top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 10, 2021



Kung saan diumano pinroteksiyunan ay doon pa ginupo ng matinding karamdaman. Binabalot ng pangungusap na ito ang himutok ni G. Florante Ocfemia ng Makati City, isang nagluluksang ama sa pagkawala ng panganay na anak na si Kenchie Ocfemia. Ani G. Ocfemia, “Sinasabi nilang ang Dengvaxia vaccine na itinurok sa aking anak ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya. Pero namatay si Kenchie at ang sabi ay Severe Dengue ang dahilan nito.”


Si Kenchie, 11-anyos na namatay noong Agosto 9, 2018 ang ika-80 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa kanilang lugar noong Agosto 14, 2017. Kalagitnaan ng kanilang summer break sa eskuwelahan, nagreklamo si Kenchie na sumasakit ang kanyang ulo, subalit nawawala naman ito. Noong Hulyo 2018, may napansin ang kanyang pamilya na kakaiba niyang ginagawa. Ayon sa kanyang ama, “Kapag nanggagaling siya sa eskuwelahan ay naliligo siya. Hindi naman niya ito ginagawa noon kaya nagtaka kami. Dati, tuwing papasok at bago matulog lamang siya naliligo, subalit noong Hulyo 2018 ay palagi siyang naliligo at kapag siya ay aming tinatanong, ang sagot niya ay naiinitan daw siya.”


Noong Agosto 2018, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Kenchie, umabot siya sa kritikal na kalagayan na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Agosto 4 - Nilagnat si Kenchie at umabot ito ng 40 degrees Celsius. Dinala siya sa isang ospital sa Makati City at ipinakita nila ang kanyang Dengvaxia Immunization Card. Isinailalim siya sa laboratory tests at binigyan siya ng antibiotics at paracetamol, at umuwi na sila. Nagpatuloy ang lagnat niya at hindi na siya makakain. Kahit anong pagkain na ibinibigay sa kanya ay isinusuka lamang at tubig na lang ang pumapasok sa katawan niya.

  • Agosto 5 - Dinala si Kenchie sa health center sa kanilang lugar at sinabi na isasailalim siya sa eksaminasyon. Sinabi ng doktor na mag-CBC at NS1-D1 examination si Kenchie. Dahil matagal ang magiging resulta kapag doon gagawin, nagdesisyon ang mga magulang ni Kenchie na dalhin siya sa emergency room (ER) ng isang ospital sa Makati. Natatakot na rin kasi ang mga magulang ni Kenchie sa kalagayan niya dahil hindi na ito kumakain. Pagkatapos siyang kuhanan ng dugo, nakita na mababa na ang platelet count niya at ito ay 90 na lamang. Sinabi rin ng mga doktor na positive na sa dengue si Kenchie at hindi na siya pinauwi.

  • Agosto 7 - Bumaba na nang bumaba ang platelet count ni Kenchie at bumagsak ito sa 25. Patuloy ang pagbantay kay Kenchie ng mga doktor hanggang sa sinabi nila sa mga magulang nito na nawawalan siya ng blood pressure (BP).

  • Agosto 8 - Alas-5:00 ng madaling-araw, ipinasok sa ICU si Kenchie. Habang siya ay nasa ICU, pawala-wala ang kanyang BP at pulso. Bumaba na rin sa pito ang platelet count niya. Nagkaroon siya ng maraming rashes sa braso at sa katawan at alas-5:00 ng hapon, nilagyan na siya ng tubo. Tinapat ng doktor ang kanyang mga magulang na ang pinakamalalang dengue ang dumapo kay Kenchie. Habang nasa ICU, nagwawala siya dahil sa sakit kung saan sinusubukan niyang tanggalin ang mga apparatus na nakakabit sa kanya. Nakita ng mga magulang ni Kenchie ang hirap niya habang siya ay nasa ICU. Ani G. Ocfemia, “Awang-awa kami sa kanya at dinudurog ang aming puso sa naging kalagayan niya.”

  • Agosto 9 - Pumanaw si Kenchie. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Severe Dengue (Antecedent Cause). Ani G. Ocfemia, “Napakasakit para sa aming mag-asawa ang biglang pagpanaw ng aming panganay. Isa siyang masigla at malusog na bata at bilang panganay ay naaasahan na namin si Kenchie sa pag-aalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Ang nangyari kay Kenchie ay nagsisilbing tagapagpaalala ng kahalagahan ng pre-vaccination screening at ng tama at sapat na pagpapaliwanag tungkol sa pagpapaturok ng bakuna sa mga seronegative na katulad niya at maging sa mga seropositive man. Ang mga datos na ito ay mahalagang maibahagi upang magkaroon ng matalinong pagpapasya. Anang ama ni Kenchie, “Hindi nila kami binigyan ng pagpapaliwanag bago turukan si Kenchie sa maaaring maging epekto nito sa kalusugan niya. Kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan ng aming anak.”


Ang naipagkait na katotohanan sa pamilyang Ocfemia hinggil bakuna ay sinisikap namin sa PAO — na hiningan nila ng tulong kasama ng PAO Forensic Laboratory Division — na huwag matumbasan ng pagkakait ng katarungan habang inilalaban namin sa hukuman. Ang laban naming ito para sa katarungan ay para rin sa katotohanan!

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 03, 2021



Ang pagdadalaga ay masayang yugto sa buhay ng kababaihan. Ito ay may mga panahong pinagsasaluhan o bonding moments ng mag-iina na kapwa nagiging mahalaga, kapaki-pakinabang at hindi malilimutang sandali para sa kanila. Sa kasamaang-palad, hindi natamasa ng mag-inang Terry at Ashly Nicole Barbacena ang masasayang sandali ng pagdadalaga ng huli. Salungat dito ang naranasan ng pamilya Barbacena.


Halos araw-araw na pagdaing sa tindi ng sakit ng katawan at ulo ang maririnig kay Ashly. Bahagi ng malulungkot at mapapait na alaala na nauwi sa trahedya ang naikuwentong ito ng mga magulang ni Ashly na sina G. Avenger at Gng. Terry Barbacena ng Binangonan, Rizal:


“Buwan ng Oktubre 2017 nang mag-umpisang datnan ng buwanang dalaw ang aming anak. Isang beses sa isang buwan siya noon kung datnan, subalit noong Disyembre 2017 ay dalawang beses na siyang dinatnan sa loob lamang ng isang buwan. Ang pag-aakala ko (Terry), normal ‘yun dahil bago pa lang siya dinatnan ng kanyang buwanang dalaw. Pagsapit ng Enero 2018 ay dalawang beses sa isang buwan pa rin ang buwanang dalaw niya. Hindi rin normal ang dami ng dugo na kanyang inilabas. Dahil sa labis na dami ng lumalabas na dugo niya ay pinagsuot namin siya ng diaper.”


Si Ashly Nicole, 12-anyos na namatay noong Agosto 16, 2018, ang ika-79 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses na naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Binangonan, Rizal, una noong Abril 15, 2016, pangalawa noong Oktubre 14, 2016, at pangatlo noong Hunyo 9, 2017. Ayon kina G. at Gng. Barbacena, si Ashly Nicole ay isang masayahin, masigla at malusog na bata. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa siya naospital maliban na lamang noong nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos niyang maturukan ng nasabing bakuna. Bukod sa mga naranasan ni Ashly Nicole na nabanggit, narito ang ilan sa mga detalye sa naging karamdaman niya na nauwi sa kanyang kamatayan:

  • Pebrero 2018 - May mga buo-buo at parang jelly na dugo na sumasama sa kanyang regla. Napapadalas ang kanyang pagkahilo at pamumutla. Nag-umpisa ring mamula at magluha ang kanyang kanang mata.

  • Marso 21 at 22, 2018 - Napag-alaman sa isang ospital sa Binangonan, Rizal na mababa ang kanyang platelet count at hemoglobin. Sinabihan ng doktor ang mga magulang niya na kailangan siyang i-admit sa isang ospital sa Marikina City, na nangyari naman noong Marso 22, 2018. Sa mga tests ay nakumpirma ang naunang test na isinagawa sa kanya. Sinalinan siya ng tatlong bags ng dugo. Hindi tumitigil ang labis niyang pagreregla at nilagnat din siya nang mga panahong ‘yun.

  • Abril 3, 2018 - Apat na beses siyang sinubukang kuhanan ng bone marrow samples, subalit walang nakuha. Ayon sa doktor, siya ay may aplastic anemia.

  • Abril 8 at 9, 2018 - Nahilo siya at pagkatapos ay hinimatay. Mataas din ang kanyang lagnat. Sinalinan ulit siya ng dugo noong Abril 9, 2018. Inilipat siya sa isang ospital sa Quezon City.

  • Abril 11, 2018 - Muli siyang kinuhanan ng sample ng bone marrow. Pagkalipas ng tatlong araw, napag-alamang may leukemia siya.

  • Abril 16, 2018 - Nag-umpisa siyang isailalim sa chemotherapy.

  • Hunyo 2018 - Muli siyang nag-chemotherapy. In-admit siya sa pinagdalhang ospital sa Quezon City at pagkatapos ng sampung araw ay na-discharge siya.

  • Hulyo 25, 2018 - Isinagawa ang kanyang pangatlong chemotherapy.

  • Agosto 5-6, 2018 - Muling lumabas ang mga rashes sa kanyang katawan. Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City noong Agosto 6, 2018 at napag-alaman na lima na lang ang kanyang platelet count. Muli siyang sinalinan ng dalawang bags ng platelet pagkatapos ng ilang araw. Mula noong Agosto 6, 2018 ay nilalagnat na siya. Matapos siyang masalinan ng nasabing platelet ay nag-chill na siya at mas tumaas ang kanyang lagnat.

  • Agosto 9-10, 2018 - Namaga ang gilid ng kanyang kanang mata. Mas kumalat ang pamamaga ng paligid ng kanyang mata noong Agosto 10, 2018 at umihi rin siya noon ng dugo.

  • Agosto 13-16, 2018 - Sinalinan siya ng 18 units ng platelet noong Agosto 13 at 14, 2018 subalit hindi umakyat ang kanyang platelet count, sa halip ay bumaba pa ito sa dalawa. Siya ay nagsusuka at nagdudumi ng dugo. Naging kritikal na ang kanyang kondisyon at pagdating ng Agosto 16, 2018, alas-7:30 ng umaga, tuluyan na siyang pumanaw. Anila G. at Gng. Barbacena, “Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Ashly Nicole. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa aming anak.

“Hindi nila kinuha ang pahintulot namin hinggil sa pagtuturok nila ng bakuna kontra dengue sa aming anak kaya walang pagpapaliwanag sa kung anong maaaring maging epekto nito sa kalusugan niya.”


Namatay si Ashly na baon ang paghingi ng hustisya laban sa mga nag-eksperimento sa kanyang murang katawan. Sa bawat gabi ay ramdam ng naulila niya at parang naririnig pa rin ang kanyang mga daing mula sa hukay na pinaglibingan sa kanya.


Ang kaso ni Ashly Nicole ay idinulog ng pamilya Barbacena sa aming Tanggapan, kaya ito ay kasama na sa aming ipinaglalaban sa hukuman. Ang nangyari kay Ashly Nicole ay repleksyon din ng matinding hirap na inabot ng mga katulad niyang biktima bago binawian ng buhay. Nawa sa kasong ito, ang matatamong hustisya para sa isa ay maigawad sa kanilang lahat.

 
 

nag-seizure bago namatay sa Dengvaxia.


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 27, 2021



Ang mga atletang Pilipino na kumatawan sa Pilipinas sa nakaraang Olympic Games sa Tokyo, lalo na ang naging mga premyado sa kanila tulad ni Hidilyn Diaz ay nagbigay ng karangalan sa ating bansa. Nag-uumapaw ding kasiyahan ang hatid nila sa sambayanang Pilipino sa panahon ng pandemya. Sina G. Edwin at Gng. Marlina Serrano ng Binangonan, Rizal ay tiyak na kaisa sa tuwa at pasasalamat na nadama nating lahat sa tagumpay ng nasabing mga manlalaro. Gayunman, marahil ay labis din silang nalungkot dahil may pinakamamahal silang atleta na nagpapaalala sa kanila ng sakit at lumbay sa buhay. Anila, “Kasama sana siya sa koponan ng kanilang eskuwelahan na maglalaro ng volleyball, pero namatay na siya.” Ang tinutukoy nila ay ang anak nilang si Princess Edralyn Serrano.


Si Princess Edralyn, 15, na namatay noong Agosto 5, 2018 ang ika-78 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia, una noong Hunyo 16, 2016; pangalawa noong Disyembre 15, 2016; at pangatlo noong Hunyo 9, 2017. Naganap ang pagbabakuna sa dati niyang paaralan sa Binangonan, Rizal. Anang mag-asawang Serrano,


“Ang aming anak ay masayahin, masigla at malusog na bata. Mahilig siya sa sports, masipag mag-aral at may mataas na pangarap sa buhay. Kailanman ay hindi siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, maliban lamang nitong kamakailan lang kung saan siya ay nagkaroon ng malubhang sakit na nagdulot ng kanyang biglaang pagpanaw. Matapos siyang maturukan ng panghuling bakuna kontra dengue ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Noong pangalawang linggo ng Hulyo 2017, nagkaroon siya ng pamamantal sa mukha at leeg, sinat at pananakit ng ulo at tiyan. Noong unang linggo ng Hulyo 2018, sumakit ang kanyang ngipin at nagdurugo ito. Narito ang iba’t ibang sintomas na naramdaman ni Princess Edralyn:

  • Hulyo 17 - Nagkalagnat siya, sumakit din ang kanyang ulo at tiyan na sinabayan ng pagsusuka ng kulay berde at dilaw na likido na nagtagal nang magdamag. Pinainom siya ng paracetamol ngunit hindi bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Hulyo 18 at 19 - Lalong tumaas ang kanyang lagnat. Pagsapit ng tanghali, nawala siya sa sarili at kung anu-ano ang sinasabi. Kapag kinakausap siya ay hindi na siya sumasagot at nakatirik lamang ang kanyang mga mata. Siya ay nag-seizure, hindi maigalaw ang leeg at nawalan ng malay. Isinugod siya sa isang ospital sa Binangonan, Rizal bandang ala-1:00 ng hapon. Muli siyang nagka-seizure at nanigas ang kanyang leeg. Dahil hindi sapat ang pasilidad ng nasabing ospital, inilipat siya sa isang ospital sa Quezon City noong Hulyo 19, 2018 nang alas-12:00 ng tanghali. Agad siyang dinala sa ICU at isinailalim sa laboratory tests at siya ay kinabitan ng NGT. Dahil hirap siyang huminga, siya ay in-intubate. Nakadilat lang ang kanyang mga mata at hindi ito nagre-respond. Nanatili siya sa ICU at hindi pa rin siya nakakakilala at tirik ang kanyang mga mata.

  • Hulyo 22 - Nag-umpisa na niyang maigalaw ang kanyang katawan kapag tumutugon sa tuwing kinakausap siya. Sa mga sumunod na araw, naging madalas ang hirap niya sa paghinga.

  • Hulyo 26 - Muli siyang in-intubate, naging iritable rin siya at nag-seizure. Dahil nahihirapan siya sa tuwing humihinga, siya ay na-suction at may lumabas na dugo at plema. Bumuti naman ang kanyang kalagayan nang mga sumunod na araw maliban lamang sa reklamo niyang hirap sa paghinga.

Noong Agosto 4 at 5, 2018 ang naging mga kritikal na sandali sa buhay ni Princess Edralyn. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Agosto 4, umaga - Nag-umpisang mamaga ang kanyang kaliwang leeg at sumunod ang kanang leeg. Pagsapit ng hapon, namaga ang kanyang dibdib at ang pamamaga ay umakyat na sa kanyang mukha.

  • Agosto 5, alas-10:00 ng umaga - Nahirapan siya sa paghinga. Nag-agaw buhay na siya at sinubukang i-revive, pero pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay tuluyan na siyang pumanaw. Sabi ng kanyang mga magulang, “Ayon sa Certificate of Death ni Princess Edralyn, ang sanhi ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw ay Multiple Organ Dysfunction Syndrome (Cardiovascular Dysfunction; Acute Liver Injury), (Immediate Cause); Sepsis (Antecedent Cause); “Pneumonia Severe” (Underlying Cause); “Tuberculosis Meningitis Stage III” (Other Significant Conditions Contributing To Death).”

Ayon pa sa kanila, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia vaccine na itinurok sa aming anak ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakunang ito dahil hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng bakuna sa kalusugan ng aming anak, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan niya.


Ipinagtapat ni G. Serrano sa aming tanggapan ito, “Inalok ako sa ospital na isailalim sa autopsy ang aming anak dahil alam nilang naturukan siya ng Dengvaxia pero hindi ako pumayag.” Kaugnay nito, sa PAO Forensic Team niya ipinagkatiwala ang pagsusuri sa mga labi ni Princess Edralyn. Bahagi ito ng pagnanais nilang malaman ang katotohanan sa pagkamatay ng kanilang anak. Ang legal na aspeto naman nito ay inilapit nila sa inyong lingkod na ngayon ay aming inilalaban ng mga kasamahan kong public attorneys sa hukuman.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page