top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 15, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #345


Maaari bang maitaguyod ang konbiksyon ng isang akusado kung siya ay hinatulan sa isang uri ng krimen na naiiba sa isinampa laban sa kanya? 


Sa madaling salita, kung ang isinampang kaso ay aniya para sa krimeng death caused in a tumultuous affray, maaari bang ang konbiksyon ay para sa krimeng homicide?


Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng Hukuman para sa mga apela, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Banua, et al. (CA-G.R. CR No. 45183, Marso 24, 2022) sa panulat ni Honorable Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Carlo”, kasama ang kanyang kapwa mga akusado, na pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng kamatayan na sanhi sa isang magulong awayan, o death caused in a tumultuous affray na tinutukoy at pinaparusahan ng batas alinsunod sa Artikulo 251 ng Act No. 3815, o mas kilala sa tawag na “Revised Penal Code”.


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig. 


Sa buod ng mga testigo ng tagausig, noong ika-10 ng Nobyembre 2016, bandang alas-9:00 ng gabi, si Migs, hindi niya tunay na pangalan, ay nagtungo sa isang mataas na paaralan sa loob ng kanilang lokalidad upang dumalo sa isang sayawan na dinaluhan ng kanilang mga kabarangay. 


Bandang alas-10:00 ng gabi,  nagkaroon ng kaguluhan, kung saan nakita si Migs na nakahandusay sa sahig. 


Ayon sa salaysay ng mga saksi, nagkaroon ng mainit na pagtatalo si Migs kila Carlo at ang mga kasama nito patungkol sa isyu ng upuan. 


Kasunod ng nasabing pagtatalo, may nakakita aniya kay Carlo na may hawak na isang bato na ipinamalo kay Migs. Kasunod nito, ang dalawa pang kapwa akusado ni Carlo ay nagbitaw rin ng mga suntok. Sa puntong ito, nakahandusay na si Migs sa semento habang napapaligiran aniya nila Carlo.


Nabalitaan ng asawa ni Migs ang pangyayari at agad siyang pinuntahan nito, kung saan nasaksihan siyang nakahandusay sa sahig, walang malay at duguan ang bibig. 


Agad na dinala sa ospital si Migs, subalit  isang araw lang ang nakalipas ay binawian din ito ng buhay. 


Ayon sa medico-legal, nagtamo ng maraming pinsala si Migs na maaari lamang matamo sa pamamagitan ng maraming mananalakay.


Kinasuhan si Carlo at ang mga kasama nito ng krimeng kamatayan na sanhi ng isang magulong awayan, o death caused in a tumultuous affray, kasunod sa nasabing pagkamatay ni Migs.


Sa kanilang depensa, iginiit ni Carlo at ng mga kasamahan niya na wala silang kinalaman sa pagkamatay ni Migs.


Dagdag pa ni Carlo, anumang nangyaring pinsala o sugat kay Migs ay malamang nangyari matapos na siya ay makauwi. 


Isa pa, isa sa kanilang mga saksi ang nagtuturo na aniya, lango sa alak si Migs na siyang nagtungo sa sentro ng sayawan, kung saan nagkaroon ng pagkakagulo.


Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court o RTC si Carlo ng krimeng pagpaslang o homicide, habang ang kanyang dalawa pang kapwa akusado ay slight physical injuries. 


Napag-alaman ng RTC na ang mga elemento ng krimeng kamatayan na dulot ng magulong awayan ay kulang sa kaso at pinaniniwalaan na ang pagkamatay ng biktimang si Migs ay hindi resulta nito. 


Sa halip, pinaniwalaan ng RTC na si Carlo na aniya ay natukoy na nagdulot ng nakamamatay na suntok kay Migs gamit ang isang bato ay dapat managot sa krimeng homicide. 


Ayon sa RTC, sapat ang alegasyon para sa krimeng homicide sa impormasyon bagaman iba ang nakasaad na pangalan o titulo ng krimeng aniya ay nagawa.


Kaugnay sa nabanggit, inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Roman Carlo Loveria mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS) ang kaso ni Carlo. 


Iginiit ni Carlo sa kanyang appellant’s brief na nagkamali ang RTC sa desisyong hatulan siya para sa krimeng homicide sa kabila ng kabiguan ng impormasyon para sa krimeng kamatayan na dulot ng magulong awayan na isaad ang “layuning pumatay” o intent to kill na siyang rekisito ng krimeng homicide. 


Bukod pa rito, iginiit ni Carlo ang pagkabigo ng tagausig na patunayan ang pagkakakilanlan ng mga responsable sa aniya ay pagpaslang.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-24 ng Marso 2022, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Carlo nang siya ay mapawalang-sala.

Bilang panimula, binigyang-diin ng CA na isa sa mga pangunahing karapatan ng isang taong akusado sa isang kriminal na pag-uusig na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ay ang karapatang malaman ang kalikasan at sanhi ng mga akusasyon laban sa kanya, 

Section 14.

1. No person shall be held to answer for a criminal offense without due process of law.

2. In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, and shall enjoy the right to be heard by himself and counsel, to be informed of the nature and cause of the accusation against him, to have a speedy, impartial, and public trial, to meet the witnesses face to face, and to have compulsory process to secure the attendance of witnesses and the production of evidence in his behalf. However, after arraignment, trial may proceed notwithstanding the absence of the accused: Provided, that he has been duly notified and his failure to appear is unjustifiable. 


Kinakailangan na ang bawat elementong bumubuo sa krimen ay dapat na mailahad sa reklamo o impormasyon. 


Ang pangunahing layunin ng pag-aatas na ilahad ang lahat ng elemento ng isang krimen na itakda sa impormasyon ay upang bigyan ng oportunidad ang akusado na maihanda ang kanyang depensa. Ito ay kaugnay sa ipinapalagay na walang independiyenteng kaalaman sa mga katotohanang bumubuo sa pagkakasala ang isang akusado.


Ang litisin at hatulan ang isang akusado, sa isang pagkakasala maliban sa isinasaad sa impormasyon ay magiging paglabag sa kanyang karapatan.


Bagaman parehong merong biktimang nasawi sa krimeng homicide at death caused in a tumultuous affray, malaki ang kanilang pagkakaiba sa mga rekisito o elemento. 


Ang krimeng homicide ay hindi kasama sa krimeng death caused in a tumultuous affray, at higit sa lahat, ang Homicide ang mas mabigat na krimen. 


Bagaman tama ang RTC na ang totoong uri ng akusasyong kriminal ay hindi nakadepende sa kung ano ang nakasaad sa pangalan o titulo nito at sa halip ay kung ano ang nakasaad sa paglalahad ng mga pangyayari sa laman ng impormasyon, sa kasong ito, malinaw ang impormasyon na ang alegasyon ay para sa krimeng kamatayan na dulot ng magulong awayan. Dahil dito, hindi maaaring itaguyod ng CA ang desisyon ng RTC.


Sa kabilang banda, hindi rin maaaring mahatulan sa kasong isinampa na death caused in a tumultuous affray na nakasaad sa impormasyon si Carlo dahil hindi rin napatunayan ang mga rekisito nito. Binigyang-diin ng CA na walang tumultuous affray kapag walang grupo ng mga tao na sangkot sa magulong awayan, at lalo kung ang taong aniya ay nagbigay ng mabigat o nakamamatay na pinsala ay nakilala tulad aniya ni Carlo sa alegasyon ng tagausig, dahil sa pagkabigo ng tagausig na patunayan ang nasabing krimen – nararapat na mapawalang-sala si Carlo.


Muli, pinaalala ng CA na tumataas o bumababa ang kasong kriminal sa lakas ng kaso ng prosekusyon at hindi sa kahinaan ng depensa. 


Kaugnay nito, dapat munang malampasan ng tagausig ang pagpapalagay ng inosente o presumption of innocence ng bawat akusado sa pamamagitan ng pagpapatunay sa mga elemento ng krimen at ang pagkakakilanlan ng akusado bilang salarin sa pamamagitan ng ebidensiyang lampas sa makatuwirang pagdududa. 


Ang mga nabanggit ay hindi napunan ng tagausig sa kasong ito. Dahil dito, dapat mapalaya si Carlo.


Samakatuwid, hinding-hindi dapat balewalain ng Estado ang kahalagahan ng wastong paraan ng pagbibintang o paglalahad ng kalikasan at sanhi ng akusasyon sa isang impormasyon, dahil ang isang akusado ay hindi maaaring mahatulan ng isang pagkakasala na hindi kasama o malinaw sa reklamo o impormasyon.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 10, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #344


Ang pagbibigay ng legal na remedyo at pagkakaroon nang maayos at maagap na proseso ay napakahalaga sa pagbibigay ng hustisya. 


Ito ay sa kadahilanan na ang walang basehan o sapat na dahilan na pagkakaantala ng legal na proseso, kabilang na ang pagbibigay ng legal na serbisyo ay katumbas na rin ng pagkakait ng katarungan kapwa sa nagrereklamo at sa akusado.


‘Ika nga ng isa sa mga batikang pilosopong pampulitika at pinuno ng karapatang sibil na si Martin Luther King Jr., “Justice delayed is justice denied.” 


Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Alberto Desacada y Garces (CA-G.R. CR No. 47796, October 28, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jaime Fortunato A. Caringal, ay halimbawa ng kahulugan ng legal na katagang iyon. 


Sa kasong ito, nakamit man ng inakusahan ang hustisya na para sa kanya, dahil ang kasong kriminal ay nilitis nang napakatagal na panahon, ang biktima ay walang napala, sapagkat sa batas, ang krimen na diumano ay ginawa ng inakusahan ay paso na.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng nakakalungkot na kasong ito.


Naharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Alberto dahil umano sa pagkakabundol ng dyip na kanyang minamaneho sa biktima na kinilalang si Cipriano. 


Naihain ang reklamo laban sa kanya sa 2nd Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Silang-Amadeo, Cavite. “Not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman noong ika-19 ng Setyembre 2002.


Noong ika-25 ng Hunyo 2006 ay nag-inhibit ang orihinal na Presiding Judge ng MCTC, sapagkat nakatira umano si Alberto malapit sa tirahan ng nasabing hukom. 

Ika-8 ng Setyembre 2006, inilipat ang naturang kaso sa Municipal Trial Court in Cities (MTCC), Tagaytay City. 


Nang sisimulan na umano ang pagdinig sa nasabing kaso ay napuna ng MTCC na sa huling bahagi ng reklamo ay merong alegasyon ng pang-aabandona sa biktima. 

Kung makagayun diumano, ang maaaring ipataw na parusa sa akusado ay prision mayor sa minimum at medium periods at ang hukuman na merong jurisdiction sa kaso ay ang Regional Trial Court (RTC). 


Ipinag-utos ng MTCC ang pagsusumite ng position papers sa magkabilang panig. Iginiit ni Alberto na kung ibabasura ang kaso at irerekomenda ang paghahain ng panibagong kaso laban sa kanya sa RTC ay malalagay siya sa double jeopardy, sapagkat siya ay na-arraign na. 


Giit naman ng panig ng tagausig, angkop lamang na ibasura ng MTCC ang kaso dahil magkaiba umano ang reckless imprudence resulting in homicide sa reckless imprudence resulting in homicide with the qualifying circumstance of abandonment of the victim, sapagkat higit na mataas diumano ang parusa sa huli. Kung kaya’t hindi umano malalagay sa double jeopardy ang akusado.


Noong ika-8 ng Agosto 2007, idineklara ng MTCC na wala umano itong jurisdiction upang dinggin ang nasabing kaso. Ipinag-utos ng naturang hukuman ang paglipat ng tala ng kaso sa RTC. 


Noong Ika-8 ng Oktubre 2010 ay na-arraign si Alberto sa RTC, subalit “not guilty” pa rin ang kanyang pagsamo.


Batay sa bersyon ng tagausig, minamaneho diumano ni Alberto ang kanyang pampasaherong dyip, bandang alas-2:30 ng hapon, noong ika-30 ng Hunyo 2001 sa kahabaan ng J.P. Rizal St., Barangay Tubuan, Silang, Cavite. 


Nangahas diumano na mag-overtake si Alberto sa tricycle na nasa unahan niya, subalit sa kasamaang palad ay nabundol ng nasabing dyip si Cipriano na noon ay nagbibisikleta sa kabilang bahagi ng kalsada. 


Nasaksihan diumano ni Esperidion ang aksidente. Merong 30 metro pa umano ang binaybay ni Alberto bago inihinto nito ang minamaneho na dyip. Bumaba umano ng dyip si Alberto at ang kanyang kasama ngunit agad din silang umalis nang magkumpulan na ang mga tao. 


Nilapitan diumano ni Esperidion si Cipriano at nakita niyang hindi na gumagalaw ang nabundol na biktima. Bagaman nadala pa ng ospital si Cipriano, agad din naman itong binawian ng buhay.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Alberto. Diumano, bandang ala-1:00 ng hapon, noong ika-30 ng Hunyo 2001 ay bumiyahe sila ng kanyang tiyuhin, isang nagngangalang Isagani at apo nito upang magdala sa bypass ng mga scrap na papel. 


Sila ay lulan ng dyip na minaneho ni Alberto. Wala umano silang naengkuwentro na anumang aksidente. Diumano, bandang alas-2:30 hanggang alas-3:00 ng hapon nu’ng araw na iyon ay meron na lamang nagpunta sa bahay ni Alberto na tatlong pulis na inimbitahan siya na magpunta sa kanilang himpilan dahil siya umano ay sangkot sa isang aksidente. 


Nagpunta umano ng himpilan si Alberto lulan ng kanyang dyip. Sa himpilan ay pilit umanong paaminin si Alberto, subalit mariin niyang itinanggi ang alegasyon laban sa kanya. 


Ininspeksyon diumano ang kanyang dyip at wala umanong nakita ang mga pulis na anumang bahid ng aksidente. Kinuha umano sa kanya ng mga pulis ang kanyang lisensiya at ibinalik lamang ito sa kanya kinabukasan.


Noong ika-25 ng Agosto 2022, nagbaba ng hatol ang RTC na guilty beyond reasonable doubt si Alberto para sa krimen na reckless imprudence resulting in homicide. Parusa na pagkakakulong ng apat na taon at dalawang buwan na prision correccional maximum, bilang minimum ng kanyang sentensya, hanggang 8 taon at isang araw na prision mayor medium, bilang maximum. Ipinag-utos din ng RTC ang kanyang pagbabayad-pinsala at danyos.


Agad na naghain si Alberto ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), Manila. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan D.S. Cansino, isinulong ng Depensa na mapawalang-sala si Alberto. 


Iginiit ng depensa na lubos na mali ang ipinalabas na hatol ng RTC, sapagkat paso na ang krimen na ibinintang laban kay Alberto. Himok ng depensa, nang ideklara ng MTCC na wala itong jurisdiction sa kaso ni Alberto ay dapat ibinasura nito ang kaso at naghain ang agrabyadong partido ng kaukulang kaso sa tamang hukuman. 


Hindi umano ito ang nangyari sa kaso ni Alberto. Bagkus, ipinag-utos ng MTCC na ilipat ang tala ng kaso ni Alberto sa RTC. Taliwas diumano ang kautusang iyon ng MTCC sa posisyon nito na wala itong jurisdiction.


Giit din ng depensa, nang ipalabas ng MTCC ang kautusan na wala itong jurisdiction sa kaso ni Alberto, katumbas na umano ito sa pagbabasura sa naturang kaso nang walang hatol na conviction o acquittal sa inakusahan at na kung saan ang prescriptive period ng krimen ay muling tumakbo. 


Sapagkat wala umanong naihain na panibagong kaso laban kay Alberto sa loob ng 15 taon, ang prescriptive period para sa mga krimen na merong parusa na afflictive penalties tulad ng prision mayor, wala na umanong karapatan ang Estado na usigin pa si Alberto. Samakatuwid, ang kriminal na pananagutan ni Alberto ay napaso na.


Nilabag din umano ang karapatan ni Alberto para sa speedy trial, sapagkat higit na sa 17 taon ang lumipas mula nang maihain ang reklamo laban sa kanya hanggang sa ipag-utos ng RTC ang pag-revive sa kanyang kaso noong ika-22 ng Nobyembre 2017. 


Kung kaya’t karapat-dapat lamang diumano na ibasura ang kaso at siya ay ipawalang-sala. Maliban pa umano sa mga nabanggit, hindi rin napatunayan ng tagausig ang pagkakasala ni Alberto nang higit pa sa makatwirang pagdududa.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni Alberto, nakakitaan ng merito ng CA, Manila ang kanyang

apela.


Binigyang-diin ng appellate court na ang jurisdiction ng hukuman sa krimen ay ipinagkaloob lamang ng batas at sa paraan na itinakda ng batas, hindi ng mga partido

sa krimen. 


Ang jurisdiction din ng hukuman ay diniditermina ng mga alegasyon sa reklamo o paratang at hindi sa kalalabasan ng katibayan.


Naging kapuna-puna umano sa CA, Manila na imbes na ibinasura ng MTCC ang kaso ni Alberto dahil sa kawalan nito ng jurisdiction upang dinggin ang kaso ay ipinag-utos nito na ilipat ang tala ng naturang kaso sa RTC. 


Para sa hukuman ng mga apela, mali umano ang naging hakbang na ito ng MTCC. Kanilang ipinaalala na ang kapangyarihan lamang ng hukuman sa oras na mapag-alaman nito na wala itong jurisdiction ay ang i-dismiss o ibasura ang kaso. Wala nang iba pang maaaring gawing hakbang ang naturang hukuman, at ang anumang iba pang hakbang na gagawin nito ay walang legal na epekto bunsod ng kawalan nito ng jurisdiction. 


Higit pa rito, ipinaliwanag ng CA, Manila, hindi umano nalunasan ang jurisdictional defect sa ginawang paglilipat ng tala ng kaso sa RTC. Dahil din diumano sa naturang paglilipat ng tala ay nawalan ng pagkakataon ang akusado na kuwestyunin o iapela sa mas mataas na hukuman ang desisyon ng MTCC kaugnay sa pagdedeklara nito ng kawalan ng jurisdiction sa kaso. 


Nawalan din umano ang tagausig ng pagkakataon na ituwid ang naging pagkakamali nito sa pamamagitan ng paghahain ng panibagong paratang sa angkop na hukuman. 

Ang mga legal na hakbangin na nabanggit ay malinaw diumano na iginiit ng parehong partido sa kanilang position papers na isinumite sa MTCC. Magkagayunpaman, lumabis diumano ang MTCC sa limitadong otoridad nito sa ginawa nitong pag-utos na paglilipat ng tala, na nagdulot ng kapinsalaan sa parehong partido sa kasong ito. Dahil dito, ang reklamo laban sa inakusahan na si Alberto na unang naihain sa MTCC ay marapat na ibasura sa kawalan ng hurisdiksyon ng nasabing mababang hukuman.


Deklara pa ng CA, Manila na ang pagbabasura sa kaso ni Alberto ay katumbas ng pagpapawalang-sala sa kanya, pinagbabatayan ang pagkakalabag sa kanyang karapatan para sa speedy trial. 


Ipinaalala ng hukuman ng mga apela na ang naturang karapatan ay ginagarantiyahan ng mismong ating Saligang Batas, partikular na sa ilalim ng Section 14 (2), Article III ng ating 1987 Constitution. 


Ang kaso ni Alberto ay tumagal diumano ng 21 taon mula nang maihain ito hanggang

sa lumabas ang paghahatol ng RTC. Maliban pa umano sa inhibition ng MCTC Presiding Judge at sa paglilipat ng tala ng kaso mula sa MTCC papuntang RTC, marapat lamang ibasura ang kaso ni Alberto bunsod ng mga sumusunod na dahilan – una, dahil sa tagal ng pagkaantala sa kanyang arraignment. Na-arraign lamang diumano si Alberto makalipas ang higit sa tatlong taon mula nang matanggap ng RTC ang tala ng kaso. Wala umanong naging pagpapaliwanag ang RTC sa naturang labis na pagkaantala sa arraignment. Kung tutuusin diumano, matagal na ang sampung minuto sa oras ng hukuman upang ma-arraign ang isang akusado at hindi umano ito nangangailangan nang mabusisi na legal na proseso. 


Ang masinop at determinado na huwes ay magsasagawa umano ng arraignment sa lalong madaling panahon sa oras na ipinrisinta na ng akusado ang kanyang sarili sa hukuman. Bagay na hindi umano nangyari sa kaso ni Alberto.


Ikalawa, nagwakas lamang ang pre-trial matapos ang halos tatlong taon mula sa arraignment ni Alberto. Ang paunang pagpiprisinta naman ng ebidensiya ng tagausig ay naganap at natapos lamang higit limang taon mula nang magwakas ang pre-trial. 

Napuna ng hukuman ng mga apela na ang paulit-ulit na sanhi ng pagkaantala ay ang kabiguan ng pagdalo sa pagdinig ng mga saksi ng tagausig, maging ang akusado, sa kadahilanan na hindi naipaalam sa kanila ang pagdinig. 


Kung kaya’t noong ika-28 ng Oktubre 2024, nagpalabas ng desisyon ang CA, Manila na ipinawalang-bisa at isinantabi ang ibinabang paghuhukom ng RTC at ibinasura ang kasong kriminal laban kay Alberto. Ganunpaman, hindi umano ito nangangahulugan ng kawalan ng sibil na pananagutan ni Alberto, sakali man na naisin na isulong iyon ng mga naulila ni Cipriano at kalaunan ay kanilang mapatunayan.


Nakakalungkot na 21 taon ang ginugol ni Alberto sa kaso na inihain laban sa kanya. Mga taon na sana ay inilaan na lamang niya sa mga mahal sa buhay at pamilya. Nanalo man siya sa kasong ito, napakahabang panahon pa rin ang lumipas at nasayang na hindi na kailanman maibabalik pa. 


Gayunpaman, nakapanlulumo para sa mga naulila ng biktima na si Cipriano. ‘Di sana ay matagal na nilang naisulong ang kasong sibil at kung napatunayan nila ang sibil na pananagutan ni Alberto ay napakinabangan na sana nila ang bayad-pinsala at danyos na igagawad ng hukuman sa kanila. 


Marahil marami na rin silang pinagdaanang dagok at hirap sa pagsusulong sa napakatagal na kasong ito, dahil na rin sa pagnanais na maihatid ang hustisya sa mahal nilang si Cipriano. 


Nawa ay wala nang susunod na Alberto at Cipriano na masasabing kapwa naging biktima sa nangyaring mabagal na sistema. Patuloy ang pagtutok ng ating Korte Suprema upang masiguro na maihatid ang maagap at angkop na hustisya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 1, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #343


Sa mga nakapanghihilakbot at nakagugulantang na sitwasyon, paano nga ba tinatanggap ng ating mga batas at alituntunin ang mga pahayag na aniya ay ibinigkas ng akusado na maaaring magamit mismo laban sa kanya? 


Sa araw na ito, ating suriin ang naging malinaw na pagtugon ng ating Kataas-taasang Hukuman sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Thanaraj (G.R. Number 262, Hulyo 29, 2024) sa panulat ni Honorable Associate Justice Jhosep Y. Lopez, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Bea”, ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagkitil sa kanyang asawa o parricide. Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig. 


Alinsunod dito, aniya ay noong ika-5 ng Abril 2017, bandang alas-3:00 ng hapon, habang nagpapahinga mula sa kanyang pagtatrabaho bilang construction worker si Vincent, hindi niya tunay na pangalan, narinig niya umano mula sa bahay na kanyang pinapasukan na ang karatig bahay kung saan nakatira ang mag-asawang sina Bea at Gerald, hindi nila tunay na mga pangalan, ang mga katagang,  “Tulungan ninyo po ako, nasaksak ko ang asawa ko!


Dagdag pa ni Vincent, matapos niyang marinig ang salitang iyon, biglang lumabas mula sa kanilang bahay si Bea at lumapit sa kanila upang humingi ng tulong. 


Sa puntong iyon, bumungad sa kanya si Gerald na nakatayo sa harap ng pinto ng kanilang tahanan. Nababalot na ng dugo ang leeg at sumusuka na ito.


Agad na hinubad ni Vincent ang kanyang jacket at hinimok ang kanyang mga katrabaho na lagyan ng pressure ang leeg ni Gerald. Sumama sa sasakyan si Vincent, kung saan dinala sa ospital si Gerald.


Habang nasa daan, aniya ay nabanggit ni Bea kay Vincent ang katagang, “Kuya, mahal na mahal ko po ang asawa ko. Hindi ko sinasadya na saksakin siya.” Ngunit sa kasamaang palad ay binawian pa rin ng buhay si Gerald.


Ayon sa autopsy report, nagtamo ng malubhang sugat sa kanang bahagi ng leeg si Gerald na dulot ng matalas na bladed instrument. Kaugnay sa nabanggit, kinasuhan ng pagpaslang sa asawa o parricide si Bea. Subalit, mariing itinanggi ni Bea ang mga paratang laban sa kanya.


Ayon sa kanya, madalas silang magtalo ni Gerald, kung saan makailang beses ding muntikan nang mauwi sa hiwalayan. Aniya, sa tuwing ganito ang nangyayari ay nagbabanta si Gerald na sasaksakin niya ang kanyang sarili lalo na kapag iniwan niya ito.


Noong ika-5 ng Abril 2017, matapos ang kanilang pagtatalo, nagulat na lamang siya nang makita si Gerald sa harap ng kanilang pintuan na may dalang patalim at muling nagbanta na sasaksakin ang sarili kapag ito ay umalis. Dahil makailang ulit na itong nangyayari, hindi natinag si Bea at nilampasan pa rin niya si Gerald. Subalit, nakita na lamang ni Bea na duguan ang leeg ni Gerald.


Kasunod nito, humingi na ng tulong si Bea sa labas, kung saan nakita niya ang grupo ng mga construction workers.Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court si Bea sa kasong pagpaslang sa asawa o parricide. Ito ay kinumpirma rin ng Court of Appeals matapos itong iapela.


Sa pagtaguyod ng naging hatol ng Regional Trial Court, sinabi ng Court of Appeals na napatunayan ng tagausig ang mga rekisito sa kasong parricide. Aniya, ang pahayag ni Bea na nasaksak niya ang kanyang asawa ay maaaring magamit bilang ebidensiya, alinsunod sa tinatawag na res gestae statement, o mga pahayag na sinambit habang nasa nakagigimbal na sitwasyon na siyang pinahihintulutan, alinsunod sa Seksyon 26 ng Rule 130 ng Revised Rules on Evidence.


Kaugnay sa nabanggit at sa huling pagkakataon, inakyat ni Bea sa Korte Suprema sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Nilo Paulo Ocampo mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS) ang kaso ni Bea. 



Iginiit ni Bea na kaduda-duda ang kredibilidad ni Vincent bilang saksi at iginiit niya na hindi akma ang alituntunin patungkol sa tinatawag na res gestae statement, o mga pahayag na sinambit habang nasa nakagigimbal na sitwasyon. Dahil dito, hindi maaaring magamit kung tunay man niyang nasambit ang mga pahayag kay Vincent.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-29 ng Hulyo 2024, pinal na tinuldukan ng Korte Suprema ang mga daing ni Bea nang siya ay mapawalang-sala.


Taliwas sa Court of Appeals, ang nasabing pahayag diumano ni Bea kay Vincent ay hindi sakop ng res gestae. Alinsunod sa Rule 130, Seksyon 36 ng Rules of Court, ang isang saksi diumano ay maaari lamang maging testigo patungkol sa mga katotohanan na meron siyang personal na kaalaman, na mula sa kanyang sariling persepsyon, at maliban na lamang kung pinahihintulutan ng iba pang tuntunin. Ang nabanggit ay ang alituntunin patungkol sa prohibisyon na tinatawag na “hearsay” o sabi-sabi. 


Ang katwiran ng alituntunin na ito ay nakaugat sa dahilan na ang ganitong mga pahayag ay hindi sinumpaan o under oath at hindi rin sumasailalim sa tinatawag na cross-examination na siyang pangsuri sa kahusayan ng nasabing salaysay na ibinigkas sa labas ng hukuman, o out-of-court.


Sa kabilang banda, ang res gestae na salaysay o pahayag, bagaman ay out-of-court, ay pinahihintulutan. Gayunpaman, nararapat na mapatunayan ang mga sumusunod na rekisito: a) ang pangunahing gawain, ang res gestae ay isang nakakagulat na pangyayari; b) ang pahayag ay ginawa/sinabi bago nagkaroon ng panahon ang nagpapahayag na mag-isip; at c) ang pahayag tungkol sa pangyayaring pinag-uusapan at ang mga sirkumstansiya dumadalo sa mga pangyayari.


Kaugnay sa nabanggit na mga rekisito, binigyang-diin ng Korte Suprema na sa makailang kaso, kung saan ginamit ang res gestae rule, ang biktima ng krimen ang siyang nagbigay ng salaysay o pahayag, kung saan nagamit ang nasabing alituntunin. 


Gayunpaman sa kasong ito, ang pahayag ay nagmula mismo aniya kay Bea – na siyang akusado na sumailalim sa cross-examination. Dahil dito, mali ang aplikasyon ng res gestae sapagkat si Bea ay tumayo sa witness stand at ang kanyang mga pahayag ay sumailalim sa masusing eksaminasyon. Sa halip, ang salaysay niya ay nararapat na suriin sa pamantayan ng admission against interest rule alinsunod din sa ating Rules of Court, Rule 130, Seksyon 27.


Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na upang magamit ang nasabing tuntunin, nararapat na ang pag-amin o admission diumano ay: a) tungkol sa bagay ng katotohanan at hindi ng batas; b) kategorya at tiyak; c) boluntaryo; at d) salungat sa interes ng admitter, kung hindi, ito ay hindi mapagkakatiwalaan at hindi katanggap-tanggap.


Gamit ang nasabing mga rekisito at kaugnay sa napatunayan sa kasong ito – hindi diumano maaaring maituring na malinaw, tiyak at boluntaryo ang naging pahayag ni Bea. 


Ang mga pangyayari ay nagpapakita na si Bea ay nasa estado ng pagkabigla at humingi ng tulong upang ang kanyang asawa ay madala sa ospital. 


Ang mga naunang pagbabanta ni Gerald na magpapakamatay ay nag-iwan sa kanya sa isang estado ng isip na anumang aksyon sa kanyang bahagi upang umalis ng bahay ay hahantong sa pananaksak.


Dahil dito, nang makalabas na siya ng bahay, nagkaroon siya ng pag-iisip na ang tuluyang pananaksak ni Gerald ay dahil sa kagagawan niya. At ang sikolohikal na estado na ito ni Bea ang pumipigil sa hukuman upang masabing ang deklarasyon laban sa pansariling interest o kapakanan ay kategorikal at tiyak. Dahil dito, hindi napunan ng tagausig ang burden nito upang maitaguyod ang konbiksyon ni Bea.


Sa kabuuan, ang natatanging pagsandal ng tagausig sa salaysay o naturang pahayag ni Bea ay hindi maaaring maging batayan ng kanyang konbiksyon dahil hindi ito katumbas ng patunay na lampas sa makatwirang pagdududa, o proof beyond reasonable doubt na kinakailangan sa mga kasong kriminal.


Sa lahat ng sitwasyon, mapait at masakit ang mawalan ng minamahal sa buhay. Higit pa sa sitwasyon na sa kabila ng pagmamahal na ibinuhos at ibinigay, luha at sa kalagiman pa ang naging hantungan. 


Sa sitwasyon ni Bea, hindi natin lubos masukat at maisip ang bigat at daing na kanyang nadama matapos niyang mawalan ng mahal sa buhay tulad ng kanyang asawa at sumailalim pa siya sa paglilitis, kung saan siya pa mismo ang naging akusado sa naturang pagpaslang.


Muli, bagama't ikinalulungkot na ang isang buhay ay nawala, ang katarungan sa totoong kahulugan nito ay hindi maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas, lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa naturang deklarasyon laban sa pansariling interes na hindi maaaring magamit alinsunod sa ating mga alituntunin.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page