang isa sa ating mga kliyente na itatago na lamang natin sa pangalan na Banley.


Si Banley ay nailigtas ng Public Attorney’s Office (PAO) sa pinangangambahang tila walang katapusang pagdaing dahil sa kawalan ng katarungan na nararanasan sa trabahong kanyang dating pinapasukan.


Bilang pagbabahagi, sa kasong Kriska Logistics, Inc.  v. Mendoza, pinal na natuldukan ang daing ni Banley na mabayaran ng wasto para sa kanyang trabaho bilang empleyado o manggagawa ng kanyang pinapasukan na itago na lamang natin sa pangalang ‘Mojie Incorporated’.


Noong Pebrero 6,  2006, nagsimula si Banley na mamasukan bilang delivery helper sa Mojie Incorporated. Bilang delivery helper, responsable si Banley na manu-manong dalhin at ihatid ang mga kahon sa mga mall, supermarket, at iba pang mga establisimyento.


Noong Setyembre 2016, huminto si Banley sa pag-uulat para sa trabaho pagkatapos ng kanyang operasyon sa katarata sa kanyang kaliwang mata. Sa isip ni Banley, ang payo ng kanyang doktor sa kanya na huwag magdala ng mabibigat na bagay ay nangangahulugan na hindi na siya maaaring magtrabaho.


Hiningan ng Mojie Incorporated si Banley ng Medical Certificate na nagpapatunay na ang kanyang karamdaman ay incurable o walang lunas sa loob ng 6 na buwan, alinsunod sa Artikulo 299 ng Labor Code. Walang naipakita si Banley sa kanyang Medical Certificate, ngunit iginiit niya na mabayaran siya ng separation pay.


Natapos ang Single Entry Approach o (SENA) ng walang kasunduan sa magkabilang panig.  Sa Position Paper ni Banley sa Labor Arbiter, hinaing niya na ang kanyang sahod ay higit na mababa pa sa minimum wage. At dahil sa kakulangan sa sahod, kulang din ang kanyang 13th month pay na siyang nakabatay sa kanyang sahod. Sa kabuuan, hiling ni Banley na mabayaran ng wasto sa kanyang mga money claims.


Noong Enero 31, 2017 ay ibinaba ng Labor Arbiter ang naging desisyon nito, kung saan na-dismiss ang hiling ni Banley.


Aniya, hindi underpaid si Banley. Gayunman, noong Mayo 16, 2017 ay binaligtad ng NLRC ang naging pasya ng Labor Arbiter. Ayon sa NLRC, hindi maaaring makonsidera ang meal allowance o pagkain bilang bahagi ng sahod ni Banley, dahil pumalya ang Mojie Incorporated na makasunod sa mga rekisito kung saan maaari itong maging bahagi ng sahod ng isang manggagawa. Dahil dito, ito ay nagresulta sa underpayment ng sahod at kakulangan sa 13th month pay na nararapat niyang matanggap.


Sa desisyon na may petsang Abril 24, 2019 – kinumpirma ng Hukuman para sa Court of Appeals ang naging desisyon ng NLRC. Dahil dito, umakyat ang kaso sa Korte Suprema kung saan ang naging usapin ay ang tamang halaga ng sahod ni Banley at ang halaga ng natanggap niyang 13th month pay.


Sa madaling salita, tama ba na ituring ang meal allowance o pagkain bilang bahagi ng kanyang sahod? Ang kasagutan sa tanong na ito ang magtatakda kung sapat ang naging sahod at 13th month pay ni Banley.


Tulad ng ating unang nabanggit, pinal na natulungan ng ating tanggapan si Banley sa kanyang daing na mabayaran ng wasto para sa kanyang mga napagtrabahuhan na inilabas ng Korte Suprema ang naging desisyon nito noong ika-8 ng Mayo 2023 na siya namang nagkaroon ng Entry of Judgment noong ika- 13 ng Hulyo 2023.


Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, tungkulin ng Mojie Incorporated na (1) maipakita ang pay slips upang suportahan ang depensa nito na ang sahod ni Banley ay pantay o higit sa minimum wage; at (2) makapagbigay ng patunay na ang meal allowance o pagkain ay isang form of facilities na maaaring maibawas at bilang parte ng sahod.


Kaugnay sa nabanggit, muling inulit ng Korte Suprema ang Doktrina na sa mga labor cases o kaso ng paggawa na kinasasangkutan ng pagbabayad ng sahod, obligasyon ng employer o pinapasukan na patunayan ang pagbabayad o payment sapagkat ang lahat ng mga dokumento o file ng empleyado ay nasa kustodiya at kontrol ng employer.


Sa rekords ng kasong ito, hindi napunan ng Mojie Incorporated ang mga sumusunod na rekisito upang makonsidera ang meal allowance bilang form of facility na maaaring maging bahagi ng sahod: a) na ang meal allowance ay karaniwang ibinibigay ng kalakalan; b) na ang empleyado ay kusang sumang-ayon na ang naturang meal allowance ay ibabawas sa kanyang pang-araw-araw na sahod; at c) ang meal allowance na sinisingil ay patas at makatwiran ang halaga. Dahil sa hindi pagsunod sa mga nabanggit, hindi maaaring maisama o maibawas sa sahod ni Banley ang naturang meal allowance.


Alinsunod sa mga nabanggit, ang konklusyon ay ang sahod na natanggap ni Banley ay higit na mababa sa ipinapataw na minimum wage.


Sa katambal na isyu, sapagkat hindi sapat ang naging basehan ng sahod ni Banley, ang naging pagtutuos sa kanyang 13th month pay ay naging kulang din. Dahil dito, kinumpirma ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Hukuman para sa mga apela na ipinagkaloob ang mga money claims ni Banley para sa wastong pagbabayad ng kanyang sahod at 13th month pay.


Samakatuwid, ang lahat ng napagtrabahuhan ni Banley at ang daing niya ay natuldukan din sa patas at wastong desisyon na bayaran siya ng Mojie Incorporated.

 
 

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

May mga kaso sa Public Attorney’s Office (PAO) na masasabing memorable para sa amin. Bukod sa iba pa, kabilang dito ‘yung humahamon sa aming kakayanan bilang mga manananggol, may national significance na may malaking relasyon sa pandaigdigang seguridad at interes, ganundin ang kaso ng mga biktima o akusado na tumatatak sa isipan dahil sa iba’t ibang mahahalagang dahilan o katangian na nag-iiwan ng marka. Isa sa mga biktima si Abbie Hedia. Hindi mawala sa isip ko ang kanyang smiling eyes. Sa picture pa lang, nakita ko ang mga kuwento tungkol sa kanya ay ganito na ang naiwan na impresyon ni Abbie sa akin. Siguradong nami-miss na siya ng kanyang mga magulang at lahat ng nagmamahal sa kanya.

Si Abbie, anak nina G. Ariel at Gng. Ruby Hedia, dating mag-aaral sa eskuwelahan sa Muntinlupa ay 13-anyos nang pumanaw noong Pebrero 10, 2018. Siya ang panglabing-walo (18) sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya.

Noong Nobyembre 17, 2017, may nag-anunsiyo mula sa barangay na tinitirhan ng pamilya Hedia na may libreng bakuna laban sa Dengue sa plaza. Anang mag-asawang Hedia:

“Sa kagustuhan naming maprotektahan ang aming mga anak na sina Arvie at Abbie at sa tiwala namin sa gobyerno, pinapunta namin sila sa plaza kasama ang kanilang tita.

“Bagama’t walang nagpaliwanag sa amin kung ano ang nasabing bakuna at panganib nito, nang araw na ‘yun, nabakunahan sina Arvie at Abbie ng barangay health worker.”

Noong Pebrero 7, 2018 ng gabi, nilagnat si Abbie. Kinabukasan, tuloy pa rin ang lagnat niya kaya dinala siya sa ospital. Bandang hapon, pinauwi rin siya ng doktor matapos bigyan ng gamot. Gayunman, hindi bumuti ang kondisyon niya dahil nilalagnat at nanghihina pa rin siya. Nagsimula rin siyang magsuka at magtae kaya ibinalik siya sa ospital nang hatinggabi. Inilagay siya sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital, kinuhanan ng dugo at ihi saka isinailalim sa eksaminasyon ang mga ito. Nang lumabas ang resulta, negative naman diumano ang mga ito. Gayunman, binanggit ni Gng. Hedia na naturukan ng Dengvaxia si Abbie noong Nobyembre 17, 2017 sa health center sa kanilang lugar at ipinakita niya sa ospital ang index card na dala niya kung saan nakasaad na si Abbie ay nakatanggap ng Dengvaxia. Sinabihan si Gng. Hedia na kumuha ng certification mula sa health center na si Abbie nga ay naturukan ng Dengvaxia. Hindi bumuti ang kalagayan niya habang nasa ICU kahit nakaswero na siya. Sinabi rin ng mga doktor na negatibo ang resulta ng mga eksaminasyon sa kanyang ihi at dugo, pero hindi naman siya bumubuti. Hindi pa rin nawala ang kanyang lagnat. Nagsimula na rin siyang dumumi ng tubig na kulay berde at sumuka ng kulay dilaw at malaway. Binigyan siya ng gamot para sa pagsusuka at pagtatae at pinabili si G. Hedia ng matataas na uri ng antibiotics at inilagay sa swero. Ang ipinagtataka nito ay hindi naman bumuti ang kalagayan ni Abbie kahit matataas na uri na ng antibiotics ang isinuwero sa kanya.

Noong Pebrero 9 hanggang 10, 2018 ang naging mga kritikal na araw ni Abbie.

  • Pebrero 9, 2018 - Biglang nagwala si Abbie. Nagpupumiglas siya at ayaw niyang magpahawak. Sa kanyang pagpupumiglas, natanggal ang kanyang swero kaya nilagyan ng gapos ang kanyang mga kamay. Nagpatuloy pa rin siya sa pagpupumiglas at lalo siyang lumakas hanggang sa hirap na sina G. Hedia na pigilan siya. Hindi na rin siya mapigilan ng mga nurse kaya pati ang kanyang mga paa ay iginapos na. Paulit-ulit ang pagwawala ni Abbie at kahit nakagapos siya, gusto niyang tanggalin ang mga ito, subalit kapag sinasaway siya ni G. Hedia ay tumitigil siya. Nakapikit lamang siya pero hindi siya tulog. Matapos noon, mayroong gamot na itinusok kay Abbie, kaya kumalma siya at nakatulog.

  • Pebrero 10, 2018 - Alas-10:00 ng umaga, lumubha ang kalagayan ni Abbie at kinailangang i-pump na ang kanyang dibdib. Napakasakit para sa kanyang mga magulang na makitang naghihirap siya. Abot ang dasal ng mag-asawa na sana ay ma-revive siya. Makalipas ang ilang sandali, na-revive si Abbie at nagkaroon ng tibok ang puso niya. Matapos ma-revive, pinapirma si G. Hedia ng consent form para malagyan ng tubo si Abbie. Sa kagustuhan na madugtungan pa ang buhay ng anak, pumirma siya at pumayag na malagyan si Abbie ng tubo. Subalit hindi na nakayanan ni Abbie ang paghihirap dahil alas-12:00 ng tanghali ay pumanaw siya.

Sa kanilang pagmumuni-muni sa pagkamatay ni Abbie, nasabi nina G. at Gng. Hedia ang sumusunod:

“Malusog si Abbie bago siya makaranas ng malaking pagbabago sa kanyang nararamdaman. Hindi pa siya nagkaroon ng malalang sakit kagaya ng dengue. Ang malaking pagbabago sa kanyang nararamdaman ay nangyari lamang matapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia. Nagulat kami na siya ay lumisan nang napakabilis dahil sa simpleng pagtatae, nawala si Abbie. Ang pagkakaintindi namin, kapag nagtatae ang bata, binibigyan lang ito ng gamot at ganu’n si Abbie kapag nagtatae noon. Bigyan lang siya ng gamot ay nawawala na ang kanyang pagtatae. Hindi naman siya nadadala sa ospital dahil doon. Katunayan nga, magana pa rin siyang kumain, subalit nang maturukan ng Dengvaxia na sa akala namin ay makakatulong sa kanya, naging sanhi pa ito ng kanyang maagang kamatayan.

“Nais ko ring liwanagin na hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aming anak bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang Dengvaxia.”

Labis na ikinalungkot at ikinagulat ng pamilya Hedia ang biglaang pagbabago sa kalusugan ni Abbie na humantong sa kanyang pagpanaw. Bagama’t nasa panahon pa sila ng pagdadalamhati, hindi nila ipinagpaliban ang pagkilos upang mabigyan ng katarungan ang trahedyang ito. Dahil dito, lumapit sila sa PAO, for forensic examination sa mga labi ni Abbie at upang maisampa ang kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo sa mga taong responsable sa pagkamatay niya. Tulad ng nabanggit, naisagawa na ang nasabing pagsusuri ng PAO Forensic Team. Patuloy naman ang legal assistance na ibinibigay ng PAO sa kanila.

Sa pagbubukas ng PAO offices sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), buong ingat kaming nag-oobserba ng safety protocols. Batid natin na may banta pa rin ng panganib ng COVID-19. Gayunman, kahit maaaring buhay ang nakataya, haharap kaming muli ngayon sa Dengvaxia cases nang buong sigasig dahil sa mga kasong ito, buhay din ang nawala. Patuloy rin ninyo kaming maaasahan ang aming serbisyo na kaakibat ng aming mandato.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page