top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 10, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #348


Paano kung bigla kang nakarinig ng mga sigaw na, “Magnanakaw, magnanakaw!” At kasunod ay may mga komosyon at habulan na nasaksihan mo, kung saan kinuyog ng maraming tao ang pinaghihinalaang kawatan? At paano kung ang sitwasyon ay nauwi pa sa hindi inaasahang kasawian ng naturang pinaghihinalaang kawatan? 


Maaari nga bang managot sa pagkamatay ng naturang kawatan ang sinumang naiturong nakisuntok?


Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng hukuman para sa mga apela o Court of Appeals, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Ligalig, et al. (CA-G.R. CR HC No. 019xx-MIN, Hunyo 18, 2020), sa panulat ni Honorable Associate Justice Angelene Mary W. Quimpo-Sale, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Caloy,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o murder.


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig.


Sa buod ng mga testigo ng tagausig, noong ika-2 ng Marso 2010, bandang alas-2:00 ng hapon, sa loob ng bus terminal, namataan ang biktima na itago na lamang natin sa pangalang Boogie, na may kausap na isang Maranao trader. Narinig ng saksi na sinabihan ng Maranao trader si Boogie na ibalik ang isang bagay, subalit tumakbo ang huli at dito na nag-umpisang sumigaw ang mga tao ng, “Magnanakaw, magnanakaw!”


Si Boogie ay hinabol ng ilang bystanders, na kalaunan ay nakilalang si Caloy. Tumakbo si Boogie palabas ng bus terminal patungo sa pampublikong palengke, kung saan na-corner siya ni Caloy at ng kanyang mga kapwa-akusado. Naabutan nila at nilapitan ang biktima at pinaghahampas hanggang sa matumba.


Dahil sa awa, nilapitan ni Pedro, hindi nito tunay na pangalan, si Boogie at nang makitang umaagos ang dugo sa noo, agad itong umalis sa takot na baka madamay siya sa krimen.


Iniligtas ni Ricky, hindi nito tunay na pangalan, ang biktima at itinago sa loob ng isang hardware store. Iniulat niya ang insidente sa mga otoridad na dumating at agad na dinala ang biktima sa ospital kung saan siya namatay.


Kinasuhan si Caloy, habang hindi pa nahuhuli ang ilan sa mga kapwa pinaghihinalaang kasamahan sa krimeng pagpaslang o murder kaugnay sa pagkamatay ni Boogie.

 

Hindi agad naaresto si Caloy at siya’y nadakip na lamang habang nililitis na ang kaso ng ilan pa sa kapwa niya akusado. Dahil dito, hindi nabigyan ng maayos na pagkakakilanlan si Caloy bilang isa sa mga salarin sa hukuman.Gayunpaman, iginiit ni Caloy na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Boogie at naghahanapbuhay lamang siya noong mga panahong iyon.Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Caloy sa krimeng pagpaslang o murder.


Kaugnay sa nabanggit, inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Soraya Laut mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao ang kaso ni Caloy.


Iginiit ni Caloy na ‘di malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin bilang aktor sa pambubugbog kay Boogie at ang salarin sa kanyang pagkasawi.

Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-18 ng Hunyo 2020, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Caloy nang siya ay mapawalang-sala. 


Ayon sa CA, habang ang parehong mga saksi ng tagausig na sina Pedro at Ricky ay nagpahayag na kilala nila ang lahat ng akusado sa kasong ito dahil sila ay mga bystanders sa terminal ng bus, hindi malinaw sa kanilang mga testimonya na si Caloy ay isa nga sa mga naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Boogie.


Ayon sa salaysay ni Pedro, tumakbo ang biktima patungo sa Taboan Market at nakita niya ang Maranao na hinahabol ang biktima. 


Sa kanyang direktang pagsusuri, kinilala ni Pedro ang mga Maranao bilang kapwa akusado ni Caloy. Gayunpaman, hindi talaga nakita ni Pedro kung si Caloy ang mismong humabol sa biktima at kung ipinagpatuloy ang pambubugbog sa kanya dahil umalis si Pedro sa eksena nang siya ay bumalik sa terminal ng bus.


Sa kabilang banda, tahasang pinangalanan ni Ricky si Caloy bilang isa sa mga nanakit sa biktima sa Taboan Market. Sa kabila ng testimonya na ito, nabigo ang prosekusyon na gumawa ng tamang pagkakakilanlan kay Caloy bilang isa sa mga may kasalanan ng krimen sa kanyang paglilitis. Ang wastong pagkakakilanlan na ito ay mahalaga kung isasaalang-alang na sa panahong iyon si Caloy ay nasa labas at hindi pa nahuhuli, kaya naman hindi pa nasa ilalim ng hurisdiksyon ng korte.


Samakatuwid, bigo upang maitaguyod ang isa sa mahahalagang elemento ng krimen, ang pagkakakilanlan ng pumaslang at kung si Caloy ba mismo ang lumahok at naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Boogie. Sa madaling salita, ang pagkakakilanlan ng akusado bilang isa sa mga naging sanhi ng pagkamatay ng biktima ay hindi napatunayan.


Muli at upang bigyang-diin, sa pamamagitan ng tagausig ay may pasanin na patunayan ang pagkakakilanlan ng akusado at ang kanyang aktuwal na paggawa ng pagkakasala.


Ang mga katotohanang ito ay dapat patunayan ng pag-uusig nang lampas sa makatuwirang pagdududa sa lakas ng ebidensiya nito at hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa maraming pagkakataon ay nabanggit na hindi sagot sa isang pagkakamali ang isa pang pagkakamali. Tunay man o hindi na nagawa ni Boogie ang krimeng pagnanakaw, malinaw na mali na dalhin sa sariling mga kamay sa pamamagitan ng pambubugbog ang kaparusahan at hustisya. Sa katunayan, ang kinatatakutan kung bakit hindi ito pinapahintulutan ay nangyari gawa sa nangyaring pagkamatay ng aniya ay nagnakaw at naging biktima na si Boogie.


Gayunpaman, naiwasan ang potensiyal na karagdagang daing at pagkakamali nang mapawalang-sala si Caloy sa kasalanang ibinintang sa kanya na base lamang sa pagtuturo at ayon lamang sa espekulasyon.


Lumabas sa mga inihaing ebidensiya na hindi naman mismong nasaksihan ng mga saksi ng tagausig ang espisipikong akto ng pananakit na siya umanong naging sanhi ng pinaghihinalaang pagkapaslang kay Boogie.


Sa kabila ng natugunang daing ni Caloy na siyang naging aral, patuloy ang ating mga dasal para sa kaluluwa ni Boogie na siyang dumadaing magpahanggang sa ngayon.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 2, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #347


Sina Rodel at Limuel ang kabilang sa mga nahatulan ng mababang hukuman, kaugnay sa marahas na pamamaslang sa biktima na si Joel.


Subalit, sila nga ba ay merong legal na pananagutan sa pagkamatay ng biktima? Kung hindi sila ang pumaslang, tanging pakikipagsabwatan lamang ba ang magiging alegasyon laban sa kanila?


Sama-sama nating tunghayan ang kanilang kuwento hango sa kasong People of the Philippines vs. Rodel Salamanque y Sañares and Limuel Esteban y Postrero a.k.a ‘Ungge’ (CA-G.R. CR HC No. 12956, May 12, 2022), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bonifacio S. Pascua, at alamin natin kung ano ang kanilang naging legal na kapalaran.


Ika-9 ng Hulyo 2012 nang maisampa ang paratang laban kina Rodel, Limuel, Joselito, Helenito, Anjo, Jerome, Cruzaldo, Jr. at alyas Sadong sa Regional Trial Court (RTC) ng San Mateo, Rizal, para sa krimen na murder. 


Ang kaso na ito ay bunsod diumano sa pamamaslang sa biktima na nagngangalang Joel.

Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, nakikipag-inuman diumano si Joel sa harap ng kanyang bahay, bandang alas-8:30 ng gabi, noong ika-26 ng Nobyembre 2011, nang hamunin diumano siya ni Limuel ng suntukan. 


Tumanggi umano si Joel, subalit inudyukan umano ni Rodel ang dalawa na magsuntukan at nangyari na nga ang suntukan sa pagitan ng dalawa. 


Sinubukan diumano ni Mari Gold, anak ni Joel, na pigilan ang dalawa ngunit wala umano siyang nagawa. Naru’n din umano sina Anjo, Rodel at anak ni Rodel na si Jerome. 


Hinaharangan diumano ng tatlo ang sinuman na magtangka na awatin sina Limuel at Joel. May lima hanggang sampung minuto ang itinagal ng pagsusuntukan ng dalawa.


Subalit, bigla na lamang diumano sinipa ni Anjo si Joel sa dibdib, dahilan kung bakit napatalsik si Joel, maging ang pustiso nito ay nadurog din. Nagalit umano si Joel, kaya agad na kumuha ng bolo sa kanyang bahay at hinabol diumano nito si Anjo. 


Nagpang-abot umano ang dalawa sa harap ng bahay ni Kristalyn, nang bigla na lamang dumating sina Joselito at Henelito. 


Hinampas umano ni Henelito si Joel sa ulo gamit ang isang bote ng gin, habang si Joselito naman ay sinaksak diumano si Joel ng maraming beses sa katawan. 

Pinigilan diumano nina Rodel at Limuel ang ibang tao at sinabing, “Huwag kayo makialam baka madamay kayo!”


Naging mitsa umano ng buhay ni Joel ang mga tinamo niyang saksak mula kay Joselito. 

Not guilty, ang naging hatol nina Rodel at Limuel sa hukuman, habang si Cruzaldo Jr. naman ay tumayo bilang kanilang saksi. 


Ayon sa testimonya ni Cruzaldo Jr., nakatambay at nagtatawanan diumano sila ng kanyang mga kaibigan, nang bigla na lamang lumapit si Joel at tinanong kung bakit sila nagtatawanan. 


Itinanggi umano ni Cruzaldo, Jr. na si Joel ang kanilang pinagtatawanan. Gayunpaman, sinampal diumano ni Joel si Cruzaldo, Jr. 


Umuwi na umiiyak diumano si Cruzaldo, Jr. at ipinaalam sa kanyang mga magulang ang nangyari. Nang papunta na umano sa barangay ang kanyang mga magulang, du’n lamang napag-alaman na patay na pala si Joel.


Batay naman kay Limuel, kapatid ni Cruzaldo, Jr., nasa tindahan diumano siya nang masaksihan ang insidente ng pananampal. Papalapit na umano siya kina Cruzaldo, Jr. at Joel nang biglang tumakbo si Cruzaldo, Jr. 


Sinubukan niya umano na kausapin si Joel, subalit mayabang siyang sinagot at sinampal nito. Gumanti umano ng suntok si Limuel, dahilan upang mapaupo si Joel. Inawat diumano sila ni Mari Gold at umuwi rin ang mag-ama. 


Subalit, lumabas pa umano ng kanyang bahay si Joel na merong bitbit na bolo. Dahil dito, agad na tumakbo umano pauwi si Limuel. 

Makalipas ang isang araw, napag-alaman na lamang diumano ni Limuel na nagkaroon ng gulo sa pagitan nina Joel, Anjo, Joselito at Henelito, na nauwi sa pagkakasaksak kay Joel.


Batay naman sa testimonya ni Rodel, bandang alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi, noong ika-26 ng Nobyembre 2011, nakita umano niya na nakikipag-inuman si Joel nang bigla na lamang nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan nina Joel at Limuel. Sinubukan diumano ni Rodel at ng mga anak ni Joel na pahupain ang sitwasyon at umuwi na rin sila. Kinabukasan, napag-alaman na lamang diumano ni Rodel na nasaksak si Joel.

Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-28 ng Disyembre 2018. Guilty beyond reasonable doubt sina Rodel at Limuel para sa krimen na murder. Sila ay pinatawan ng parusa na pagkakakulong na may sentensya na reclusion perpetua at ng kaakibat na pagbabayad-pinsala at danyos sa mga naulila ng biktima.


Para sa RTC, napatunayan diumano ang bawat elemento ng krimen na murder. Napagtibay diumano ng ebidensiya ng tagausig na merong intensyon na paslangin si Joel at merong qualifying circumstances na treachery at abuse of superior strength, na kung saan sa pamamagitan diumano ng pakikipagsabwatan ng mga inakusahan ay nasiguro ang pagkitil sa buhay ng biktima. 


Batay rin sa desisyon ng RTC, meron umanong pagkakaisa sa aksyon ng mga inakusahan. Sama-sama umano silang nagsikap upang maisakatuparan ang pamamaslang. Bagama’t wala umanong partisipasyon sina Rodel at Limuel sa pananaksak, naitaguyod naman ang naganap na suntukan sa pagitan ni Limuel at ng biktima, na inudyukan pa umano ni Rodel, at ang kanilang aktibo na pagpigil sa ibang tao na masaklolohan si Joel habang ito ay sinasaksak.


Agad na inakyat nina Rodel at Limuel ang kanilang apela sa Court of Appeals (CA), Manila upang kuwestyunin ang naging hatol ng RTC. 


Sa masigasig na representasyon ni Manananggol Pambayan G.C.B. Montero, iginiit ng depensa na lubos na mali ang ibinabang hatol ng RTC, sapagkat wala umanong ebidensiya na sumusuporta sa alegasyon na sabwatan sa pagitan ng mga apelante at ng iba pang mga inakusahan.


Kaya naman, muling inaral ng CA, Manila ang apela nina Rodel at Limuel. Sa desisyon na may petsa ika-12 ng Mayo 2022, kinatigan ng hukuman ng mga apela ang kanilang mga pagsamo.


Para sa CA, Manila, bagaman napatunayan ang mga elemento ng krimen na murder sapagkat: (1) napaslang si Joel: (2) ang akusado na si Joselito ang sumaksak nang maraming beses kay Joel na naging sanhi ng pagpanaw nito: (3) merong qualifying circumstances na treachery, na nakapaloob na diumano sa sirkumstansya na abuse of superior strength: at (4) hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen, hindi naman umano naitaguyod ng ebidensiya na inihain ng tagausig ang alegasyon ng pakikipagsabwatan ng mga apelante, na sina Rodel at Limuel, sa mga akusado na sumalakay at pumaslang kay Joel. 


Sa kaso umano na ito, walang ebidensiya na nagpapatunay na walang pag-aalinlangan na naging aktibo na lumahok sina Rodel at Limuel sa pagsasakatuparan ng layunin at hangarin ng kanilang mga kapwa-akusado na sina Henelito, ang pumukpok ng bote sa ulo ng biktima, at Joselito, ang sumaksak sa biktima. 


Sa madaling salita, naganap at naisakatuparan ang pamumukpok at pananaksak sa biktima nang walang partisipasyon ng mga apelante.


Wala rin umanong katibayan na ang ginawa na pagpigil nina Rodel at Limuel sa ibang mga tao ang naging daan sa pagsasakatuparan ng pagkitil sa buhay ng biktima. Mismong sa testimonya umano ni Mari Gold, na anak ng biktima, naitaguyod na naroon lamang sina Rodel at Limuel nang maganap ang gulo at sinabi lamang ng dalawa ang mga salitang, “Huwag kayo makialam baka madamay kayo”, sa mga taong naroon. 


Ayon pa umano kay Mari Gold, walang kinalaman sina Rodel at Limuel sa pagkakapaslang sa kanyang ama. Idinawit lamang ni Mari Gold si Limuel sapagkat sa kanyang paniniwala ay kay Limuel nagsimula ang gulo. 


Nanaghoy si Mari Gold na hindi sana mapapaslang ang kanyang ama, kung hindi sila nag-away ni Limuel. Subalit, ayon sa hukuman ng mga apela, hindi naitaguyod ng testimonya ni Mari Gold ang pakikipagsabwatan nina Rodel at Limuel kina Anjo, Joselito at Henelito.


Ipinaalala pa ng appellate court, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bonifacio S. Pascua ng Second Division:

 

“Mere presence at the scene of the crime at the time of its commission is not, by itself, sufficient to establish conspiracy. To establish conspiracy, evidence of actual cooperation rather than mere cognizance or approval of an illegal act is required. Nevertheless, mere knowledge, acquiescence or approval of the act, without the cooperation or agreement to cooperate, is not enough to constitute one a party to a conspiracy, but that there must be intentional participation in the transaction with a view to the furtherance of the common design and purpose.”


Bagaman hindi kailangan ng direktang ebidensiya na magpapatunay sa alegasyon ng pakikipagsabwatan, nilinaw ng appellate court na kinakailangan ng maitaguyod ang naturang alegasyon nang higit pa sa makatwirang pagdududa sa pamamagitan ng positibo at tiyak na ebidensiya.


Dahil meron diumanong makatwiran na pagdududa kaugnay sa bintang na pakikipagsabwatan nina Rodel at Limuel sa kanilang mga kapwa-akusado, minarapat ng CA, Manila na baliktarin at isantabi ang naunang hatol ng RTC, at sila ay pinawalang-sala.


Tama lamang na maparusahan ang mga partido na nagdala kay Joel sa kanyang huling hantungan. Gayunpaman, ang karapatan ng biktima na makamit ang hustisya ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng karapatan ng mga maling inaakusahan na maghangad din ng hustisya na para sa kanila. 


Ang bawat partido, maging ang biktima o inaakusahan ay merong karapatan na ipaglaban ang kanilang panig sa katarungan.


Sa kuwento na ito, bagaman naitaguyod diumano na si Joselito ang sumaksak at nagdala sa kamatayan ng biktima, napawalang-sala naman sina Rodel at Limuel sa maling paratang ng pamamaslang sa biktima, sapagkat ang alegasyon ng kanilang pakikipagsabwatan ay hindi napatunayan nang higit pa sa makatwirang pagdududa. 


Sa pagpapawalang-sala kina Rodel at Limuel, dalawang buhay ang nailigtas sa walang humpay na pagdaing sa kawalan ng katarungan. 

Sila ngayon ay nabigyan ng pagkakataon na minsan pa ay maglakbay sa buhay at muling magkaroon ng saysay.


Sana ay magsilbing tugon ang kuwento na ito sa mga naghihintay pa ng kanilang hustisya. ‘Wag kayong mawawalan ng pag-asa, maging ang mga kaluluwa na nasa kabilang buhay na. 


Matagal man ang proseso ng bawat kaso, may awa ang Poong Maykapal. Katarungan ay makakamit din, huwag mapagod at taimtim na magdasal.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 21, 2025



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #346


Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Dionisio Raganit y Bucarille, (CA-G.R. CR-H.C. NO. 13557, March 9, 2022), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jaime Nina G. Antonio Valenzuela.


Matututunan natin sa kasong ito ang mahigpit na pagpapatupad ng hukuman ng mga apela sa pagkilala sa circumstantial evidence.


Ang paratang na paggawa ng krimen ay maaaring maghatid sa isang tao na inaakusahan hindi lamang sa pagbabayad-pinsala kundi pati na rin sa kawalan niya ng kalayaan. Kung kaya’t mahigpit na pagsusuri ang ipinatutupad ng mga hukuman, nang sa gayun ay makamit ang katarungan ng biktima at inakusahan.


Sama-sama nating tunghayan at alamin kung ano ang naging pinal na hatol ng hukuman ng mga apela sa kaso na ito.


Ang biktima na si Jose ay pinaslang noong ika-21 ng Hulyo 2016. Ang pinagbintangang pumaslang ay si Dionisio. Kaya naman, naharap si Dionisio sa mabigat na kasong murder.


Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Vigan City, Ilocos Sur, bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-20 ng Hulyo 2016, magkasama umano sina Jose, Dionisio, Rodrigo at Lazaro na nag-iinuman sa bahay ni Lazaro sa Sta. Catalina, Ilocos Sur.


Bandang alas-9:00 ng gabi naman ay nagpunta umano sina Jose, Dionisio at Rodrigo sa ilog sa San Gregorio, Sta. Catalina, upang mangisda. Habang nangingisda umano sila, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Jose at Dionisio, dahilan upang magpasya umano sina Jose at Rodrigo na umuwi sa bahay ni Jose.


Bandang alas-11:00 ng gabi, nang makauwi ang dalawa, agad na nagsabi umano si Jose kay Rodrigo na siya ay babalik sa ilog at hindi na umano sumama si Rodrigo kay Jose.


Bandang alas-12:15 ng hatinggabi, noong ika-21 ng Hulyo 2016, nakita umano ni John Paul si Dionisio at Jose na payapang naglalakad malapit sa ilog.


Si John Paul ay nasa terasa umano sa ikalawang palapag ng bahay na kanyang inaalagaan, may sampung metro mula sa kung nasaan sina Dionisio at Jose.


Bandang alas-5:00 ng madaling araw, nakita umano ni Nestor ang katawan ni Jose sa bukirin ng Sitio San Gregorio sa Sta. Catalina.


Natagpuan diumano sa crime scene nina SPO2 Reynon, SPO1 Quitevis, at mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives, ang isang puting t-shirt, isang sumbrero at isang asul na tela na pantakip ng mga gamit pang-motorsiklo, may limang metro ang layo kung nasaan ang katawan ni Jose.


Ang mga sample ng dugo na nagmula umano sa nasabing t-shirt at sumbrero ni Jose na nakolekta ni SPO1 Quitevis ay ipinadala sa Regional Crime Laboratory para sa DNA examination.


Kinilala umano ng mga kaanak ni Jose ang kanyang bangkay. Sila rin umano ang nagsabi kay SPO2 Reynon na kainuman ng biktima si Dionisio noong gabi bago ang pamamaslang. Dahil dito, inanyayahan ng mga pulis si Dionisio sa kanilang himpilan. Doon ay itinanggi umano si Dionisio na siya ang pumaslang sa biktima. Habang nagaganap ang pagtatanong kay Dionisio, meron umanong sumigaw mula sa labas ng himpilan. Nakitaan diumano ng dugo ang motorsiklo ni Dionisio. Agad na sinuri ng mga pulis ang naturang motorsiklo na nakaparada sa harap ng Municipal Hall ng Sta. Catalina at nakita umano sa accelerator grip ang mantsa ng dugo.


Kapansin-pansin din umano na merong asul na tela na nakatakip sa upuan ng nasabing motorsiklo na kawangis ng asul na tela na nakita sa crime scene.


Kinuha ng mga pulis ang naturang motorsiklo at inilagay ito sa labas ng kanilang himpilan.


Noong ika-22 ng Hulyo 2016, nang ma-swab ang nakitang dugo sa motorsiklo at naipadala ang sample sa Regional Crime Laboratory para sa DNA examination.


Batay diumano sa DNA Laboratory Report With Control No. 02769, nagmula sa iisang tao ang mga nakolekta na dugo mula sa puting t-shirt at sumbrero ng biktima at sa accelerator grip ng motorsiklo ni Dionisio.


Kaya naman, nagsagawa ng secondary reference standard via buccal swab samples sa mga magulang ni Jose na sina Eugene at Luisa.


Batay diumano sa DNA Laboratory Report With Control No. 02916, hindi maisasantabi na sina Eugene at Luisa ang mga magulang ng may-ari ng mga dugo na nakuha mula sa nasabing t-shirt, sumbrero at sa accelerator grip ng motorsiklo, at lumabas din umano sa DNA profile na kay Jose ang nakolektang dugo.


Sa testimonya ni Dr. Ragasa, isang Medico-Legal Officer, nagtamo ng sampung external stab wounds at anim na internal stab wounds si Jose.


Batay sa Autopsy Report at kutsilyo na ginamit sa pananaksak. Hindi umano matukoy kung biglaan at hindi inaasahan ang pagkakasaksak sa biktima, subalit base sa mga tinamo nitong sugat sa mga braso ay dumepensa umano si Jose.


Ang estima umano ng pagkamatay ng biktima ay bandang alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw, noong ika-21 ng Hulyo 2016.


Para naman sa depensa, nag-inuman diumano sina Jose, Dionisio, Rodrigo at Lazaro sa bahay ng huli bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-20 ng Hulyo 2016.


Makalipas diumano ang dalawang oras ay nagtungo sina Jose, Dionisio at Rodrigo sa ilog upang ilatag ang kanilang lambat. Mula umano sa ilog ay magkasama na umuwi sina Jose at Rodrigo, habang si Dionisio ay umuwi sa kanyang bahay mag-isa.


Bandang alas-12:00 ng hating gabi ay kumain pa umano si Dionisio at Lorena na kanyang asawa, at pagkatapos nu’n ay sabay nang natulog.


Nagising na lamang diumano ang mag-asawa, bandang alas-6:00 ng umaga, noong ika-21 ng Hulyo 2016, nang dumating ang mga mga pulis sa kanilang bahay. Inaanyayahan diumano si Dionisio sa himpilan upang magbigay-linaw sa pagkamatay ni Jose. Agad umanong pumunta si Dionisio sa himpilan lulan ng kanyang motorsiklo na kanyang ipinarada sa Municipal Hall. Habang tinatanong si Dionisio ng mga pulis, meron umanong sumigaw na may nakita umanong dugo sa kanyang motorsiklo. Diumano, nilitratuhan ng mga pulis ang kanyang motorsiklo at ipinagpatuloy ang pagtatanong sa kanya kaugnay sa pagkamatay ni Jose.


Ani pa ng depensa, si Rodrigo ang huli na nakasama ni Jose noong gabi ng Hulyo 20, 2016, na taliwas sa pahayag ni John Paul.


Iginiit din ng depensa na wala umanong naging alitan sa pagitan ni Dionisio at Jose at itinanim lamang umano ang bakas ng dugo na nakita sa kanyang motorsiklo, sapagkat wala umanong gumamit ng nasabing motor mula noong siya ay makauwi hanggang sa magpasya siya na magpunta sa himpilan ng pulis. Noong umaga rin ng ika-21 ng Hulyo 2016 ay nasa Bureau of Fire ng Sta. Catalina umano si Delfin, katabi lamang ng Municipal Hall, nang mapansin nito na merong higit sa sampung katao na nag-uumpukan sa motorsiklo ni Dionisio at na may bigla na lamang sumigaw na meron umanong dugo ang nasabing motorsiklo.


Sinuri umano ni Delfin ang motorsiklo at napansin nito na merong tuldok at kulay rosas na tuyong dugo sa accelerator grip. Matapos diumano na kumpiskahin ng mga pulis ang motorsiklo, agad nila itong dinala sa kanilang himpilan.


Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-19 ng Agosto 2019. Guilty beyond reasonable doubt si Dionisio para sa krimeng murder. Parusa na reclusion perpetua without eligibility of parole ang ipinag-utos na sentensiya, kaakibat ang kanyang pagbabayad-pinsala at danyos.


Hindi binigyan ng timbang ng RTC ang pagtanggi ng nasasakdal. Bagkus, binigyang-halaga ng RTC ang mga inihain na circumstantial evidence ng tagausig laban kay Dionisio.


Napagtibay rin diumano ng tagausig ang qualifying circumstance na treachery sa dami ng tinamo na saksak ng biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na nagpapakita umano ng kawalan nito ng pagkakataon na depensahan ang sarili o makaganti man lang sa pag-atake sa kanya.


Dahil hindi sang-ayon sa naturang paghahatol, naghain si Dionisio ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), Manila. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan A.C.V. Calero, iginiit ng depensa na lubos na mali ang ibinabang hatol ng RTC, sapagkat hindi umano sapat ang circumstantial evidence na inihain ng tagausig.


Mali rin umano ang RTC sa hindi nito pagbibigay ng timbang sa pagtanggi ni Dionisio kung isasaalang-alang ang kahinaan ng ebidensiya ng tagausig.


Matapos ang mabusisi na muling pag-aaral ng CA, Manila sa kaso ni Dionisio, kinatigan ng hukuman ng mga apela ang kanyang legal na dalangin.


Binigyang-diin ng CA, Manila, ang mga kondisyon upang magamit na basehan sa conviction ang circumstantial evidence: Una, dapat ay merong ipinrisinta na higit sa isang sirkumstansya; Ikalawa, dapat ay napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga sinasabing sirkumstansya; At ikatlo, ang kombinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng nasasakdal nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ayon sa appellate court, mahalaga rin na ang lahat ng sirkumstansya ay binubuo ng walang-patid na mga pangyayari na maghahatid sa makatarungan konklusyon na sa pagbubukod ng ibang tao, ang nasasakdal ang siyang gumawa ng krimen.


Para sa CA, Manila, hindi umano sumapat ang ipinrisinta ng tagausig na mga ebidensiya upang mahatulan na may sala si Dionisio para sa krimeng murder.


Una, bagaman merong alegasyon na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Dionisio at Jose, tila ito ay kanilang naresolba batay na rin sa testimonya ni John Paul na nakita nito ang dalawa na payapa na naglalakad malapit sa ilog.


Bagaman maaari umano na ikonsidera ang sirkumstansya na si Dionisio ang huling tao na nakitang kasama ni Jose, batay sa testimonya ni John Paul, hindi pa rin ito nangangahulugan na siya na ang pumaslang sa biktima.


Bagaman maaaring magbunga ng ispekulasyon ang naturang sirkumstansya, kinakailangan pa rin na mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na siya ang may-akda ng pamamaslang.


Mali rin umano ang RTC na ikonsidera nito bilang ebidensiya ang asul na tela na nakita sa crime scene, gayung hindi ito pormal na inihain ng tagausig sa hukuman bilang ebidensiya.


Ang ipinrisinta lamang diumano sa hukuman ay ang larawan ng asul na tela na nakita sa crime scene at ang asul na tela na nakita sa upuan ng motorsiklo. 


Ipinaalala ng appellate court, ang tuntunin na nakasaad sa Rule 132, Section 34 ng Rules of Court na hindi maaaring ikonsidera ang anumang ebidensiya na hindi pormal na inihain sa hukuman.


Dagdag pa ng hukuman ng mga apela, hindi sinabi at hindi napatunayan ng tagausig na si Dionisio nga ang may-ari ng naturang asul na tela at ng mga gamit na pang-motorsiklo na nakita sa crime scene.


Hindi rin umano maisangtabi ng appellate court ang posibilidad na kontaminado ang bakas ng dugo na natagpuan sa accelerator grip ng motorsiklo ni Dionisio, sapagkat ang sample ng naturang bakas ay nasuri lamang makalipas ang isang araw mula nang matagpuan ito.


Wala umanong naging paliwanag kung bakit naantala ang pagsusuri nito. At sa larawan na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman, nakita umano na nakaparada ang naturang motorsiklo sa labas lamang ng himpilan ng pulis na walang takip na maaaring magbigay ng proteksyon dito mula sa mga likas na panganib, o na malapitan at mahawakan ng sinuman bago ito masuri.


Kung kaya’t sa desisyon ng CA, Manila, ipinag-utos nito na baliktarin ang naunang hatol ng RTC at ipawalang-sala si Dionisio sa krimeng murder.


Hangad ng bawat Manananggol Pambayan, kaisa na ang aming buong tanggapan, na makapagbigay ng tapat at maagap na serbisyong legal sa bawat nangangailangan nito. Higit lalo, patuloy na hangarin namin na mapawalang-sala ang aming mga kliyente na maling inaakusahan ng krimen.


Gayunpaman, hangad din namin na mapanagot ang sinumang lalabag sa batas at ang bawat krimen ay tuluyan nang malutas. Ipinapanalangin namin na matukoy sa lalong madaling panahon kung sino ang totoong may-akda ng pamamaslang sa biktima na si Jose.


Hangad namin ang katarungan para sa kanya at sa kanyang mga naulila. Nawa ay sa kagyat na hinaharap ay makamit ng kanyang kaluluwa ang katahimikan at kapayapaan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page