top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 9, 2022



May mga pagkakataon na tila nalalaman ng tao na papalapit na ang mga huling sandali ng kanyang buhay. Kaya naman ang bawat segundo ay nais niyang ilaan sa minamahal niyang pamilya.


Ganito kaya ang naramdaman ni Jian Subing-Subing, anak nina G. Eric at Gng. Senen Subing-Subing ng Lapu-Lapu City, Cebu, nang maglambing siya isang hapon sa kanyang ina? Aniya, “Noong ika-17 ng Disyembre 2018, naglalambing ang aming anak. Ayaw na niyang mailayo sa akin. Pagsapit ng alas-4:00 ng hapon, tatlong beses siyang huminga nang malalim hanggang sa siya ay tuluyan nang iginupo ng mga sakit na nararamdaman niya sa katawan.”


Si Jian, 11, ang ika-124 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang pamilya. Si Jian ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 17, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa isang health center sa Mactan, Lapu-Lapu City, Cebu. Ayon sa kanyang mga magulang, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Dagdag pa nila, “Siya ay mahilig maglaro at aktibong miyembro ng drum and bugle corps ng kanyang paaralan. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw.”


Ang pagkakasakit ni Jian ay nagsimula noong Nobyembre 2017. Masakit ang kanyang hita at likod. Ang mga ito ay hina-hot compress at nilapatan ng kanyang mga magulang ng efficascent oil, kaya naiibsan ang sakit, subalit bumabalik din. Nagkakalagnat din siya tuwing sumasakit ang kanyang hita at likod. Pagdating ng taong 2018, ganito ang nangyari kay Jian, hanggang sa bawian siya ng buhay noong Disyembre 17, 2018:


  • Pebrero - Dinala siya sa isang medical clinic sa Cebu City. Sinuri ang kanyang potassium level at normal naman ito. Niresetahan siya ng pain reliever para sa mga pananakit sa kanyang katawan.

  • Marso - Hindi na niya maigalaw ang kanyang binti at hindi na rin siya makalakad. Dinala siya sa isang ospital sa Lapu-Lapu City, ni-refer siya ng doktor sa isang ospital sa Cebu City na siya naman nilang ginawa. Iminungkahi ng doktor na ipa-MRI siya.

  • Abril 2018- Noon lang naisagawa ang MRI kay Jian dahil pumila pa diumano ang kanyang mga magulang. Nang lumabas ang resulta noong Abril 12, 2018, nalaman na siya ay may Pott’s Disease. May nakitang bukol sa kanyang spine; muling iminungkahi ng doktor na i-biopsy ang nakuhang sample ng bukol sa kanya. Ang pag-biopsy ay hindi nagawa dahil sinabihan ng doktor ang mag-asawang Subing-Subing na maaari diumanong subukan kung kayang pagalingin ng pag-inom ng gamot para sa TB ang sakit ni Jian. Hindi bumuti ang kanyang kalagayan sa kabila ng pag-inom ng naturang gamot, bagkus, lalo siyang pumayat.

  • Agosto - Namaga ang kanyang kaliwang binti at muli siyang dinala sa espesyalista. Ayon sa doktor at base sa resulta ng CBC, mataas ang kanyang uric acid, kaya siya ay niresetahan ng gamot. Isinailalim din siya sa bone structure examination. Nalaman na may bali ang buto ng kanyang kaliwang binti, at ni-refer siya sa espesyalista sa buto.

  • Setyembre 17 - Na-admit siya sa isang ospital sa Cebu dahil sa bali sa buto ng kaliwang binti niya at Pott’s Disease. Hindi niya mapigilan ang pag-ihi at pagdumi. Palaging mainit ang kanyang katawan at palaging nagpapawis. May lumabas ding mga kulani sa kanyang mukha at kilikili. Nanatili siyang hindi makatayo.

  • Oktubre - Na-MRI at na-biopsy ang bukol na nakuha sa kaliwang binti niya. Ayon sa doktor, kritikal na ang kanyang lagay at tinaningan na siya na ilang buwan na lang ang itatagal niya. Nawawalan na ng pag-asa ang pamilya niya, inuwi nila si Jian at du’n inalagaan. Nais nilang makasama si Jian sa mga huling araw niya. Ipinagpatuloy niya ang pag-inom ng gamot, ngunit hindi na gumandang muli ang kanyang kalagayan.

  • Nobyembre - Bukod sa madalas na masama ang kanyang nararamdaman, nagdudugo rin ang kanyang gilagid.

  • Disyembre - Nagpatuloy ang hindi maganda niyang nararamdaman, umiksi na rin ang binti niya at naging mainitin ang kanyang ulo. Hindi nawala ang pananakit ng kanyang katawan, gayundin ang kanyang ulo. Takot na rin siyang pumunta sa ospital, kaya hindi na siya nadala ng kanyang pamilya. Pagsapit ng Disyembre 17, 2018, alas-4:00 ng hapon, tuluyan nang pumanaw si Jian. Nakasaad sa kanyang Certificate of Death na ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Acute Coronary Syndrome” (Immediate Cause); “Sepsis Sec. To Hypostatic Pneumonia And Decubitus Ulcers” (Antecedent Cause); “Pott’s Disease” (Underlying Cause).


Sabi ng kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Jian. Hindi namin maiwasang mag-isip kung ano’ng klase ng gamot ang naiturok sa kanya at ikinamatay pa niya ito. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna kay Jian. Hindi ipinaliwanag sa amin kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan niya”


Sinabihan ng mga doktor ang mag-asawang Subing-Subing na ang Pott’s Disease ay namamana o genetic in nature. Ang reaksyon nila rito,“Wala sa aming pamilya ang may history ng Pott’s Disease, kaya imposibleng magkasakit na lamang ng ganito ang aming anak nang walang maliwanag na kadahilanan.”


Wala naman silang nalalaman sa kanilang pamilya na nagkaroon ng ganitong uri ng karamdaman at nakaranas ng parehas ng mga naranasang hirap ni Jian, kaya malaking palaisipan sa kanila ang pagkakaroon niya ng ganitong uri ng karamdaman. Ang dinanas na ito ni Jian ay hinahanapan nila ng kapaliwanagan at ang sinapit niyang kamatayan sa murang gulang ay inihahanap ng katarungan. Ang PAO at PAO Forensic Team na kanilang hiningan ng tulong ay patuloy nilang kasama hanggang sa mabigyan ng hustisya ang laban para kay Jian.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 19, 2022


Ang paglalambing ng mga anak ay nagdudulot ng saya sa mga magulang. Nagpapakita ito ng pagmamahal at nagpapahayag ng pangangailangan nila ng mga bagay na nakakatulong sa araw-araw nilang buhay bilang nakababatang miyembro ng pamilya at lipunang kanilang ginagalawan. Bagama’t kadalasan, ang paglalambing ng mga anak ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang mga magulang, sa pamilya Valdez ng Tarlac, ito ay naghahatid ng mga alaalang may matinding kalungkutan. Ang ugat nito ay ang pagyao ng malambing na miyembro ng kanilang pamilya na si Maegan Valdez.


Si Maegan, 13, namatay noong Marso 1, 2019, ang ika-122 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 18, 2016, pangalawa noong Oktubre 11, 2016, at pangatlo noong Hunyo 21, 2017. Ito ay naganap sa isang health center sa Tarlac. Ayon sa kanyang mga magulang na sina G. Domingo at Gng. Yolanda Valdez, siya ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Mahilig din siyang sumayaw at maglaro ng volleyball. Gayundin, kailanman ay hindi pa umano siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw.


Nagsimula noong Abril 2018 ang pagkakasakit ni Maegan. Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo at madalas humilab ang kanyang tiyan. Noong Setyembre 2018, lumabo ang kanyang kaliwang mata. Nagkaroon din siya ng kulani sa ilalim ng baba at siya ay nagkabeke. Nawala rin ang mga ito pagkatapos ng ilang araw. Noong Oktubre 2018, nagkalagnat siya at dinala siya sa isang ospital sa Tarlac, at pagkatapos masuri, napag-alaman na siya ay may urinary tract infection (UTI). Binigyan lamang siya ng gamot dahil ayon sa doktor, kaya pa itong pagalingin sa pag-inom ng gamot. Noong Disyembre 2018, siya ay matamlay, nawalan din siya ng ganang kumain at siya ay namumutla.


Pagdating ng taong 2019, narito ang ilan sa mga detalye ng mga nangyari kay Maegan hanggang siya ay pumanaw:

  • Enero 14 - Habang siya ay nasa eskuwelahan, muling humilab ang kanyang tiyan at sumakit ang kanyang ulo kaya siya ay pinauwi.

  • Enero 15 - Dinala siya sa isa pang ospital sa Tarlac at nalaman na may UTI siya at mababa ang kanyang platelet count. Sa kabila nito, sinabihan sila ng doktor na negatibo siya sa dengue infection. Na-admit pa rin siya sa ospital at taas-baba ang kanyang platelet count.

  • Enero 18 - Lumaki at tumigas ang kanyang tiyan. Matindi rin ang sakit ng kanyang tiyan, puson at sikmura.

  • Enero 20 - Base sa resulta ng ultrasound, nakita ng espesyalista na may tubig ang kanyang tiyan. Nagdumi siya nang kulay itim.

  • Enero 23 - Dinala siya sa isang pediatrician. Base sa pagsusuri, 28 ang kanyang platelet count at anim ang hemoglobin levels niya. Sinabihan sila na kailangang ilipat siya sa malaking ospital. Banat na banat na ang kanyang balat at manas ito. Sobrang sakit din ng kanyang tiyan. Dinala si Maegan sa isang ospital sa Tarlac na makakatugon sa kanyang pangangailangan. Ayon sa doktor, kailangan siyang salinan ng dugo. Hindi naman nawawala ang pananakit ng kanyang tiyan. Iminungkahi ulit ng doktor na ipa-bone marrow aspiration siya, subalit hindi na nagawa dahil hindi kaya ng kanyang katawan.

  • Pebrero 7 at 11 - Nailabas si Maegan sa ospital noong Pebrero 7. Noong Pebrero 11, nanghina ang kanyang tuhod at hirap siyang makatayo. Naging mainitin na ang ulo niya at nawala ang gana niyang kumain, at tuwing kumakain siya, isinusuka niya rin ito. Namamanhid din ang kanyang paa at lumalabo na ang kanyang paningin.

  • Huling linggo ng Pebrero - Pabalik-balik ang kanyang lagnat. Siya ay nagwawala at siya ay nananakit; laking kaibahan, ayon sa kanyang mga magulang, sa dating anak nila na malambing. Noong Pebrero 28, lagi siyang naghahabol ng hininga at nahihirapan siyang matulog.

  • Marso 1 - Pinaliguan siya. Gustung-gusto niyang ngumuya ng yelo. Naiinitan siya, kaya itinututok sa kanya ang electric fan. Pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, tinanong niya ang kanyang mga magulang kung bakit mabilis ang pagtibok ng kanyang puso. Mainit ang kanyang pawis at matapos nu’n ay dumumi siya. Pagsapit ng alas-11:30 ng gabi, sabi ni G. Valdez, “Naglambing pa si Maegan sa akin. Sinabihan niya ako na kandungin ko siya para masarap ang tulog niya, na akin namang ginawa. ‘Yun na pala ang huling lambing at hiling niya sa akin dahil pagkatapos nu’n, habang kandong ko siya ay tuluyan na kaming nilisan ng aming pinakamamahal na si Maegan.”


Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Acute Myocardial Infarction” (Immediate Cause); “Probably Secondary To Anemia” (Antecedent Cause); “Probably Secondary To Blood Dyscrasia” (Underlying Cause).


Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Maegan. Hindi siya sakitin, at nang minsan siyang nagkasakit ay diretso na ito sa kanyang pagpanaw. Hindi namin maiwasang mag-isip kung anong klaseng gamot ang naiturok sa aming anak at ikinamatay pa niya ito.”


Ang higit pang nagpapasakit ng kanilang kalooban, anila, “Wala kaming masagot sa kanya sa tuwing tinatanong niya kung ano’ng nangyari sa kanya at bakit hindi siya gumagaling.”

Namatay si Maegan na hindi nila nabigyan ng kasagutan. Hindi na sila papayag na ang hustisyang nararapat kay Maegan ay hindi rin matugunan, kaya lumapit sila sa PAO at PAO Forensic Laboratory Division. Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang ang hindi mauwi sa muli nilang pagkabigo ang hindi nila pagsuko sa labang ito.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 22, 2022



Nagimbal ang mga magulang sa tinaguriang Dengvaxia fiasco pagkatapos banggitin ng sinasabing infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na dapat magsagawang muli ng pagrerebyu sa pagtuturok ng Dengvaxia vaccine dahil diumano sa pagdami ng kasong ng Dengue ngayon sa ating bansa. Ito lamang ang naiisip na paraan ng nasabing eksperto upang bigyang-solusyon ang pagdami ng kaso ng Dengue. Marahil ay hindi alam ni Dr. Solante kung ano na ang mga datos ng Department of Health (DOH) hinggil sa mga naturukan at naging biktima ng nasabing bakuna.


Sa mga naturang vaccinees na ang mga kaso ay hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), 166 na ang natapos na autopsies ng PAO Forensic Laboratory Division sa pangunguna ni Dr./Atty. Erwin P. Erfe. Mayroon namang dalawang buhay sa mga ito na isinailalim din sa Forensic Examination. Ang mga bata na ito ay dumaan din sa matinding mga karamdaman; ang isa sa kanila ay nagka-severe dengue at ang isa naman ay nagkaroon ng encephalytis.


Ang nasabing 166 na mga nasawing vaccinees na hindi dumaan sa kinakailangang screening at blood test ay ang mga sumusunod:


Anjielica M. Pestilos, Zandro N. Colite, Lenard L. Baldonado, Alexzander A. Jaime, Rei Jazztine D. Alimagno, John Paul R. Rafael, Christine Mae G. De Guzman, Kristel Jean M. Magtira, Michael V. Tablate, Zarah Mae E. De Luna, Aejay O. Bautista, Leiden M. Alcabasa, Crezele Ann Joy R. Viaros, Marc-Axl D. Eboña, Jose R. Balacano, Angelica F. Pulumbarit, Erico M. Leabres, Abbie N. Hedia, Maricel S. Manriza, Charmel T. Flordeliz, Melvin Karl G. Elipane, Lea P. Delos Santos, Roshaine D. Cariño, Jansyn Art F. Bataan, Darylle I. Sagun, Wiljen B. Alcontin, John Ray B. Pintor, Clarissa A. Alcantara, Jhon Loyd S. Rodica, Ej Christian T. Apa, Jonell Dc. Dacquel, Rolando O. Malagum, Naomi J. Nimura, Adeline B. Castroverde, Shane C. Lague, Riceza L. Salgo, Lloyd D. Babia, Christine Joy G. Asuncion, John Marky F. Ferrer, Gillianne R. Vasquez, Vicente T. Arugay, Aldrin S. Hinayon. Renelyn L. Avellanosa, Enjay Ivon M. Serrano, Julius Kenneth M. Baquiran, Gladimeir S. Juevesano, Valerie S. Pagulayan, Kendrick Guico Gotoc, Francis Ivan V. Sedilla, Mark A. Secondez, Micaella Kayla S. Mainit, Philip Jude E. Ednalaguim, Aldrid B. Aberia, Marl Aaron P. Chavez, Annaliza Dl. Silverio, Kianah Mae Garces Racuya, Marlon Jay N. Lorenzo, Joaniña T. Cortes, Elezar Brigoli Jr., Julliane R. Arriola, Anthony B. Conchada, Jocelyn C. Braga, John Lloyd M. Bautista, Crystal Mae G. Gaton, Ar-Jay O. Llantero, Trishanne T. Casona, Bianca K. Martija, Kelvin M. Anten, John Harry P. Rellores, Jericho P. Espinilla, Editha G. Arguta, Arianne Reese Verchez, Marqui Rhino B. Mangligot, Charisse Anne Dc. Pascual, Eira Mae H. Galoso, Shiela Mae C. Guerra, Elizabeth E. Gelotin, Princess Edralyn F. Serrano, Ashly Nicole P. Barbacena, Kenchi B. Ocfemia, Mary Rose V. Ibadlit, Psalm Dioquino, Maribel Santos Eustaquio, Venus E. Sedilla, Ronald L. Sibayan, Razel Lalaine M. Laylay, Elijah Rain E. De Guzman, Levie R. Losanga, Gianne Marie C. Sanchez, Donita Jen C. Fernandez, John Paul R. Dumaplin, Emmanuel C. Lirazan, Angelito Amiel C. Panugan Jr., Theresa Mae Aguipo Romano, Baron Rock Jayson Miranda, King Martin Luther T. Ancheta, Julienne Kailey D. Vidallo, Akira Mae L. Zarate, Friendly G. Mendoza, Carl Guillier D. Alfaro, Kyle Nicole S. Macasaquit, Levon Zirine C. Santos, Lance Allen O. Mitra, Krizha Agonia, Mary Grace Ela Peña, Alexa P. Regalado, Justine B. Briones, Rancel Mae G. Ganancial, Vea O. Mirandilla, Jessica V. De Chavez, Renz Mart O. Lucaba, Jericho M. Azogue, Joyce Ann Brizuela, Trixie Marie Laure, Jarmie B. Alim, Sandara A. Picones, Kylie Zsarene G. Tongco, Charmelyn Jumao-As, Nathaniel Panday Acla, Zwitsal A. Samorin, Trisha Mae A. Solamo, Maegan C. Valdez, John Arvyn D. Valenzuela, Jian S. Subing-Subing, Genalyn Ababao, Jovanni Carl Y. Caidlang, Rose Al C. Magbanua, Froilan R. Amistoso, Shaira Mae G. Lomtong, Reynalyn G. Almachar, Ella V. Villanueva, Nicole B. Benaro, Erica M. Montales, Mary Joy M. Fillarca, Calvin Jhon S. Soriano, Justine C. Paule, Jerome Q. Salazar, Jhon Stephen Nepomuceno, Trisha Janelle P. Olarte, Martha T. Camonggay, Darwen P. Racal, Cyrus Dj T. Copino, Shana Marie P. Pineda, Charish T. Debutac, Harold D. Polistico Jr., Joan L. Deang, Lennon Carl A. Ribo, Jessica B. Poquiz, Shekina Venice V. Arciaga, Rb D. Tamonan, Noreen M. Labrague, Kyle Sebastian Juan Andaleon, Rhenzyl Ilustre Castillo, Diana Diola, Edwin Jan C. Bognot, Zorev L. Nayve, Maekyla S. Cruz, Ma. Vinna Mae M. Etang, Jc Albert F. Legaspi, Crisa Mae Liya Porcia, Sam Gavriel V. Mendoza, Tyrone S. Tisbe, Angela A. Cera, Dick John L. Dela Cruz, Rizza Mae J. Ribo, Aeron Dave Susana.


Ang mga survivors naman ay sina Benedict Dominguez at Mark Joseph Estandarte.


Nagsimula na ang hearing ng criminal cases sa RTC Branch 107 sa Quezon City at ang presiding judge ay si Hon. Jose Bautista, Jr. Kabilang sa sinampahan ng kaso ang dating kalihim ng DOH at 41 mga akusado. Umabot na sa 156 sa patay at dalawa sa buhay ang naisampang kasong kriminal at 106 sa patay at dalawa sa buhay naman ang naisampang civil cases sa saka ni Judge Manuel Sta. Cruz ng RTC, Branch 226, Quezon City. Ang natitira pang bilang ng biktima ay handa nang isampa sa husgado. Kaugnay ng pagsasampa ng mga kaso sa Metropolitan Trial Courts ng Department of Justice (DOJ), nakapag-utos na ang Supreme Court na ilipat ang mga ito sa nasabing Regional Trial Court na isang Family Court kung saan ang presiding judge ay si Judge Bautista, Jr.


Kaugnay nito, sumisigaw ang mga magulang na mga miyembro ng Samahan ng mga Magulang Anak ay Biktima ng Dengvaxia (SMABD) sa pangunguna nina Gng. Sumachen Dominguez at Gng. Girlie Estandarte Samonte. Sumisigaw sila kaugnay ng mga daing mula sa hukay ng mga nasawing biktima na hanggang ngayon ay humihingi ng hustisya sa naganap na trahedya kaugnay ng nasabing bakuna na experimental pa. Sabi nga ng isang magulang, bakit hindi sinabi sa kanila ang apat na serious adverse effects, ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}? Ang naturang serious adverse effects ay ang anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), at increase in severity of dengue disease.


Makakaasa ang sambayanan na hindi titigil ang PAO upang itanyag ang sulo ng katarungan at katotohanan upang maghari ang katarungan sa buong kapuluan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page