top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 25, 2024



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #329


Merong mga pagkakataon na hindi natin mawari kung bakit nangyayari ang mga hindi magagandang bagay, ano ang nasa isipan ng mga taong nakapaligid sa atin at ano ang mangyayari sa bawat bukas ng ating buhay? 


Kung alam lang sana natin, marahil ay marami na tayong iniwasan at marahil ay nag-ingat pa tayo nang lubusan. Ngunit tila sadyang ganyan ang buhay. Gayunman, ang pinakamahirap ay ang hindi natin alam kung kailan tayo mawawalay sa ating mga mahal sa buhay.


Sa isang malagim na krimen, nagwakas ang pagsasama ng mag-asawang Eduardo at Eva. Tunghayan natin ang kanilang naging kapalaran at ang naging kapalaran ni Alexander, ang taong inakusahan sa krimen. 

Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Alexander Nuevo, Sr. y Casinillo (CA-G.R. CR-HC No. 16387). Ang kasong ito ay inilaban ng aming Special and Appealed Cases Service (SACS) sa pamamagitan ni Atty. C. G. Diolola.


Si Alexander ay naharap sa kasong murder na inihain sa Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng pamamaslang sa biktima na si Eduardo. 


Naganap diumano ang naturang pamamaslang bandang alas-3 ng hapon, noong ika-8 ng Nobyembre 2020, sa isang Barangay sa Monreal, Masbate.

Batay sa paratang laban sa kanya, sa pamamagitan ng pagtataksil o treachery ay sinaksak ni Alexander si Eduardo sa tiyan gamit ang isang kutsilyo, na siyang naging sanhi ng dagliang pagpanaw ng biktima.


“Not Guilty,” ang naging pagsamo ni Alexander sa hukuman.


Batay sa testimonya ni Eva, asawa ng biktima at isa sa mga tumayong saksi para sa tagausig, alas-10:00 ng umaga, noong araw ng insidente ay nakikipag-inuman diumano si Eduardo sa bahay ni Kagawad Gernale. 


Ang nasabing bahay ay 25 hanggang 30 metro ang layo mula sa kanilang bahay. Nakita umano ni Eva na pumasok ang kanyang asawa sa nasabing bahay at narinig pa umano niya ang boses nito, bagaman hindi niya umano kilala kung sino ang kainuman ng kanyang esposo. Bandang alas-3:00 ng hapon, umuwi na umano sa kanilang bahay si Eduardo. Nagpaalam diumano si Eva kay Eduardo na pupunta lamang siya sa palikuran ng kabilang bahay. Ngunit, nasa walong metrong layo pa lamang si Eva mula sa kanilang bahay nang makita niya na binuksan ni Alexander ang gate ng kanilang bakod at nilapitan si Eduardo na noon ay nakatayo sa kanilang bakuran. 


Bigla na lamang umanong sinaksak ni Alexander si Eduardo sa tiyan gamit ang isang kutsilyo na may haba na halos 40 pulgada. Napahiga umano si Eduardo at agad naman umanong tumakas si Alexander. Naiwan pa umano nito malapit sa katawan ng biktima ang kutsilyo na kanyang ginamit. Agad na humingi ng saklolo si Eva, subalit binawian din ng buhay ang kanyang asawa.


Batay sa testimonya ni Dr. Nuevo na sumuri sa bangkay ng biktima, nagtamo diumano si Eduardo ng isang saksak sa pagitan ng dibdib at tadyang nito na nagdulot ng matinding pagdurugo .


Tumestigo rin para sa tagausig si Police Officer (PO) Bartolay na siyang nag-imbestiga sa insidente. Napag-alaman umano ni PO Bartolay na bago ang malagim na insidente ay nag-inuman umano sina Alexander at Eduardo sa bahay ni Kagawad Gernale at nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa. 


Matapos ang insidente ay kusa umanong sumuko si Alexander sa kapitan ng kanilang barangay, na siyang nagdala sa inakusahan sa istasyon ng pulis.

Si Alexander lamang ang tumayong testigo para sa depensa. Magkaibigan umano sila ni Eduardo. Nagpunta umano siya sa bahay ni Kagawad Gernale, bandang alas-3:00 ng hapon, noong araw ng insidente, upang manghiram ng bigas. Ngunit nakita niya diumano na umiinom mag-isa si Eduardo at inaya umano siya nito na uminom, pero tumanggi siya sapagkat siya ay mangingisda pa at nagpunta lamang doon upang humiram ng bigas. 


Hindi umano siya pinakinggan ni Eduardo. Bagkus, siya ay pinagsusuntok diumano nito. Sinubukan niya umanong umalis, ngunit patuloy siyang sinusuntok ni Eduardo. Noong napansin niya umano na malapit na sila sa bahay ni Eduardo ay nagdesisyon na siyang lumaban. Kung kaya’t nasaksak niya umano si Eduardo. Pagtapos nu’n ay umuwi na umano siya sa kanilang bahay at ipinaalam sa kanyang mga anak na wala silang bigas para sa gabing iyon. Sinabi niya rin na meron siyang nasaksak at kinakailangan niyang sumuko. Pumunta diumano sa kanya ang kapitan ng kanilang barangay at ipinaalam na pumanaw na ang biktima. 


Sa puntong iyon, sinabi niya na siya ay susuko na. Iginiit ni Alexander sa kanyang cross-examination na pinagsusuntok diumano siya ni Eduardo, subalit wala siyang katibayan na nagtamo siya ng mga pasa. Dala rin umano niya ang kanyang bolo at isang timba noong oras ng insidente, sapagkat siya ay mangingisda.


Sa desisyon ng RTC, hinatulan na may sala para sa krimen na murder si Alexander. Reclusion perpetua, ang parusa na ipinataw sa kanya, kabilang na ang pagbabayad ng sibil na pinsala at danyos para sa mga naulila ng biktima.


Sa pagnanais na siya ay mapawalang-sala, humingi ng tulong sa aming tanggapan si Alexander.


Siya ay nirepresenta ni Manananggol Pambayan C.G. Diolola sa kanyang apela sa Court of Appeals (CA). 


Iginiit ni Alexander sa kanyang apela na siya ay dumepensa lamang umano para sa kanyang sarili. Hindi rin umano napatunayan ng tagausig ang qualifying circumstance na treachery, at mali umano ang RTC na hindi nito kinonsidera kanyang kusang pagsuko.


Matapos ang masusing muling pag-aaral sa kaso ni Alexander, mula sa hatol para sa krimen na murder, ibinaba ng appellate court ang hatol para na lamang sa krimen na homicide. 


Ipinaliwanag ng CA na sa paggiit ng justifying circumstances na self-defense, inaamin ng inakusahan na ginawa niya ang krimen ngunit mabibigyan katwiran ang kanyang ginawa kung mapapatunayan ang mga sumusunod na rekisito: 


(1) Merong unlawful aggression sa parte ng biktima, (2) merong reasonable necessity o makatwirang pangangailangan sa ginamit na pamamaraan ng inakusahan upang salagin ang naturang unlawful aggression, at (3) walang probokasyon o panggagalit na ginawa ang inakusahan. Sa paggiit din ng self-defense, nababaling ang pasanin ng pagpapatunay sa depensa. Dahil dito, kinakailangan umano na umasa ang inakusahan sa tibay ng kanyang ebidensiya at hindi sa kahinaan ng ebidensiya ng tagausig.


Para sa CA, hindi umano nabigyan ng katwiran ang ginawang pananaksak ni Alexander sa biktima. Ito ay sa kadahilanan na hindi umano niya napatunayan na merong unlawful aggression sa parte ng biktima. Maliban umano sa kanyang solong alegasyon na siya ay pinagsusuntok ng biktima, hindi na umano nakapagpresenta si Alexander ng iba pang testigo na magpapatotoo sa naturang alegasyon. Hindi rin umano nakapagpresenta si Alexander ng katibayan na nagtamo nga siya ng mga pasa mula sa naturang panununtok ng biktima.


Idinagdag pa ng CA, hindi umano napatunayan ni Alexander na mayroong makatwirang pangangailangan upang saksakin niya ang biktima. Naging kapuna-puna para sa CA na wala umanong armas ang biktima. Sinuntok na lamang sana raw niya ang biktima kung nais niyang lumaban. Lumalabas din umano na nakainom ang biktima. 

Sa sitwasyon na iyon, maaari na lamang sana na umalis  si Alexander, sa halip na gumanti pa. Higit lalo, ang saksakin pa ang biktima.


Magkagayunman, sumang-ayon ang CA na hindi umano napatunayan ng tagausig nang higit sa makatwirang pagdududa ang qualifying circumstance na treachery o merong pagtataksil ang pagpatay sa biktima. 


Wala umanong pagpapatunay na sadyang pinili ni Alexander ang pamamaraan ng kanyang ginawa upang masiguro na walang panganib sa kanyang sarili. Dahil dito, hindi umano maaaring sentensyahan si Alexander para sa krimen na murder.

Sumang-ayon din ang CA na dapat ay kinonsidera umano ng RTC ang boluntaryo na pagsuko ni Alexander upang mapababa ang parusa niya. Napatunayan diumano hindi lamang ng kanyang testimonya na siya ay kusang sumuko, kundi pati na rin ni PO Bartolay na saksi ng tagausig.


Kung kaya’t ang naging hatol ng appellate court kay Alexander ay pangungulungan sa loob ng walong taon na prision mayor bilang minimum, hanggang 12 taon at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum. Ipinag-utos din ng CA na siya ay magbayad sa naulila ng biktima ng P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang temperate damages. 


Ang sibil na aspeto ng parusa sa kanya ay mapapatawan ng anim na 6% interes bawat taon, mula sa araw na maibaba ang nasabing desisyon hanggang sa mabayaran ang kabuuan na halaga ng mga ito.


Ang nasabing desisyon ng CA ay naging final and executory noong Hulyo 27, 2023.

Maaari lamang natin isapantaha ang hirap na pinagdaanan ni Eva sa pagpanaw ng kanyang asawa, ngunit hindi natin malalaman kung gaano kalalim ang sugat na iniwan ng pangyayaring ito sa kanya. 


Nawa ay makabangon siyang muli mula sa dagok at pighati na iniwan sa kanya ng tadhana at makapagsimulang muli sa buhay kahit wala na ang kanyang katuwang na asawa.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 12, 2024



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #327


Ayon kay Dr. José P. Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng bayan.” 


Daang taon na rin ang nakalilipas, at ito ay nananatili pa ring popular na aporismo o kasabihan sa ating lipunan. Gayunman, paano na nga ba ito mapapatotohanan kung ang siyang mga naturingang pag-asa ng bayan pa ang sangkot sa isang krimen o masamang gawain?


Child in Conflict with the Law (CICL) ang tumutukoy o tawag sa batang may edad na mas mababa sa 18 taong gulang na pinaghihinalaan, inakusahan, o hinatulang nakagawa ng isang pagkakasala sa ilalim ng mga batas.


Sa araw na ito, ating suriin kung paano itinuturing ng ating batas ang mga batang tinaguriang CICL sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. CICL (CA-G.R. CR No. 42), na sinulat ni Honorable Justice Bonifacio S. Pascua, na may petsang ika-27 ng Mayo 2022, napawalang-sala si CICL Ponga, hindi niya tunay na pangalan, mula sa akusasyon at kasong pagpaslang o homicide na isinampa sa kanya ng mga kamag-anak ni “AAA,” hindi niya tunay na pangalan. Ang naturang biktima ay nasawi umano dahil sa pamamaril ni CICL Ponga.


Ayon sa bersyon ng panig ng tagausig, noong ika-5 ng Hunyo 2006, bandang  ala-1 ng hating gabi, isa sa mga istasyon ng mga tricycle sa kalakhang Maynila, nilapitan ni CICL Ponga, 16-anyos, si Ogie, hindi niya rin tunay na pangalan. Dito ay bigla na lamang sinuntok ni CICL Ponga si Ogie na siya ring gumanti ng suntok. Inawat ng mga tricycle driver ang dalawa at pansamantala umalis si CICL Ponga.


Ilang sandali ang nakalipas ay bumalik si CICL Ponga sa istasyon ng tricycle at sa panahon na ito ay may dala na siyang maliit na baril.  Walang habas na nagpaputok ng baril si CICL Ponga, kung saan natamaan nito si AAA – kapwa menor-de-edad bilang 15 taong gulang pa lamang.


Sa pamamaril na ito ni CICL Ponga, tinamaan si AAA sa kanyang tiyan. Naitakbo pa sa ospital si AAA, ngunit idineklara din itong patay dahil sa tama ng baril.


Itinanggi ng akusado na si CICL Ponga ang akusasyon laban sa kanya.


Aniya, noong panahon ng mga naturang pangyayari ay siya ay 16 na taong gulang pa lamang. Matapos niyang dumalo sa isang pagsasalo o pistahan ng barangay at habang pauwi kasama ang kanyang kasintahan na si Leni, hindi nito tunay na pangalan, ay nakasalubong nila si Ogie na nakaupo sa kanyang tricycle. Sumipol umano si Ogie at binastos si Leni.


Aniya ay nabanggit pa ni Ogie ang mga salitang “Do, okey lang ba pahiram (tumutukoy kay Leni) muna sandali.” Dahil dito ay nagkaroon na ng alterkasyon na nauwi sa suntukan.


Pansamantalang naawat ang naging suntukan ni CICL Ponga at Ogie. Umuwi si CICL Ponga, pero nagpatuloy ang paghabol ni Ogie sa kanila, kung saan pinagbabato ang kanilang tahanan.


Dahil dito, napilitan si CICL Ponga na makitulog muna sa tahanan ng isa sa kanyang mga kaibigan. Kinabukasan ay nabigla na lamang si CICL Ponga na isa na siyang suspek o pinaghihinalaan sa pagkamatay ng nagngangalang AAA.


Matapos ang paglilitis, hinatulan si CICL Ponga sa kasong homicide o pagpaslang. Kaugnay nito, inapela ni CICL Ponga ang naunang hatol sa hukuman para sa mga apela o Court of Appeals at hiniling na siya ay mapawalang- sala.


Tulad ng ating naunang nabanggit, binaliktad ang naunang hatol kay CICL Ponga at tuluyan siyang napawalang-sala.


Ayon sa hukuman para sa mga apela na binanggit ang kasong Dorado v. People, kapag ang isang menor-de-edad na higit sa labing-lima, pero wala pang labing-walong taong gulang ay kinasuhan ng isang krimen, hindi ito maaaring ipalagay na siya ay kumilos nang may pag-unawa o discernment.


Sa panahon ng paglilitis, nararapat na patunayan ng prosekyusyon bilang isang hiwalay na pangyayari na ginawa ng CICL ang diumano ay krimen nang may pag-unawa o discernment.


Ayon sa hukuman para sa mga apela – ang pag-unawa o discernment ay tumutukoy sa kakayahang pangkaisipan na maunawaan ang pagkakaiba ng tama o mali. Gaya ng naunang sinabi, ang prosekyusyon ay binibigyang pasanin na patunayan na ang akusado ay kumilos nang may pag-unawa sa pamamagitan ng ebidensiya ng pisikal na anyo, saloobin, o pag-uugali hindi lamang bago o sa panahon ng paggawa ng kilos, kundi pati na rin pagkatapos at sa panahon ng paglilitis.


Katulad ng nabanggit na kaso, ang mababang hukuman na duminig sa kaso ni CICL Ponga ay hindi hinawakan ang mahalagang isyu kung ang akusado na hindi mapag-aalinlanganang 16 taong gulang sa panahon ng paggawa ng diumano ay krimen, ay kumilos nang may pag-unawa o discernment.


Ang masama pa, lumalabas na ganap na inalis ng mababang hukuman ang katotohanan ng minorya ni CICL Ponga.


Dahil dito, at alinsunod sa Artikulo 12 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Seksyon 6 ng Republic Act No. 9344, o mas kilala sa tawag na “Juvenile Justice and Welfare Act” – ang isang bata na higit sa 15 taong gulang, ngunit wala pang 18 taong gulang ay dapat ding maging exempt sa kriminal na pananagutan at sasailalim sa isang programa ng intervention, maliban kung siya ay kumilos nang may pag-unawa.


Samakatuwid, obligasyon ng prosekyusyon na mapatunayan na ang naging aksyon ni CICL Ponga ay ginawa nang may pag-unawa o discernment, sapagkat hindi ito maaaring ipagpalagay lamang.  Dahil sa kabiguan na ito, at bilang konsiderasyon sa edad ni CICL Ponga na isang 16 na taong gulang, siya ay pinapawalang-sala ng hukuman para sa apela sa kasong pagpaslang na inihain laban sa kanya.


Sa kuwentong ating ibinahagi na hango mula sa tunay na pangyayari, daing pa rin ng pamilya ni AAA –  kapwa isang kabataan ang malagim at walang katuturan na kamatayang sinapit nito mula sa isang hindi inaasahang alterkasyon na nauwi sa pamamaril.


Gayunman, mahalaga na sa sistema ng paghahanap at pagbibigay ng hustisya na ang ating mga batas ay patuloy na maipatupad lalo ang mga batas na nagbibigay-proteksyon at tulong sa kabataan — biktima man o isang CICL tulad ni Ponga.


Mabigat man kung iisipin sapagkat sa kasong ating nabanggit, dalawang kabataan na siyang dapat ay ang pag-asa ng bayan pa ang naging sanhi ng malagim na katotohanan.


Marami pa ang nararapat gawin upang maiwasan ang katulad na pangyayari. Gayunman, ang patuloy na daing na maaaring maidulot maging sa buhay ni Ponga ay naiwasan sa pagpapatupad ng ating batas at mga legal na proseso.


Sa puntong ito, ang bukas ay maaari pa ring magbigay ng panibagong pag-asa dahil sa oportunidad na magbago at maituwid ang kanilang pagkakamali na nararapat na ipatupad sa mga CICL tulad ni Ponga.


Pakatandaan lamang na kaisa ang aming tanggapan hindi lamang sa pagbibigay-proteksyon sa mga kabataan, bagkus maging sa pagpapatupad ng kanilang mga karapatan sa mga sitwasyon na sila ay itinuturing na Child in Conflict with the Law o CICL.   

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 5, 2024



Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Rueda Acosta

Bawat magulang ay nagnanais na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak, mailayo sa kapahamakan,  maihanda sa anumang kahirapan, at lalung-lalo na walang magulang ang nagnais na mapahamak ang kanilang mga anak.


Sa kasamaang palad, naranasan iyan ng mga naulila ni Kathrina, ang biktima sa pamamaslang sa kaso ni Rodel Boñgol y Mansion a.k.a. “Roque” na may numerong CA-G.R. CR-HC No. 16828. Tunghayan natin ang mga pangyayari kaugnay sa kanyang sinapit, at kung ano ang naging hatol ng hukuman sa taong inakusahan at itinuturong sa kanya ay pumaslang. 


Si alyas “Roque” ay sinampahan ng kasong murder ng Regional Trial Court (RTC) para sa umano sa pagpaslang sa biktima na si Kathrina.


Batay sa paratang na inihain laban kay Roque, nangyari diumano ang karumal-dumal na krimen, alas-7:00 ng gabi, noong ika-28 ng Hunyo 2021, sa Barangay Ligao, Albay. 


Sa pamamagitan diumano ng treachery, binaril diumano ni Roque si Kathrina, na tinamaan sa likuran at dibdib nito, gamit ang isang bente dos na kalibre ng baril na wala umanong numero at tatak, at wala ring kaukulang lisensiya o permiso si Roque.Ang pangunahing saksi ay ang anak ng biktima na si Cholo na noon ay 12-anyos. Noong gabing iyon, nanonood ng telebisyon si Cholo at 2 nakababata nitong mga kapatid sa loob ng kanilang bahay nang bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na kalabog, dahilan umano upang lumabas sila ng bahay. Paglabas nila, nakita umano nila si Roque, may isang metro ang layo sa kanilang ina na si Kathrina. Mayroon umanong hawak na baril si Roque at pinaputukan diumano si Kathrina na noon ay nakadapa na sa lupa. Matapos na magpaputok, agad na tumakbo diumano si Roque patungo sa likod ng naturang bahay. 


Nadaanan pa umano ni Roque si Cholo, sa galit ng naturang bata, inihagis nito ang tasa na kanyang hawak, at mga bato na kanyang nakita mula sa kanyang kinatatayuan. Gayunman, nakatakbo pa rin palayo sa kanila si Roque.


Nadala pa umano sa pagamutan si Kathrina, pero idineklara rin itong dead-on-arrival. Nagtamo diumano ng 3 tama ng bala ng baril si Kathrina, na siyang dahilan ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw.


Makalipas ang dalawang araw, ala-6:10 ng umaga, sa Pili, Camarines Sur ay nahuli umano si Roque. Boluntaryo umanong ibinigay ng kapatid nito na si Ramil ang isang bente dos na kalibre ng baril na mayroong 2 live ammunitions at 3 fire cartridges.

“Not Guilty” ang naging pagsamo ni Roque nang siya ay ma-arraign, noong ika-27 ng Hulyo 2021. 


Noong ika-22 ng Marso 2022 ay boluntaryo umanong gumawa ng sinumpaang salaysay ng hindi pagtetestigo si Roque.

Ika-24 ng Mayo 2022, nagpalabas ng desisyon ang RTC na hinatulan si Roque ng pagkakakulong sa parusang reclusion perpetua, at pagbabayad ng sibil na pinsala at danyos para sa mga naulila ng biktima. Napatunayan diumano nang higit sa makatwirang pagdududa ang lahat ng elemento ng krimen na murder. 


Batay sa naturang desisyon, nakadapa na umano sa lupa ang biktima bunsod sa naunang pagpapaputok ng baril sa kanya ng akusado. Sa puntong ito ay wala na umanong paraan ang biktima upang makalaban o depensahan ang kanyang sarili. Kahit ganu’n ang sitwasyon at sa presensya mismo ng mga kaanak ng biktima ay nagpakawala pa umano ang akusado ng dalawang putok ng baril, bagay na nagpakita umano ng maysa-demonyo nitong intesyon na sadyang wakasan ang buhay ng biktima. Ito umano ang naging konsiderasyon upang masabi ng hukuman na mayroong qualifying circumstance na treachery ang pagpaslang sa biktima. 


Ang paggamit din umano ni Roque ng hindi lisensiyadong baril ay special aggravating circumstance, ayon sa RTC.


Naghain ng kanyang apela si Roque sa Court of Appeals (CA), sa pamamagitan ni Atty. Jeah Larisse R. Apa, mula sa aming Special and Appealed Cases Services (SACS). 

Iginiit niya na hindi umano napatunayan ng panig ng tagausig ang kanyang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa. Hindi umano sapat ang ebidensiya ng tagausig na siya ang bumaril sa biktima, at na ginawa ang pamamaslang ng may kaliluhan. Mali rin umano na kinokonsidera ng RTC bilang special aggravating circumstance ang hindi lisensiyadong baril na sinasabing ginamit niya sa krimen.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni Roque, hinimay ng appellate court ang mga elemento ng krimen na Murder, na kinakailangan ay: (1) mayroong tao na napaslang; (2) ang akusado ang gumawa ng pamamaslang; (3) ang pamamaslang ay kinakikitaan ng isa sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code (RPC); at (4) ang pamamaslang ay hindi katumbas ng krimen na parricide o infanticide.


Sa ipinalabas na desisyon ng CA, hindi sumang-ayon ang hukuman na lubos na napatunayan ng tagausig na mayroong sirkumstansya na treachery sa pagpaslang sa biktima. Ito ay sa kadahilanan na wala umanong nakakita kung paano nagsimula ang krimen. 


Sa tala umano ng hukuman, bagaman nasaksihan diumano ng mga kaanak ng biktima ang pamamaril, inamin diumano ng mga ito na hindi nila nasaksihan kung paano nagsimula ang pamamaril. Wala rin umanong ebidensiya na nagpapakita ng kawalan ng kakayahan ng biktima na depensahan ang kanyang sarili. Dahil dito, hindi umano maisasapantaha na mayroong kaliluhan sa pag-atake sa biktima. 

Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Mariflor P. Punzalan-Castillo ng Third Division, ang sumusunod:


“To appreciate treachery, it must be shown that: (a) the means of execution employed gives the victim no opportunity to defend himself or retaliate; and (b) the methods of execution were deliberately or consciously adopted; indeed, treachery cannot be presumed, it must be proven by clear and convincing evidence.


In People of the Philippines v. Matimanay Watamama, it was clarified that for treachery to be considered, it must be present and seen by the witness right at the inception of the attack. Where no particulars are known as to how the killing began, the perpetration of an attack with treachery cannot be presumed.


Thus, in the case of People of the Philippines v. Julian Rapanut, et. al., the presence of treachery was ruled out as the eyewitness therein saw the accused only after the initial sound of gunshots, as is the situation obtaining here. To be sure, circumstances that qualify criminal responsibility cannot rest on mere conjecture, no matter how reasonable or probable, but must be based on facts of unquestionable existence. These circumstances must be proved as indubitably as the crime itself.”


Ang kawalan ng sapat na ebidensiya patungkol sa qualifying circumstance na treachery ay nangangahulugan diumano na hindi maaaring hatulan si Roque para sa krimen na murder. Gayunman, siya ay maaaring hatulan para sa krimen na homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng RPC, sapagkat sumapat diumano ang positibo, malinaw at hindi nagpabagu-bago na testimonya ng pangunahing saksi na si Cholo, kaugnay sa nasaksihan niyang pamamaril diumano ni Roque sa kanyang ina.

Para rin sa CA, tama umano ang RTC na special aggravating circumstance ang paggamit ng akusado ng hindi lisensiyadong baril sa pagsasakatuparan ng pamamaslang sa biktima, alinsunod sa R.A. No. 1059.


Bagaman bumaba ang hatol sa akusado, mula sa krimen na murder ay homicide na lamang, nangangahulugan pa rin ito ng 12 taon na prision mayor, bilang minimum, hanggang 20 taon na reclusion temporal, bilang maximum, at inutusan na magbayad-pinsala sa mga naulila ng pumanaw na biktima ng halagang P50,000.00, at karagdagang P50,000.00 para sa moral damages, P50,000.00 para sa exemplary damages, P50,000.00 para sa temperate damages, na maaaring magkaroon ng legal na interes na 6% bawat taon, hanggang sa mabayaran ng hinatulan ang kabuuang halaga.


Ang nasabing desisyon ng CA ay naging final and executory noong Oktubre 13, 2023.

Masakit para sa isang ina o magulang ang mawalay sa kanilang anak. Pero mas higit pa siguro ang paghihinagpis ng kaluluwa ni Kathrina, dahil hindi lamang siya nawalay sa kanyang mga anak at mahal sa buhay, nakita pa ng mga ito, sa kanilang sariling mga mata, na walang-awa na winakasan ang kanyang buhay sa isang malagim na krimen. 

Hindi lamang nawalan ng magulang sina Cholo, naiwan at mahapdi rin sa kanilang mga puso at isipan ang karumal-dumal na pagpanaw na sinapit ng kanilang minamahal na ina. Daing mula sa hukay ng biktima at daing ng mga naiwan niya ang nagsilbing kolektibong pagsamo para sa hustisya sa kasong ito. 


Nawa’y magsilbing pambukas-mata at pamukaw ng damdamin ang kaso na aming ibinahagi sa araw na ito, na hindi lamang mahalin ang ating mga ina, magulang o kaanak habang sila ay nabubuhay pa, kundi pati na rin ang pahalagahan ang bawat araw, oras at segundo na sila ay kapiling pa. 


Pakatandaan lagi na hindi natin hawak ang hinaharap, hindi natin alam kung ano ang mga mangyayari o kung kailan tayo ay mawawala na lamang sa isang iglap. Kung kaya’t magmahal ng tapat at manalangin ng taimtim. Sa awa ng Maykapal, nawa ay hindi natin sapitin ang ganitong uri ng pighati at dilim.       

 
 
RECOMMENDED
bottom of page