top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 1, 2022


Ang circumcision o pagpapatuli ay itinuturing na mahalagang pangyayari sa buhay ng mga bata at kabataang lalaki sa bansa. Madalas itong isinasagawa tuwing summer vacation upang magkaroon ng mahaba-habang panahon sa pagpapahilom ng sugat na tinatamo sa nasabing surgical procedure. May mga medical mission na nagtataguyod nito. Maaaring mabuti ang intensyon ng mga nagsusulong nito, ngunit kasabay ng kanilang kagandahang loob, nararapat silang may sapat na kakayahan at kahandaang harapin ang lahat ng maaaring maging kahinatnan o kumplikasyon sa mga nagpasailalim dito. Kamakailan, naging laman ng mga balita ang itinuturing na simpleng surgical procedure dahil hindi umano ito naisagawa nang tama. At sa kasamaang-palad, isang binatilyo ang naging biktima at nakitlan ng buhay. Siya ay si Angelo Alvarez Tolentino, 13, namatay noong Marso 22, 2022.


Ang mga sumusunod na impormasyon na may kaugnayan sa mga nangyari kay Angelo bago at hanggang siya ay bawian ng buhay ay hango sa Judicial Affidavit na may petsang Marso 25, 2022 na isinagawa ni Aling Ana Alvarez Francisco ng Lucena City, ina ng yumao, noong Marso 19, 2022, nagpatuli si Angelo sa isang medical mission na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Pagkaraan ng isang oras, lumabas siya ng lugar kung saan siya tinuli at pagdating sa bahay ng kapatid ng kanyang nanay, pinaupo siya upang magpahinga. Pagtayo ni Angelo, tumatagos ang dugo sa shorts niya. Bandang alas-7:00 ng gabi, habang kumakain ng hapunan si Angelo at kanyang pamilya, hindi siya makakain at dumadaing siya na masakit ang ulo. Dahil dito, pinainom siya ng kanyang nanay ng Amoxicillin na ibinigay sa medical mission sa pag-aakala na normal lang ‘yun sa isang tinuli, ngunit nagsuka siya.


Bagama’t nakatulog si Angelo, kinabukasan (Marso 20, 2022), hinang-hina siya at hindi na makatayo, punumpuno ng dugo ang kanyang higaan mula sa kanyang ari. Nakahiga lang siya maghapon at sinusubuan lamang siya ni Aling Ana. Palaging idinadaing ni Angelo sa kanyang ina na masakit ang kanyang ulo at hindi niya kayang kumain o bumangon at buong araw ay suka siya nang suka. Sa mga pangyayaring ito, may ipinagtaka si Aling Ana, “Aking ipinagtataka na sakit ng ulo ang parati niyang idinadaing, ngunit kailanman ay hindi niya idinaing na masakit ang kanyang ari.”


Noong Marso 21, 2022, nagdesisyon ang pamilya ni Angelo na dalhin siya sa isang ospital sa Lucena City, alas-7:00 ng umaga dahil maputla na siya at hindi nakakakain ng kahit ano. Ayon kay Aling Ana, pagdating sa nasabing ospital, tiningnan sa emergency room ang kanyang ari at ang sabi ng nurse ay laktaw-laktaw ang tahi. Maaari rin umanong may nadaling ugat o litid nang makita nila ang pinanggagalingan ng pagdurugo. Dagdag pa ni Aling Ana, “Tuluy-tuloy pa rin ang pagdurugo at inayos nila ang pagkakatahi sa tinuling ari ng aking anak.” Kinagabihan sa nasabing ospital, hindi mapakali si Angelo at walang ginawa kundi bumalikwas nang bumalikwas sa higaan na para bang nawawala sa wisyo at parang hindi niya kilala ang kausap niya, at pati si Aling Ana ay hindi na rin niya makilala.


Bandang alas-3:40 ng madaling-araw ng Marso 22, 2022, tumambad kay Aling Ana ang pangyayaring hindi na mabubura sa kanyang alaala at mag-iiwan ng malalim na sugat sa kanyang puso. Aniya, “Natagpuan ko ang aking anak na nakadilat, ngunit hindi kumukurap at may bula ang bibig, kaya agad kong ipinaalam sa nurse upang humingi ng tulong. Agad namang dumating ang nurse at doktor at nag-pump sa dibdib niya at tinurukan ito ng pampatibok ng puso. Patuloy ang pagbomba ng para sa hininga, ngunit hindi na kinaya ng anak ko at iniwan niya na ako, alas-5:35 ng madaling-araw.”


Sa Death Certificate ni Angelo ay certified ni Dra. Karen Lyda Therese Tagle MD., Medical Officer III, Quezon Medical Center, Lucena City na ang dahilan ng kamatayan ni Angelo ay: Immediate Cause - Hypoxic Ischemic Encephalopathy; Underlying Cause - Severe Anemia Secondary to Post Circumcision Bleed R/O Aspiration.


Ang kasong ito ni Angelo ay idinulog ni Aling Ana sa Public Attorney’s Office (PAO), at sa PAO Forensic Laboratory Division (PAO FLD). Malinaw ang hiling ni Aling Ana, “Sana ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko at mapanagot ang taong may kagagawan nito. Masakit mawalan ng anak dahil lang sa isang maling pagtutuli.” Ang inyong lingkod, mga kasamang public attorneys at forensic doctors ay agad na tumalima sa inilapit sa amin nina Ate Annie Gabito, ang coordinator ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ni Aling Ana. Naisagawa na ng PAO FLD ang forensic examination sa mga labi ni Angelo, at patuloy ang aming pag-iimbestiga sa kaso ng kapabayaan sa katawan at buhay ni Angelo.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 25, 2022


Ang pagsusulat, pagguhit at pagsasayaw ay pawang kinahihiligan ng dalagitang si Krizha Agonia. Tulad ng ibang kapaki-pakinabang na gawain, ang mga hilig na ito ni Krizha ay hindi mananatiling libangan at panlaban lamang sa mga patimpalak sa loob at labas ng kanilang eskuwelahan. Ang mga talento at kahusayang tulad nito ay mapapalago pa sa paglakad ng panahon, kasabay na sisibol ang pinaunlad na kakayahan sa mga talentadong kabataan na tulad niya. Sayang lamang at hindi na nakasibol nang husto si Krizha at ang kanyang mga talento. Maaga at nagtapos sa trahedya ang kanyang maikling kuwento sa buhay na ito dahil sa Dengvaxia.


Si Krizha, 14, namatay noong Oktubre 18, 2018, ang ika-104 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Si Krizha ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 22, 2016 at pangalawa noong Pebrero 13, 2017. Ayon sa kanyang mga magulang na sina Roberto C. Martin at Jocelyn P. Agonia ng Quezon Province, “Si Krizha ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig siyang magsulat, gumuhit at sumayaw. Siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa na-ospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”


Pagdating ng Agosto hanggang Setyembre 2018, nagkaroon ng mga pagbabago sa kalusugan ni Krizha. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Huling linggo ng Agosto - Pabalik-balik ang kanyang lagnat at ubo. Sinabi ni Krizha na siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Anila Mang Roberto at Aling Jocelyn, “Alam ng aming anak ang usapin hinggil sa Dengvaxia vaccine dahil madalas namin itong napapanood sa TV. Agad kaming lumapit sa kanyang guro upang ipahanap ang Dengvaxia immunization card niya dahil sa kagustuhan naming maipatingin siya sa espesyalista nang libre dahil kapos din kami sa pera. Dahil ayon sa aming health center, kailangang may maipakita kaming Dengvaxia card upang mabigyan siya ng libreng check-up.”

  • Unang linggo ng Setyembre - Sumakit ang kanyang kaliwang dibdib. Akala ng kanyang mga magulang, lamig o pilay ito, kaya hindi siya agad pinatingnan sa doktor. Sa pagdaan ng ilang araw, sumakit din ang kanyang ulo at pabalik-balik ito.

  • Ikatlong linggo ng Setyembre - May lumabas na bukol sa kanyang kaliwang dibdib. Idinadaing niya rin ang pananakit ng nasabing bukol, kaya siya ay dinala ng kanyang mga magulang sa albularyo.

  • Setyembre 18 - Walang magandang pagbabago sa kalagayan niya; dinala siya sa isang rural health unit sa kanilang lugar upang ipasuri. Kailangan umanong ipa-admit si Krizha sa isang medical center sa Quezon Province na sinunod naman nila.

  • Setyembre 19 - Isinailalim siya sa pagsusuri at niresetahan ng antibiotics. Sa pagdaan ng mga araw, dumarami ang bukol sa kanyang katawan at aniya, masakit ang mga ito. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw, masakit din ang kanyang ulo at tiyan. Ang kanyang mga mata ay nababanlag. Sabay-sabay ang nararamdaman niyang sakit ng ulo at tiyan. Kapag siya ay dumaing ng sakit ng ulo, sinasabi niyang parang tinutusok ito.


Noong Oktubre 2018, lumubha ang kalagayan ni Krizha at ito ay humantong sa kanyang pagpanaw:

  • Unang linggo ng Oktubre - Nawalan na siya ng ganang kumain. Namamanas ang itaas na bahagi ng katawan at mga kamay niya. Nagkukulay ube rin ang kanyang mga daliri. Hirap siyang lumunok at hindi maayos na makatayo. Dumami ang mga lumabas na bukol sa kanyang katawan.

  • Oktubre 18 - Hirap na siyang huminga; alas-6:00 ng hapon ay in-intubate siya. Hindi na siya makagalaw, nakadilat na lamang siya at hindi tumutugon tuwing kinakausap hanggang siya ay naghingalo at pumanaw nang alas-8:00 ng gabi.


“Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Hindi nila ipinaliwanag ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aming anak, kaya kami ay napagkaitan ng oportunidad na malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa aming anak. Ang masakit pa nito, hindi nila ipinaalam sa aming tuturukan nila ng Dengvaxia si Krizha, kaya maliwanag na hindi kami nagbigay ng pahintulot na mabakunahan siya. Nalaman lamang naming nabakunahan siya noong nakakaramdam na siya ng kakaiba noong ng Agosto 2018. Huli na para maagapan ang dinadamdam na sakit ng aming anak.”


Lahat ng buhay ay mahalaga at kapag nalalaman natin ang mabubuting katangian at kakayahan ng pumanaw ay higit nating nararamdaman ang tindi ng kawalan sa lahing Pilipino at sa Pilipinas ng pagkawala ng nasabing yumao. Sadyang nakapanlulumo ito dahil sa una pa lamang ay hindi naman kailangang humantong sa trahedya ang buhay ng mga nasakripisyong biktima. Kung naging maingat ang mga taong responsable sa pagpapatupad ng pagbabakuna ng Dengvaxia, hindi sana umabot sa ganitong sitwasyon ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Gayunman, ang panlulumo ay hindi nanatiling pagsasawalang-kibo — ito ay nagbabagong-anyo bilang puwersang sumusulong ng laban para sa katarungan. Kasama kami sa labang ito ng mga Agonia at katulad nilang may mga kapamilyang biktima.


 
 

sa Dengvaxia


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 18, 2022


May mga magulang na nabiyayaan ng well-rounded na mga anak. Sila ay maraming nalalaman, hindi lamang sa academics kundi sa iba pang mga bagay, tulad ng sports at music. Mapalad ang mag-asawang John Michael at Sherly Mitra ng Laguna sa pagkakaroon ng ganitong klaseng anak, sa katauhan ni Lance Allen Mitra. Brawn and brains ang kumbinasyong kapuri-puri na nasa kanya. Ang pisikal na lakas at talino ni Lance Allen ay ipinagmamalaki nina G. at Gng. Mitra, “Ang aming anak ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay atleta at aktibong kasapi sa football team ng kanilang paaralan. Gayunman, hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral, sapagkat siya ay honor student.”


Subalit may malungkot na karugtong ang sinabi nilang ito. Anang mag-asawa, nagbago ang estado ng kalusugan ng kanilang anak. Ito ay naganap matapos maturukan ng Dengvaxia si Lance Allen. Gayundin, siya ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Si Lance Allen, 12, namatay noong Nobyembre 24, 2018, ang ika-103 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Lance Allen ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia, una noong Hunyo 16, 2016, pangalawa noong Marso 2, 2017 at pangatlo noong Setyembre 7, 2017 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna, nagbago ang kanyang kalusugan.

Noong Agosto 2016, sumasakit ang kanyang ulo at siya rin ay nahihilo at nagsusuka.


Pabalik-balik ang nasabing karamdaman. Pinaiinom siya ng paracetamol at bumubuti naman ang kanyang pakiramdam. Noong Hunyo 2017, nanlalabo ang kanyang paningin at sumasakit ang kanyang tiyan, at hindi na siya nakakapasok sa paaralan. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan. Nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, lumubha ang kanyang kalagayan at humantong sa maagang kamatayan. Narito ang kaugnay na mga detalye mula Setyembre 2018:

  • Setyembre - Ipinasailalim siya sa magnetic resonance imaging (MRI); may nakitang cyst sa kanyang utak. Hindi na siya nakakapasok sa paaralan.

  • Oktubre - Nag-umpisa siyang mawalan ng ganang kumain; bumagsak ang kanyang katawan. Laging sumasakit ang kanyang ulo at napapadalas ang pagkakaroon ng lagnat tuwing madaling-araw. Tulog siya nang tulog, lalo na sa tuwing sumasakit ang kanyang ulo.

  • Nobyembre 16 - Muli siyang nagkalagnat na nawawala bago mag-umaga. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na araw. Nanikip din ang kanyang dibdib.

  • Nobyembre 19 - Nagsuka siya, sumakit ang tiyan, sumikip ang dibdib at nahirapang huminga. Nag-nebulize siya at kinabitan ng oxygen para matulungang makahinga.

  • Nobyembre 20 - Dahil hindi bumuti ang kanyang kalagayan, dinala siya sa isang clinic sa Alaminos, Laguna. Dahil sa kakulangan ng pasilidad doon, ni-refer sila sa isang ospital sa Batangas, ngunit walang bakante at dinala siya sa isang ospital sa San Pablo, Laguna kung saan na-admit siya nang alas-2:00 ng hapon. Isinailalim siya sa x-ray at ayon sa resulta, may pneumonia siya. Hirap siyang huminga at dumudura ng may dugo.

  • Nobyembre 21 - Inilipat siya sa ICU bandang ala-1:00 ng hapon. Hirap siyang huminga; bahagya namang lumuwag matapos siyang maturukan ng steroids.

  • Nobyembre 22 - Inilipat siya sa ward section ng ospital dahil bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan. Muli siyang nagreklamo ng paninikip ng dibdib. Bahagyang bumuti ito nang lumamig ang temperatura ng kanyang silid.

  • Nobyembre 24 - Sumikip ang kanyang dibdib, hirap siyang huminga at nagsusuka ng dugo. Sinabihan niya ang kanyang mga magulang na mahal na mahal niya ang mga ito. Nagkaroon siya ng rashes sa tiyan at alas-6:00 ng umaga, nagtae siya at naihian pa niya ang kanyang higaan. Dinala siya sa ICU, alas-8:00 ng umaga; nagwawala siya sa hirap ng kanyang kalagayan. Sinabi ng doktor na kailangan siyang itali upang mapigilan ang pagwawala niya at in-intubate rin siya. Bumaba na rin ang kanyang oxygen level. Siya ay tinurukan ng pampatulog. May ituturok ding pang-revive sa kanya, subalit tuluyan na siyang pumanaw.


Anang mag-asawang Mitra, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ng aming anak. Masigla, aktibo at malusog siya, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang kanyang kalusugan. Papaanong ang isang atleta na hindi nababangko tuwing may laro ay biglang magkakaroon ng karamdaman na hindi alam kung saan ito nanggaling? Mula nang siya ay maturukan ng Dengvaxia, palagi siyang nasa ospital. Kung ano-anong gamot ang ibinigay sa kanya, subalit mas malakas pa rin ang epekto ng Dengvaxia vaccine sa kanya dahil hindi na siya gumaling. Pabalik-balik kami sa ospital at hirap na hirap na ang kalagayan niya. Namayat siya nang husto at lumaki ang kanyang tiyan. Naging kaawa-awa ang hitsura ng aming anak. Ang haba ng paghihirap niya bago sumuko ang kanyang murang katawan.”


Sadyang nasa katauhan ni Lance Allen ang diwa ng pagiging tunay na atleta. Lumaban talaga siya sa sakit na dumapo sa kanya hanggang sa bumigay ang kanyang murang katawan. Marami sa mga batang naturukan ng Dengvaxia ang tulad ni Lance Allen na naghirap nang husto para labanan ang dengue virus na naipasok sa kanila. Sinubukan talaga nilang kayanin at labanan ang lupit ng eksperimentong bakuna, subalit hindi nila kinaya at iginupo sila nito. Kaya naman ang aming tanggapan, sa harap ng maraming pagsubok sa pagharap sa mga higanteng katauhan na nasa likod ng nasabing bakuna ay patuloy na ipaglalaban ang kanilang kaso hanggang ang mailap na hustisya ay kanilang matamo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page