top of page
Search

ni Jeff Tumbado @News | July 18, 2023




Isang 27-anyos na babae ang nadiskubreng wala ng buhay na may saksak at malalim na hiwa sa kanyang leeg sa loob ng inuupahang kuwarto sa isang hotel sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, kamakalawa.


Natagpuang duguan at nakahandusay malapit sa banyo ang biktimang si Janet Garay-on, naninirahan sa Bgy. Poblacion.


Ayon sa report ng pulisya, base na rin sa nakuhang CCTV footages ng hotel, makikita ang paglapit ng biktima sa front desk sa ikalawang palapag ng gusali.


Saglit na umalis ang biktima at pagbalik nito ay may kasama na siyang lalaki.


Kinabukasan, Hulyo 16, nang madiskubre ng isang roomboy ang insidente. Oras na umano ng checkout ng biktima subalit walang nagbubukas ng pinto kaya pinasok na ang kwarto at doon nadiskubre ang krimen.


Nagtamo ng tatlong saksak at hiwa sa leeg at dibdib si Garay-on.


Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking kasama ng biktima na siyang itinuturong suspek sa brutal na krimen.


 
 

ni Jeff Tumbado | July 6, 2023




Inilabas na ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga larawan ng dalawang suspek sa tangkang pagpatay sa photojournalist na si Rene Joshua Abiad noong Hunyo 29, sa Quezon City.


Sa pulong balitaan kahapon sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal, ipinrisinta ni Director Police Brig. General Nicolas Torre III ang mga larawan ng mga salarin na kuha mula sa CCTV, ilang oras bago ang pananambang.


Ayon kay Torre, may pagkakakilanlan na sa mga suspek pero tumanggi muna itong ilahad ang kanilang pangalan at iba pang detalye.



"Alam ko nanunuod sila. So, I really think it is best for their interest to just surrender. I think they are outside Metro Manila. 'Yung iba sa kanila outside Metro Manila," pahayag ni Torre.


Matatandaan na Hunyo 29 nang pagbabarilin ng mga suspek si Abiad, photographer ng Remate Online habang sakay siya sa isang SUV kasama ang ilan niyang mga kaanak sa Bgy. Masambong.


Anim ang lahat ng sakay sa SUV kabilang ang tatlong menor-de-edad, isa ang apat na taong gulang na lalaki na pumanaw nitong nakaraang araw dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.


Nasa limang indibidwal ang nakilala at tinukoy bilang mga “persons of interest” sa likod ng pananambang kay Abiad.


 
 

ni Mai Ancheta | June 17, 2023



Nahukay ang bangkay ng isang 21-anyos na babae sa isang bakanteng lote sa Caloocan matapos umanong patayin at ibaon ng kanyang kasintahan sa Bagumbong, North Caloocan.


Batay sa imbestigasyon ng Caloocan Police, pinatay ng suspek na si Jeffrey Montales, 21, ang kanyang kasintahang si Argee Cabangunay, 21, dahil umano sa selos at pakikipag-chat sa isang lalaki.


Unang naiulat na nawawala ang biktima noong araw ng Linggo at sinamahan pa umano ng suspek ang kaanak ng kanyang kasintahan para i-report sa police station ang pagkawala nito.


Pero may nakapagsabi na si Montales ang nakitang huling kasama ni Cabangunay kaya itinuring itong "person of interest" ng mga otoridad.


Sa ginawang imbestigasyon ng Caloocan Police ay umamin si Montales na pinatay niya ang kasintahan matapos nilang magtalo na nauwi sa pananakal.


"Allegedly itong babae ay gusto nang humiwalay sa lalaki, nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa masakal niya itong victim," ani Pol. Major Jose Hizon.


Araw ng linggo umano napatay ni Montales ang nobya pero Martes na ito ibinaon at siya na rin ang nagturo sa mga otoridad kung saan niya inilibing ang kasintahan.


Nahaharap sa kasong murder ang suspek na si Montales.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page