top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 15, 2023


May mga pagkakataon na ang ating hiram na buhay ay natatapos sa kamay ng isang tao na bagama’t siya’y lumabag sa batas, siya naman ay insane o wala sa tamang pag-iisip.


Paano ba ipaglalaban ang katarungan sa ganitong uri ng kamatayan?


Kaya bang igawad ng batas ang hustisya para sa biktima at kanyang pamilya? Kahit na wala siya sa tamang pag-iisip nang gawin ang krimen na iyon, maituturing din bang makatarungan kung siya ay mapaparusahan?


Ito ang mga tanong na naglalabas-masok sa ating batas, at kat’wirang nakapaloob sa kasong nauugnay sa akusadong pinanawan na ng katinuan sa pag-iisip. Isang halimbawa ng nasabing kaso ang hawak ng aming tanggapan, ang Frimeraldo Francisco y Bautista vs. People of the Philippines (CA G.R. CR No. 46982, June 15, 2023, na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice, Honorable Ruben Reynaldo G. Roxas, Special 8th Division). Nasa artikulong ito ang kaugnay na kuwento.


Ang bawat isa sa atin ay kinokonsidera sa mata ng batas na nasa tamang pag-iisip o of sound mind. Kung kaya’t tayo ay responsable sa anumang bagay o kilos na ating gagawin, lalo na kung ito ay labag sa batas. Subalit, kung mapatunayan na ang tao na lumabag sa batas ay wala sa tamang pag-iisip, maaari siyang mapawalang-sala. Ito marahil, para sa parte ng namayapang biktima at kanyang mga naulilang pamilya, ngunit kailangang pairalin at kilalanin ng hukuman ang nakasaad sa batas. Tulad ng nangyari sa pagitan ng dalawang lalaki na sina Frimeraldo at John.


Ika-26 ng Mayo, taong 2011, sa siyudad ng Laoag, sinaksak ni Frimeraldo si John sa dibdib. Batay sa bersyon ng prosekusyon, si John ay nangangasiwa ng babuyan.


Bagama’t hindi tauhan sa babuyan si Frimeraldo ay madalas itong natutulog do’n.


Noong umagang iyon ay sinabihan na ni John si Frimeraldo na alisin na ang mga gamit nito sa kanilang babuyan, dahil hindi sumunod si Frimeraldo, inilabas ni John ang mga gamit noong hapon ding ‘yun. Nakita ni Frimeraldo na pinupukpok ni John ng martilyo ang kanyang higaan at doon ay lubos na itong nagalit. Dali-daling umuwi si Frimeraldo sa kanilang bahay na hindi kalayuan at pagbalik nito ay may hawak na siyang kutsilyo na siyang ginamit panaksak sa dibdib ni John. Nakita ito ng tatlong tauhan ng babuyan, at agad namang dinala sa ospital ang biktima.


Sinampahan ng kasong frustrated homicide si Frimeraldo. Subalit, noong ikalawa ng Hunyo, sa kasamaang palad, binawian ng buhay si John. Kung kaya’t inamyendahan ang kaso niya ng homicide.


Bago nilitis ang kaso, ipinag-utos ng Regional Trial Court (RTC) na masuri ang pag-iisip ng akusado. Ayon sa ulat ng National Center for Mental Health (NCMH), hindi kaya ng akusado na sumailalim sa paglilitis sapagkat ito ay mayroong bipolar affective disorder. Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ng RTC ang arraignment.


Pebrero 15, 2017 na nang muling buhayin ang kaso at nang ma-arraign si Frimeraldo, “not guilty” ang kanyang pagsumamo at iginiit ang depensang insanity.


Gayunman, guilty ang naging hatol ng RTC kay Frimeraldo. Bagama’t may kapansanan sa pag-iisip ang akusado, hindi ito lubusang nawalan ng kamalayan o pag-iisip, pinatawan siya ng parusang pagkakakulong at pinagbabayad para sa pinsala pati na rin ng danyos.


Inapela ng panig ni Frimeraldo sa Court of Appeals (CA) ang naturang desisyon at iginiit ang testimonya ng kanyang doktor na si Dr. Aganon, ang tumingin sa kanya mula pa noong taong 2002, noong siya ay 20-anyos pa lamang.


Ayon kay Dr. Aganon, mayroong psychosis si Frimeraldo nang mangyari ang krimen dahil wala sa tamang pag-iisip ang akusado, at dapat umano siya ay mapawalang-sala.


Sa masusing pagsusuri ng CA, kinatigan nito ang depensa at pinawalang-sala si Frimeraldo sa kriminal na aspeto. Ipinaliwanag ng nasabing hukuman na ang quantum of evidence upang patunayan ang insanity ay hindi na proof beyond reasonable doubt; bagkus, ang kailangan maitaguyod sa hukuman ay clear and convincing evidence.


Ayon sa CA, napatunayan na si Frimeraldo ay wala sa tamang pag-iisip nang maganap ang krimen at ito ay sinuportahan ng mga naging pagsusuri sa kanya ng kanyang doktor sa napakahabang panahon.


Kapuna-puna para sa hukuman na ang mga sinabi at ikinilos ng akusado, nang maganap ang krimen, ito ay nagpahiwatig na sadyang hindi niya lubusang naunawaan ang uri at kamalian ng kanyang ginawa sa namayapang biktima.


Magkagayunman, pinagbabayad pa rin si Frimeraldo sa mga naulilang pamilya ni John para sa pinsala at danyos. Binigyang-diin din ng hukuman na hindi nila pinagwalang-bahala ang karumal-dumal na ginawang pagpatay sa biktima. Sa sitwasyon lamang ni Frimeraldo, nakita nila, batay sa mga ebidensya na isinumite, na sadyang mayroong sakit sa pag-iisip ang naakusahan.


Sa halip din na ikulong si Frimeraldo sa regular na kulungan ng mga nahatulang may-sala, na kung saan hindi niya makukuha ang angkop na mental na rehabilitasyon, at ang posibilidad na siya ay mapalaya sa bisa ng paroleat makapanakit muli, ipinag-utos ng CA na siya ay panatilihing nasa loob ng institusyon, ang NCMH, na kung saan siya ay magagamot at siya ay makakalaya lamang sa oras na sadyang kaya na niyang maging angkop na kasapi ng lipunan, batay na rin sa magiging rekomendasyon ng naturang institusyon.


Ang pagkamit ng hustisya ay sadyang magkakaiba para sa bawat isa. At mayroong mga pagkakataon na masasabing hindi lubusang nakamit ng partido ang hustisya. Tulad na lamang sa nangyari kina Frimeraldo at John. Bagama’t hindi na-convict si Frimeraldo, masasabing hindi siya ganap na malaya.


Kinatigan din ang mga naulila ni John sa sibil na aspeto ng kaso, sila ay nawalan pa rin ng mahal sa buhay na kailanman ay hindi na nila makakapiling pa. Isang uri ng daing na marahil ay sa sariling hukay din nila dadalhin.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 1, 2023


Kapag may nangyayaring krimen, ‘di natatapos ang paghahanap ng hustisya hangga't ‘di natutukoy kung sino ang totoong salarin. Hindi sapat na may makulong lamang. Sa ganitong sitwasyon, hindi matutuldukan ang pagdaing ng katarungan.


Sa bawat krimen na humahantong sa kamatayan tulad sa mga kasong homicide o murder – hustisya ang tanging daing ng lahat.


Gayunman, paano makakamit ang hustisya kung makalipas ang halos isang dekada ay napatunayan na wala palang kasalanan ang akusado sapagkat sa simula pa lamang ay bunga na ng desperasyon sa hustisya ang pagkakadawit sa kanya?


Daing mula sa hukay ang patuloy nating maririnig dahil bagama’t lumipas ang panahon, ang hustisya ay nanatiling mailap sa yumaong biktima, at sa kanyang mga naulila.


Kaugnay sa mga nabanggit, ating ibabahagi ang kuwentong hatid ng kasong People v. Ansus (G.R. Number 247907, 2 December 2020), sinulat ni Honorable Associate Justice Rosmari D. Carandang.


Sa kasong ito, isa sa mga kliyente ng ating opisina, ang Public Attorneys’ Office o PAO, na itatago na lamang natin sa pangalang “Ramon,” siya ay natulungan natin, at nakamit niya ang hustisya mula sa pagkakadawit bilang pangunahing salarin sa pagkamatay ng biktimang itatago na lamang din natin sa pangalang “Bong”.


Kahit na napawalang-sala at napalaya na ang akusado – patuloy pa rin ang hangad natin na magkaroon ng hustisya para sa yumaong biktima. Sa araw na ito, ating talakayin ang perspektiba mula sa lente ng biktima.


Bilang paglalahad sa mga nangyari, noong Nobyembre 3, 2011, pormal na inakusahan si Ramon ng kasong murder, dahil sa pagpaslang diumano kay Bong noong Agosto 5, 2011. Matapos ang paglilitis, hinatulan si Ramon ng Regional Trial Court ng guilty sa kasong isinampa laban sa kanya.


Pagdating sa Court of Appeals, kinatigan nito ang naging desisyon ng Regional Trial Court kaya ang kaso ay umabot sa Korte Suprema.


Matapos ang masusing pagsusuri ng Kataas-taasang Hukuman sa kabuuang kaso, pinawalang-sala nito si Ramon sa kasong murder. Ayon sa Korte Suprema, mahalaga diumanong mapatunayan ang pagkakakilanlan ng pumatay. Ang mga salaysay ng saksi, at pisikal na ebidensya diumano ng prosekusyon ay taliwas sa konklusyon na ang akusadong si Ramon ang salarin, at may akda sa pagpaslang kay Bong.


Aniya, bukod sa hindi pagkakapare-pareho ng mga salaysay ng mga saksi, hindi rin naging malinaw ang naging dahilan at paliwanag ukol dito.


Batay sa Korte Suprema, ang mga bagay na ito ay sadyang nagdudulot ng malaking butas sa mga alegasyon na ang pumaslang kay Bong ay ang akusadong si Ramon.


Sa kabilang banda, ang pisikal na ebidensya diumano ay hindi rin tugma sa teorya ng prosekusyon sa Post-Mortem Examination Report.


Ayon sa nasabing report, ang mga sugat diumano ay dulot ng isang matulis at matalim na bagay na taliwas naman sa akusasyon na ang ginamit diumano ni Ramon ay isang mapurol na bagay tulad ng barreta.


Alinsunod sa mga nabanggit, binaliktad ng Korte Suprema ang naunang konbiksyon ni Ramon, at tuluyan siyang pinawalang-sala.


Sa kabuuan, ang kaso nina Ramon at Bong mula sa Regional Trial Court hanggang Korte Suprema ay inabot ng halos isang dekada.


Bagama’t, may kasabihan na “mas mabuti na ang sampung taong may kasalanan ay malaya, kaysa sa isang inosenteng tao ang mahatulan at makulong sa piitan,” hindi rin maipagkakaila na ang dalangin para sa hustisya mula sa perspektiba at lente ng yumaong biktima tulad ni Bong, at kanyang mga naulila ay nanatiling mailap.


Mula sa lente ng yumaong biktima na si Bong, tunay na hindi makatarungan na sa loob ng halos 10 taon ay masasabing malaya pa rin ang tunay na salarin.


Sa paglipas ng panahon, oras lamang ang dumaan ngunit hindi ang gulong ng katarungan. Sa kabilang banda, kapwa kaapihan ang 10 taon ng pagkakapiit para sa taong walang-sala tulad ni Ramon.


Ang kuwento nina Ramon at Bong ay isa lamang sa mga kuwento ng daing mula sa hukay. Ang mapait na sinapit at ang patuloy na paghahangad ng katarungan ay hindi lamang produkto ng imahinasyon. Bagkus, ito ay hango sa tunay na pangyayari.


Dahil dito, dalangin namin na hindi lamang makamit ang hustisya para sa bawat kliyente ng ating opisina. Sa halip, dalangin natin ang pagkamit ng katarungan sa lahat – kasama ang mga katulad ni Bong at kanyang pamilya. Nawa'y makamtan din ni Bong ang tunay na hustisya, at sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa at ang daing mula sa kanyang hukay ay maparam na.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 26, 2023


Pagdepensa sa sarili at ama, korte suprema pinawalang sala si Abuyo! SADYANG napakahalaga ng buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Kaya naman, ang buhay na ito ay kinakailangan ng pag-iingat laban sa panganib na maaaring maging sanhi ng ating kapahamakan at kamatayan.


Sa lipunang ating ginagalawan, itinuturing na makatarungan ang pagtatanggol sa ating sarili, gayundin pagdating sa ating pamilya, Ngunit, kailangan naaayon pa rin sa mga panuntunan ng batas ang pagtatanggol sa ating sarili, pamilya, at sa iba pang tao na nasa peligro ang buhay.


Ang tatalakayin natin sa artikulong ito na pinamagatang Leo Abuyo y Sagrit vs. People of the Philippines (G.R. No. 250495, July 06, 2022, Ponente: Honorable Associate Justice Mario V. Lopez), iginiit ng akusado at nahatulang maysala na si Leo Abuyo ang pagdedepensa para sa kanyang sarili at kaanak dahilan upang kumitil ng buhay ng ibang tao.


Hanggang sa Court of Appeals (CA), ay hindi itinuturing na self-defense at defense of a relative ang ginawa ni Abuyo, ngunit sa Korte Suprema ay nakita ang makatwirang pagdedepensa ni Abuyo.


Noong Agosto 16, 2011, bandang alas 7:00 ng gabi habang pauwi sa kanilang tahanan si Abuyo at ang kanyang asawa, sakay ng kanilang motorsiklo, nang bigla silang harangin nina Cesar Tapel, na mayroong hawak na balisong, at anak nitong si Charles Tapel, na mayroong hawak na baril.


Lumihis ng daan si Abuyo at nagmadaling makarating sa bahay ng kanyang ama na si Leonardo Abuyo. Agad na nagtungo si Charles sa naturang bahay at doon ay tinutukan ng baril ang mga taong naro’n at pilit na pinalalabas si Leo.


Ang ama ni Leo ang lumabas at sinubukan pahupain ang tensyon, ngunit biglang sumugod si Cesar at sinaksak si Leonardo sa ibabang bahagi ng kanyang dibdib.


Sinubukan tumakbo palayo ni Leonardo, ngunit hinabol siya ni Cesar. Sa puntong ito ay lumabas na si Leo upang komprontahin si Cesar, subalit sinubukan siyang saksakin nito.


Nakakuha ng itak sa ibabaw ng mesa si Leo at nataga niya ang kanang kamay ni Cesar.


Nabitawan ni Cesar ang kanyang balisong at nang makuha niya itong muli, nasaksak naman siya ni Leo sa ibabang bahagi ng kanyang tiyan.


Sa kasamaang palad ay binawian ng buhay si Cesar, agad na sumuko si Leo at hinarap ang kaso na isinampa laban sa kanya. Kalaunan siya ay nahatulan ng Regional Trial Court (RTC) para sa krimen na Homicide.


Naghain ng apela si Leo sa CA, subalit ito ay ibinasura; gayundin ang hiling niyang konsiderasyon.


Ayon sa CA, ang ginawang pananaksak ni Leo kay Cesar ay hindi makatwiran. Sana umano ay sinaktan niya na lang si Cesar sa kanyang kamay.


Inangat ni Leo ang kanyang apela sa Korte Suprema at iginiit na wala siyang intensyon na patayin si Cesar, bagkus, self-defense at defense of a relative lamang ang ginawa niya na sadyang kinailangan upang salagin ang pag-atake nina Cesar at Charles sa kanya at sa kanyang ama.


Sa pagsusuri ng Korte Suprema, mabusisi nilang ipinaliwanag ang bawat elemento ng self-defense at defense of a relative:

“In self-defense, the following elements must concur: (1) unlawful aggression on the part of the victim; (2) reasonable necessity of the means employed to prevent or repel such aggression; and (3) lack of sufficient provocation on the part of the person resorting to self-defense. In defense of a relative, the accused likewise needs to establish the first two requisites of self-defense. In lieu of the third requirement, however, the accused must prove that "in case the provocation was given by the person attacked, that the one making the defense had no part therein. The first requisite of “unlawful aggression on the part of the victim” is the indispensable element of both self-defense and defense of a relative. If no unlawful aggression attributed to the victim was established, the defenses are unavailing for there is nothing to prevent or repel. For unlawful aggression to be present, there must be a real danger to life or personal safety. Anent the second requisite, “reasonable necessity of the means employed to prevent or repel such aggression” envisions a rational equivalence between the perceived danger and the means employed to repel the attack. Yet, the Court recognized that in self-defense or defense of a relative, the instinct for self-preservation will outweigh rational thinking. Thus, “when it is apparent that a person has reasonably acted upon this instinct, it is the duty of the courts to sanction the act and hold the act irresponsible in law for the consequences. “The third requisite of “lack of sufficient provocation” requires the person invoking self-defense to not have antagonized the attacker. A provocation is deemed sufficient if it is “adequate to excite the person to commit the wrong and must accordingly be proportionate to its gravity.”


Nakita ng Korte Suprema ang lahat ng nabanggit na elemento sa kaso ni Leo, partikular na ang kanyang makatwirang pagdedepensa sa kanyang sarili at kanyang ama na noon ay mayroon nang tinamong saksak. Kung kaya’t binaliktad ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng RTC at CA at pinawalang-sala si Leo:


“In this case, the Court finds that Leo used reasonable means to defend himself and his father. The facts show that even after Leo hacked Cesar's right hand, Cesar's unlawful aggression did not cease when he regained possession of the knife. At that point, Cesar's determination to kill Leo and Leonardo was aggravated — more imminent and more dangerously real — into a fixed mindset to subdue Leo's opposition. The CA and the RTC's reasoning that Leo could have grabbed Cesar's knife when it fell off, and that Leo could have escaped and run away is unfathomable to a person juxtaposed in the same pressing situation.”

Sa pagkatig ng Korte Suprema kay Leo, marahil ay mananatiling mayroong daing para sa sinapit ng pumanaw na si Cesar. Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay papanigan ng hustisya ang biktima sapagkat ang paghatol sa isang akusado ay batay sa kung anong ebidensya ang ihahain ng prosekusyon. Katulad na lamang sa kasong ito ni Cesar, kung saan kinatigan ng Korte Suprema ang akusadong si Leo dahil sa inihaing ebidensya ay umaayon sa legal na pagtatanggol sa sarili. Ito ay malinaw sa naging paliwanag ng Korte Suprema kaugnay sa pagtatanggol ni Leo sa kanyang sarili at sa kanyang ama.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page