top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 31, 2020




Kamatayan ang ipinataw na parusa ng Kuwait Criminal Court sa isang Kuwaiti habang 4 na taong pagkakakulong naman sa kanyang mister matapos i-torture at patayin ang isang Pinay domestic worker na si Jeanelyn Padernal Villavende noong 2019.


Ayon sa Philippine Embassy lead council na si Atty. Sheikha Fawzia Al-Sabah, patas umano ang naging desisyon ng korte.


Pinasalamatan din ni Philippine Ambassador to Kuwait Mohd Noordin Pendosina Lomondot si Sheikha Fawzia at ang pamahalaan ng Kuwait dahil sa nakuhang hustisya ni Villavende.


Matatandaang namatay si Villavende noong Disyembre 28, 2019 sa kamay ng kanyang mga employers. Ayon sa embalming certificate nito, namatay si Villavende dahil sa “acute failure of heart and respiration as result by (sic) shock and multiple injuries in the vascular nervous system.”


 
 

ni Thea Janica Teh | December 26, 2020




Sumuko nitong Kapaskuhan sa Taguig City Police ang isang lalaking pumatay sa dalawa nitong anak isang araw matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa.


Kinilala ang suspek na si Aiko Siancunco, 28-anyos na pumatay sa 3-anyos na anak na babae at 1-anyos na anak na lalaki sa kanilang bahay sa Barangay North Signal. Ayon kay City Police Chief Col. Celso Rodriguez, puno umano ng dugo ang puting t-shirt ng suspek noong ito ay sumuko.


Kuwento pa ni Rodriguez, sumuko umano si Siancunco matapos nitong mapigilan ang pagtangkang pagbibigti. Agad na pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek at nakita ang labi ng dalawa nitong anak sa kama.


Sa isang pahayag, napag-alamang nagtrabaho bilang call center agent si Siancunco at ang asawa nito. Matagal na umanong nagtatalo ang dalawa dahil nahihirapang maghanap ng trabaho simula nang ipatupad ang lockdown noong Marso dahil sa COVID-19. Sa ngayon ay nahaharap sa kasong parricide ang suspek.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 21, 2020




Galit na pinanood ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-viral na video ng pamamaril at pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac, ayon kay Senator Bong Go.


Sa video, makikitang nakaalitan ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca, 46, ang biktimang si Sonya Gregorio, 52 at ang 25-anyos nitong anak na si Frank Anthony dahil lamang sa paggamit umano ng homemade cannon at humantong sa pamamaril ng pulis na ikinasawi ng mag-ina.


Saad ni Go, "Galit din si Pangulo sa nangyari.” Samantala, una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi poprotektahan ni P-Duterte si Nuezca.


Aniya, "Iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin at parurusahan po natin ang pulis na iyan — no ifs, no buts. Magkakaroon po ng katarungan dahil nakita naman po natin ang ebidensiya ng pangyayari.


"Hindi po kinukunsinti ng Presidente ang mga gawaing mali.”


Samantala, nahaharap na sa kasong grave misconduct involving homicide si Nuezca.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page