top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 7, 2024




Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Rueda Acosta

Sa tuwing nakakabalita tayo ng mga karumal-dumal na krimen -- madalas ang kasunod nating naiisip o nabibigkas ay ang salitang “hustisya,” na siyang nararapat sa anumang uri ng krimen, pagmamalabis, o kasamaan. 


Gayunman, may mga ilang pagkakataon na sa labis na pagsisigasig na mahanap ang hustisya at agarang solusyon – kawalan ng hustisya o ‘di kaya naman ay panakip butas ang nagiging pagtugon sa halip na tunay na solusyon. 


Sa ganitong pagkakataon, nasasakripisyo ang katarungan sa malalim na kahulugan nito. Hindi sapat na may maidiin lamang, dahil kahit kailan hindi ito hustisyang maituturing. 


Upang maiwasan ang mga ganitong uri ng sitwasyon, dapat patunayan ng estado sa pamamagitan ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng isang akusado nang higit pa sa makatwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt. 


Sa maraming kaso ng Korte Suprema, ito ay nararapat na mapatunayan sa pamamagitan ng lakas ng ebidensiya, at hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga natulungan ng aming tanggapan na mapawalang-sala sa kasong murder na isinampa laban sa kanya kaugnay sa malagim na kamatayan na sinapit ni Paterno, hindi niya tunay na pangalan.


Sa kasong People v. Barrion (CA-G.R. CR-HC No. 14) isinulat ni Hon. Justice Ruben Reynaldo G. Roxas, na may petsang ika-28 ng Pebrero 2022, na siya ring nagkaroon ng Entry of Judgement, napalaya sa mabigat na akusasyon ng pagpaslang ang isa sa ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Benjamin.


Ayon sa bersyon ng tagausig, noong hapon ng ika-15 ng Abril 2011, may dalawang hindi kilalang lalaki ang dumating sa talyer na pagmamay-ari ni Paterno at pinagbabaril siya. 

Si Paterno ay agad na dinala sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklara siyang dead-on-arrival dahil sa 4 na tama ng baril na kanyang natamo.


Kaugnay nito, noong ika-9 ng Setyembre 2011, pormal na sinampahan ng prosekusyon ng kasong murder si Benjamin at ang isa pang ‘di kilalang akusado para sa pagpaslang kay Paterno.


Ayon sa salaysay ni Marlon, hindi niya tunay na pangalan, isa sa mga naging saksi ng prosekusyon patungkol sa oras at lugar ng insidente, may kani-kanyang ginagawa sina Barry at Roel sa talyer nang mapansin niyang may dumating na dalawang lalaki sakay ng isang motor. Bumaba ang mga ito sa motorsiklo, kaya naman agad niya itong nilapitan, ngunit hiniling ng mga ito na makausap ang manager. Dahil dito, tinawag niya si Paterno at bumalik sa kanyang trabaho.


Hinintay ng dalawang lalaki si Paterno na halos tatlong braso ang layo sa kanya. Makalipas ang isang minuto, napansin niyang lumapit si Paterno sa dalawang lalaki at kinausap ang isa, habang ang isa naman ay nasa likuran ni Paterno. 


Ngunit bigla siyang nakarinig ng putok ng baril na nagmula sa direksyon ni Paterno. Ang putok ng baril ay sinundan pa ng kasunod na mga putok, na nagtulak sa kanya upang magtago.


Nang marinig niyang umalis ang dalawang lalaki, agad niyang pinuntahan si Paterno at nakita nila ito na duguan sa sahig. 


Pinagtibay nina Barry at Roel ang karamihan sa testimonya ni Marlon. Samantala, ayon kay Jean, isa pang testigo ng tagausig, nagtungo sila sa himpilan ng pulisya noong ika- 23 ng Mayo 2011, dahil sa nabalitaan nilang isang suspek sa pagpatay kay Paterno. Sa istasyon, itinuro nila ang lalaking inaresto na kinilalang si Benjamin. Ngunit, itinanggi ng akusado na ang akusasyon laban sa kanya. 


Ayon sa kanya, noong araw na siya ay inaresto, siya ay na-flag down dahil sa pagmamaneho ng kanyang motorsiklo nang walang lisensiya. Nang aminin niya ang katotohanang ito, sinabihan siya ng pulis na kailangan siyang makulong sa himpilan ng pulisya.


Kusa siyang sumunod at dinala sa himpilan ng pulisya. Sa hapon ng araw ding iyon, ilang indibidwal ang dumating sa istasyon na nakaturo sa kanya. Noon ay sinabi sa kanya na siya ay inakusahan ng pagbaril sa isang taong nagngangalang Paterno.

Matapos ang paglilitis, nahatulan si Benjamin sa kasong murder o pagpaslang. Kaugnay nito, umapela si Benjamin sa naunang hatol ng hukuman, at hiniling na siya ay mapawalang-sala. Tulad ng ating naunang nabanggit, binaliktad ang naunang hatol na konbiksyon ni Benjamin at tuluyang napawalang-sala. 


Ayon sa hukuman para sa mga apela, dapat mapatunayan ng estado ang pagkakasala ng isang akusado nang higit sa makatwirang pagdududa o proof beyond reasonable doubt sa pamamagitan ng lakas ng ebidensiya, at hindi sa kahinaan ng depensa ng nasasakdal. 


Sa kaso ni Benjamin, ayon sa hukuman para sa mga apela – kahit na paniwalaan natin na mayroong ilang mga saksi, ang kanilang pagkakakilanlan sa mga akusado tulad ni Benjamin bilang isang salarin ay hindi maaasahan dahil nabigo itong matugunan ang tinatawag na totality of circumstances test na itinataguyod ng Korte Suprema batay sa mga naging panuntunan na inilatag ng Korte Suprema ng Estados Unidos:

  1. Pagkakataon ng saksi na tingnan ang kriminal sa oras ng krimen; 

  2. Antas ng atensyon ng saksi sa panahong iyon; 

  3. Ang katumpakan ng anumang naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi;

  4. Ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkakakilanlan; 

  5. Ang haba ng oras sa pagitan ng krimen at pagkakakilanlan; at 

  6. Ang pagiging suhestiyon ng pamamaraan ng pagkilala.


Sa kasong ito, walang paglalarawan sa mga salarin ang ginawa anumang oras bago ang pag-aresto kay Benjamin. Walang naunang paglalarawan, at dahil wala nang iba pang katibayan ng pagkakasala ni Benjamin – ang mababang hukuman ay walang pamantayan upang masukat ang kredibilidad o kawastuhan ng pagkilala sa akusado ng mga nakasaksi diumano sa krimeng naganap.


Ang detalyadong paglalarawan ng mga salarin sa mga sinumpaang salaysay o affidavit ng mga testigo ay hindi maaaring kunin sa halaga kung isasaalang-alang na sila ay nagsagawa ng kanilang mga affidavit dalawang araw pagkatapos nilang makita at makilala si Benjamin sa himpilan ng pulisya. Upang bigyang-diin, ang mas mahalaga ay ang katiyakan sa simula o sa paunang pagkakakilanlan sa akusado, hindi sa isang medyo huli na yugto ng mga paglilitis sa krimen. 


Panghuli, iginiit din ng hukuman para sa mga apela na dahil ang mga sinasabing saksi ay desidido sa paggawa ng kanilang mga gawain o tungkulin sa talyer nang mangyari ang pamamaril, at sila ay nagkaroon lamang ng napakaikling engkuwentro sa mga salarin, kung mayroon man, makatuwirang isipin na walang naunang paglalarawan dahil ang mga saksi ay may ibang ginagawa nang mangyari ang naturang pamamaril.  

Kaya naman kaunting atensiyon lamang ang naibigay sa  mga katangian ng salarin. Nang dahil dito ay walang sapat na paggunita ang mga naging testigo sa mga pisikal na katangian ng salarin.


Samakatuwid, dahil hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang, ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa pagpapawalang-sala sa kanya – alinsunod sa pagpapalagay na inosente ang akusado maliban lamang kung mapatunayan ang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.


Sa kuwentong ating ibinahagi na hango mula sa tunay na pangyayari, daing pa rin ng pamilya ni Paterno ang malagim na sinapit nito. Gayunman, ang aral na dulot ng ating kuwento ay sinasabi na hindi isang dahilan ang nabanggit na kalagiman na sinapit upang laktawan at ipagwalang-bahala na ang mga rekisito upang mapatunayan ang konbiksyon. 


Kapag hindi ito napatunayan, ang daing ay hindi na lamang sa naturang biktima, bagkus, pati na rin  sa magiging biktima sa pagkakadawit sa isang krimen na hindi naman napatunayan katulad ni Benjamin. 


Ang kawalan ng katarungan sa magkabilang panig ay nagiging sanhi ng pagdaing. Ang tunay na tinig ng hustisya ay dinggin, nang walang masakripisyo, lalo na ang nadawit lamang sa isang kaso.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 31, 2024

Ang aming ibabahagi sa araw na ito ay isang kaso na hawak ng aming tanggapan, ang People of the Philippines vs. Don Don Arazo y Bueser (CA-G.R. CR HC No. 16253), sa panulat ni Honorable Associate Justice Nina G. Antonio-Valenzuela ng Tenth Division ng Court of Appeals.


Ito ay tungkol sa kasong murder na paglabag sa Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code at kalaunang pagpapawalang-sala sa inakusahan dahil sa kakulangan ng ebidensiya ng panig ng tagausig kaugnay sa kaduda-dudang pagkilala sa akusado na si Don Don bilang may akda ng krimen.


Binigyang-diin sa kasong ito ang kahalagahan ng malinaw na pagtukoy sa may akda ng krimen na bagaman napatunayan ng tagausig ang lahat ng elemento ng krimen, hindi pa rin ito makapagbaba ng hatol na pagkakasala laban sa akusado.


Gayundin mahalagang mapatunayan muna ang kredibilidad ng mga saksi kaugnay sa pagtukoy o pagkilala sa akusado, bago gamitin ng korte ang panuntunan na ang positibong pagtukoy sa may akda ng krimen ay mananaig sa depensa ng alibi o pagdadahilan.


Kaya naman kung mayroong kaunting pagdududa hinggil sa pagkakasala ng akusado, ang korte ay hahatol ng pagpapalaya. Napakahalaga ng papel ng Tanggapan ng Manananggol Pambayan upang ipaglaban ang karapatan ng mga naaapi at napagbibintangan lamang.


Ang marubdob na daing sa kauhawan ng hustisya ay napawi nang ito ay mapagtagumpayan pabor sa inakusahan.


Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, noong ika-27 ng Enero 2015, alas-3:52 ng hapon, sa Brgy. Subic Ibaba, Agoncillo, Batangas, pinagbabaril diumano ng akusado ang isang pulis na si PO1 Niño, gamit ang isang hindi rehistradong baril na humantong sa kanyang pagkamatay.


Kasama diumano ng akusado ang isang hindi pa nakikilalang tao na noon ay nagmamaneho ng motorsiklo kung saan lulan ang akusado. Noong mangyari ang insidente, si PO1 Niño ay siyang nagmamaneho ng isang Ford Ranger. Ang kanang bahagi nito diumano ay unang pinaulanan ng bala ng akusado na siya diumanong backrider ng motorsiklo. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang Ford Ranger at ito ay bumangga sa tricycle kung saan lulan naman si Jocelyn, isa sa mga saksi ng tagausig, sa may bandang sidecar nito.


Siya ay tumalon palabas ng sidecar ng tricycle. Mga pitong metro ang layo niya noon nang makita niyang bumaba ang backrider ng motorsiklo at muling pinagbabaril ang driver seat door ng Ford Ranger, binuksan ang driver seat door, kinuha ang sling bag, at patuloy na pinagbabaril ang drayber na kalaunan ay nakilala ngang si PO1 Niño. Ang nasabing backrider diumano ay “matangkad, payat, at medyo maputi.”


Ayon pa sa bersyon ng tagausig, si Roman, isa pa sa nakasaksi sa insidente. Si Roman diumano ay naglalaro ng “tong-its” sa gilid ng daan at nasa tatlo hanggang apat na talampakan ang layo niya mula sa pinangyarihan ng insidente. Si Roman diumano ay tinutukan ng baril ng backrider ng motorsiklo kaya siya ay yumuko sa sahig.


Pagkatapos ay tumakas na ang backrider at drayber lulan ng nasabing motorsiklo.


Para naman sa depensa, ang tumayong mga saksi nito ay ang akusado, at ang mga kapitbahay nitong sina Juliefe at Eduardo.


Ayon sa ebidensiya na inihain ng depensa, ang akusado na si Don Don ay nasa kanyang tirahan sa San Pablo, Laguna nang mangyari ang insidente noong ika-27 ng Enero 2015.

Ayon kay Juliefe, nakita niya si Don Don na nasa kanyang tirahan noong ika-24 ng Enero 2015 mula alas-11 ng umaga hanggang alas-4:45 ng hapon.


Ayon naman kay Eduardo, hindi umalis si Don Don sa kanyang tirahan mula ika-24 ng Enero 2015 hanggang ika-26 ng Enero 2015.


Batid naman ni Don Don na hindi siya ang pumatay sa biktima na si PO1 Niño kundi ang kanyang pinsan na si Ruel.


Noong ika-18 ng Nobyembre 2021, nagbaba ng desisyon ang Regional Trial Court (RTC) na may sala umano si Don Don sa kasong murder.


Ayon sa RTC, napatunayan diumano ng tagausig ang lahat ng elemento para sa kasong murder, na si PO1 Niño ay napatay; at ang mga saksi na sina Jocelyn at Roman ay positibong kinilala si Don Don bilang pumatay kay PO1 Niño, na napatunayan ng tagausig na may treachery dahil si PO1 Niño ay inatake o binaril habang nagmamaneho. Kaya siya ay napagkaitang ipagtanggol ang kanyang sarili.


Ang depensa ni Don Don na denial at alibi ay hindi sapat laban sa positibong pagkilala ng mga saksi ng tagausig na siya ang salarin, at ang bigo nitong pagpapatunay na ang pisikal nitong presensya sa lugar ng insidente noong araw at oras na nabanggit ay imposible na hindi napatunayan ni Don Don na ang pinsan nito na si Ruel ang pumatay sa biktima.


Dahil hindi sang-ayon si Don Don sa nasabing desisyon ng RTC, naghain siya ng apela sa Court of Appeals (CA).


Iginiit niya na labis na nagkamali ang RTC sa desisyon nito dahil hindi nailagay sa information ng kaso ang mga pangyayari na magpapatunay sa qualifying circumstance na treachery; na hindi na napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng assailant o taong bumaril kay PO1 Niño, dahil hindi tugma at hindi kapani-paniwala ang mga testimonya ng mga saksi ng tagausig; at na hindi kinatigan ang depensa na denial ng akusado.


Sa muling pag-aaral ng CA sa kaso ni Don Don, ipinahayag ng appellate court na nagkamali ang RTC nang hinatulan nitong nagkasala si Don Don sa kasong murder sa ilalim ng Artikulo 248 ng ating Revised Penal Code, as amended.


Binigyang diin ng CA na sa pagsang-ayon o pagbaliktad sa hatol na pagkakasala ay kailangang bigyan pansin ang mga sumusunod: 1) ang pagkilala o pagtukoy sa akusado bilang salarin (base sa kredibilidad ng mga saksi ng tagausig na kumilala sa akusado); at 2) lahat ng elemento ng krimen ay napatunayan ng tagausig. Ito ay dahil maaaring mapatunayan ng tagausig ang lahat ng elemento ng krimen subalit hindi makapagbaba ng hatol na pagkakasala ang korte base sa kaduda-dudang pagkilala o doubtful identification.


Sa kasong ito, ang RTC ay umasa sa out-of-court identifications ng akusadong si Don Don ng mga saksi ng tagausig na sina Jocelyn at Roman, noong ika-6 ng Oktubre 2015 at noong ika-22 ng Oktubre 2015.


Ayon sa CA, upang kilalanin ang admissibility at bigyang pansin o umasa sa out-of-court identification ng mga suspek, ginamit ng mga korte ang Totality of Circumstances Test na ibinibilang ang mga sumusunod hinggil sa admissibility ng out-of-court identifications:


1) ang pagkakataon ng saksi na makita ang kriminal sa oras ng krimen;


2) ang degree ng atensyon ng saksi sa panahong iyon;


3) ang accuracy o katumpakan ng kahit ano’ng naunang pagsasalarawan na ibinigay ng saksi;


4) ang level ng certainty o katiyakan na ipinamalas ng saksi sa pagkilala o pagtukoy ;


5) ang haba ng panahon sa pagitan ng krimen at pagkilala o pagtukoy; at,


6) ang suggestiveness o pagmumungkahi ng paraan ng pagkilala o pagtukoy (identification procedure).


Para sa CA, ang pagtukoy nina Jocelyn at Roman kay Don Don bilang gunman ay hindi reliable sa ilalim ng Totality of Circumstances Test. Hindi napatunayan ng tagausig ang mga nabanggit sa numero 3, 5, at 6.


Hinggil sa bilang 3, mali at hindi tugma ang naging salaysay nina Jocelyn at Roman hinggil sa naunang pagsasalarawan nila sa gunman.


Hindi naging tugma ang pagsasalarawan ni Roman hinggil sa “kayumangging" kutis ng gunman sa salaysay ni Jocelyn, na nakalagay din sa Arrest Booking Sheet Blotter, na ang gunman ay “medyo maputi”.


Hindi rin naging tugma ang Computerized Facial Composites mula sa ibinigay ng mga saksi ng Tagausig sa Booking Mug Shot Blotter Entry ni Don Don. Dahil dito, hindi kinatigan ng CA ang pagsasalarawang ibinigay nina Jocelyn at Roman.


Hinggil sa bilang 5, may siyam na buwang pagitan ang petsa ng insidente (27 Enero 2015) sa sumunod na out-of-court identifications nina Jocelyn at Roman (ituro nila si Don Don bilang gunman sa Police Station noong 6 Oktubre 2015) at pagtukoy sa gunman na nasa litrato bilang si Don Don (22 Oktubre 2015).


Dahil sa pagdaan ng matagal na panahon at kahinaan ng utak na makaalala ay doubtful o kaduda-duda ang pagtukoy nina Jocelyn at Roman kay Don Don bilang may akda ng nasabing krimen.


Hinggil sa bilang 6, sinabi ng CA na may malakas na suggestion mula sa kapulisan hinggil sa paraan ng pagtukoy o pagkilala sa salarin.


Sa kasong ito, matapos ang siyam na buwan mula nang mangyari ang insidente, nilapitan at sinabihan ng kapulisan sina Jocelyn at Roman na kanilang naaresto ang isang tao na diumano ay umaming pumatay sa isang pulis.


Mag-isa ring ipinrisinta si Don Don sa mga saksi. Tanging litrato lang ni Don Don ang ipinakita kina Jocelyn at Roman upang kilalanin kung ito ba ang gunman.


Kaugnay sa dalawang out-of-court identifications na ito ay sinabi ng CA na mga ito ay inadmissible bilang ebidensiya. Dagdag pa ng CA, mahalagang mapatunayan muna ang kredibilidad ng mga saksi kaugnay sa pagtukoy o pagkilala sa akusado bilang may akda ng krimen bago gamitin ng korte ang panuntunang ang positibong pagtukoy sa may akda ng krimen ay mananaig sa depensa ng alibi o pagdadahilan.


Ang nasabing Desisyon ng CA ay naging final and executory noong 30 July 2024 o ang araw kung kailan ibinaba ng CA ang hatol at ipag-utos nila ang kagyat na paglaya ni Don Don mula sa pagkakapiit.


Tungkulin ng korte na alamin ang katotohanan base sa mga ebidensiyang naipinrisinta lalo na ang mga inihain ng nasasakdal. Kung may kaunting pagdududa lalo na rin sa kredibilidad ng mga saksi na tukuyin ang may akda ng krimen, gaano man kaliit ang pagdududang ito, pipiliin ng korte na magbaba ng hatol na pagpapawalang-sala sa nasasakdal.


Patas ang batas at walang kinikilingan. Nararapat lamang na mapalaya mula sa naghihikahos na pagdaing ang inosente o ang isang taong sa krimen na wala naman siyang kinalaman.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 24, 2024

Ang krimeng murder at homicide ay kapwa mga krimen na may kaugnayan sa pamamaslang. Gayunman, ang dalawa ay magkaiba at ang isa sa bantog na diperensiya ay ang pananaw na mas mabigat na krimen ang murder kaysa sa homicide, dahil bukod sa mas mataas ang kaparusahan na ipinapataw ng batas sa krimeng murder – itinuturing din na mas nakaririmarim ang krimeng murder dahil sa pamamaraan ng pagpatay sa biktima.


Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga kaso na nahawakan ng aming tanggapan. Kung saan ang hustisya ay masasabing nakamtan ng magkabilang panig ng biktima at akusado, sa pamamagitan ng tiyak na kaparusahan.


Bilang pagbabahagi, noong ika-14 ng Pebrero 2024, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa kasong People v. Babiera ang hatol sa dalawang kasong murder na isinampa laban sa kliyente ng aming tanggapan na itago na lamang natin sa pangalan na Fernand.


Sa kasong ito, bagaman napanatili ang naging hatol na konbiksyon ng mababang hukuman kay Fernand, ito naman ay naipababa mula sa mas mabigat na kasong murder tungo sa kasong homicide na may mas mababang kaparusahan at mas mababang kaakibat na mga danyos.


Sa dalawang magkahiwalay na akusasyon, sinampahan ng tagausig si Fernand sa pagpaslang sa dalawang biktima na itatago na lamang sa mga pangalan na Abet at Balbi.


Ayon sa bersyon ng panig ng prosekusyon, noong ika-8 ng Marso 2016, nagkaroon ng salu-salo sa tahanan ni Ramon, hindi niya tunay na pangalan, upang ipagdiwang ang kaarawan ng anak nito. Dinaluhan ito ni Fernand, Abet, at Balbi na tumagal mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.


Ayon sa testimonya ng isa pang dumalo sa salu-salo na si Tess, hindi rin niya tunay na pangalan, matapos siyang makauwi mula sa nasabing pagdiriwang ay muli siyang lumabas para hanapin ang kanyang asawa, at naisip niyang bumalik sa tahanan ni Ramon. Siya ay nagbabakasakali na naroon ito. Habang siya ay naglalakad sa kanto, nakarinig siya ng ingay at sigaw mula sa isang tricycle na pitong talampakan ang layo mula sa kanya.


Sa puntong iyon, nakita niya si Fernand na may hawak na patalim na akmang sasaksakin ang dalawang tao. Mabilis na tumakbo si Tess papunta sa bahay ni Ramon at inilahad nito ang kanyang nasaksihan sa isang barangay tanod.


Nang bumalik sila sa tricycle kasama na ang nasabing barangay tanod, bumungad sa mga mata nila ang duguan na sina Abet at Balbi na nasawi bago pa man makarating sa pagamutan.


Ayon naman sa bersyon ng nasasakdal na si Fernand, siya ay umakto lamang upang ipagtanggol ang kanyang sarili mula sa dalawa na sina Abet at Balbi.


Aniya, matapos ang nasabing pagdiriwang, kung saan kapwa sila mga nakainom, hinarang siya ng dalawa at pinagbubugbog.


Bukod pa rito, may hawak din aniya na mga patalim sina Abet at Balbi na siyang nakuha at nagamit niya upang ipagtanggol ang kanyang sarili.


Matapos ang paglilitis, hinatulan si Fernand ng Regional Trial Court (RTC) sa mga ikinaso sa kanyang dalawang bilang ng pagpaslang.


Ang hatol na ito ay kinumpirma ng hukuman ng mga apela o Court of Appeals. Dahil dito, inakyat ni Fernand ang kaso sa Kataas-taasang Hukuman.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa halip na murder na may kaparusahan na reclusion perpetua, bumaba sa homicide na may kaparusahan na reclusion temporal ang naging pinal na hatol kay Fernand.


Bukod pa rito, mula sa P75,000.00 civil indemnity, P75,000.00 moral damages, P75,000.00 exemplary damages, at P50,000.00 temperate damages sa bawat biktima – napababa ito sa P50,000.00 civil indemnity, P50,000.00 moral damages, at P50,000.00 temperate damages.


Sa paglalahad ng desisyon ng Korte Suprema, aniya ay hindi napatunayan ng panig ng tagausig ang treachery na siyang mahalagang rekisito upang maging murder ang isang pagpaslang. Aniya, ang esensiya ng treachery ay ang mabilis at hindi inaasahang pag-atake sa hindi armadong biktima nang walang kaunting probokasyon sa bahagi ng biktima.


Ang dalawang rekisito ng treachery na: (1) na sa oras ng pag-atake, ang biktima ay wala sa posisyon upang ipagtanggol ang kanyang sarili; at (2) na sinasadya ng nagkasala ang partikular na paraan ng pag-atake na ginamit niya, ay parehong hindi napatunayan sa kasong ito.


Sa kaso ni Fernand, hindi napatunayan ng panig ng tagausig ang mga nabanggit na rekisito ng treachery na siyang uri o pamamaraan ng pagpaslang.


Sa salaysay mismo ng testigo ng tagausig na si Tess, bukod sa hindi niya nasaksihan kung paano nagsimula ang naging alterkasyon, malinaw rin sa magkabilang-panig na may naganap na pagsasalo at inuman na may alitan kung saan kapwa naroon ang mga biktima at ang nasasakdal.


Patuloy na pinaninindigan ng Korte Suprema na ang mga pagkakataong makatagpo, salpok na pagpatay o mga krimeng ginawa nang biglaan “chance encounters” o naunahan ng mainit na alitan ay karaniwang hindi dinadaluhan ng treachery dahil sa kawalan ng pagkakataon ng akusado na sadyang gumamit ng treachery o traydor na paraan ng atake.


Sa kabuuan, malinaw sa ating naibahaging kaso at kuwento na hustisya ay nakamtan ng magkabilang-panig. para sa mga yumaong biktima, habang tama at hindi labis na kaparusahan lamang para sa nasasakdal sa pamamagitan ng tumpak na pagsusuri sa tunay na nangyari at mga ebidensiya.


Ang pagkamit ng hustisya ay hindi lamang sa pagpataw ng kaparusahan para sa isang krimen, kundi ang pag-aaral ng mga sirkumstansyang nakapaloob sa bawat kasong inihain sa hukuman.


Ang tiyak na pananagutan at kaparusahan ay bahagi ng hustisya at ito ang naipakita ng kasong ating ibinahagi.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page