top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 2, 2023




Nananatiling maaasahan ang supply at demand ng bigas sa Pilipinas sa kabila ng nagbabadyang epekto ng maraming mga kadahilanan.


Kabilang umano ang desisyon ng Russia na umatras mula sa Black Sea Grain Initiative, ang desisyon ng India na ipagbawal ang pag-export ng bigas, bagyo, at ang El Niño phenomenon.


“As of today, we are looking at, you know, sound pa rin naman iyong supply and demand natin,” pahayag ni Dept. of Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla sa isang press briefing sa Malacañang.


Sa kabila ng positibong ulat, sinabi ni Sombilla na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na siya ring kalihim ng DA, ay nagpahayag ng pagkabahala sa posibleng epekto ng tatlong pangunahing pandaigdigang isyu sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas.


Sinabi ni Sombilla na kailangan nilang pag-usapan ang mga paraan upang mapagaan ang karagdagang epekto ng tatlong pandaigdigang isyu “na lumalawak na ngayon” habang binigyang-diin niya na handa ang DA na pataasin ang produksyon ng bigas sa Pilipinas.


“Naghahanda na kami. ‘Yung production hanggang second quarter, meron tayong parang 39 days na stocks tapos tuloy. Nag-preposition na ang DA ng mga paraan kung saan mapapalaki natin ang produksyon,” ani Sombilla.


“Ang pinakamalaking produksyon ng bigas ay darating pa rin minsan, kung hindi katapusan ng Setyembre, minsan sa Oktubre. So, dagdagan natin ang ating supply, at siyempre, ang usual na supply na makukuha rin natin sa imports,” dagdag nito.


Binigyang-diin din ni Sombilla na ang presyo ng bigas sa merkado ay maaaring maiugnay sa mga epekto ng pagtaas ng presyo ng pataba at halaga ng gasolina, na pabagu-bago pa rin, pangunahin dahil sa Black Sea Grain Initiative.


Bagama’t may mga hindi matatag na paggalaw sa Black Sea Grain Initiative, binigyang-diin ni Sombilla na magdudulot ito ng “very minimal effect” sa merkado ng Pilipinas katulad ng epekto sa desisyon ng India na ipagbawal ang pag-export ng bigas.


Gayunman, binigyang-diin niya na maaaring lumitaw ang isang problema depende sa kung paano tutugon ang ibang mga bansang nag-e-export sa mga pandaigdigang kaganapan, ngunit mahigpit na sinusubaybayan ng DA.



 
 

ni Mylene Alfonso | June 21, 2023




Makatatanggap ng bonus ang mga empleyado ng Department of Agriculture (DA) kasunod ng 125th founding anniversary ng ahensya.


Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na siya ring DA Secretary makaraang pangunahan ang opening ceremony ng pagkakatatag ng ahensya sa Quezon City.


Sa photo opportunity, inihayag ni Marcos na ang mga bonus ay para sa pagsisikap na rin ng mga empleyado.


Pabirong sinabi ng Punong Ehekutibo ang tungkol sa bonus para ngumiti ang mga empleyado nang kinukuhanan ng larawan.


"Binubulungan ako ng ating butihing Senadora (Senator Cynthia Villar) at ang ating kasamahan at lahat ng mga taga-DA, sabi sayang naman ang dami nating pinapagawa

sa mga tao dahil anniversary, dapat may bonus," ani Marcos.


"So, dagdagan naman natin ng kaunting bonus. Sabi naman ni Usec. Ding, eh may savings naman daw kayo, bakit hindi. Inuna ko na doon sa selfie para nakangiti kayo sa picture," saad pa niya.


"Titingnan ko pa kung ano 'yung savings natin pero may bonus kayo," tugon ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag nang tanungin kung magkano ang magiging bonus ng bawat empleyado.


 
 

ni Mylene Alfonso | February 16, 2023



Kagagawan ng tinaguriang ‘Sibuyas Queen’ kung bakit tumaas nang todo ang presyo ng ibinebentang sibuyas sa bansa.

Ito ang naging pananaw ng sources matapos isiwalat ng isang magsasaka ng sibuyas ang modus ng tinaguriang ‘Mrs. Sibuyas’ sa pagharap nito sa pagdinig sa Kongreso nitong Martes.

Isiniwalat ni Israel Reguyal, chairman ng Bonena Multipurpose Cooperative, sa mga mambabatas ng House Committee on Agriculture and Food, na bumibili ng bultu-bultong sibuyas ang isang Lilia Leah Cruz, na tinawag ng kanyang mga kritiko bilang ‘Mrs. Sibuyas’.

Ani Reguyal, nag-aangkat ng bultu-bultong sibuyas si Cruz para bigyang-katwiran ang pag-aangkat ng mga ani.

“Kapag panahon po ng bilihan sa storage, ang gagawin po niya, bibilhin niya po ang lahat ng laman nu’ng nasa storage. ‘Pag nabili na po ang lahat ng sibuyas, ito na po ang Department of Agriculture, magpapalabas na ng import permit doon po kami patay, kaya nga po ito ‘yung napakabigat sa amin,” pahayag ni Reguyal.

Nang atasan ng mga mambabatas si Reguyal na pangalanan kung sino ang maaaring kasabwat ni Cruz sa Bureau of Plant Industry, humingi siya ng closed door executive session sa mga mambabatas na pinagbigyan naman ng panel.

Una nang sinisi ni Reguyal si Cruz sa pagkawala nito ng humigit-kumulang P30 milyon para sa sibuyas noong 2012.

Ani Reguyal, binayaran lamang ni Cruz ang 15,000 sa 80,000 sako ng sibuyas na kanyang nabili. Sinabi pa ni Reguyal na kinailangan niyang ibenta ang real estate property para mabayaran ang mga magsasaka na nagdeposito ng kanilang ani ng sibuyas sa kanya.

Sinabi naman ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta sa kanyang bahagi na binayaran ni Cruz ang mga magsasaka ng mga talbog na tseke, na sinabi ni Cruz na naayos na.

Inihayag ni Reguyal sa mga mambabatas na aabot sa P168 milyong halaga ng sibuyas ang nasira noong nakaraang taon lamang habang nakaimbak sa isang bodega sa Marilao, Bulacan.

Ayon kay Reguyal, nasira ang mga sibuyas dahil nabuo ang yelo habang nasa imbakan.

“Nag-file na po kami ng kaso sa kanila dahil po sa aming pagkakaalam ay dahil po sa kapabayaan nila, na-over, nasobrahan po sa lamig nagyelo po ‘yung sibuyas,” ayon kay Reguyal.

Sinabi ni Reguyal sa mga mambabatas na kailangan nilang itapon ang mga sibuyas dahil sa pagkasira, pero kailangan din nilang magbayad sa pag-iimbak.

Ang mga sibuyas ay nagmula sa mga magsasaka na nagdeposito ng kanilang mga sibuyas sa kanya. Ipagpapatuloy ang pagdinig sa Kamara sa susunod na linggo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page