top of page
Search

ni Lolet Abania | October 17, 2021



Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) na kanilang ilalathala ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa 2022 elections sa Disyembre upang alisin ang mga nuisance candidates mula sa kasalukuyang listahan nito.


Sa isang interview kay Comelec spokesman James Jimenez ngayong Linggo, inaasahan na nila na maaalis ang tinatayang 95% nuisance candidates sa listahan.


“Ine-expect natin ang final list around December. ‘Yun ang final. Ang pagsasala magagaganap ngayon,” ani Jimenez.


“Napakarami. Again, sa pagka-Presidente mayroong 97. Madami kang sasalain. Sa VP, 28. Medyo maraming trabaho,” dagdag ng opisyal nang tanungin hinggil sa bilang ng mga nuisance candidates.


“Unang tingin pa lang alam mong makakatanggal ka ng mga 95% na mag-file. Siguro matitira sa atin hindi lalampas ng sampu,” diin ni Jimenez.


Ang paghahain ng certificate of candidacy para sa national at local posts ay nagtapos noong Oktubre 8, subalit ang substitution para sa isang kandidato sa national o local post ay maaaring ihain mula sa pagtatapos ng COC filing hanggang Nobyembre 15, 2021.


Samantala, sinabi ni Jimenez na wala nang isasagawa pang extension matapos ang deadline ng voter registration nito para sa susunod na eleksyon.


Matatandaang itinakda ng Comelec ang deadline para sa voter registration noong Setyembre 30, subalit na-extend ito mula Oktubre 11 hanggang 30, 2021 para pagbigyan ang marami pang botante na makapagrehistro sa gitna ng pandemic restrictions.


Gayundin, dinagdagan ng poll body ang oras ng registration tuwing weekdays at Sabado sa National Capital Region at iba pang piling lugar.

 
 

ni Lolet Abania | October 16, 2021



Pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang oras ng voter registration ng hanggang alas-7:00 ng gabi tuwing weekdays at nagdagdag din ng Sabadong iskedyul sa National Capital Region (NCR) at iba pang piling lugar.


Gayunman, ang voter registration tuwing Sabado ay hanggang alas-5:00 ng hapon lamang. Bukod sa NCR, ang mga lugar kung saan ipatutupad din ito simula Oktubre 16 ay sa mga munisipalidad ng Alcala at San Quintin sa Pangasinan; Tarlac City at mga munisipalidad ng Capas at Concepcion sa Tarlac; lahat ng munisipalidad at lungsod ng Quezon Province; Labo, Camarines Norte; Castilla, Sorsogon; at siyudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu sa Cebu Province.


Samantala, ang mga lugar na mayroon ding registration ng Sabado ng Oktubre 16 at 23, habang ang weekday registration ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon lamang ay sa mga munisipalidad ng Anda, Sto. Tomas at Sual sa Pangasinan; mga munisipalidad ng Aringay, Balaoan at Caba sa La Union; lahat ng siyudad at munisipalidad ng Ilocos Sur; at mga munisipalidad ng Balatan, Bula, Cabusao, Goa, Lagonoy, Libmanan, Magarao, Minalabac, Ragay, Sagnay, San Fernando, San Jose, Tigaon at Tinambac sa Camarines Sur.


“The rest of the country will follow the registration days and hours of Mondays to Fridays, 8:00 A.M. to 5:00 P.M. However, registration will be conducted on the last day, October 30, 2021, which is a Saturday,” ayon sa Comelec.


“To reiterate, all types of application will be accepted, not just those that may come from first-time registrants,” ani Comelec spokesperson James Jimenez.


Ayon pa sa Comelec, ang last leg ng voter registration ay isasagawa kung saan kayang i-accommodate ang maraming bilang ng registrants sa piling malls gaya ng Robinsons Malls, Ayala Malls at SM Supermalls. Ang mga gymnasium, ibang commercial establishments at malalaking lugar ay posible ring gawin bilang satellite registration sites.


Ang huling araw ng voter registration ay noong Setyembre 30, subalit in-extend ito ng dalawang linggo, mula Oktubre 11 hanggang 30, 2021.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 16, 2021



Kabi-kabila na ang diskarte ng kampo at tagasuporta ng mga kandidato para sa 2022 elections.


Kaugnay nito, patuloy na nagpaalala ang Comelec hinggil sa mga ipinagbabawal para sa mga aspirants.


Ayon sa Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code, bawal magbigay ng kontribusyon ang mga sumusunod:


* Public at private financial institutions

* Namamahala ng public utilities o may proyekto kaugnay sa likas na yaman

* May kontrata o nakatanggap ng insentibo mula sa gobyerno

* May higit 100,000 loan mula sa gobyerno

* Educational institutions na may P100,000 o higit pa na public loan

* Public officials, empleyado sa civil service, sandatahang lakas

* Foreigner, at foreign government at corporations

*

Sa loob naman ng election period mula Enero 9 hanggang Hunyo 8, 2022, bawal ding mangalap ng pondo para sa mga kandidato sa pamamagitan ng pasayaw, lottery, sabong, palaro, boksing, bingo, beauty contest, at iba pang entertainment performances.


Maaari raw madiskuwalipika ang sino mang kandidato na tatanggap ng bawal na kontribusyon sa araw ng halalan at araw bago ang botohan gaya ng transportasyon, pagkain, inumin, at ano mang may halagang bagay.


Maaari ring ma-disqualify ang sinumang kandidato, asawa, kamag-anak sa ikalawang civil degree, campaign manager, o kinatawan na magbibigay ng donasyon para sa mga proyekto tulad ng road construction at repair, tulay, school bus, clinic at ospital, at simbahan sa loob ng campaign period, isang araw bago ang botohan, at sa araw ng halalan - liban na lang kung tradisyon sa relihiyon at pagbabayad sa naka-schedule na bayarin ng mga scholar.


Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec) at election watchdog Lente, lahat ng patakaran kaugnay sa mga kandidato ay may bisa lang kapag opisyal nang nagsimula ang campaign period na Pebrero 8 hanggang Mayo 7 para sa national candidates at Marso 25 hanggang Mayo 7 para sa local bets.


Samantala, dapat ihayag ang mga kontribusyon sa Statement of Election Contributions and Expenditures o SOCE ng mga magwawagi at talunang kandidato.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page