top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 10, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #344


Ang pagbibigay ng legal na remedyo at pagkakaroon nang maayos at maagap na proseso ay napakahalaga sa pagbibigay ng hustisya. 


Ito ay sa kadahilanan na ang walang basehan o sapat na dahilan na pagkakaantala ng legal na proseso, kabilang na ang pagbibigay ng legal na serbisyo ay katumbas na rin ng pagkakait ng katarungan kapwa sa nagrereklamo at sa akusado.


‘Ika nga ng isa sa mga batikang pilosopong pampulitika at pinuno ng karapatang sibil na si Martin Luther King Jr., “Justice delayed is justice denied.” 


Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Alberto Desacada y Garces (CA-G.R. CR No. 47796, October 28, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jaime Fortunato A. Caringal, ay halimbawa ng kahulugan ng legal na katagang iyon. 


Sa kasong ito, nakamit man ng inakusahan ang hustisya na para sa kanya, dahil ang kasong kriminal ay nilitis nang napakatagal na panahon, ang biktima ay walang napala, sapagkat sa batas, ang krimen na diumano ay ginawa ng inakusahan ay paso na.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng nakakalungkot na kasong ito.


Naharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Alberto dahil umano sa pagkakabundol ng dyip na kanyang minamaneho sa biktima na kinilalang si Cipriano. 


Naihain ang reklamo laban sa kanya sa 2nd Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Silang-Amadeo, Cavite. “Not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman noong ika-19 ng Setyembre 2002.


Noong ika-25 ng Hunyo 2006 ay nag-inhibit ang orihinal na Presiding Judge ng MCTC, sapagkat nakatira umano si Alberto malapit sa tirahan ng nasabing hukom. 

Ika-8 ng Setyembre 2006, inilipat ang naturang kaso sa Municipal Trial Court in Cities (MTCC), Tagaytay City. 


Nang sisimulan na umano ang pagdinig sa nasabing kaso ay napuna ng MTCC na sa huling bahagi ng reklamo ay merong alegasyon ng pang-aabandona sa biktima. 

Kung makagayun diumano, ang maaaring ipataw na parusa sa akusado ay prision mayor sa minimum at medium periods at ang hukuman na merong jurisdiction sa kaso ay ang Regional Trial Court (RTC). 


Ipinag-utos ng MTCC ang pagsusumite ng position papers sa magkabilang panig. Iginiit ni Alberto na kung ibabasura ang kaso at irerekomenda ang paghahain ng panibagong kaso laban sa kanya sa RTC ay malalagay siya sa double jeopardy, sapagkat siya ay na-arraign na. 


Giit naman ng panig ng tagausig, angkop lamang na ibasura ng MTCC ang kaso dahil magkaiba umano ang reckless imprudence resulting in homicide sa reckless imprudence resulting in homicide with the qualifying circumstance of abandonment of the victim, sapagkat higit na mataas diumano ang parusa sa huli. Kung kaya’t hindi umano malalagay sa double jeopardy ang akusado.


Noong ika-8 ng Agosto 2007, idineklara ng MTCC na wala umano itong jurisdiction upang dinggin ang nasabing kaso. Ipinag-utos ng naturang hukuman ang paglipat ng tala ng kaso sa RTC. 


Noong Ika-8 ng Oktubre 2010 ay na-arraign si Alberto sa RTC, subalit “not guilty” pa rin ang kanyang pagsamo.


Batay sa bersyon ng tagausig, minamaneho diumano ni Alberto ang kanyang pampasaherong dyip, bandang alas-2:30 ng hapon, noong ika-30 ng Hunyo 2001 sa kahabaan ng J.P. Rizal St., Barangay Tubuan, Silang, Cavite. 


Nangahas diumano na mag-overtake si Alberto sa tricycle na nasa unahan niya, subalit sa kasamaang palad ay nabundol ng nasabing dyip si Cipriano na noon ay nagbibisikleta sa kabilang bahagi ng kalsada. 


Nasaksihan diumano ni Esperidion ang aksidente. Merong 30 metro pa umano ang binaybay ni Alberto bago inihinto nito ang minamaneho na dyip. Bumaba umano ng dyip si Alberto at ang kanyang kasama ngunit agad din silang umalis nang magkumpulan na ang mga tao. 


Nilapitan diumano ni Esperidion si Cipriano at nakita niyang hindi na gumagalaw ang nabundol na biktima. Bagaman nadala pa ng ospital si Cipriano, agad din naman itong binawian ng buhay.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Alberto. Diumano, bandang ala-1:00 ng hapon, noong ika-30 ng Hunyo 2001 ay bumiyahe sila ng kanyang tiyuhin, isang nagngangalang Isagani at apo nito upang magdala sa bypass ng mga scrap na papel. 


Sila ay lulan ng dyip na minaneho ni Alberto. Wala umano silang naengkuwentro na anumang aksidente. Diumano, bandang alas-2:30 hanggang alas-3:00 ng hapon nu’ng araw na iyon ay meron na lamang nagpunta sa bahay ni Alberto na tatlong pulis na inimbitahan siya na magpunta sa kanilang himpilan dahil siya umano ay sangkot sa isang aksidente. 


Nagpunta umano ng himpilan si Alberto lulan ng kanyang dyip. Sa himpilan ay pilit umanong paaminin si Alberto, subalit mariin niyang itinanggi ang alegasyon laban sa kanya. 


Ininspeksyon diumano ang kanyang dyip at wala umanong nakita ang mga pulis na anumang bahid ng aksidente. Kinuha umano sa kanya ng mga pulis ang kanyang lisensiya at ibinalik lamang ito sa kanya kinabukasan.


Noong ika-25 ng Agosto 2022, nagbaba ng hatol ang RTC na guilty beyond reasonable doubt si Alberto para sa krimen na reckless imprudence resulting in homicide. Parusa na pagkakakulong ng apat na taon at dalawang buwan na prision correccional maximum, bilang minimum ng kanyang sentensya, hanggang 8 taon at isang araw na prision mayor medium, bilang maximum. Ipinag-utos din ng RTC ang kanyang pagbabayad-pinsala at danyos.


Agad na naghain si Alberto ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), Manila. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan D.S. Cansino, isinulong ng Depensa na mapawalang-sala si Alberto. 


Iginiit ng depensa na lubos na mali ang ipinalabas na hatol ng RTC, sapagkat paso na ang krimen na ibinintang laban kay Alberto. Himok ng depensa, nang ideklara ng MTCC na wala itong jurisdiction sa kaso ni Alberto ay dapat ibinasura nito ang kaso at naghain ang agrabyadong partido ng kaukulang kaso sa tamang hukuman. 


Hindi umano ito ang nangyari sa kaso ni Alberto. Bagkus, ipinag-utos ng MTCC na ilipat ang tala ng kaso ni Alberto sa RTC. Taliwas diumano ang kautusang iyon ng MTCC sa posisyon nito na wala itong jurisdiction.


Giit din ng depensa, nang ipalabas ng MTCC ang kautusan na wala itong jurisdiction sa kaso ni Alberto, katumbas na umano ito sa pagbabasura sa naturang kaso nang walang hatol na conviction o acquittal sa inakusahan at na kung saan ang prescriptive period ng krimen ay muling tumakbo. 


Sapagkat wala umanong naihain na panibagong kaso laban kay Alberto sa loob ng 15 taon, ang prescriptive period para sa mga krimen na merong parusa na afflictive penalties tulad ng prision mayor, wala na umanong karapatan ang Estado na usigin pa si Alberto. Samakatuwid, ang kriminal na pananagutan ni Alberto ay napaso na.


Nilabag din umano ang karapatan ni Alberto para sa speedy trial, sapagkat higit na sa 17 taon ang lumipas mula nang maihain ang reklamo laban sa kanya hanggang sa ipag-utos ng RTC ang pag-revive sa kanyang kaso noong ika-22 ng Nobyembre 2017. 


Kung kaya’t karapat-dapat lamang diumano na ibasura ang kaso at siya ay ipawalang-sala. Maliban pa umano sa mga nabanggit, hindi rin napatunayan ng tagausig ang pagkakasala ni Alberto nang higit pa sa makatwirang pagdududa.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni Alberto, nakakitaan ng merito ng CA, Manila ang kanyang

apela.


Binigyang-diin ng appellate court na ang jurisdiction ng hukuman sa krimen ay ipinagkaloob lamang ng batas at sa paraan na itinakda ng batas, hindi ng mga partido

sa krimen. 


Ang jurisdiction din ng hukuman ay diniditermina ng mga alegasyon sa reklamo o paratang at hindi sa kalalabasan ng katibayan.


Naging kapuna-puna umano sa CA, Manila na imbes na ibinasura ng MTCC ang kaso ni Alberto dahil sa kawalan nito ng jurisdiction upang dinggin ang kaso ay ipinag-utos nito na ilipat ang tala ng naturang kaso sa RTC. 


Para sa hukuman ng mga apela, mali umano ang naging hakbang na ito ng MTCC. Kanilang ipinaalala na ang kapangyarihan lamang ng hukuman sa oras na mapag-alaman nito na wala itong jurisdiction ay ang i-dismiss o ibasura ang kaso. Wala nang iba pang maaaring gawing hakbang ang naturang hukuman, at ang anumang iba pang hakbang na gagawin nito ay walang legal na epekto bunsod ng kawalan nito ng jurisdiction. 


Higit pa rito, ipinaliwanag ng CA, Manila, hindi umano nalunasan ang jurisdictional defect sa ginawang paglilipat ng tala ng kaso sa RTC. Dahil din diumano sa naturang paglilipat ng tala ay nawalan ng pagkakataon ang akusado na kuwestyunin o iapela sa mas mataas na hukuman ang desisyon ng MTCC kaugnay sa pagdedeklara nito ng kawalan ng jurisdiction sa kaso. 


Nawalan din umano ang tagausig ng pagkakataon na ituwid ang naging pagkakamali nito sa pamamagitan ng paghahain ng panibagong paratang sa angkop na hukuman. 

Ang mga legal na hakbangin na nabanggit ay malinaw diumano na iginiit ng parehong partido sa kanilang position papers na isinumite sa MTCC. Magkagayunpaman, lumabis diumano ang MTCC sa limitadong otoridad nito sa ginawa nitong pag-utos na paglilipat ng tala, na nagdulot ng kapinsalaan sa parehong partido sa kasong ito. Dahil dito, ang reklamo laban sa inakusahan na si Alberto na unang naihain sa MTCC ay marapat na ibasura sa kawalan ng hurisdiksyon ng nasabing mababang hukuman.


Deklara pa ng CA, Manila na ang pagbabasura sa kaso ni Alberto ay katumbas ng pagpapawalang-sala sa kanya, pinagbabatayan ang pagkakalabag sa kanyang karapatan para sa speedy trial. 


Ipinaalala ng hukuman ng mga apela na ang naturang karapatan ay ginagarantiyahan ng mismong ating Saligang Batas, partikular na sa ilalim ng Section 14 (2), Article III ng ating 1987 Constitution. 


Ang kaso ni Alberto ay tumagal diumano ng 21 taon mula nang maihain ito hanggang

sa lumabas ang paghahatol ng RTC. Maliban pa umano sa inhibition ng MCTC Presiding Judge at sa paglilipat ng tala ng kaso mula sa MTCC papuntang RTC, marapat lamang ibasura ang kaso ni Alberto bunsod ng mga sumusunod na dahilan – una, dahil sa tagal ng pagkaantala sa kanyang arraignment. Na-arraign lamang diumano si Alberto makalipas ang higit sa tatlong taon mula nang matanggap ng RTC ang tala ng kaso. Wala umanong naging pagpapaliwanag ang RTC sa naturang labis na pagkaantala sa arraignment. Kung tutuusin diumano, matagal na ang sampung minuto sa oras ng hukuman upang ma-arraign ang isang akusado at hindi umano ito nangangailangan nang mabusisi na legal na proseso. 


Ang masinop at determinado na huwes ay magsasagawa umano ng arraignment sa lalong madaling panahon sa oras na ipinrisinta na ng akusado ang kanyang sarili sa hukuman. Bagay na hindi umano nangyari sa kaso ni Alberto.


Ikalawa, nagwakas lamang ang pre-trial matapos ang halos tatlong taon mula sa arraignment ni Alberto. Ang paunang pagpiprisinta naman ng ebidensiya ng tagausig ay naganap at natapos lamang higit limang taon mula nang magwakas ang pre-trial. 

Napuna ng hukuman ng mga apela na ang paulit-ulit na sanhi ng pagkaantala ay ang kabiguan ng pagdalo sa pagdinig ng mga saksi ng tagausig, maging ang akusado, sa kadahilanan na hindi naipaalam sa kanila ang pagdinig. 


Kung kaya’t noong ika-28 ng Oktubre 2024, nagpalabas ng desisyon ang CA, Manila na ipinawalang-bisa at isinantabi ang ibinabang paghuhukom ng RTC at ibinasura ang kasong kriminal laban kay Alberto. Ganunpaman, hindi umano ito nangangahulugan ng kawalan ng sibil na pananagutan ni Alberto, sakali man na naisin na isulong iyon ng mga naulila ni Cipriano at kalaunan ay kanilang mapatunayan.


Nakakalungkot na 21 taon ang ginugol ni Alberto sa kaso na inihain laban sa kanya. Mga taon na sana ay inilaan na lamang niya sa mga mahal sa buhay at pamilya. Nanalo man siya sa kasong ito, napakahabang panahon pa rin ang lumipas at nasayang na hindi na kailanman maibabalik pa. 


Gayunpaman, nakapanlulumo para sa mga naulila ng biktima na si Cipriano. ‘Di sana ay matagal na nilang naisulong ang kasong sibil at kung napatunayan nila ang sibil na pananagutan ni Alberto ay napakinabangan na sana nila ang bayad-pinsala at danyos na igagawad ng hukuman sa kanila. 


Marahil marami na rin silang pinagdaanang dagok at hirap sa pagsusulong sa napakatagal na kasong ito, dahil na rin sa pagnanais na maihatid ang hustisya sa mahal nilang si Cipriano. 


Nawa ay wala nang susunod na Alberto at Cipriano na masasabing kapwa naging biktima sa nangyaring mabagal na sistema. Patuloy ang pagtutok ng ating Korte Suprema upang masiguro na maihatid ang maagap at angkop na hustisya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 25, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #342


Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang katarungan? Noong unang panahon, may punto na ang katarungan diumano ay “Mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Sa ilang pagkakataon naman ay kapag may nakulong o naparusahan ng kamatayan.


Ayon kay St. Thomas Aquinas, ang katarungan ay isang birtud na nagbibigay-daan sa atin na dapat ipagkaloob sa bawat tao ang karapatan, kung ano ang nararapat sa bawat tao at kung ano ang nararapat na matanggap ng bawat tao. Sa madaling salita, isa sa kahulugan ng katarungan ay ang pagbibigay ng nararapat.


Katulad sa nabanggit, ang katarungan o hustisya sa tunay nitong kahulugan ay katumbas ng pagpapataw ng tamang kaparusahan sa nagkasala at pagpapalaya naman sa inosente.


Ang ganitong sitwasyon o kalagayan ay nakakatulong sa pagbibigay ng pagkakataon sa akusado (napatunayang inosente o nagkasala at nabilanggo man) na tiyak na makakabalik sa kanilang tahanan o  pamayanang pinagmulan ng may natitira pang dangal sa kanyang katauhan.


Sa kasong People v. Palaran (CA-G.R. CR No. 019) sa panulat ni Honorable Associate Justice Loida S. Posadas-Kahulugan ng Court of Appeals, Cagayan De Oro City, na may entry of judgment noong ika-17 ng Pebrero 2022, ating tingnan kung paano nagampanan ng nabanggit na hukuman ang layunin nito kaugnay sa kaso ng pagpaslang o murder, na kinaharap ng dalawa sa ating mga kliyente na itatago na lamang natin sa mga pangalang “Borgie”, at “Jessie”.


Bilang pagbabahagi, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig. Alinsunod dito, noong ika-12 ng Marso 2012, sa pamamagitan ng pagsasabwatan, aniya ay pinatay nila Borgie at Jessie ang biktima na itatago na lamang natin sa pangalan na “Regina”, isang ginang na higit 60-anyos. Ang pagpaslang ay ginawa sa pamamagitan ng maraming saksak. Walang direktang nakasaksi sa akto ng pagpaslang, subalit ayon sa mga kapitbahay ng biktima at siyang tiyahin mismo ng isa sa akusado na si Borgie na itatago na lamang natin sa pangalan na “Amelya”, inamin daw ni Borgie sa kanya sa pamamagitan ng isang tawag sa telepono ang pamamaslang kay Aling Regina.


Kaugnay sa nabanggit na pag-amin, isinumbong ni Amelya sa kapulisan si Borgie.


Dalawang araw ang makalipas, nakatakdang magkita si Borgie at ang tiyahin niyang si Amelya para sana bigyan ng perang pamasahe si Borgie.


Lingid sa kaalaman ni Borgie, may mga kapulisan na sa lugar kung saan nakatakda silang magkita at du’n din siya naaresto. Sa kabilang banda, kasamang nadakip si Jessie sa kadahilanan na siya ay itinuro ni Borgie bilang kasabwat diumano nito.


Kinasuhan ng kasong pagpaslang o murder sina Borgie at Jessie. Samantala, iginiit nila na walang basehan ang akusasyon laban sa kanila.


Pinabulaanan ni Borgie ang naturang pag-amin kay Amelya. Idinagdag pa ni Jessie na hindi naman siya dapat masasama sa mga naaresto kung hindi sila nagkasamang mag-basketball ni Borgie at idinawit lamang siya umano nito.


Matapos ang paglilitis, nahatulan ng murder o pagpaslang ng Regional Trial Court o RTC ang dalawang akusado. Binigyan ng malaking timbang ng hukuman ang salaysay ni Amelya.


Aniya ito ay malinaw, detalyado at buo. Bukod pa rito, ang pagturo niya sa kanyang pamangkin ay malinaw na akma ng may pagmamahal, dahil walang nakikitang masamang motibo ang RTC para idiin ni Amelya ang pamangkin nitong si Borgie sa mabigat na paratang ng pagpaslang, kung hindi para lamang makatulong na mapanagot ito sa kanyang sariling pagkakasala. Sa kaugnay na isyu, ayon sa RTC, napatunayan din ang pagsasabwatan ni Borgie at Jessie. Kaya nararapat din na mahatulan si Jessie.


Dagdag pa ng RTC, ang pamamaslang diumano ay ginamitan ng abuse of superior strength na siyang nagkuwalipika sa kaso ng pagpatay o murder. Matanda na ang biktima, babae, at dalawa pa silang lalaking salarin.


Inapela nila Borgie at Jessie sa Court of Appeals ang naging hatol sa kanila sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Jan Edgar J. Rubico, mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao.


Tulad ng ating unang nabanggit, pinal na tinuldukan ang isyu ng pamamaslang ng Court of Appeals nang magkaroon ito ng entry of judgment noong ika-17 ng Pebrero 2022.


Sa nasabing kaso, napawalang-sala si Jessie, habang napababa naman sa homicide ang kasong murder ni Borgie.


Sa pananaw ng Court of Appeals, bagaman ipinagtibay nito ang konbiksyon ni Borgie, hindi raw napatunayan ang tinatawag na “abuse of superior strength” na siyang magkuwalipika sa kaso ng pagpatay o murder.


Ayon sa People v. Bacares, sinabi ng Korte Suprema upang maturing abuse of superior strength ang qualifying circumstance sa murder, nararapat diumano na maipakita na sinadya at may kamalayan na ginamit ito ng salarin.


Ang katibayang meron ang dalawang salarin laban sa isang biktima ay hindi sapat upang maituring ang nasabing qualifying circumstance sa murder. Kailangan ding patunayan na ginamit ang advantage na ito, o kalamangan sa paggawa ng krimen o pamamaslang.


Sa madaling salita, hindi sapat na sabihin lamang na meron dalawang lalaki laban sa isang babae upang maituring na advantage, kailangan ding maipakita na nagamit ang nasabing advantage sa paggawa ng krimen.


Sa kasong ito, bagaman sapat ang ebidensiya upang ituro na pinaslang ni Borgie si Regina, batay sa salaysay ni Aling Amelya, hindi naman naipakita kung nagamit nga ba ang nasabing kalamangan ng lakas, sapagkat walang nakakita ng pagpaslang dahil ang konbiksyon ay batay sa mga napatunayang ebidensiyang sirkumstansiya.


Sa kabilang banda, pinawalang-sala naman ng Court of Appeals si Jessie. Bagaman ang pag-amin ni Borgie sa kanyang tiyahin na si Amelya ay maaaring magamit laban sa kanya, ang aniya naman ay pag-amin at pagdawit ni Borgie kay Jessie sa kaso sa mga kapulisan ay hindi magagamit.


Ayon sa Court of Appeals, alinsunod sa tinatawag na res inter alios acta rule, ang karapatan ng isang partido na hindi maaaring mapasama o ma-prejudice sa pamamagitan ng mga akto, deklarasyon o pagkukulang ng ibang tao.


Sa madaling salita, ang extra-judicial confession diumano ni Borgie sa kanyang tiyahin na si Amelya ay umiiral lamang sa kanya at hindi maaaring magamit sa kanyang kapwa akusado na si Jessie.


Bagaman isang exception sa res inter alios acta rule ang tinatawag na admission made by a conspirator rule, upang matagumpay na maituring ito, kinakailangan muna ng ebidensiya ng pagsasabwatan o conspiracy bukod sa nasabing akto o deklarasyon ng pag-amin ni Borgie.


Kaugnay nito, bukod sa pagtuturo ni Borgie kay Jessie, wala nang ibang ebidensiya na maaaring magpatunay sa naturang sabwatan o conspiracy sa pagitan nilang dalawa. Dahil dito, hindi napatunayan ang pagsasabwatan at higit sa lahat, ang partisipasyon ni Jessie sa pagkamatay ni Regina.


Sa kabuuan, bagama't ikinalulungkot na ang isang buhay ay nawala, ang katarungan sa totoong kahulugan nito ay hindi maaaring pahintulutan ang labis na kaparusahan, at higit sa lahat – ang pagkakakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa pagdawit at pag-amin ng ibang tao.


Ang kasong ating naibahagi ay pagpapaalala na hindi maaaring pahintulutan ang labis na kaparusahan sa nagkasala at pagkakulong naman sa isang taong inosente kung layunin nating hindi mailibing sa hukay ang katarungan at katwiran.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 18, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #341


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong People of the Philippines vs. Renato Flores alias “Darling”, Marvin Plaza alias “Marvin”, Rogelio Bermudez Larase, Jr. alias “Cabrong”, Ronnie Davis and Jeffrey Autida (G.R. No. 269202, June 18, 2024, Supreme Court, Manila [Second Division]). 


Isang malagim na pamamaslang ang sinapit ni Ronel, biktima sa kasong ito. Ang natatanging saksi sa naturang krimen ay ang kanya mismong kasintahan na si Jane. Hindi pa man nagsisimula ang panibagong yugto sa kanilang buhay, pinaglayo na agad sila ng tadhana.Kaugnay sa kaso ng yumaong si Ronel, ang mga inakusahan sa Regional Trial Court (RTC) ng Davao City para sa krimeng murder ay sina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Kabilang sa mga kapwa-akusado ay ang noon ay wala pa sa hustong gulang na sina “AAA”, “BBB”, “CCC”, “DDD” at labing-lima pang mga miyembro diumano ng “Responde Gang” na mga nanatiling at-large. Samahan n’yo kaming balikan ang mga pangyayari ukol sa kamatayan ni Ronel at tunghayan n’yo ang naging pinal na desisyon ng hukuman.Batay sa mga impormasyon na naitaguyod ng tagausig, naganap ang malagim na pamamaslang kay Ronel noong ika-29 ng Disyembre 2008 sa Panacan, Davao City. Diumano, bandang alas-2:00 ng hatinggabi, habang natutulog sina Jane at Ronel sa bahay ng kanilang kaibigan, sinipa ni AAA ang bintana ng naturang bahay, dahilan upang siya ay makapasok. Tinangka umanong tagain ng bolo ni AAA si Ronel, subalit nakaiwas ang huli at nakatakbo palabas ng nasabing bahay. 

Agad umanong sumunod si Jane at sa paglabas niya ay nakita niya ang dalawampung miyembro ng “Responde Gang”.


Tinangka umanong saksakin ni CCC si Jane gamit ang isang kutsilyo, subalit napigilan ito ni AAA. Gayunman, iniutos diumano ni AAA kay CCC at sa ibang mga miyembro ng naturang pangkat na habulin si Ronel.


Nang mahabol si Ronel ay pinagsasaksak diumano ito nina BBB, CCC, DDD at Renato. Meron diumanong dalawang miyembro, na hindi pinangalanan ni Jane, ang humawak kay Ronel habang ito ay pinagsasaksak hanggang sa bawian ng buhay.


Nakita ni Jane ang buong pangyayari, sapagkat siya ay nakatayo lamang may walo hanggang siyam na metro ang layo kay Ronel.


Hindi man napigilan ni Jane ang pamamaslang sa kanyang nobyo, agad naman umano siyang humingi ng tulong sa kanyang ina. Ipinaalam nila sa pinuno ng kanilang purok ang malagim na insidente na siyang nakipag-ugnayan sa mga pulis. Nakuha umano ng mga taga-Scene of the Crime Operatives ang bangkay ni Ronel sa pinangyarihan ng insidente.


Bandang alas-9:00 ng umaga, nagtungo umano si Jane at ang kanyang ina sa Sasa Police Station upang isumbong at ilahad ang detalye ng pagpaslang kay Ronel.


Sa pamamagitan ng hot pursuit operation na isinagawa ng mga pulis at sa tulong ng isang asset at pagkilala ni Jane, nadakip sina BBB, CCC, DDD at Renato. Maging si AAA ay nadakip din pagkatapos.


Batay sa testimonya ni Jane sa hukuman, pamilyar diumano sa kanya ang mga miyembro ng “Responde Gang” na nakibahagi sa pamamaslang sa kanyang nobyo, dahil ipinakilala na sila sa kanya ng isang nagngangalang Joy, miyembro ng naturang pangkat. Madalas diumano na nakikita ni Jane ang mga ito sa kanilang tambayan sa palengke.


“Not guilty” ang naging pagsamo ng mga Children in Conflict with the Law o CICLs na sina AAA, BBB, CCC at DDD sa hukuman. Ganundin, ang naging pagsamo nina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey.


Sa ibinabang desisyon ng RTC, guilty beyond reasonable doubt para sa krimen na murder ang naging hatol sa CICLs na sina AAA, BBB, CCC at DDD. Gayunman, sinuspinde ang kanilang sentensya alinsunod sa probisyon ng A.M. No. 02-1-18-SC o ang Rules on Juveniles in Conflict with the Law, habang patuloy naman ang pagdinig sa kaso laban kina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey.


Mariin na pagtanggi ang iginiit ni Renato. Diumano, siya ay natutulog sa kanilang bahay noong paslangin ang biktima. Nagising na lamang umano siya bandang alas-6:00 ng umaga noong Disyembre 29, 2008 at naghanda para sa kanyang trabaho bilang isang konduktor ng dyip. Hindi niya umano kilala si Jane at Ronel, bagaman kilala niya umano si Rogelio na isa sa mga kapwa niya akusado at pinatotohanan naman ng kanyang ina ang nabanggit na depensa.


Itinanggi rin ni Marvin na meron siyang kinalaman sa insidente ng pamamaslang. Aniya, mula alas-5:00 ng hapon ng Disyembre 28, 2008 hanggang alas-10:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2008 ay nasa trabaho siya sa Panacan Public Market.


Pagtanggi rin ang naging depensa ni Jeffrey. Iginiit niya na mula Disyembre 26, 2008 hanggang Nobyembre 30, 2009 ay nagbabakasyon siya sa Cateel, Davao Oriental. Nalaman na lamang umano niya ang pagkakasangkot sa pamamaslang kay Ronel noong siya ay maaresto na. Hindi niya umano kilala si Jane at Ronel. Isa pa, hindi rin umano siya miyembro ng “Responde Gang”, bagaman kilala niya ang kanyang kapwa-akusado na si Joseph at nakilala na rin niya sina DDD, Renato, Rogelio at Marvin.


Giit naman ni Ronnie na mula alas-5:00 ng hapon ng Disyembre 28, 2008 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2008 ay nasa trabaho siya sa Ilang, Davao City, kasama ang kanyang tiyuhin. Nang matapos umano ang kanyang trabaho ay umuwi na siya ng kanilang bahay upang alagaan ang kanyang anak. Hindi rin umano niya kilala si Jane, Ronel at ang mga kapwa niya akusado.


Mariing pagtanggi rin ang iginiit ni Rogelio. Siya umano ay natutulog kasama ang kanyang asawa noong oras ng pamamaslang sa biktima. Nagising diumano siya bandang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2008 upang maghanda para sa kanyang trabaho. Hindi rin umano niya kilala ang magkasintahan na sina Jane at Ronel, at tanging kilala lamang niya si Renato, sapagkat sila ay magkapitbahay.


Guilty rin ang naging hatol ng RTC kina Renato, Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Reclusion perpetua o pagkakakulong ng dalawampung taon at isang araw hanggang apatnapung taon ang parusa na ipinataw sa kanila at hindi sila maaaring humiling na maparolan.


Sila ay pinagbabayad din sa mga naulila ng biktima ng civil indemnity, moral damages, exemplary damages, at temperate damages.


Agad silang naghain ng kanilang apela sa Court of Appeals (CA). Kanilang iginiit na hindi sumapat ang pagkilala o identification ni Jane sa kanila bilang mga sumalakay at pumaslang kay Ronel. Ganunman, kinatigan at pinagtibay ng CA ang naunang desisyon ng RTC. Kung kaya’t iniakyat nila ang kanilang pagsamo ng kawalan ng kasalanan sa Korte Suprema.


Binigyang-diin ng mga inakusahan, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.A. Guazon-Banto, na hindi naitaguyod ng tagausig ng merong moral na katiyakan ang kanilang pagkakakilanlan o identity bilang mga salarin sa pamamaslang kay Ronel.


Matapos ang lubos at puspusang muling pag-aaral ng Kataas-taasang Hukuman, iginawad ang pagpapawalang-sala kina Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Naging kapuna-puna umano sa Korte Suprema ang mga danger signals sa isinagawang out-of-court identification ni Jane. Diumano, sa sinabing dalawampung miyembro ng “Responde Gang” ay iilan lamang ang kinilala ni Jane, partikular na sina BBB, CCC, DDD at Joseph Doriel. Bagaman sinabi umano ni Jane na nakilala niya ang iba pang mga miyembro ng naturang pangkat batay sa kanilang itsura, wala umanong katibayan na isinumite sa hukuman na nagpapatunay na nakapagbigay siya ng mga paglalarawan ng mga ito.


Binigyang-pansin din ng hukuman ang bahagi ng testimonya ni Jane na kung saan sinabi niya na ang mga pangalan ng iba pang mga akusado ay ibinigay lamang sa kanya ng mga nauna nang naaresto ng mga pulis. Para umano sa Korte Suprema, naimpluwensiyahan na umano nang hindi pinahihintulutan mungkahi ang ginawang pagkilala ni Jane kina Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey. Kung kaya’t hindi ito maaaring tanggapin ng hukuman.


Naging kapuna-puna rin umano sa Korte Suprema na sa pagdinig ng naturang kaso sa mababang hukuman ay hindi man lamang umano nakapagbigay nang tiyak o walang pasubali na pahayag si Jane patungkol sa partikular na naging partisipasyon nina Marvin, Rogelio, Ronnie at Jeffrey sa pamamaslang kay Ronel. Dahil dito, nagkaroon ng makatwirang pagdududa sa isipan ng hukuman kung meron nga bang kinalaman ang mga nabanggit na inakusahan sa pagkamatay ng biktima. Kung kaya’t marapat lamang diumano na sila ay ipawalang-sala.


Sa kabilang banda, pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na conviction kay Renato sapagkat sumapat diumano ang positibo na pagkilala sa kanya ni Jane bilang isa sa mga sumalakay at sumaksak kay Ronel.


Hindi umano nakitaan ng Korte Suprema ng anumang indikasyon na naimpluwensiyahan ng suhestiyon ng ibang tao ang pagkilala ni Jane kay Renato bilang isa sa mga salarin ng namayapang nobyo.


Sa pagdinig diumano sa mababang hukuman, direkta at tahasan ang mga naging pahayag ni Jane na si Renato ang isa sa mga sumaksak kay Ronel. Kung kaya’t para sa Korte Suprema, naitaguyod ng tagausig na merong moral na katiyakan ang identity ni Renato bilang isa sa mga salarin.


Kaakibat ng pagtataguyod sa identity ni Renato bilang isa sa mga pumaslang kay Ronel, naitaguyod din ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng krimen na murder, alinsunod sa probisyon ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code, na  (1) Si Ronel ay pinaslang; (2) Si Renato ang isa sa mga pumaslang sa nasabing biktima; (3) Ang pamamaslang ay ginamitan ng qualifying circumstance na abuse of superior strength; at (4) Ang pamamaslang ay hindi parricide o infanticide.


Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw ng Kataas-taasang Hukuman kay Renato. Pinagbabayad din siya ng P75,000.00 bilang civil indemnity, P75,000.00 bilang moral damages, P75,000.00 bilang exemplary damages, at P75,000.00 bilang temperate damages, na merong legal interest na 6% bawat taon mula sa finality of judgment hanggang sa mabayaran ang kabuuang halaga.


Ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay naging final and executory noong Hunyo 18, 2024.


Bagaman nahatulan ng conviction ang mga CICLs na sina AAA, BBB, CCC at DDD, pati na si Renato, tila hindi pa rin buo o ganap ang hustisya para sa namayapang si Ronel.


Sa isang iglap ay kinuha mula sa kanya ang buhay na pinakaiingatan niya. Kinuha ng mga taong walang habag at awa. Dahil sa nangyari, hindi na niya makakapiling ang mga mahal niya sa buhay.


Sa kabilang banda, ang mga iba pang may kinalaman sa kanyang pamamaslang ay nananatiling at large at hindi pa hinaharap ang kaso na inihain laban sa kanila.


Aming sinasapantaha na makakamit lamang ng kaluluwa ni Ronel ang tunay na katahimikan at hustisya kung mapapanagot na rin ang bawat indibidwal na nakibahagi sa karumal-dumal na krimen na ginawa sa kanya.


Nawa’y makamit pa rin Ronel ang tunay na hustisya, kahit pa siya ay wala na sa mundong ito. Hindi man ngayon, ngunit sana ay sa mga darating na panahon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page