top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 8, 2022


Ang kamatayan ay may katiyakan, kaya ito ay dapat paghandaan. Gayunman, napakasakit sa mga magulang na makitang unti-unting nawawalan ng buhay ang kanilang anak dahil sa kapabayaan ng mga dapat na nangangalaga sa kanila. Hindi nanaisin ng isang magulang na siya ang maghatid sa kanyang anak sa huling hantungan dahil magdudulot ito ng labis na sakit sa kalooban.


Ang ganitong sitwasyon ang naranasan ni Gng. Jovelyn Jumao-As ng Caloocan City sa kanyang anak na si Charmelyn Jumao-As. Ang aktibo at girl scout na si Charmelyn ay hindi inaasahang maging handa sa napakaagang pagpanaw sa edad na 12.


Ayon kay Gng. Jumao-As, si Charmelyn ay masayahin, masigla, at malusog na bata. Dagdag pa niya, “Aktibo rin siyang makilahok sa mga activities sa paaralan gaya ng pagsasayaw at sa Girl Scout of the Philippines. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Hindi pa rin siya nagkakaroon ng dengue bago siya mabakunahan ng Dengvaxia.”


Si Charmelyn ay namatay noong Enero 18, 2019. Siya ang ika-118 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Charmelyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 24, 2016, pangalawa noong Enero 5, 2017, at pangatlo noong Agosto 3, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanyang paaralan.


Sa iba’t ibang petsa ng Setyembre hanggang Nobyembre 2017, narito ang mga pinagdaanan ni Charmelyn bago siya binawian ng buhay:

  • Setyembre 27 - Nahihirapan siyang huminga. Nangangalay din ang kanyang likod at binti at ipinahilot ito sa kanyang ina. Dahil sa labis na pag-aalala, dinala siya sa isang ospital sa Caloocan City at pagkatapos masuri ru’n, nalaman na siya ay may bronchial asthma. Siya ay na-admit sa ospital at nanatili ru’n hanggang Oktubre 1, 2017. Dahil nahihirapan siyang huminga tuwing siya ay inaatake ng asthma, binilhan na siya ng sariling nebulizer para magamit sa bahay.

  • Oktubre 17 - Matapos ang isang linggo mula nang makalabas sa ospital si Charmelyn, siya ay nagkaubo at nagkasipon. Kaya sa petsang ito, muli siyang dinala sa nabanggit na ospital sa Caloocan City, at niresetahan siya ng gamot at bitamina. Bumuti naman ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na buwan.

  • Disyembre 28 at 31 - Nakaranas siya ng labis na pag-ubo at hirap siya sa paghinga. Dahil dito, muli siyang dinala sa nasabing ospital sa Caloocan City. Nanatili siya ru’n hanggang Disyembre 31, 2017. Sa mga sumunod na buwan, bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Nobyembre 27, 2018, alas-5:00 ng madaling-araw - Muli siyang isinugod sa naturang ospital sa Caloocan City dahil sa parehong sintomas na hirap sa paghinga. Pinauwi rin sila nang alas-10:00 ng umaga. Sa kabila nito, ayon sa kanyang ina, “Nag-aalala na ako sa mga nararamdaman niya dahil sa mga nababalitaan ko na nangyayari sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia. Nakatatlong turok ang aking anak, subalit hindi naman nila binibigyan ng halaga ang Dengvaxia card kahit ito ay ipinakita ko.”


Pagdating ng Enero 2019, wala pang 20 araw ang mga naging huling sandali ni Charmelyn. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Enero 4 - Muling nagkaubo si Charmelyn. Matapos niyang mag-nebulize, bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Enero 17 hanggang 18 - Bumalik ang kanyang ubo. Nagpatuloy ito kinabukasan (Enero 18, 2019), kung saan siya ay nahirapan muling huminga at nagkasipon. Bandang alas-6:45 ng umaga, isinugod siya sa ibang ospital sa Caloocan City. Ito ay matapos siyang pilitin ng kanyang ina na dalhin sa nasabing ospital dahil ayaw niyang pumunta sa ospital. Nang mga panahong ‘yun, nagsasabi si Charmelyn na “parang torete ang kanyang ulo at parang sasabog ito.” Nabanggit din niya na “hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.” Habang papunta sila sa nasabing ospital, nawalan ng malay si Charmelyn. Pagdating sa ospital nang alas-7:45 ng umaga, sinabi ng mga doktor na hindi na umabot nang buhay si Charmelyn. Ani Gng. Jumao-As, “Base sa kanyang Certificate of Death, namatay siya sa Pneumonia [Immediate Cause]; Bronchial Asthma [Antecedent Cause].”


Ayon pa kay Gng. Jumao-As, “Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna sa aking anak. Ako ay inabutan lamang niya ng isang papel upang magbigay ng pahintulot hinggil sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia vaccine sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata at ito ay kontra dengue, pumayag ako. Subalit ito ay sa pag-aakala na makabubuti ang nasabing bakuna sa kanya. Hindi nila ako sinabihan sa maaaring maging epekto nito sa aking anak.”


Totoo na ang kamatayan ay may katiyakan. Ang katotohanang ito ay kailangan tanggapin na bahagi ng buhay. Subalit, ang kamatayang ang sanhi ay kapabayaan, kailanman ay hindi magiging katanggap-tanggap. Sa pamayanang ito, inaasahan ang pagkakaroon ng mataas na antas ng pagiging makatarungan, makatao, at higit sa lahat ay maka-Diyos. Bahagi ang PAO at ang PAO Forensic Laboratory sa pagbabantay at pakikipaglaban para sa pananatili kung hindi man ikatataas ng nasabing antas. Dahil dito, ang hiling ng mga kliyente namin sa mga kasong inilalapit sa amin tulad ng Dengvaxia cases, kabilang ang kaso ni Charmelyn, ay patuloy naming tatanggapin at kakalingain.


Ito ang mandato ng aming opisina at ipaglalaban namin ito, ayon sa isinasaad ng batas.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 10, 2022


Napakahalaga ng tama at sapat sa detalye sa pagbabalita. Ito ay nakatutulong sa mga mamamayan na magkaroon ng gabay tungo sa matalinong pagpapasya sa mahahalagang usapin sa buhay, lipunan at bayan.


Si Aling Jenalyn De Jose ng Antipolo City, ina ni Joyce Ann Brizuela, ay nagpasya hinggil sa napakahalagang bagay na may kaugnayan sa kalusugan at buhay ng kanyang mga anak. Subalit, sa kaso ng panganay niyang si Joyce Ann, hindi naganap ang kanyang kagustuhan kundi ang kabaligtaran nito.


Ani Aling Jenalyn, “Noong ika-23 ng Mayo 2018 nang magreklamo si Joyce Ann na siya ay nahihilo, nanlalabo ang paningin at sumasakit ang ulo at dibdib. Maugong ang mga balita noon hinggil sa mga batang namamatay dahil sa Dengvaxia vaccine, kaya sinabihan ko ang aking mga anak na huwag magpabakuna nito sa kanilang eskuwelahan. Subalit, sinabi ni Joyce Ann sa akin na siya ay tatlong beses nabakunahan ng Dengvaxia. Ipinag-alala ko ito nang labis, lalo na noong may mga kakaiba siyang nararamdaman.”


Si Joyce Ann, 13, namatay noong Enero 24, 2019, ang ika-113 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Hunyo 17, 2016; pangalawa noong Enero 20, 2017, at pangatlo noong Setyembre 26, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang ina at lola (Pricilla Brizuela), si Joyce Ann ay masigla, aktibo at malusog na bata, gayundin, mahilig maglaro ng volleyball. Dagdag pa nila, kailanman ay hindi siya nagkaroon ng dengue at malubhang karamdaman na nangangailangang madala siya sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Pagdating ng 2018 at Enero 2019, ito ang mga nangyari kay Joyce Ann:

  • Mayo 25 at 26, 2018 - Hindi pa rin nawawala ang mga hindi magandang nararamdaman niya at siya ay nagkalagnat kaya dinala siya sa isang ospital sa Pampanga. Siya ay isinailalim sa X-ray at ECG at ayon sa doktor, parang inaatake si Joyce Ann. Dahil hindi kaya ng ospital ang sitwasyon niya, inilipat siya sa ibang ospital sa Pampanga noong Mayo 26, 2018. Nalaman na lumaki ang butas ng puso niya at maaaring kumalat sa dibdib niya ang impeksyon sa kanyang tonsils. Nagreklamo siya ng pananakit ng dibdib, ulo at tiyan. Hindi bumuti ang kalagayan niya sa mga sumunod na linggo; siya ay nanatili sa ospital nang halos isang buwan.

  • Hunyo 22, 2018 hanggang Enero 2019 - Lumabas siya sa ospital kahit hindi pa siya lubusang magaling. Patuloy siyang nagreklamo ng pananakit ng ulo.


Sa iba’t ibang petsa ng Enero 2019, narito ang mga detalye ng nangyari kay Joyce Ann:

  • Enero 16 - Matindi ang sakit ng kanyang ulo, lumalabo ang kanyang paningin at siya ay nanghihina.

  • Enero 17 - Muli siyang dinala sa ospital at isinailalim sa X-ray at CT scan; nalaman na mas lumaki ang butas sa puso niya at ang kalahati ng kanyang utak ay natuyuan.

  • Enero 18 - May lumabas na dugo sa bibig niya. Namaga rin ang mga paa niya at siya ay nagkalagnat.

  • Enero 19 - Inilipat siya sa ICU. Pinayuhan ng doktor ang kanyang pamilya na kailangan siyang tubuhan pero hindi sila pumayag. May lumalabas na dugo sa bibig niya na minsan ay nagkukulay itim at hirap na hirap siyang huminga. Nais siyang ilipat ng kanyang pamilya sa ibang ospital, subalit hindi sila pinayagan. Bumagsak na ang katawan niya.

  • Enero 20 - Muling sinabihan ng mga doktor ang kanyang pamilya na kailangang matubuhan siya, ngunit hindi sila pumayag. Sabi ng doktor, maaaring hindi niya kayanin ito. Paralisado na ang kalahating parte ng kanyang katawan— hindi na siya nakakapagsalita at lumalabas ang dugo sa bibig at ari niya.

  • Enero 23 - Nagsusuka siya ng dugo. Masakit ang kanyang dibdib, tiyan at ulo. Nag-agaw buhay siya.

  • Enero 24 - Nagwala siya dahil sa pananakit ng kanyang ulo, dibdib at tiyan. Hindi na rin siya makakita at hirap sa paghinga. Muli siyang nag-agaw buhay at tinurukan siya ng pampatibok ng puso, subalit tuluyan siyang pumanaw. Pagkalipas ng ilang sandali, lumabas ang mga pantal sa katawan niya. May mga lumalabas ding itim na dugo sa kanyang bibig.


Anang kanyang ina at lola, “Kung hindi nabakunahan si Joyce Ann ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi ng kanyang pagkamatay. Wala sa pamilya namin ang nagkaroon ng sakit ng puso na sinasabi nilang sakit ni Joyce Ann. Sobra rin siyang nahirapan dahil siya ay nabulag, naparalisa ang katawan at nagsusuka ng dugo at hindi na pinakakain. Dobleng sakit ang naramdaman namin dahil sa awa kanya, kaya kinakailangang may managot sa kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.”


Upang makamit ang hustisya laban sa mga taong may kapabayaan sa nangyari kay Joyce Ann, kasama ng pamilya Brizuela ang PAO, ang inyong lingkod at PAO Forensic Team, ito ay bilang pagtalima sa kanilang kahilingan, pagsunod sa aming mandato at kautusan ng Department of Justice (DOJ).


Sa aming pagtalima at pagsunod sa mandato, maraming masasagasaang tao na nagsasabing sila ay kilala sa larangan ng kalusugan. Ang iba sa kanila ay personal na ang atake sa aming mga pribadong buhay, ngunit nangingibabaw ang aming pagtugon sa daing ni Joyce Ann at tulad niyang mga biktima na nagtiwala na maliligtas sa karamdaman, ngunit kamatayan ang kanilang kinahantungan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 3, 2022


“Bilog ang bola,” ito ay kasabihang madalas naririnig tungkol sa mga laro, lalo na sa basketball at volleyball. Dahil bilog at umiikot ang bola, may mga pagkakataon na ang pinangarap o abot-kamay nang sandali na magwagi ay nauuwi pa sa pagiging sawi.


Gayunman, may mga sitwasyon na kabaligtaran ang nangyayari sa isang laro; kung alin pa ang hindi kinakitaan ng pag-asa na mananalo, siya pa ang nakapag-uuwi ng tropeo. Bukod sa pananalig sa Maykapal, maaaring naghatid din ng pag-asa ang talinghaga tungkol sa “bilog na bola” sa mag-asawang G. Raul at Gng. Jelanie ng Real, Quezon kaugnay sa nangyari sa kanilang anak na si Jericho Azogue na nagkaroon ng matinding karamdaman. Subalit, hindi panalo ang natamo ng pamilya Azogue — binawi sa kanila ng mapait na trahedya ang pinakamamahal nilang si Jericho.


Si Jericho, 13, mahilig mag-aral at maglaro ng volleyball, ay namatay noong Enero 18, 2019. Siya ang ika-112 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jericho ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Hunyo 21, 2016; pangalawa, noong Marso 2, 2017; at pangatlo, noong Setyembre 26, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, siya ay “Masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod nitong kamakailan nang siya ay dapuan ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”


Marso 2018 nang mag-umpisang magreklamo ng pananakit ng tiyan si Jericho. Nawalan din siya ng ganang kumain, kaya siya ay dinala sa isang ospital sa Maynila. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at ayon sa mga doktor, maayos naman ang kalagayan niya. Upang makasigurado na maayos ang estado ng kalusugan niya, sumunod siyang dinala sa isang ospital sa Quezon City upang patingnan sa espesyalista sa buto. Base sa resulta ng pagsusuri, normal naman ang kanyang kalusugan. Pagdating ng taong 2018, narito ang ilang mga detalye sa nangyari kay Jericho:

  • Abril hanggang Agosto 2018 - Nagpatuloy ang pananakit ng kanyang tiyan at kawalan ng ganang kumain, kaya siya ay patuloy na nangayayat. Muli siyang dinala sa nasabing ospital sa QC noong katapusan ng Agosto 2018 at nalaman na namamaga ang kanyang kidney at pantog. Isinailalim siya sa Voiding Cystourethrogram (VCUG) upang malaman ang sanhi ng nasabing pamamaga, normal naman ang resulta ng VCUG. Ngunit patuloy ang reklamo niya hinggil sa pananakit ng kanyang tiyan.

  • Ikalawang linggo ng Disyembre 2018 - Muling isinailalim sa ultrasound si Jericho. Base sa resulta, may problema at namamaga ang atay niya. Namanas din ang mukha at mga paa niya at lumaki ang kanyang bayag.

  • Disyembre 27 - Dinala siya sa ibang ospital sa Maynila at du’n nakitaan ng lymphoma at may tuberculosis ang bituka niya. Anang kanyang mga magulang, “Kaya pala sinasabi niya na parang butas ang kanyang bituka.” Dumudumi rin siya ng itim na dugo.

  • Disyembre 31- Inilipat siya sa intensive care unit at kinabitan siya ng nasogastric tube at in-intubate.


Sa mga petsa sa ibaba ng Enero 2019 ang pinaka-kritikal na sandali sa nalalabing mga araw ni Jericho:

  • Enero 5 - Sinalinan siya ng dugo. Lalong namanas ang katawan niya at hindi nawala ang pananakit ng kanyang tiyan at ito ay lumalaki.

  • Enero 14 - Nangati ang katawan niya matapos siyang masalinan ng dugo at masakit pa rin ang tiyan niya.

  • Enero 18 - Muli siyang sinalinan ng dugo. Bahagyang tumaas ang kanyang platelet count pero bumagsak din ito matapos niyang dumumi ng dugo. Siya ay nahirapang huminga at nag-agaw buhay. Pagsapit ng alas-7:30 ng gabi, tuluyan na siyang pumanaw.


Anila G. at Gng. Azogue, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Jericho. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya. Noong una pa lamang ay hindi na kami pumayag na maturukan siya ng bakuna kontra dengue. Ipinabalik namin sa kanya ang consent form dahil hindi kami pumayag na siya ay maturukan. Ngunit nagulat na lamang kami na sa kabila ng aming pagtanggi ay nabakunahan pa rin siya.

“Sa ikalawang pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia, pinapunta kami sa paaralan upang samahan siya. Ayon sa nagturok, dapat ay matapos ang tatlong dose ng bakuna dahil minsan na siyang naturukan nito at upang matapos ang pagbabakuna. Dahil dito, wala na rin kaming nagawa upang pigilan ito.”


Hiniling ng mag-asawang Azogue sa aming tanggapan, sa inyong lingkod, at PAO Forensic Team ang aming tulong upang mabigyan ng katarungan ang sinapit na trahedya ng kanilang anak. Hindi madali ang makipaglaban sa malalaking tao na may kaugnayan sa kaso ni Jericho, ngunit “Bilog ang bola”—umiikot tulad ng gulong ng hustisya.


Habang ito ay umiikot, may pag-asa. Ang PAO ay patuloy na kumikilos ayon sa aming mandato at hindi kailanman mapaparalisa dahil lamang sa higanteng mga katunggali sa labanang panghustisya. Ito ang tungkuling sinumpaan ng inyong lingkod bilang inyong Punong Manananggol Pambayan nang tanggapin ko ang responsibilidad na katumbas ng aking posisyon. Ang maging matatag sa lahat ng oras, sinuman ang maging katunggali sa pagtupad ng aming tungkulin ayon sa mandato ng Tanggapang aking pinamumunuan. Tamang hustisya para sa lahat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page