top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 26, 2024

Narinig n’yo na ba ang Latin na kasabihang,“Nullum crimen, nulla poena sine lege?” o sa ating wika ay walang krimen, kapag walang batas na nagpaparusa.


Kaugnay sa artikulo natin ngayon, ang maling pag-aresto. Para sa kaalaman ng nakararami, walang sinuman ang maaaring maaresto, makulong at maparusahan para sa isang akto na hindi naman pinaparusahan ng batas. 


Kaya naman sa kasong hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), ang People v. Pedroso (CA-G.R. CR No. 47228) na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice Walter S. Ong, noong ika-23 ng Agosto 2023), pinawalang-sala ng korte ang mga umapela sa kasong paglabag sa Republic Act Number 10591. Ang isa sa ating mga kliyente ay itago na lamang natin sa pangalang “Pedro”.


Bilang pagbabahagi, sinampahan siya noong Abril 1, 2019, sa kasong paglabag sa Commission on Elections (Comelec) Resolution number 10446, o “gun ban” na siyang may kaugnayan sa Republic Act Number 10591, na mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act – ito ang batas na nagsasaad ng alituntunin at regulasyon sa paghawak ng mga armas.


Ayon sa prosekyusyon na kinatigan ng mababang hukuman, tama ang pag-aresto kay Pedro, sapagkat noong ika-31 ng Mayo 2019, panahon ng eleksyon, may nauna ng reklamo rito, may nakaaway umano ito at sangkot si Pedro sa isang alterasyon sa loob ng kanyang tahanan, siya rin ay natagpuang may hawak na hindi lisensyadong baril.


Dagdag pa ng mababang hukuman, bilang isang security guard na mayroong hawak na duty detail order, malinaw ang nakasaad dito na limitado lamang ang kanyang awtorisasyon, at ito ay sa tuwing nasa trabaho lamang siya ng gusaling kanyang pinagtatrabahuhan.


Aniya ng mababang hukuman, walang hiwalay na lisensya si Pedro para humawak ng isang baril, at siya ay nahuli sa loob ng kanyang tahanan – kaya ito ay malinaw na dapat siyang maparusahan.


Dahil sa naunang hatol, umapela si Pedro sa hukuman, ang mga sumunod na argumento bilang batayan kung bakit siya'y nararapat na mapawalang-sala: a) Ang bahay kung saan siya nakatira ay hindi rin pampublikong lugar na tinutukoy ng Comelec Resolution number 10446 na sakop ng gun ban; at b) Mayroon siyang lisensya upang maghawak ng baril sa bisa ng duty detail order ng security agency na kanyang pinapasukan.


Matapos masuri ng hukuman ang mga ebidensya at argumento ng estado at ni Pedro, ang desisyon ay alinsunod sa pagpapawalang-sala kay Pedro.


Una, sinabi ng hukuman na walang sapat na ebidensya ang estado na umuusig upang patunayan na hawak ni Pedro ang nasabing baril sa labas ng kanyang tahanan. Sa kabilang banda, nasa loob siya ng kanilang bahay nang siya’y hulihin. Dahil dito, hindi umano nilabag ni Pedro ang Comelec. 


Pangalawa, hindi rin maaaring maparusahan si Pedro sa paglabag ng Republic Act Number 10591 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sapagkat wala siyang hiwalay na lisensya – alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Cuenca v. People (G.R. No. L-27586) ika-26 ng Hunyo 1970, na isa pa ring mabisang desisyon aniya ng hukuman para sa apela – sa mga kaso ng ilegal na paghawak ng armas, hindi umano maaaring managot ang isang security guard sa kabiguan ng kanilang pinapasukan na security agency na makuha ang nararapat na lisensya.


Sa muling paglalahad ng nabanggit, at alinsunod sa mga regulasyon - ang lisensya ng isang security guard ay sapat na awtorisasyon na hindi na kailangan pa ng hiwalay na lisensya.


Dahil dito, hindi wasto ang paghatol ng konbiksyon sa kanya ng mababang hukuman sa kadahilanan na wala siyang hiwalay na lisensya, sapagkat sa detail order mismo na kanyang naipakita, malinaw na may lisensya ang security agency na nagkaloob ng baril sa kanya.


Kung maaari man, ang malinaw na paglabag lamang ni Pedro ay ang tungkol sa regulasyon na paghawak ng kanyang service firearm alinsunod sa detail order kaakibat sa pag-isyu ng baril sa kanya ng kanyang agency.


Subalit, tulad ng unang nabanggit hindi ito pinarurusahan ng kahit na anong batas.


Kaya naman, gabay ng Latin na kasabihan na ating nabanggit kanina na, “nullum crimen, nulla poena sine lege” – walang krimen, kapag walang batas na nagpaparusa.


Samakatuwid, ang kuwento ni Pedro ay isa sa mga halimbawa ng pagdaing mula sa maling pagkakaaresto o bilanggo mula sa isang aksyon na hindi naman pinarurusahan ng batas.


Gayunman, kahit pa napawalang-sala si Pedro, dala pa rin niya ang aral sa pag-iisyu at paghawak ng isang baril. Sa ganitong pag-iingat, maiiwasan ang mga sitwasyon at halimbawa ng pagdaing tulad ng sinapit ni Pedro.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 19, 2024

Ang buhay ay sadyang napakaiksi lamang. Hindi natin alam kung kailan ito magwawakas at hindi rin natin alam sa kung paanong paraan ito magwawakas.


Madalas nating marinig ang kasabihang “life begins at forty.” Pinaniniwalaang sa edad na ito, kadalasan nagsisimula ang pagkakaroon ng kaayusan at kaunlaran sa buhay ng isang tao, dahil na rin ito sa pinagdaanang mga karanasan at kasanayan sa mga nakaraang taon at panahon na humubog sa kanyang pagkatao. Ngunit sa kasamaang palad, sa batayang kaso ng artikulo natin ngayon, ang biktima na maaaring wala pa sa kalagayang ito ay pumanaw na sa edad na 41.  Sa dulo ng gatilyo siya ay yumao.


Hindi na niya ganap na natamasa ang mga biyaya, kasama na ang mga aral na hatid ng Dekada 40 sa buhay niya. Ang nabanggit na kaso ay hawak ng aming tanggapan na People of the Philippines vs. Reynaldo De Vera y Patiag (CA-G.R. CR-HC No. 15524, July 28, 2023), na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Ronaldo Roberto B. Martin (Special 4th Division). Narito ang kuwentong hango sa mga pangyayaring nakapaloob sa kasong ito.Para kay Emerson, sa edad na 41, isang malagim na pamamaril ang nagwakas ng kanyang buhay. Si Reynaldo ang isa sa mga inakusahang may kinalaman sa naturang pamamaslang.Ayon sa testimonya ni Rochelle, na noo’y kinakasama ni Emerson, nasa kanilang bahay sila noong gabi ng Setyembre 4, 2016.


Siya diumano ay naglalaba habang si Emerson ay nagpipintura ng bisikleta sa harap ng kanilang bahay.Napuna diumano ni Rochelle na mayroong asul na tricycle ang nakaparada sa hindi kalayuan ng kanilang bahay at nakasakay diumano rito sina Reynaldo, alyas “Warden” at alyas “llonggo”. Bumaba diumano mula sa nasabing tricycle sina Reynaldo at “Warden” lumapit ito sa kanya at inabutan siya ng pera habang nagtatanong kung mayroon siyang shabu. Sinagot diumano ni Rochelle na hindi siya nagbebenta ng shabu. Tumahimik lamang ang dalawang lalaki nang bigla na lamang diumano barilin ni “Warden” si Emerson na noon ay nakatalikod sa kanila.


Bigla na lamang diumano tumalilis sina Reynaldo at “Warden”, samantalang si “llonggo” ay biglang hinarurot ang nasabing tricycle. Hinabol diumano ng mga kaibigan ni Emerson ang mga naturang lalaki, ngunit si Reynaldo lang ang kanilang nahuli.


Agad namang isinugod ng kapatid ni Emerson ang biktima sa ospital, ngunit makalipas ang ilang araw ay binawian din ito ng buhay. Ayon sa testimonya ni Dr. Geronimo na sumuri kay Emerson, na-comatose ang biktima matapos ang operasyon at kalaunan ay pumanaw bunsod ng multi-organ failure.Kasong murder ang inihain laban kay Reynaldo sa Regional Trial Court (RTC). Ayon sa kanyang testimonya, noong gabi ng insidente ay nagmamaneho siya ng kanyang pedicab habang nasa ilalim ng impluwensya ng shabu. Siya diumano ay patungo noon sa isang kalye upang bumili pa ng shabu. Narinig niya ang putok ng baril at napagtanto niya na mayroong lalaking binaril. Naglakad lamang diumano siya palayo habang ang ibang mga tao sa paligid ay nagtatakbuhan sa iba’t ibang direksyon. Bigla na lamang umano siyang itinuro ni Rochelle, na siyang naging dahilan upang siya’y bugbugin at batuhin ng mga tao.


Dinala si Reynaldo ng mga pulis sa ospital, kasunod nito ay dinala na siya sa presinto kung saan sinabi ni Rochelle na kasabwat siya sa naganap na pamamaril. Iginiit naman ni Reynaldo na naroon siya noong panahong iyon upang bumili lamang ng shabu kay Rochelle.Sa kanyang cross-examination, ipinaliwanag ni Reynaldo na madalas siyang bumili ng shabu kay Rochelle at lahat ng kanilang naging transaksyon ay maayos.


Kung kaya, wala diumano maaaring maging rason si Rochelle upang idawit siya sa krimen. Ipinaliwanag pa ni Reynaldo na ang pamamaril sa biktima ay naganap sa kalye ng Lavezares, habang ang pagbili niya ng shabu ay malapit lamang sa bahay ni Rochelle. Narinig niya umano ang putok ng baril nang inaabot na niya ang pera kay Rochelle. Bagaman inamin niyang naroon siya nang mangyari ang pamamaril, ito ay upang bumili lamang ng P200 na halaga ng shabu kay Rochelle.


Sa cross-examination naman ni Rochelle, sinabi nito na bumibili noong gabing iyon sa kanya sina Reynaldo at “Warden” ng shabu. Nang tanungin si Rochelle kung nakita niyang nag-uusap sina Reynaldo at “Warden”, kung inutusan ba ni Reynaldo si “Warden” na barilin ang biktima, sinabi diumano ni Rochelle na hindi. Inakusahan lamang diumano niya na kasabwat si Reynaldo dahil magkasama ang mga ito at bigla rin diumano kasing tumakbo si Reynaldo nang barilin ang biktima.


Binabaan ng parusang Reclusion Perpetua without eligibility for parole si Reynaldo dahil sa kanyang pakikipagsabwatan sa naganap na pamamaslang kay Emerson. Agad naman siyang umapela sa naturang desisyon at iginiit na hindi napatunayan ng tagausig ang alegasyong pakikipagsabwatan niya sa bumaril sa biktima.


Sa masusing pag-aaral na ginawa ng Court of Appeals (CA), kinatigan nito si Reynaldo dahil sa makatwirang pag-aalinlangan sa kinalaman ng apilante sa pamamaril sa biktima. Ayon sa CA, bagaman nasa harap diumano ni Rochelle ang apilante nang barilin ni “Warden” ang biktima, hindi umano sapat ang presensya lamang nito bilang pagpapatunay ng pakikipagsabwatan sa bumaril. Ang pagtakbo ni Reynaldo matapos paputukan ng baril ang biktima ay hindi indikasyon na mayroong namuong sabwatan sa pagitan niya at ni “Warden”.Higit na mahalaga, ayon sa appellate court, ang pagpepresenta sa hukuman ng malinaw at konkretong ebidensya na tumutukoy sa bawat elemento ng conspiracy o pakikipagsabwatan ng mga inaakusahan.


Kung hindi ito maitaguyod ng tagausig, hindi maaaring patawan ng parusa at marapat na siya ay ipawalang-sala. Sa kasong ito, hindi nakumbinsi ang CA sa ebidensya na isinumite ng tagausig, kung kaya ay pinawalang-sala si Reynaldo. Sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Ronaldo Roberto B. Martin, ipinaalala ng CA na:

“The existence of conspiracy cannot be presumed and just like the crime itself, the elements of conspiracy must be proven beyond reasonable doubt. Absent conspiracy, his responsibility, as well as that of his co-accused, is individual — not collective — and each is to be punished only for his own separate acts.


Likewise, in all criminal cases, all doubts should be resolved in favor of the accused for it is better to acquit a guilty man than to unjustly keep in prison one whose guilt has not been proven by the required quantum of evidence.”


Sa huli, bagaman hangad ng ating hukuman na maibigay ang hustisya sa tinamo ng biktima, mayroong pagkakataon na pagbababa ng hatol na pagpapawalang-sala ang kanilang pipiliin kung ang kriminal na responsibilidad ng naakusahan ay hindi lubos na napatunayan. 


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 5, 2024

Ang mga biktima ng panghahalay ay may mga daing na baun-baon sa kanilang mga dibdib. At kapag ang mga taong nangmolestya sa kanila ay napawalang-sala, para na rin silang pinatay. Ngunit may mga pagkakataon na bagama’t nais ng hukuman na ipagkaloob sa kanila ang katarungan, ang mga naakusahan kaugnay sa kanilang mga kaso ay pinakakawalan. 


Sa kasong tampok sa artikulo natin ngayon, alamin natin ang mga dahilan ng Court of Appeals sa pagkiling nito sa akusado. Ang kaugnay na kuwento rito ay may batayang kaso na hawak ng aming Tanggapan. Ang People of the Philippines vs. T16179T (CA-G.R. CR-HC No. 16179, Nov 29, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Eleuterio L. Bathan [13th Division]).


Noong Nobyembre 2011, 14-anyos pa lamang ang biktimang tawagin na lang natin sa pangalan AAA, nang siya’y molestyahin ng kanyang ama. Ilang ulit diumano siyang sekswal na pinagsamantalahan ng taong dapat sana ay kakalinga sa kanya. Bagaman nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kahayupang ginawa sa kanya, hindi diumano nakuhang lumaban o magsumbong agad ni AAA dahil diumano sa takot na baka siya o ang kanyang mga kapatid ay saktan ng kanilang ama.


Ngunit isang araw, nang siya ay sunduin ng kanyang tiyahin at dalhin sa bahay nito, nagkaroon na si AAA ng lakas ng loob na magsumbong ukol sa lahat ng pagpapahirap na dinaranas sa kanyang ama.


Mayo 31, 2012 nang masuri si AAA ni Dr. Alcantara ng National Bureau of Investigation, Bicol Regional Office, at doon nakumpirma na siya umano ay sekswal na naabuso. Ito ang naging susi upang siya ay makapaghain ng reklamong qualified rape laban sa kanyang ama.


Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court, binabaan ng hatol na conviction ang akusado at pinatawan ng parusang reclusion perpetua at pagbabayad ng danyos sa naturang biktima. Mariin namang iginiit ng ama ni AAA na siya ay inosente umano sa reklamo na ipinukol laban sa kanya, kung kaya’t agad itong naghain ng kanyang apela. 


Ayon sa ama ni AAA, nararapat diumano siyang ipawalang-sala, sapagkat hindi umano lubos na napatunayan ng taga-usig ang mga alegasyon kaugnay sa kanyang kriminal na responsibilidad, partikular na ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sa pagsusuri ng Court of Appeals (CA) sa naturang apela, ipinaalala ng nasabing hukuman ang prinsipyo na nakasaad mismo sa ating Saligang Batas – na ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang sa ang kanyang pagkakasala ay lubos na mapatunayan ng hukuman sa pamamagitan ng proof beyond reasonable doubt.  


Ipinaalala rin ng nasabing appellate court ang kahalagahan ng sapat na pagpapatunay hindi lamang na naganap ang krimen, bagkus pati ang pagkakakilanlan ng inaakusahang kriminal:


“In every criminal prosecution, the prosecution must prove two things: (1) the commission of the crime and (2) the identification of the accused as the perpetrator of the crime. Cursory identification does not suffice to convict the accused. What is needed is positive identification made with moral certainty as to the person of the offender. Verily, the critical consideration in this appeal is whether the prosecution sufficiently established the assailant's identity.


It is settled that the identity of the offender is indispensably entwined to the commission of the crime. The first duty of the prosecution is not to prove the crime but to establish the criminal's identity, for even if the commission of the crime can be proven, there can be no conviction without proof of identity of the criminal.”

 

Para sa CA, mayroon diumanong makatwirang pag-aalinlangan na ang ama nga ni AAA ang gumawa ng mga ibinibintang na panghahalay. Napuna kasi ng CA na iniasa ng taga-usig ang pagtataguyod sa pagkakakilanlan ng akusado batay sa impormasyong nakalap umano sa pre-trial conference. Gayunman, ang pre-trial order kaugnay sa nasabing pagpupulong ay hindi umano pinirmahan ng akusado at abogado nito.


Nakadagdag pa umano, ayon sa CA, ang pagkukulang ng taga-usig nang tanungin at alamin mula mismo sa biktima na si AAA ang pagkakakilanlan ng umabuso sa kanya. Ang mga pagkukulang at pagkabigong nabanggit sa panig ng taga-usig ay lubos na nakaapekto sa isinusulong na kaso ng biktima. 


Sapagkat, hindi lubos na napatunayan nang mayroong moral na katiyakan ang positibong pagkakakilanlan ng salarin, minarapat ng CA na ipawalang-sala ang ama ni AAA. 


Maaaring ihalintulad sa hukay ang lagim na pinagdaanan ni AAA. Subalit naisin man ng CA na bigyan siya ng hustisya para sa sinapit niya, hindi umano maaaring ipagkait ang hustisya naman para sa naakusahan kung sadyang ang kanyang kasalanan ay hindi napatunayan. Tungkulin ng panig ng taga-usig na patunayan nang walang pag-aalinlangan ang pagkakakilanlan ng akusado na siya talaga ang gumawa ng krimeng ibinibintang sa kanya. Ito ay bahagi rin ng hustisya bagama’t makasasakit ito sa damdamin ng isang biktima dahil mananatiling laya ang taong sa kanya ay lumapastangan dahil sa kakulangan ng ebidensya. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page