top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 23, 2021



Marami nang nagtagumpay sa pagiging maagap. Ngunit sa harap ng matinding panganib, lalo na kung may kaugnayan sa kalusugan, may mga pagkakataon na ang pagiging maagap ay hindi sapat kaya naman nauuwi pa rin ito sa kabiguan o matinding pagdadalamhati. Ganito ang naging karanasan nina Mang Jose Arriola at Aling Rosanna Rodelas ng Lipa City sa kanilang pinakamamahal na anak na si Julliane R. Arriola na nabakunahan ng Dengvaxia. Ani Mang Jose at Aling Rosanna:


“Matapos mabakunahan si Julliane ay wala naman kaming nakitang pagbabago sa kanyang kalusugan. Subalit nang dahil sa mga naririnig naming balita tungkol sa mga batang naturukan ng Dengvaxia ay binigyan na namin siya ng vitamins upang mapalakas ang kanyang resistensiya.”


Sa abot ng makakaya ng nasabing mag-asawa ay ginawan nila ng paraan upang mailigtas sa panganib — sa pamamagitan ng pagpapainom ng mga bitamina at gamot, at pagpapagamot sa ospital — si Julliane, ngunit hindi pa rin ito nailigtas sa kamatayan. Si Julliane ay 12-anyos nang namatay noong Mayo 28, 2018. Siya ang ika-60 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Julliane ay naturukan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan nang tatlong beses. Una noong Abril 15, 2016; pangalawa noong Oktubre 19, 2016; at pangatlo noong Hunyo 28, 2017. Bago nangyari ang nasabing pagbabakuna kay Julliane, hindi siya nagkaroon ng anumang karamdaman na maaaring maging dahilan upang siya ay madala sa ospital kaya hindi pa siya nadadala sa roon kahit minsan. Kumpleto rin siya sa mga bakuna.


Noong Mayo 2018, naganap ang trahedya kay Julliane na nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na detalye:

  • Mayo 8 at 18, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat, kaya pinainom siya ng kanyang mga magulang ng Paracetamol. Nagtae rin siya ng tubig kaya binigyan siya ng Immodium, pinainom ng Gatorade at pinakain ng Sky Flakes para mabawi niya ang kanyang lakas. Nawala naman ito nang bahagya, ngunit bandang alas-10:30 ng gabi, nag- seizure si Julliane. Bigla siyang nawalan ng malay at nag-lock ang kanyang panga, kaya dinala agad siya sa isang ospital sa Lipa City. Sinabi na kailangan siyang mailipat sa ibang ospital dahil kailangan niyang mailagay sa ICU. Agad naman siyang nailipat ng ospital at bumuti naman ang kanyang kalagayan. Matapos ang 10 araw, tuluyan siyang lumakas kaya siya ay pinalabas na sa ospital noong Mayo 18, 2018.

  • Mayo 21, 2018 - Napansin ng mga magulang ni Julliane na ang hinigaang kutson nito ay nabasa. Nabasa rin ang kanyang damit at kumot kaya nagtanong sila kung siya ay naihi, subalit ang sabi niya ay pawis lamang ‘yun. Masakit din ang dibdib ni Julliane at nahihirapan siyang huminga. Dahil may sipon at hirap huminga ay binigyan siya ng kanyang mga magulang ng Salbutamol at inilagay ito sa nebulizer sapagkat ito diumano ang payo sa kanila ng doktor.

  • Mayo 24-27, 2018 - Dinala muli si Julliane sa ospital para sa kanyang follow-up check-up at binigyan siya ng antibiotics para sa kanyang ubo. Pag-uwi nila sa bahay, nanghihina na siya at ang gusto na lamang niyang humiga. Kapag siya naman ay nakahiga, panay siyang nakabaluktot. Nagpatuloy ito kinabukasan hanggang noong Mayo 27, 2018, para nang lantang gulay si Julliane. Siya ay hinang-hina na, napansin din ng kanyang mga magulang na tumutulo ang kanyang laway at hindi niya ito mapigilan at awang-awa sila noon sa kanilang anak. Bandang alas-5:00 ng hapon noong Mayo 27, 2018, natumba sa CR si Julliane. Dumaing siya na masakit ang kanyang dibdib at hirap siyang huminga kaya dinala siyang muli sa ospital. Tinanong siya ni Mang Jose kung ano ang nararamdaman niya dahil namamanhid ang kanyang mga kamay, subalit ang sagot lamang niya ay okay lang siya. Anang kanyang ama, “Sadya kasing mabait si Julliane. Marahil ayaw na niya kaming mag-alala pa sa kalagayan niya.”

  • Mayo 28, 2018 - Bandang alas-5:00 ng madaling-araw, nagreklamo si Julliane ng pananakit ng ulo at paninikip ng dibdib. Makalipas ang tatlong oras ay sinabihan ang mga magulang ni Julliane na lalagyan ang huli ng tubo para matulungan siyang huminga dahil kritikal na ito. Noong nalagyan siya ng tubo, siya ay nagwawala at sinusubukan niyang tanggalin ang tubo, kaya itinali ang mga kamay niya. Pumipiglas pa rin siya kahit nakatali at nagpatuloy ‘yun hanggang unti-unti na siyang manghina at tuluyan nang binawian ng buhay.

Narito ang bahagi ng pahayag ng mga magulang ni Julliane sa pagkamatay ng kanilang anak:

“Nakapagtataka talaga na napakabilis mawala sa amin si Julliane, samantalang wala naman siyang malubhang karamdaman. Nagreklamo lang siya na masama ang pakiramdam nitong Mayo 2018 at tuluy-tuloy na ito. Isa lang naman ang alam naming mag-asawa na kakaiba na nailagay sa kanyang katawan— ‘yun ay ang Dengvaxia vaccine na ayon sa mga naglalabasang balita ay nagdudulot ng malulubhang sakit. Nang dahil malaki ang paniniwala namin na Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng dati naming malusog na anak ay napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney's Office para mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.”


Ang idinulog na kahilingan ng mga magulang ng yumaong si Julliane ay kagyat naming inaksiyunan, at ang mga serbisyong patuloy nilang kailangan ay amin pa ring ibinibigay sa kanila. Ang sinapit ni Julliane ay isa sa pinakamatinding hirap na pinagdaanan ng mga biktima ng nasabing bakuna. Sa dulo ng laban namin para sa kanila, nawa ay naghihintay ang tagumpay ng katarungan.

 
 

of the heart bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 16, 2021



Isa sa pinakamasasayang sandali sa buhay ng mga magulang ay ang nakakakilala na ang anak na sanggol ng kanyang mga magulang. Salungat naman dito ang damdamin ng nasabing mga magulang kung ang anak na minumutya ay nawalan ng kakayahan na makakilala ng kanyang mga mahal sa buhay. Ang higit pang nagpapabigat ng damdamin ng nasabing mga magulang ay kung naganap ang mapait na pangyayaring ito kaugnay ng kamatayan ng pinakamamahal na anak. Ito ay nangyari kay G. Elezar Brigoli, Sr. (G. Brigoli) at sa kanyang yumaong anak na si Elezar B. Brigoli, Jr.


Si Elezar ay 12-anyos nang namatay noong Mayo 4, 2018. Siya ang ika-59 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Elezar ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 28, 2017. Ayon sa kanyang ama na si G. Brigoli ng Cebu, ang batang Elezar ay nagkaroon ng nasabing bakuna habang siya ay nakatira sa kapatid ng ama na si Aling Imelda Brigoli. Dagdag pa ni G. Brigoli,

“Nakatira si Elezar sa kapatid ko mula nang siya ay nasa Grade 2 dahil walang magbabantay sa kanya sa bahay dahil kami ng kanyang mga kapatid ay nagtatrabaho na. Kada buwan ay dumadalaw sa bahay si Elezar upang kumuha ng kanyang buwanang allowance para sa pag-aaral at pangkain niya. Ang aking anak ay walang naging sakit mula sa kanyang pagkabata, sa katunayan ay kumpleto siya ng lahat ng bakuna na ibinibigay sa mga bata.”


Noong Marso 2018, nang dumalaw si Elezar sa bahay ng Tatay niya, nagreklamo siya ng pananakit ng dibdib. Narito ang kaugnay na mga detalye, ayon kay G. Brigoli, “Sinabihan ko ang aking kinakasama na dalhin niya si Elezar sa The Generic Pharmacy kung saan mayroong mga libreng doktor doon at pinatingnan siya. Dahil siya ay may ubo at sipon, binigyan siya ng solmux at amoxicillin. Matapos noon ay ipina-X-Ray na rin siya ng aking kinakasama at nang lumabas ang resulta ay sinabi sa amin na mayroong enlargement of the heart si Elezar.”


Ang insidenteng ‘yun ay naging daan upang malaman ni G. Brigoli ang pagkakaturok ng Dengvaxia sa kanyang anak. Binanggit ito sa kanya ng kanyang pamangkin na kinumpirma naman ni Aling Imelda. Mula sa nasabing kapatid ni G. Brigoli, nalaman ng huli na dalawang buwan (bandang huling linggo ng Setyembre, 2017) matapos na mabakunahan si Elezar ng Dengvaxia, nagkaroon siya ng pabalik-balik na lagnat at nakararanas ng pananakit ng dibdib, lalo na kapag humihinga siya nang malalim. Narito ang naging reaksiyon ni G. Brigoli, “Nang malaman ko na nabakunahan ang aking anak ng Dengvaxia, lubos akong nag-alala sapagkat ang mga nararamdaman niya ay katulad ng mga nararamdaman ng ibang bata na namatay na naturukan ng nasabing bakuna na lumalabas sa mga balita.” Ang pag-aalalang ‘yun ni G. Brigoli ay tila naging hudyat ng paparating na trahedya sa kanyang anak na naramdaman din ng buo nilang pamilya. Sa iba’t ibang petsa ng Abril 2018 hanggang sa mamatay si Elezar noong Mayo 4, 2018, naganap ang mga pangyayari sa ibaba kaugnay sa nasabing trahedya:

  • Abril 2018 - Nakaramdam si Elezar ng pananakit ng ulo, tiyan at pagsusuka. Dinala siya ng kanyang ama sa albularyo upang patingnan.

  • Abril 21 at 23, 2018 - Dinala siya ng kanyang ama sa isang municipal hospital, subalit dahil sa kakulangan ng mga kagamitan doon ay inilipat nila si Elezar ng ospital noong Abril 23, 2018, kung saan sinabi sa kanila ng doktor na ang enlargement of the heart nito ay maaaring naroon na isang taon na ang nakalilipas. Nanatili siya sa ospital subalit hindi naman bumubuti ang kanyang kalagayan.

  • Mayo 2 at 4, 2018 - Naging maligalig si Elezar at nagsimula siyang magwala at hindi na siya makakilala. Ani G. Brigoli, “Nagulat kami dahil sa pagbabago ni Elezar. Hindi naman nagwawala ang aking anak, pero noong araw na ‘yun ay hindi siya mapigilan sa kanyang pagwawala.” Gusto na rin niya lumabas sa ospital. Dinala si Elezar sa intensive care unit (ICU), at nilagyan ng oxygen matapos itong tumigil sa kanyang pagwawala dahil naging kritikal na siya. Habang nasa ICU si Elezar, namaga ang kanyang mga braso at mukha, at nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at dibdib. Binigyan siya ng mga gamot, subalit hindi na niya naligtasan ang kanyang nararamdamang sakit at iginupo na siya ng kanyang karamdaman noong Mayo 4, 2018.

Narito ang pahayag ni G. Brigoli sa pagkamatay ng kanyang anak:


“Nakapagtataka talaga na napakabilis na mawala si Elezar, samantalang wala naman siyang malubhang karamdaman. Subalit nang siya ay mabakunahan ay bigla na lamang siya nakaramdam ng maraming masasakit sa kanyang katawan. Sa isip ko, alam ko na Dengvaxia ang naging dahilan ng pagkakasakit at maagang pagkamatay ng aking bunsong anak.”


Hiniling ni G. Brigoli sa aming Tanggapan at sa inyong lingkod na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanyang anak. At kaugnay nito, katulad ng nabanggit na sa itaas ay hiniling din niya ang forensic services ng PAO Forensic Laboratory Division. Ang mga kagyat naming serbisyo ay naibigay na kina G. Brigoli, at ang mga kailangan pa nilang tulong ay patuloy naming ipagkakaloob hanggang sa makamit ang katarungan para kay Elezar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page