top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 10, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Ang pananakit ng bata ay kailanman hindi magiging tama, lalo na kung ang gumawa nito ay matatanda na dapat sana’y gagabay at kakalinga sa kanila. 


Kung kaya’t mayroon tayong mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata sa anumang uri ng dahas.


Subalit, dapat pakatandaan na hindi sapat na alegasyon lamang ang mayroon laban sa inaakusahan. Kinakailangan din na magkaroon tayo ng matibay at konkretong katibayan upang sila ay lubos na maparusahan. Kung hindi sasapat ang katibayan na isusumite sa hukuman, pagpapawalang-sala ang ipagkakaloob sa akusado. 


Tandaan na hindi lamang ang mga biktima ang mayroong daing; ang mga maling naakusahan din ay humihiling na sila ay dinggin.


Tunghayan natin ang mga pangyayari at kinahinatnan sa kasong People of the Philippines vs. Dario Raon y Aplaca (CA G.R. CR No. 46733, January 16, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Germano Francisco D. Legaspi (2nd Division), upang ating higit na maunawaan na ang batas ay kikiling lamang sa katarungan.


Si Dario ay napagbintangan na nang-aabuso ng isang bata na si AAA, dahilan upang siya ay maharap sa kasong paglabag sa Section 10(a), Article VI, ng Republic Act (R.A.) No. 7610 in relation to Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 8369.


Batay sa bersyon ng tagausig, Oktubre 23, 2008, bandang alas-7 ng umaga, narinig umano ni AAA na noon ay 16-anyos na sumisigaw si Dario at pinagbabantaan ang kanyang ama na si BBB na pasasabugin ang kanilang bahay. Dahil dito, inutusan umano ni BBB si AAA na humingi ng tulong sa pulis. 


Nang papunta na diumano si AAA sa himpilan ng pulis ay nakasalubong niya si Dario.


Nanlilisik umano ang mga mata ni Dario, bagay na kinatakutan ni AAA. Dinuru-duro diumano siya ni Dario, inambaan at pasigaw na sinabing, “Saan ka pupunta tatawag ka ng pulis? Sige, tumawag ka ng pulis. pagpapatayin ko kayo, pasasabugin ko ang bahay n’yo.


Magaling na ang isang paa ng papa mo ‘yung isa naman ang pipilayin ko. Hindi kayo aabutin ng Pasko!”


Ayon kay BBB, sinampahan niya umano ng reklamo si Dario matapos na baliin nito at nang ilan pang kasama nito ang kanyang binti at wasakin ang kanyang bahay, sa hindi niya malamang dahilan, noong Hunyo 29, 2008. Dahil umano sa alitang iyon, ginugulo na ni Dario ang pamilya ni BBB.  Matapos ang insidente ng pananakot kay AAA, napilitan umanong lumipat ng tirahan ang pamilya ni BBB.


“Not guilty” naman ang naging pagsamo ni Dario. 


Ayon sa kanya, noong umaga ng Oktubre 23, 2008 ay pinuntahan niya si BBB at kinompronta ukol sa kasong physical injuries na isinampa nito laban sa kanya. Sinagot umano siya ni BBB na sa hukuman na lamang sila magkita. 


Nang lumabas umano ang anak na lalaki ni BBB, pinagsabihan na rin ito ni Dario ukol sa paggamit nito ng pellet gun at ang pagtatakbuhan sa tapat ng kanilang bahay. 

Hinila na lamang umano si Dario ni Mercy na kanyang asawa dahil tila walang mangyayari sa kanilang paghaharap. Subalit sinabihan pa umano siya ni BBB, “Huwag ka papasok sa bakuran namin dahil sasabog ka.”


Matapos ang pagdinig sa Regional Trial Court (RTC), binabaan si Dario ng hatol na pagkakakulong. Siya rin ay pinagbabayad ng fine na P20,000.

Paniwalang mali ang ibinabang hatol sa kanya, agad na naghain si Dario ng apela sa Court of Appeals (CA). Iginiit niyang hindi napatunayan ng tagausig ng lampas sa makatuwirang pagdududa ang kanyang pagkakasala.


Muling siniyasat at pinag-aralan ang parehong panig sa kasong ito. Bagaman kinilala ng CA ang kredibilidad ng batang saksi at hindi rin binigyan ng timbang ang pagtanggi at pagdadahilan ni Dario, siya ay kinatigan at pinawalang-sala ng appellate court.


Ipinaliwanag ng CA na mayroong apat na akto na pinarurusahan sa ilalim ng probisyon ng Section 10(a), Article VI, ng R.A. No. 7610, ito ay ang mga sumusunod: 

  1.  child abuse,

  2.  child cruelty

  3.  child exploitation, at 

  4.  being responsible for conditions prejudicial to the child’s development


Diumano sa kasong inihain laban kay Dario, hindi sumapat ang ebidensya na isinumite ng tagausig upang mapatunayan ang kanyang pagkakasala sa nabanggit na probisyon ng batas.Ayon din sa CA, ang “child abuse” sa ilalim ng Section 3(b) ng R.A. No. 7610 ay tumutukoy sa mga gawa o salita na maaaring magdulot ng pagbaba o kapinsalaan ng pansariling halaga o dignidad ng isang bata bilang isang tao.


Gayunman, binigyang-diin ng hukuman na hindi lamang alegasyon na mayroong intensyon ang inakusahan na pababain o pinsalain ang pansariling halaga o dignidad ng batang biktima ang kailangan. Bagkus, dapat ay mayroon ding katibayan na ang inirereklamong akto ng inakusahan ay siyang nagdulot ng naturang kapinsalaan sa biktima. 


Sapagkat, hindi umano napatunayan ng tagausig na ang akto at binitawang salita ni Dario ay ginawa nito para yurakan o pinsalain ang halaga o dignidad ni AAA, minarapat nilang baligtarin at isang-tabi ang naunang desisyon ng RTC at siya ay ipawalang-sala sa krimen na ibinintang laban sa kanya. Batay sa desisyon ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Legaspi:


“However, it is not merely the presence or absence of a specific intent to debase, degrade, and demean the child which determines whether an act would fall under Republic Act No. 7610. It is only when the Information alleges a specific intent, or when the provision of law demands it, must the prosecution prove its existence. A cursory review of the Information in the instant case reveals no allegation that the accused-appellant's act debased, degraded, or demeaned the intrinsic worth and dignity of AAA as a human being.”

Enero 16, 2024, nang maging pinal ang nasabing desisyon, batay na rin sa Entry of Judgment mula sa naturang hukuman.


Ang kasong ito ay isa muling paalala na parehong biktima at inakusahan ang sumisigaw ng hustisya. 


Kung kaya’t sadyang napakahalaga ng tungkulin ng ating mga hukuman ang masinsinang pag-aaral sa bawat aspeto ng kaso at masusing pagsasaalang-alang sa bawat letra ng batas upang sa huli ay kanilang maihatid ang tunay na katarungan. 


Ang tunay na katarungan ay ang pagkakatimbang nang maigi ng mga ebidensyang inihain sa hukuman at tamang parusa ang maipataw na sang-ayon sa isinasaad ng batas. 


Sa magkatulad na bigat ng pagpapahalaga sa biktima at akusado, sa magkaparehong malasakit sa kanilang mga kaso – sa ganitong paraan, mababawasan ang pagdaing ng mga apektadong partido.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Abril 27, 2024


ANG bawat kaso ay mayroong dalawang panig, panig na mayroong kani-kanilang alegasyon at bersyon ng pangyayari. Sadyang mahirap manimbang, lalo na kung personal na paniniwala at damdamin ang paiiralin. 


Kung kaya’t napakahalaga na may patas na hukuman upang bumalanse sa pagitan ng nag-aakusa at inakusahan. Nakakabawas ito sa malaking bilang ng mga kaso na nagiging sanhi ng pagdaing ng mga taong apektado nito – silang nasa mundo pa ng mga buhay at silang naroroon na sa hukay. 


Ating tunghayan ang legal na kinahinatnan ng parehong panig na nag-akusang itago na lang natin sa “AAA” at ang inakusahang itago na lang natin sa “XXX,” hango ito sa isa na namang kaso na hawak ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. XXX (CA-G.R. CR No. 47947, February 6, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Perpetua Susana T. Atal-Pano. Nawa’y makapulot tayo ng aral sa mga naging basehan ng desisyon ng hukuman.


Si XXX ay naharap sa kasong Acts of Lasciviousness na paglabag sa Article 336 ng ating Revised Penal Code (RPC), as amended, in relation to Section 5 (b), Article III ng Republic Act No. 7610 (RA 7610) o mas kilala bilang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act”.


Batay sa testimonya na naisinumite ng tagausig sa hukuman, maghahating-gabi noong Oktubre 17, 2021, natutulog umano sa sala ng kanilang bahay si AAA na kasalukuyang 8-anyos pa lamang. Nakaramdam umano siya na mayroong humawak sa tagiliran ng kanyang tiyan, kung kaya’t napasigaw siya. 


Si XXX umano ang kanyang nakita, na noon ay amoy alak din. Agad na pinuntahan si AAA ng kanyang lola, at nakita si XXX na nasa pintuang tumalilis. Dahil umano rito, agad silang nagtungo sa barangay hall upang magpatulong, at kalaunan nga ay nadampot si XXX.


Ayon kay AAA, hindi umano nakatira sa kanila si XXX ngunit kilala at tinatawag pa niya itong “kuya”. 


Ayon naman sa testimonya ng kanyang lola, nakilala niya na si XXX na kanyang nakita palabas ng kanilang bahay sa tulong ng mga ilaw sa kalsada. Kilala rin niya si XXX dahil kinupkop nila ito nang halos limang taon. Mula noong 16-anyos pa lamang ito, pero, may 8 years na rin umano natigil ang kanilang ugnayan, mula nang makulong si XXX dahil sa pagnanakaw. Isang linggo bago umano ang insidente, pumunta pa si XXX sa kanilang bahay ngunit hindi na umano nila pinayagan na tumira ito sa kanila dahil sa kinasangkutang gulo nito. Gayunman, pinapagamit pa rin nila ang kanilang palikuran upang makaligo at makapaglaba pa rin ito habang ang naging tulugan ni XXX ay ang basketball court.


Bagaman hindi personal na nakita ng lola ni AAA ang akto ng panghihipo o nanggaling si XXX sa kanilang sala dahil siya noon ay nasa kanyang silid, ang pinagbatayan umano niya ay ang sinabi ni AAA na ginawang panghihipo nito sa kanya.


Maliban sa sinumpaang salaysay ni AAA at ng kanyang lola, isinumite ng tagausig bilang ebidensya ang sinumpaang salaysay ng nanay ni AAA, magkasanib na sinumpaang salaysay ng dalawang barangay tanod na tumugon sa hininging tulong matapos ang insidente, Birth Certificate ni AAA, Spot Report at Blotter Report.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni XXX. Ayon sa kanyang testimonya, bandang alas-11:15 ng gabi noong petsa na nabanggit ay kasama niya umano ang kanyang apat na kaibigan. Sila umano ay kumakain sa palengke at matapos ang kanilang pagkain ay nagtungo na sila sa barangay hall. Nagulat na lamang umano siya nang pinapasama na siya ng dalawang barangay tanod dahil umano sa reklamong panghihipo laban sa kanya. 


Sa kanyang pagpapatuloy ng kanyang testimonya, inilahad ni XXX na hindi niya magagawa ang ibinibintang laban sa kanya sapagkat malapit siya sa ilang kaanak ng biktima, isa na rito ang lola ni AAA. 


Ang hula umano ni XXX, pinaparatangan siya para tuluyan na siyang mawalan ng ugnayan sa nasabing pamilya.


Pinabulaanan din ni XXX na siya ay kinupkop ng pamilya ni AAA. Tumira lamang diumano siya nang wala pang isang buwan sa bahay ng mga ito dahil kinuha siya ng lolo ni AAA bilang manggagawa sa bukohan. 


Bumalik umano siya sa kanyang pamilya noong Setyembre 2021 at doon tumira hanggang bago siya maaresto. Nagtungo lamang umano siya muli sa bahay ng lolo ng biktima dahil sa trabaho na inialok umano sa kanya, pero hindi rin umano natuloy. Gayunman, nagtinda-tinda siya ng mga gulay at sa basketball court siya natutulog dahil pinayagan umano siya na roon na lang matulog.


Hatol na conviction ang ibinaba ng Regional Trial Court (RTC) kay XXX, na agad naman niyang inapela sa Court of Appeals (CA). 


Iginiit ni XXX na hindi napatunayan ng tagausig ang lampas sa makatuwirang pagdududa ng mga elementong ibinibintang sa kanya.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni XXX, nakumbinsi ang CA na nagkulang nga ang tagausig sa pagpapatunay ng bintang nito laban sa inakusahan.


Batay sa ipinalabas na desisyon ng CA na naging pinal na, bagaman napatunayan ng tagausig ang murang edad ng biktima na isa sa mga elemento ng krimen, hindi naman umano napatunayan ang ibang elemento na hinihingi ng batas. Ipinaalala ng appellate court sa apelang ito ang mga elemento ng Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng RPC, as amended, in relation to Section 5 (b), Article III ng Republic Act No. 7610 (RA 7610), na sumusunod: 


(1) The accused commits the act of sexual intercourse or lascivious conduct;


(2) The said act is performed with a child exploited in prostitution or subjected to other sexual abuse; and


(3) The child, whether male or female, is below 18 years of age.


Karagdagang paalala rin ng CA sa mga elemento ng Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng RPC, na nakasaad sa ibaba:  


(1) That the offender commits any act of lasciviousness or lewdness;


(2) That it is done under any of the following circumstances: 


a) Through force, threat or intimidation;

b) When the offended party is deprived of reason or otherwise unconscious;

c) By means of fraudulent machination or grave abuse of authority;

d) When the offended party is under twelve (12) years of age or is demented, even though none of the circumstances mentioned above be present; and


(3) That the offended party is another person of either sex.


Para sa CA, ipagpalagay man umano na hindi nga nagpabagu-bago ng salaysay ang biktima na siya ay hinawakan ni XXX, hindi naman umano napatunayan ang mahalay na akto o pag-uugali o lascivious conduct ng inakusahan alinsunod sa hinihingi ng batas. Paliwanag ng hukuman, sa panulat ni Honorable Associate Justice Atal-Pano ng 6th Division:


“The prosecution failed to prove that accused-appellant engaged in lascivious conduct, which is defined as "the intentional touching, either directly or through clothing, of the genitalia, anus, groin, breast, inner thigh, or buttocks, or the introduction of any object into the genitalia, anus, or mouth, of any person, whether of the same or opposite sex, with an intent to abuse, humiliate, harass, degrade, or arouse or gratify the sexual desire of any person, bestiality, masturbation, lascivious exhibition of the genitals or pubic area of a person.”


Naging kapuna-puna rin sa CA na batay mismo sa testimonya ng biktima, hindi nagtagumpay ang inakusahan na ipasok ang kanyang kamay sa loob ng shorts nito sapagkat agad umano itong sumigaw nang maramdaman na mayroong humawak sa kanyang tagiliran. 


Para sa CA, nagdagdag na umano ng detalye ang tagausig nang ipagpalagay nito na hinipuan ang biktima, gayung hindi naman natuloy na maipasok ng ang kamay nito sa shorts.


Ayon din sa desisyon ng appellate court, hindi maituturing na si AAA ay “child exploited in prostitution or subjected to other sexual abuse,” sapagkat hindi umano napatunayan na gumawa si XXX ng mahalay na akto kay AAA, o na may pamimilit siyang ginawa sa biktima.


Bagaman hindi umano isinasang-tabi ng CA na ang paghawak sa tagiliran ng biktima ay hindi katanggap-tanggap, subalit kung ito lamang umano ang pagbabatayan at wala ang ibang mga elemento ng krimen, hindi umano maaaring patawan ng kaparusahan ang inakusahan.


At, dahil nga hindi napatunayan ng tagausig na ginawa ni XXX ang lahat ng mga elemento ng krimen nang lampas sa makatuwirang pagdududa o beyond reasonable doubt, nararapat lamang umano na siya ay mapawalang-sala.


Ang kasong ito ay isang patunay at muling paalala na batas at batas pa rin ang iiral at mangunguna. Maaaring hindi kaaya-aya ang isang gawain sa mata ng ordinaryong mamamayan o mali ito batay sa ating personal na paniniwala. Subalit kung ito ay hindi maituturing na krimen dahil kulang ang mga elemento alinsunod sa hinihingi ng batas, pagpapawalang-sala pa rin sa akusado ang magiging pagwawakas.


Kung kaya’t sa mga taong mayroong kinakaharap na kasong kriminal, na malinis ang konsensya sapagkat sadyang sila ay hindi lumabag sa batas, huwag mawalan ng pag-asa at pananampalataya. Maaaring sa kasalukuyan ay hirap ang inyong dinaranas na tila kayo ay inilibing na at wala nang naghihintay na bukas. Subalit umasa pa rin kayo na makikita ng hukuman ang katotohanan, magtiwala na kalayaan ang naghihintay sa inyong kinabukasan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Abril 19, 2024

Pagpapalaya ang nakamit ng naakusahan nang walang balidong search warrant.


Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Marlon Ramos y Hernandez (CA G.R. CR-HC No. 16148, August 29, 2023) na kung saan tayo ay mapapaalalahanan na sadyang batas ang pinapairal ng ating hukuman. Bagaman nahatulan sa mababang hukuman, hindi nawalan ng pag-asa at patuloy pa ring nagtiwala sa tulong ng aming opisina, kung kaya’t kalayaan ng maling naakusahan ay natamasa.


Si Marlon ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o mas kilala bilang "Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002".


Ang pagkakaaresto sa kanya ay bunsod ng naganap na pagsasaliksik sa kanyang bahay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng hukuman.


Ayon sa bersyon ng tagausig, nagtungo ang mga operatiba, si PO2 Ramil, ang naatasang magpatupad ng naturang warrant, sa bahay ni Marlon noong ika-10 ng Oktubre 2018. Matapos na kumatok sa pintuan si PO2 Ramil at nagpakilala bilang pulis, lumabas umano ng bahay si Marlon at ang kanyang mga kasamahan. Ipinakita umano sa kanya ang nasabing warrant at ipinaliwanag ang magaganap na pagsasaliksik.


Ipinaliwanag din diumano kay Marlon na sasaksihan niya ang gagawing pananaliksik.


Nang dumating umano si Brgy. Councilor Romeo, ipinakita ni PO2 Ramil na walang laman ang kanyang mga bulsa, na blangko ang mga forms na gagamitin sa naturang operasyon. Ipinakita rin nito na walang laman ang mga plastic sachet na maaaring gamitin kung sakaling mayroon silang makalap na ebidensya. Matapos iyon, pumasok sa nasabing bahay si PO2 Ramil, kasama sina Brgy. Councilor Romeo at ang kinatawan mula sa media. Wala silang nakita sa sala at likod-bahay, subalit sa silid umano ni Marlon ay mayroon silang nakita na pitaka ng barya na naglalaman ng 7 plastic sachets na may hinihinalang shabu, isang plastic sachet at isang glass tube na may hinihinalang pinatuyong marijuana. Kinumpiska ang mga ito at nang ipasuri, kinumpirma ni PMAJ Herminia, isang forensic chemist, na ang 7 sachets ay naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu at ang isa pang plastic sachet at isang glass tube na nagpositibo naman sa marijuana.


Mariing pagtanggi ang iginiit ni Marlon. Ayon sa salaysay ng kanyang stepdaughter na si Mabelle, nagising sila sa ingay na tila sinusuntok ang kanilang pintuan. Sa kanilang sala ay nakita umano ni Mabelle ang 5 pulis, at ang ilan ay may dalang armas. Lumabas umano sila ng bahay sa utos ng mga nasabing pulis, subalit nakita umano ni Mabelle na mayroong 2 pulis na nanatili sa loob ng kanilang bahay. Si Marlon, ang konsehal ng barangay at ang operatiba ay dumiretso sa silid ni Marlon, kung saan ginawa ang pananaliksik nang mahigit 20 minuto. Sa loob umano ng panahong iyon ay may ilang mga pulis na naglabas-masok sa kanilang bahay, hanggang sa ipinaalam ng isang pulis na mayroong nakitang itim na lalagyan o pouch sa loob ng naturang silid.


Ayon kay Mabelle, siya umano ang naglilinis ng silid at kailanman ay hindi niya nakita ang sinasabing lalagyan.


Pinabulaanan din ni Mabelle ang alegasyon ng tagausig na ipinakita ng mga pulis ang naturang warrant. Iginiit din niyang dumating ang mga pulis sa kanilang bahay nang hindi kasama ang sinasabing konsehal.


Batay naman sa testimonya ni Marlon, galing siya sa palikuran alas-3:50 ng madaling araw nang makarinig siya ng mga sasakyan. Nang sumilip umano siya sa bintana, nakita niya ang isang multi-purpose utility vehicle at sasakyan ng pulis. Makalipas ang ilang minuto, mayroon na sumipa sa kanilang pintuan, dahilan upang ito ay mabuksan.

Pumasok umano ang mga armadong lalaki sa kanilang bahay, tinutukan sila ng baril at sila ay pinahiga habang nakaharap sa sahig.


Matapos noon ay inutusan din silang lumabas ng bahay na agad naman nilang sinunod, habang nasa labas ng bahay, naghalughog ang mga pulis ngunit wala umano silang nakitang ilegal.


Samantala, alas-6:20 ng umaga dumating ang opisyal ng barangay. Pumunta sila sa silid ni Marlon, ngunit wala rin umanong nakitang ilegal doon. Lumabas na sila mula sa naturang silid, ngunit naiwan doon ang imbestigador at isa pang pulis na noon ay kumukuha ng mga litrato.


Bumalik sila Marlon sa kanyang silid at sa puntong ito na umano mayroong nakita na isang itim na pitaka na naglalaman ng mga hinihinalang ipinagbabawal na gamot.


Iginiit din ni Marlon na ipinakita lamang umano sa kanya ang warrant noong minamarkahan na ang sinasabing nakumpiskang ebidensya.


Taliwas sa inaasahan ni Marlon, binabaan siya ng hatol na conviction ng Regional Trial Court (RTC). Agad naman siyang umapela sa Court of Appeals (CA), at sa tulong ng Special and Appealed Cases Service ng aming Tanggapan.


Ang isa sa mga kinuwestyon ni Marlon, sa pamamagitan ng kanyang apela, ay ang kawalan ng ipinatupad na search warrant laban sa kanya. Iginiit ni Marlon na wala umanong ebidensya na sumusuporta sa pagpapalabas ng naturang warrant, alinsunod sa itinakda ng ating Saligang Batas. Bilang suporta sa kanyang posisyon, iginiit ni Marlon ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Ogayon vs. People of the Philippines (G.R. No. 188794, Setyembre 2, 2015, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Arturo D. Brion) na kung saan binigyang-diin ng pinakamataas na hukuman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ebidensya na magtataguyod ng probable cause sa pagpapalabas ng isang warrant.


Matapos ang masinsinang pag-aaral na isinagawa ng CA, ginawaran ng hatol na pagpapawalang-sala si Marlon. Batay sa ipinalabas na desisyon ng appellate court, wala umanong mga partikular na sirkumstansya na nakasaad sa tala ng hukuman na sumusuporta sa pagkakaroon ng probable cause para maipalabas ang nasabing warrant. Kung kaya’t ito ay depektibo at walang bisa.


Bagaman hindi umano agarang nakuwestyon ni Marlon ang validity ng ipinatupad na search warrant laban sa kanya, hindi maisasantabi ng appellate court ang likas na depekto na napuna nila ukol dito.


Ayon sa CA, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Germano Francisco D. Legaspi ng 3rd Division:


“Indeed, as accused-appellant pointed out, the records do not contain the application of the search warrant and the affidavits in support thereof. In addition, the testimonies of the prosecution witnesses were limited to the implementation of the search warrant. In other words, the substantial basis upon which the search warrant is issued could not be ascertained from the records of this case.While a judge’s determination of probable cause in issuing a search warrant will generally be upheld if supported by substantial basis, the existence of such a basis requires proof on record that the issuing judge personally and thoroughly examined the applicant and his witnesses.”


Dahil wala umanong bisa ang naturang warrant, hindi umano maaaring tanggapin ng hukuman ang mga nakumpiskang ebidensya laban kay Marlon. Dahil wala nang ebidensya na maaaring sumuporta sa paghahatol kay Marlon, at wala na rin umanong dahilan upang talakayin pa ang ibang aspeto ng kanyang apela.


Naging final and executory ang nasabing desisyon ng CA, batay na rin sa Entry of Judgment na kanilang ipinalabas. Naglabas din ang CA ng Order of Release para sa pagpapalaya kay Marlon, maliban na lamang kung mayroon pang ibang legal na dahilan upang siya ay patuloy na manatili sa kulungan.


Maraming lumipas na taon at nasayang na mga pagkakataon para kay Marlon. Mga panahon na hindi niya nakasama ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay, mga araw at okasyon na hinarap at idinaos na sila ay hiwa-hiwalay nang dahil sa naisampang kaso laban sa kanya. Ang mga panahong ito ay sadyang hindi na maibabalik, ngunit sa pagkakabasura ng kanyang kaso amin na lamang tinitingnan bilang biyaya pa rin at mabuting kapalaran. Dulot nito ay panibagong pag-asa at pagkakataon ng panibagong yugto sa kanya at kanyang pamilya.


Bagaman hindi namin hawak ang kapalaran ng bawat kliyente na lalapit sa aming Tanggapan, pangako naman namin na patuloy kaming magkakaloob ng legal na paglilingkod upang aming maihatid sa kanila sa abot ng aming makakaya, ang katarungan at hustisy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page