top of page
Search

ni Lolet Abania | January 22, 2022



Ipinahayag ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez ngayong Sabado na ang mga kandidato sa pagka-pangulo at bise presidente sa 2022 elections ay dapat mag-commit na sumali sa Comelec debates kung saan magsisimula na ito sa susunod na buwan.


Ginawa ni Jimenez ang statement matapos na tanggihan na lumahok ni presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa “The Jessica Soho Presidential Interviews” ngayong Sabado.


“Presidential and Vice-Presidential candidates should commit, to the public whose votes they seek, that they will participate in the #PiliPinasDebates2022. #gauntlet,” ani Jimenez sa Twitter.



Una nang sinabi ni Jimenez na sa ilalim ng batas, hindi kinakailangan na ang mga kandidato ay lumahok sa public debates, at hindi maaaring obligahin ng poll body ang mga kandidato na sumali rito.


Gayunman, ang mga kandidato ay nakikilahok sa ganitong uri ng public forum dahil ani Jimenez sa tinatawag na “massive airtime”.


Ayon sa opisyal, pinaplano ng Comelec na magsagawa ng isang public debate kada buwan para sa presidential at vice presidential candidates simula sa Pebrero hanggang Abril.


Paliwanag ni Jimenez, sisimulan nila ang pirmahan ng memoranda of understanding (MOU) sa bawat kandidato para puwede silang magkasundo sa mga rules ng mga debates.


Ang campaign period sa mga kandidato para sa national posts ay magsisimula sa Pebrero 8, habang ang campaign period naman para sa local candidates ay sa Marso 25. Nakatakda ang 2022 national at local elections sa Mayo 9.


 
 

ni Lolet Abania | January 18, 2022



Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Martes na ang pag-imprenta ng official ballots para sa May 9, 2022 elections ay inaasahang magsisimula sa Miyerkules sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.


Nagsagawa din ang printing committee ng Comelec at Education and Information Department ngayong araw ng isang virtual walkthrough sa NPO, kung saan magaganap ang ballot printing.


Tiniyak naman sa publiko ni Comelec Chairman Sheriff Abas, chairman din ng printing committee, na ipapatupad nila ang nararapat na protocols sa NPO sa duration ng pag-iimprenta ng mga balota na ligtas, masusi at secured ito.


“Ang mahigpit na protocol na ating ipinapatupad ay testamento sa ating tungkulin na pangalagaan at bantayan ang sagradong boto ng bawat isang Pilipino,” ani Abas.


Tatlong printers ang tatakbo para sa printing ng 67,442,714 official ballots, kung saan 65,745,512 dito ay para sa local o in-country voting, at ang natitirang 1,697,202 ay para sa mga overseas voters.


Ayon naman kay Comelec Director Helen Aguila-Flores, printing committee vice-chair, may isang contingency machine na naka-standby na kanilang inilaan, sakaling isa sa mga printers ang mag-bog down.


Tiwala naman si Flores na ang ballot printing ay makukumpleto na sa Abril 21.

Ang huling ipi-print ay mga ballots para sa National Capital Region (NCR).


“To us, we treat this process as sacred, we dedicate our efforts, best efforts and hard work to this process… We conduct this walkthrough because we assure the public that it (ballot printing) is done on time,” sabi ni Flores.


Sa ngayon, ang mga test ballots na ginamit sa mga Comelec field tests at mock polls ay nai-print na.


Sinabi pa ni Flores na ang budget para sa ballot printing sa nalalapit na eleksyon ay tinatayang nasa P1.3 billion.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 17, 2022



Ibinasura ng Comelec 2nd division ang petisyon na kanselahin ang COC ni presidential aspirant Bongbong Marcos na dahil umano sa material misrepresentation.


Nakatakda ring maglabas ng resolusyon ang COMELEC 1st Division para sa tatlong consolidated petitions para sa disqualification ng dating senador.


Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez ngayong Lunes, ibinasura ng Second Division ang petisyon ng anti-Marcos regime activists na pinangungunahan ni Task Force Detainees chair Fr. Christian Buenafe dahil sa lack of merit. Iginiit sa petisyon na hindi eligible na tumakbo sa kahit anong public office si Marcos dahil umano sa tax evasion conviction noong 1995.


Sinabi rin ng petitioners na pineke ni Marcos ang kanyang COC nang sabihin nitong eligible siyang maging kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas sa 2022 national elections sa kabila ng kanyang tax conviction.


“The Second Division ruled that the National Internal Revenue Code (NIRC) of 1994 did not apply to the case, because that would have resulted in a retroactive application since an NIRC of 1994 took effect only in 1986, whereas the cases involved in this case, were ’82, ’83, and ’84,” ani Jimenez sa isang press briefing.


“So for this reason, when respondent Marcos Jr. checked the item on the COC saying that he has no disqualifications, it was not a misrepresentation,” dagdag niya.


Ayon naman kay Atty. Theodore Te, counsel for petitioners, na sila ay hihiling ng reconsideration hinggil sa naging desisyon.


"Petitioners disagree with the Comelec in its ruling, among others, that the material representations made were not false and will seek reconsideration of the Resolution with the Commission En Banc within the five-day period provided under the Comelec Rules”, ayon sa pahayag.


Ayon pa kay Te, lumabas sa desisyon na sumang-ayon ang poll body nang igiit nila na "material" ang mga representations na ginawa sa Item 11 at Box 22 ng COC ni Marcos Jr.


Gayunpaman, sinabi ng division na hindi sila sang-ayon na "false" ito dahilan para kanilang sabihin na walang dahilan para ikansela ang kanyang kandidatura.


“Counsels are not free to discuss the grounds to be included in the Motion for Reconsideration until the same is filed. Additional updates will be provided once the same is filed,” dagdag pa ng pahayag.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page