top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 23, 2021



Ang laking bagay ng pag-asa sa patuloy na paglalakbay sa buhay; nakakayanan ng mga dumaraan sa pagsubok ang mabibigat na pasanin at pasakit. Ngunit may mga pagkakataon na hindi naitatawid ng pag-asa sa kabilang dako ng reyalidad ang inaasahang positibo at mabuting kaganapan. Ganito ang naging karanasan nina G. Quirino at Gng. Marichu Mangligot ng Quezon City sa anak nilang si Marqui Rhino B. Mangligot. Anang kanyang ina,


“Noong July 21, 2018 ng gabi, nawala na ang lagnat ni Marqui hanggang kinabukasan, alas-10:00 ng umaga. Laking tuwa na namin dahil bumubuti na ang kanyang kalagayan. Umuwi ako, pero bago ako umalis, nagsabi si Marqui na masakit ang dibdib niya kaya sinabi ko ‘yun sa nurse. Pumalit sa pagbabantay ang aking hipag at tinext ko siya na sabihin sa nurse ang reklamo ni Marqui. Nag-rounds na raw ‘yung nurse at maayos naman si Marqui.”


Ito ay naganap sa mga huling sandali sa buhay ni Marqui, Dengvaxia vaccinee, bago siya sumakabilang buhay noong Hulyo 23, 2018. Si Marqui, 11-anyos, ika-73 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 31, 2017 sa isang ospital sa Quezon City. Ani Gng. Mangligot sa naganap na pagbabakuna, “Tatlo kami sa aming pamilya na naturukan ng Dengvaxia. Pumayag kaming maturukan dahil sa paniniwalang mabuti ito sa aming mga kalusugan, lalo na sa aming mga anak.”


Noong Hulyo 17, 20 at 21, 2018, may mga idinaraing si Marqui sa kanyang katawan. Narito ang mga detalye:

  • Hulyo 17 - Nagreklamo ng pananakit ng ulo si Marqui. Binigyan siya ng paracetamol, ngunit hindi nawala ang kanyang lagnat.

  • Hulyo 20 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City. Anang kanyang mga magulang, “Malakas pa ang aming anak dahil tumakbo pa siya papunta sa aming sasakyan.” Pagdating sa nasabing ospital, isinailalim si Marqui sa laboratory tests at nagpositibo siya sa dengue. Sinabi ni Gng. Mangligot na naturukan si Marqui ng Dengvaxia. Dahil walang bakanteng kuwarto, binigyan sila ng referral ng nasabing ospital sa isa pang ospital sa Quezon City dahil doon diumano dinadala ang mga nabakunahan ng Dengvaxia. Pagdating nila ng alas-10:30 ng gabi, wala ring bakanteng kuwarto kaya madaling-araw na na-admit si Marqui.

  • Hulyo 21 - Nasa bandang itaas ng artikulong ang insidente sa araw na ito.

Noong Hulyo 22 at 23, 2018 ang naging kritikal na mga sandali sa buhay ni Marqui na humantong sa kanyang kamatayan.

  • Hulyo 22 - Nanikip ang dibdib ni Marqui at nahirapan siyang huminga. Kinabitan siya ng oxygen at nakitaan na rin siya ng rashes sa katawan. Matapos malagyan ng oxygen, nagsuka si Marqui. Pagsapit ng hapon ay inilipat na siya sa ICU at nang gabi, sinabihan ng doktor ang mga magulang ni Marqui na nakagugulat ang biglaang pagbagsak ng kalusugan ng kanilang anak.

  • Hulyo 23 - Madaling-araw, sinalinan ng dugo at platelets si Marqui. Ayon sa mga doktor, hindi nila mapigilan ang pagdurugo at may internal bleeding siya. Sa ICU, siya ay in-intubate at anang kanyang mga magulang, “Sinabi ng mga doktor na ginawa na nila ang lahat para sagipin ang buhay ng aming anak, subalit hindi na niya kinaya at tuluyan nang pumanaw ng hapon ng July 23, 2018.” Dagdag pa ng kanyang mga magulang, “Si Marqui ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Magana siyang kumain at aktibo, hindi rin siya nadadala sa ospital mula pagkabata maliban na lamang sa huling pagka-confine niya hinggil sa kakaiba niyang nararamdaman.”

Ang kaso ni Marqui ay isa lamang sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia kung saan ang pagkakaintindi ng mga magulang ay makabubuti ito sa babakunahan dahil ito ay nagbibigay ng proteksiyon kontra dengue. Anang ina ni Marqui:


“Sinabi ko pa kay si Marqui na ang nasabing pagbabakuna ay regalo ko sa kanya bilang panghabambuhay na proteksiyon kontra dengue. Bago naman kami maturukan ay nagtanong sila kung ako, si Marqui at ang isa ko pang anak ay hindi pa nagkaka-dengue. Sinabi kong hindi pa kami nagka-dengue at wala naman silang sinabi tungkol doon.”


Si Aling Marichu ay isa sa mga magulang ng mga biktima na naghangad lamang ng kabutihan ng kanilang mga anak. Bagama’t masakit ang nangyari, malinaw sa kanya na hindi siya ang naghain ng sarili niyang anak sa altar ng kapahamakan dahil walang ina na maghahangad ng masama sa kanyang mga mahal sa buhay. Mariing sinabi ni Aling Marichu na “Nakapagtataka na kung kailan naturukan ng bakuna kontra dengue si Marqui ay saka pa siya nagkaroon ng dengue.” Ang kanyang pagtataka ay humantong sa pag-alam ng katotohanan at paghahanap ng katarungan sa pagkamatay ni Marqui. Hiniling niya ang tulong ng PAO, ng inyong lingkod at PAO Forensic Team. Kami ngayon ay bahagi ng kanilang laban — sa ngalan ng katotohanan at katarungan — habang ang mga survivor ay patuloy na lumalaban sa bagsik ng kamandag ng viruses na itinurok sa kanila. Ang naghihintay ng katarungan ay hindi na mabilang.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 16, 2021



Ang pagsapit ng ika-18 kaarawan ng kababaihan ay mahalagang bahagi ng kanilang buhay. Ito ang edad ng pagpasok sa kabanata ng pagdadalaga. Sa mga nagpapasyang idaos ito sa pamamagitan ng debut, ang pagdiriwang na ito ang nagsisilbing pormal na pagpapakilala sa kanila sa lipunan bilang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang saya ng pagiging debutante at mga karanasan ng isang dalaga ay hindi na natamasa ni Arianne Reese Verchez, anak nina Mang David R. Delos Reyes, Jr. at Aling Maricar Verchez, ng Metro Manila.


Si Arianne Reese, 18, dating estudyante sa isang unibersidad sa Caloocan City ay namatay noong Hulyo 21, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-72 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay isang beses na nabakunahan ng Dengvaxia sa Valenzuela City, na isinagawa ng barangay health workers noong Nobyembre 6, 2017.


Walang screening, blood o diagnostic test at informed consent bago siya tinurukan, ayon sa kanyang mga magulang. Hindi rin ipinaalam sa kanila ang mga side effects na puwedeng ikapeligro ng buhay.


Noong ikalawang linggo ng Pebrero, 2018, una siyang nakaramdam ng hirap sa paghinga, na sinabayan ng lagnat, ubo at sipon. Wala rin siyang ganang kumain. Bumubuti naman ang kanyang kalagayan kapag siya ay gumagamit ng nebulizer. Muli siyang nagreklamo ng hirap sa paghinga noong ikalawang linggo ng Marso, 2018. Noong Abril 11, 2018, dahil pabalik-balik ang hirap niya sa paghinga at hindi gumagaling ang kanyang ubo na may kasamang plema at sipon, siya ay dinala sa isang ospital sa Quezon City. Siya ay in-x-ray at napag-alaman na hazy ang ibabang bahagi ng kanyang baga. Ayon sa doktor, possible tuberculosis ang sakit niya. Niresetahan siya ng mga gamot tulad ng antibiotics at sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangang obserbahan si Arianne Reese ng ilang linggo. Naging pabalik-balik ang kanyang pag-ubo, sipon at lagnat.


Nadagdagan ang mga nararamdaman ni Arianne Reese noong Abril 13, 2018 hanggang Hulyo 21, 2018. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Abril 13 - Umabot sa 39.9 degrees centigrade ang lagnat niya.

  • Abril 23 - Ibinalik siya sa pinagdalhan na ospital sa Quezon City. Siya ay muling isinailalim sa x-ray at nakitang lumala ang kondisyon ng kanyang baga. Kinaumagahan, in-admit siya sa nasabing ospital. Ayon sa doktor, siya ay may pneumonia at pleural effusion. Bumuti naman ang kalagayan niya sa sumunod na mga araw.

  • Mayo 11 - Inilabas sa ospital si Arianne Reese, ngunit tuloy-tuloy pa rin ang kanyang gamutan.

  • Hunyo 23 - Muli siyang nagkalagnat at nawala naman ito kinabukasan.

  • Hunyo, huling linggo - Sumakit ang kanyang ulo at tiyan. Naglalagas din ang kanyang buhok.

  • Hulyo 7 - Muli siyang nagkalagnat at nagkaubo.

  • Hulyo 8 - Nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan.

  • Hulyo 12 - Nagtuloy-tuloy ang kanyang lagnat sa mga sumunod na araw kaya siya ay dinala sa isang health center sa Valenzuela City. Ayon sa doktor, may urinary tract infection (UTI) si Arianne Reese.

  • Hulyo 16 at 18 - Dahil hindi nawawala ang kanyang lagnat, dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at isinailalim sa iba’t ibang laboratory tests at wala namang nakitang hindi maganda sa kalusugan niya kaya noong Hulyo 18, 2018 ay lumabas na siya sa ospital.

Sa mga sumunod na petsa ng Hulyo 2018, lumubha ang kondisyon ni Arianne Reese at ito ay humantong sa kanyang kamatayan.

  • Hulyo 19 - Nawawalan siya ng balanse sa tuwing siya ay naglalakad. Nagreklamo rin siyang lumalabo ang kanyang paningin at nananakit ang buo niyang katawan. Anang kanyang mga magulang, “Dala marahil ng kanyang paglabo ng paningin kaya siya nawawalan ng balanse.”

  • Hulyo 20 - Alas-4:30 ng hapon, naihi sa higaan si Arianne Reese. Sumakit ang kanyang ulo at mga ilang sandali ay nanigas ang kanyang kamay at siya ay lumupaypay. Dahil du’n, isinugod siya sa ibang ospital sa Quezon City, bandang alas-6:00 ng gabi at siya ay isinailalim sa CT-scan. Wala na siyang response at base sa resulta ng kanyang CT-Scan ay namamaga ang kanyang utak.

  • Hulyo 21- Inilipat siya sa ICU ng ospital dahil kritikal na ang kanyang kalagayan. Ilang beses din siyang nag-agaw-buhay at sinubukang i-revive, subalit pagsapit ng alas-6:00 ng umaga ay namatay na si Arianne Reese.

Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa amin ng biglaang pagpanaw ni Arianne Reese. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak. Maging sa aming pamilya ay walang nagkaroon ng ganitong uri ng sakit na katulad ng ikinamatay niya. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang bakunang itinurok sa aming anak ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya.”


Pumanaw si Arianne Reese sa panahon ng kanyang pagdadalaga. Hindi na siya nakasama ng kanyang mga magulang sa mahalagang bahagi na ito ng kanyang buhay, ganundin sa mga susunod pa sanang kabanata ng kanyang kasaysayan.


Ramdam pa rin nina Mang David at Aling Maricar ang panghihinayang sa buhay ng kanilang anak, lalo na ang pighati sa pagkawala nito. Sa ngayon, namamayani ang pagpupursige nilang mabigyan ng katarungan ang kanilang anak, sa pamamagitan ng paglapit at paghingi nila ng tulong sa PAO, sa inyong lingkod at PAO Forensic Laboratory Division na aming tinutugunan.

 
 

sigaw ng magulang


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 09, 2021



Sa patuloy na pagdaing ng mga bata sa tindi ng sakit at hirap na nararamdaman, patuloy ang mga magulang nila sa pagtataglay ng pag-asa na makakayanan nila ang daluyong ng bagsik ng side effects ng itinurok sa kanila. Kung ipinaalam sa kanila na ganito ang mangyayari sa katawan ng mga biktima, hindi sana magaganap ang “mass and indiscriminate” na pagtuturok.


Gayunman, mahalaga ang sapat at tamang kaalaman upang magkaroon din ng wastong kapasyahan sa lahat ng mga bagay. Ang ganitong uri ng impormasyon ay naipagkait sa kanila, ayon sa magulang ng mga biktima na may kaugnayan sa Dengvaxia vaccine. Isa sa mga nasabing magulang ay si Gng. Emelita G. Arguta ng Caloocan City. Narito ang maikling kasaysayan ng kanyang anak na si Editha G. Arguta.


Si Editha ay 17-anyos nang namatay noong Hulyo 12, 2018. Siya ang ika-71 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Naalala ni Gng. Arguta ang tungkol sa pagkakabakuna sa kanyang anak, aniya:


“Noong ika-14 ng Hulyo 2018, habang nakaburol si Editha, nabanggit sa amin ng tatlo sa mga kaklase niya sa elementarya na siya ay isang beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan noong 2017 o habang sila ay nasa ika-anim na baitang.”


Ayon kay Aling Emelita, si Editha ay lumaking malusog at masiglang bata. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang sakit. Hindi rin niya naranasang madala sa ospital bukod noong biglaan siyang nagkasakit na humantong sa kanyang maagang paglisan. Narito ang kaugnay na mga detalye ng nasabing pangyayari:


  • Hulyo 8, 2018 - Nagkalagnat si Editha, ngunit nawala ito nang pinainom siya ng paracetamol. Bukod sa kanyang lagnat, nagreklamo rin siya ng pananakit ng tiyan.

  • Hulyo 9 - 11, 2018 - Bumalik ang kanyang lagnat. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, kawalan ng ganang kumain at palaging gusto matulog. Bukod sa mga ito, nanghihina siya at nawawalan ng balanse tuwing siya ay naglalakad. Patuloy niyang naranasan ang mga ito hanggang Hulyo 11, 2018. Bandang alas-7:00 ng gabi ng Hulyo 11, 2018, ayon kay Aling Emelita ay bahagyang nawala ang lagnat ni Editha. Subalit pagsapit ng alas-10:30 ng gabi, nawalan siya ng lakas at tumaas ang kanyang lagnat. Napagpasiyahan ng kanyang ina na isugod siya sa ospital. Habang naghihintay ng masasakyan, alas-11:30 ng gabi ay nag-seizure si Editha, nag-lock ang kanyang panga, tumirik ang kanyang mga mata at hindi na siya makapagsalita. Habang papunta sa isang ospital sa Quezon City ay muli siyang nag-seizure. Pagkarating nila sa nasabing ospital, bandang hating-gabi, kasabay ng pagkabit ng dextrose kay Editha ay agad na isinagawa ng mga doktor ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa kanya dahil siya ay lupaypay na. Siya ay binigyan din ng gamot para sa puso at sinaksakan ng nasogastric tube (NGT). Nakita umano ni Aling Emelita na may dugong lumabas mula sa ilong ng kanyang anak. Nang panahong ‘yun ay kritikal na ang kalagayan ni Editha. Ayon kay Aling Emelita, sa dalawang magkasunod na electrocardiogram (ECG), may nakita pang pagtibok sa kanyang puso.

  • Hulyo 12, 2018 - Ala-1:30 ng madaling-araw, base sa resulta ng ikatlong ECG ni Editha, hindi na nakitaan ng pagtibok ang kanyang puso at sinabihan na si Aling Emelita ng mga doktor na ang kanyang anak ay tuluyan nang pumanaw. May kaugnay na paglilinaw tungkol dito si Aling Emelita. Ayon sa kanyang salaysay:

“Aking inilalakip bilang Annex “A” ang Certificate of Death ni Editha. Ayon sa nasabing dokumento, siya ay pumanaw noong ika-11 ng Hulyo 2018, subalit base sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, siya ay namatay noong ika-12 ng Hulyo 2018, ala-1:30 ng madaling araw.”


Narito naman ang kanyang pahayag sa pagkamatay ng kanyang anak:


“Napakasakit para sa akin ang biglaang pagpanaw ni Editha. Gaya nang nasabi ko, siya ay isang masigla, aktibo at malusog na bata. Lalong napakahirap para sa akin na tanggapin ang kanyang biglaang pagkawala dahil hindi naipalaam sa amin na siya ay naturukan ng Dengvaxia. Nalaman lang namin na siya nga ay nabakunahan noong siya ay nakaburol na. Sana man lang ay may nagawa kami para maiwasan ang kanyang hindi inaasahang pagpanaw kung mas maaga naming nalaman na siya ay naturukan ng Dengvaxia.”


Hindi man mababawi at maibabalik ang nawalang buhay ni Editha, hindi naman hinahayaan ni Aling Emelita na ang naganap na trahedya ang maging katapusan ng kuwento ng kanyang anak. Ang pakikipaglaban ni Aling Emelita para sa katarungan ng pagkamatay ni Editha ay nagsisilbing mahalagang karagdagang yugto sa kasaysayan ng yumao niyang anak.


Para sa inyong lingkod at kasamang public attorneys, ganundin ang forensic doctors at staff na hiningan ni Aling Emelita ng tulong sa kaso ni Editha, ang mapabilang sa bahaging ito ng kuwento ng yumao ay aming pinahahalagahan upang makatulong sa mga biktima.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page