top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

11 -anyos na namatay sa dengue shock syndrome



ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 12, 2021



“Tila naging ibang tao na sila,” naririnig namin ang komentong ito mula sa mga mahal sa buhay ng marami sa mga biktima ng Dengvaxia. Nasasabi nila ito dahil sa nakikita nilang malaking pagbabago sa miyembro ng kanilang pamilya na naturukan ng nasabing bakuna.


Kabilang sa nagkaroon ng ganitong obserbasyon sina G. Lionilo at Gng. Virgie Losanga ng Quezon City, mga magulang ni Levie Losanga. Ani G. at Gng. Losanga, “Si Levie ay isang aktibo at bibong bata. Siya rin ay masayahin, masigla at malusog bago mabakunahan ng Dengvaxia sa aming barangay. Ngunit nitong mga nakaraang buwan matapos siyang mabakunahan ay nagbago ang kanyang pag-uugali at nararamdaman. Naging mainitin ang kanyang ulo at uminit ang pakiramdam niya sa katawan. Kung maligo siya ay apat na beses sa isang araw.”


Si Levie, 11, ay binawian ng buhay noong Agosto 27, 2018. Siya ang ika-88 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Levie ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 17, 2017. Makalipas ang ilang buwan mula nang mabakunahan, nagbago ang kanyang pag-uugali. Naging mainitin ang kanyang ulo at mabilis siyang mainis dahil sumasakit diumano ang kanyang ulo.


Bandang Agosto 21, 2018, napansin ng kanyang mga magulang na siya ay nilalagnat.


Noong Agosto 24, 2018, dumaing siya ng pananakit ng tiyan at ulo. Nagsusuka rin siya kaya isinugod siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Quezon City. Sa emergency room, ipinaalam ng kanyang mga magulang na nabakunahan siya ng Dengvaxia. Kinuhanan siya ng dugo at napag-alaman na negative naman diumano siya sa Leptospirosis. Maya-maya, sinabihan sila na kailangan siyang ma-admit dahil mayroon umano siyang Dengue Shock Syndrome. Noong nasa kuwarto na si Levie, nagsuka siya ng dugo. Isinailalim siya sa x-ray at kinunan din siya ng dugo para muling suriin sa laboratoryo. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan at lalo siyang lumala hanggang sa dinala siya sa isang kuwarto na may aircon. Habang naroon, nagdedeliryo diumano siya at nagwawala, napakalakas niya habang siya ay sumisigaw ng kung anu-ano.


Ang petsang Agosto 27, 2018 ang naging kritikal na araw para kay Levie, at ito ay nauwi sa kanyang kamatayan. Bandang umaga, napansin ng kanyang ina na nanginginig si Levie at mataas ang kanyang lagnat. Pumunta si Aling Virgie sa nurse’s station upang sabihin ang kalagayan ni Levie, ngunit pinayuhan lamang siya na punas-punasan si Levie na siya namang ginawa niya. Pagkatapos, pinalipat sila sa ibang kuwarto dahil mayroon umanong gagamit sa inuukupa nilang kuwarto. Inilagay si Levie sa isang wheelchair para ilipat at noong naisakay siya sa wheelchair, sumakit ang kanyang mga binti dahil maliit ang wheelchair para sa kanya.


Mainit sa kuwarto na nilipatan ni Levie kaya umiyak siya nang umiyak. Siya ay nagmamakaawa na ibalik sa kuwartong pinanggalingan niya at sinabi ng kanyang ina na wala silang pera kaya hindi na siya maibalik doon. Ani Aling Virgie, “Yumuko si Levie matapos kong sabihin ‘yun at hindi na siya umimik na parang nagtampo. Hanggang sa magmakaawa siyang muli na ibalik namin siya sa malamig na kuwarto. Nagwawala siya at sinasabing doon siya mamamatay kung hindi siya maibalik sa dati niyang kuwarto.”


Kinausap si Levie ng kanyang ama na magpagaling siya. Pagkatapos nu’n, sunud-sunod ang pagdumi ni Levie at nagreklamo ito na masakit ang batok niya at nahihilo siya.


Niyakap ni Aling Virgie ang kanyang anak hanggang sa napansin niyang nahihirapan nang huminga si Levie.


Nagsabi si Levie na tawagin ang doktor kaya dali-daling tumakbo si Aling Virgie sa nurse’s station at tinawag ang doktor para tulungan ang kanyang anak. Pagdating ng doktor, sinabi ni Levie na nahihilo siya at masakit ang ulo, at nagsisigaw na parang nagwawala. Dahil dito, umalis ang doktor at may kinuha, nahirapan nang huminga si Levie. Nilagyan siya ng tubo at sinubukan naman siyang i-revive ng mga nars at doktor, subalit hindi na nakayanan ni Levie ang kanyang sakit at tuluyan na siyang iginupo nito.


Malungkot na pagsasalaysay ng mga magulang ni Levie, “Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Levie. Namatay ang aming anak dahil sa Dengue Shock Syndrome, samantalang siya ay nabakunahan ng anti-dengue. Sa papaanong paraan na siya nagkaroon ng dengue, gayung siya ay may bakuna na pangontra rito? Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang maagang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak bago siya dapuan ng sakit na kumitil sa kanyang buhay sa kanyang murang edad.”


Ilang ulit na rin naming narinig ang mga hinaing na katulad ng binitawan nina G. at Gng. Losanga. Kung may mga kinauukulan na manhid, nakukulitan, naiingayan o nagkakaroon ng negatibong tugon sa daing ng mga naiwan ng mga yumaong biktima ng nasabing bakuna, kami sa PAO na hinihingan nila ng tulong legal at forensic services ay patuloy silang pakikinggan at bibigyan ng kaukulang aksiyon ang kanilang mga daing.


Hindi lamang dahil ito ang mandato ng aming tanggapan kundi ito ang nararapat na gawin ng may mga konsensiya, may pagpapahalaga at malasakit sa kanilang kapwa tao.



 
 

sinalinan ng dugo bago namatay sa bakuna


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 5, 2021



Kahit may pandemya, patuloy ang aming tanggapan sa pagpupursige na maipaglaban sa hukuman ang mga hawak naming kaso. Kabilang sa mga ito ang Dengvaxia cases.


Narito ang ilang statistical data na may kaugnayan sa nabanggit na mga kaso: 61 civil cases na ang naisampa sa husgado (as of October 28, 2021) at 157 criminal cases naman ang nai-file (as of December 11, 2020). Ang bilang ng mga yumaong mahal sa buhay na ipinasailalim ng kanilang pamilya sa forensic examination ng PAO Forensic Team ay umaabot na sa 165 (as of June 2, 2021). May mga nagnanais pa ring mag-request ng autopsy, ngunit dala ng mga limitasyon sa panahon at regulasyon na nararapat sundin, nagpasya ang mga pamilya ng yumaong mga biktima na ilibing na lang muna ang labi ng huli. Sa mga naganap naman na pre-pandemic forensic examinations ng PAO Forensic Team, kabilang sa mga ‘yun ang naisagawa na sa yumaong si Elijah Rain De Guzman.


Si Elijah Rain, 12, ay binawian ng buhay noong Setyembre 17, 2018. Siya ang ika-87 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Elijah Rain ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Abril 29, 2016; pangalawa, noong Oktubre 21, 2016; at pangatlo, noong Setyembre 11, 2017 sa kanilang eskuwelahan. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Jonathan at Gng. Fatima De Guzman ng Taytay, Rizal, siya ay aktibo, masayahin, masigla at malusog na bata.


Dagdag pa ng mag-asawa, “Siya ay isang atleta at naglalaro ng basketball. Hindi siya kailanman nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital bukod lamang noong siya ay tatlong taong gulang dahil sa hika at nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.”


Noong Nobyembre 9, 2017, nahilo at nagkaroon siya ng lagnat. Noong Disyembre 2017, nagsimula siyang mamutla. Noong Disyembre 2017, Enero at Pebrero 2018, pabalik-balik ang kanyang lagnat, pagsusuka at pananakit ng tiyan. Narito ang ilan pa sa mga pinagdaanan niya:

  • Pebrero 26 at Marso 2, 2018 - Kinuhanan siya ng peripheral blood smear sa isang ospital at base sa naging resulta noong Marso 2, 2018, may blast cells diumano si Elijah Rain.

  • Marso 7, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at nalaman na siya ay positibo sa blast cells, at may Rheumatic Heart Disease. Ni-rule out ang Leukemia bilang sakit niya at siya ay binigyan ng gamot para sa puso.

  • Marso 17 at 23, 2018 - Base sa resulta ng bone marrow aspiration, may Acute Leukemia siya. Na-confine siya sa ospital at inuwi ng kanyang mga magulang noong Marso 23, 2018.

  • Mayo 7- 17 2018 - Naospital siya ulit at nalaman na mababa ang kanyang CBC at hemoglobin. Ni-refer siya sa ibang ospital upang patingnan sa isang hema-oncologist. Nalaman na positibo siya sa blast cells; mataas ang kanyang white blood cells at siya ay sinalinan ng dugo. Namalagi siya roon hanggang Mayo 17, 2018.

  • Mayo 22 - 31, 2018 - May bukol siya sa kaliwang panga. May cervical abscess diumano siya at ito ay inoperahan upang tanggalin ang bukol. Siya ay sinalinan ulit ng dugo. Na-admit siya roon hanggang Mayo 31, 2018 at ibinabalik siya kada linggo upang masalinan ng dugo depende sa resulta ng CBC niya.

  • Hulyo 1 - 17, 2018 - Siya ay naospital hanggang Hulyo 17, 2018 at hindi siya nakakain hanggang Hulyo 8. Sinalinan siya ng dugo habang siya ay naka-confine.


Lalo pang lumubha ang mga nararamdaman ni Elijah Rain. Narito ang ilan sa mga detalye:

  • Agosto 12, 2018 - Namaga at nagdugo ang kanyang mga gilagid. Dinala siya sa isang ospital sa Makati na mayroon diumanong Dengvaxia fast lane, subalit hindi siya nalibre sa ospital dahil ayon sa ospital, hindi konektado sa Dengvaxia ang sakit niya. Kinagabihan, inilipat siya sa isang ospital sa Ortigas. Masakit ang kanyang ulo, tiyan at lalamunan, gayundin, sinalinan siya ng dugo. Binigyan din siya ng anti-depressant dahil ayon sa doktor, nadi-depress si Elijah Rain. Lumaki ang kanyang tiyan (hanggang Agosto 24, 2018).

  • Agosto 31 - Setyembre 7, 2018 - Inilipat siya sa ibang ospital. Masakit ang kanyang tiyan, nananakit at namamaga rin ang kanyang lalamunan at mataas ang kanyang white blood cells. Na-confine siya roon mula Agosto 31 hanggang September 7, 2018. Habang siya ay naka-confine, namanas ang buo niyang katawan.

  • Setyembre 17, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat. Siya ay nagtatae ng maitim at ilang beses nagsuka. Naging paisa-isa ang kanyang paghinga hanggang sa siya ay huminga ng malalim at bumula ang bibig niya. Dinala siya sa ospital at sinubukang i-revive, subalit tuluyan na siyang pumanaw at nag-umpisang lumubo.


Ayon sa mga magulang ni Elijah Rain:


“Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak. Wala sa medical history namin ang sakit na leukemia. Isa rin siyang honor student mula Nursery hanggang Grade 7. Sumasali pa siya sa mga patimpalak na may kinalaman sa journalism at teatro. Ganu’n ka-aktibo ang aming anak at naglaho ang lahat ng ito dahil maaga siyang kinuha sa amin.”


Inilapit nina G. at Gng. De Guzman ang kaso ng kanilang anak sa aming tanggapan.


Ngayon ay bahagi na ng aming laban sa hukuman ang kaso ni Elijah Rain — isa na namang buhay na nagtapos sa trahedya at dumadaing ng hustisya.

 
 

kinatigan ng korte


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 29, 2021




Ang daing mula sa pusod ng karagatan sa Romblon ay naibsan — ito ang pakiramdam ng mga mahal sa buhay ng mga yumaong biktima ng M/V Princess of the Stars maritime tragedy, partikular ang mga kliyente namin sa mga kasong may kaugnayan sa nasabing trahedya na nakasampa sa Regional Trial Court (RTC) ng Cebu, Branch 16, kung saan si Judge Dante R. Corminal ang Presiding judge.


Noong Oktubre 18, 2021, mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang lumubog ang M/V Princess of the Stars noong Hunyo 21, 2008 sa Sibuyan Island, San Fernando, Romblon, ang Public Attorney’s Office (PAO) ay nakatanggap ng kopya ng desisyon ng nasabing sangay ng RTC sa Cebu, 59 na mga kaso na nakasampa roon. Sa nabanggit na mga kaso, 55 rito ang kinatigan ng korte at inutusan ang may-ari ng M/V Princess of the Stars, ang dating Sulpicio Lines, Inc. (SLI) na ngayon ay may bagong pangalan, Philippine Span Asia Carrier Corporation (PSACC), na bayaran ng damages ang mga kaanak ng mga biktima na nagkakahalaga ng higit P200,000,000. Sa apat na na-dismiss na kaso dahil diumano sa kakulangan ng ebidensiya, magpa-file ang PAO ng angkop na Motion for Reconsideration.


Bukod sa nabanggit na mga kaso na nakasampa sa RTC Cebu, Branch 16, may 71 kaso rin na naisampa sa RTC Branch 51 ng Manila. Naunang lumabas ang desisyon sa mga kasong ito noong Setyembre 18, 2015. Sa nabanggit na desisyon, binigyan ng kautusan ng nasabing korte sa Manila ang mga may-ari ng M/V Princess of the Stars, na magbayad din ng higit P200,000,000, higit $500,000 at higit sa CAD$300,000 sa tagapagmana ng mga biktima ng nasabing maritime tragedy. Nakaapela ngayon sa Court of Appeals ang desisyong ito. Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin kami sa dating hukom ng nasabing sangay ng RTC sa Manila na si Judge Daniel C. Villanueva. Si Judge Villanueva, tulad ni Judge Corminal ay binigyan ng halaga ang tinig ng maralita naming mga kliyente. Binigyan nila ng pansin ang bigat ng aming mga ebidensiya — isa itong malaking ambag nila sa patuloy naming pagsisikap at paglaban sa legal na paraan upang ang mga katulad na trahedya sa karagatan ay tuluyan nang matuldukan.


Dagdag pa rito, ipinagpapasalamat din namin ang kanselasyon sa prangkisa ng M/V Princess of the Stars na magsakay ng mga pasaherong tao at ang pagkakatuloy ng pagbibista sa may-ari ng barkong ito. Ang lahat ng ito ay nagpapatibay sa pag-asa ng aming mga kliyente na mananagot ang naturang may-ari sa nangyaring trahedya.


Nagbago ang pangalan ng SLI, ngunit hindi ang bigat ng pananagutan nito sa naganap na trahedya sa karagatan dahil sa mapangahas at walang habas na desisyon nitong salungain ang mabangis na bagyong “Frank” noong Hunyo 21, 2008 sa isla ng Romblon.




Ayon sa huling tala hinggil sa bilang ng mga pasaherong naging biktima ng nasabing maritime tragedy, 814 ang nadeklarang namatay at nawawala, at 56 lamang sa mga ito ang survivors. Walong daan at pitumpu (870) ang sinasabing kabuuang bilang ng mga taong lulan ng lumubog at tumaob na M/V Princess of the Stars.


Sa mga pasaherong nasawi, pinagmalasakitan at pinangunahan ni Dr./Atty. Erwin Erfe, Director ng PAO Forensic Laboratory Division (dating PAO Forensic Laboratory), ang exhumation at identification ng 38 skeletal remains ng mga biktima at 100 skeletal remains ng mga na-trap sa lumubog na barko na nakuha sa ilalim ng dagat. Si Dr./Atty. Erfe ay inasistihan ng mga miyembro ng PAO Forensic Team sa naganap na exhumation at retrieval operations. Tumulong din sa kanila ang mga divers ng Philippine Coast Guard at Royal Jessan Petromin Resources, Inc.


Ang bawat lakad namin noon ng PAO Forensic Team patungo sa Romblon ay puno ng hamon at sakripisyo. Ang karagatan ay tuso kahit walang bagyo. Sa aktuwal na mga aktibidad naman na may kaugnayan sa exhumation at retrieval operations nandoong ulanan-arawan kami sa dalampasigan. Isa sa mga karanasang nangyari sa inyong lingkod kasama ng PAO Forensic Team ay nang namatayan ng makina ang pump boat na aming sinasakyan sa gitna ng laot habang papunta sa retrieval operation sa Sibuyan Island, Romblon. Inaabot din kami ng gabi sa biyahe pagkagaling sa retrieval site kung saan sobrang dilim at lubhang malubak ang kalsadang aming tinatahak. At sa tuwina ay naiiwan namin ang aming mga mahal sa buhay sa pagtalima sa tawag ng aming mga tungkulin. Ngunit sa nalalasap ngayong tagumpay ng aming mga kliyente, masasabi natin na sulit lahat ng ating paghihirap sa ngalan ng katotohanan, katwiran at katarungan.


Ang matinding kabog ng dibdib na aming naranasan ay nang abutan kami ng malakas bagyo at malalaking alon sa laot ng Romblon habang nakasakay sa wooden “pump boat”. Pinanghawakan lamang namin ang matibay na pananalig sa Diyos Ama hanggang nakauwi kami na ligtas sa sakuna.


Sa pagtatamo ng lahat ng tagumpay para sa aming mga kliyente, malaki at mahalaga ang papel na ginampanan ng mga public attorneys — na pinangunahan ni Atty. Revelyn V. Ramos-Dacpano (na ngayon ay Regional Public Attorney ng PAO-NCR, at concurrent Head Executive Assistant ng inyong lingkod) sa Manila, at ni Atty. Maria G-ree R. Calinawan (na ngayon ay Regional Public Attorney ng PAO-Region VII) sa Cebu. Sila ang naging kasama ng inyong lingkod sa bawat pagdinig sa mga nasabing kaso. Hindi rin namin makakalimutan ang lahat ng sumuporta at patuloy na sumusuporta sa amin sa kasong ito na tila mistulang laban ng maliit at pangkaraniwang David sa isang dambuhala at higanteng Goliath.


Hindi na kailangang sabihin pa na ang inspirasyon namin dito ay ang marubdob na pagmamahal ng aming mga kliyente sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay na nasakrispisyo ang mga sarili, pangarap at kinabukasan sa pusod ng karagatan. Ang kanilang pagmamahal ay walang pagsuko at ang kanilang tapang ay pantapat sa mga bagyo sa karagatan man o kalupaan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page