top of page
Search

Bihira lamang kaming magkita ni Gng. Edith Burgos, ang nanay ng nawawalang si Jonas Burgos. Ngunit sa mga pagkakataong nagkikita kami ay masaya at malalim ang aming palitan ng usapan.

Malawak ang karanasan at kaalaman niya sa maraming bagay. Matagal nitong sinuportahan ang kanyang matagal nang pumanaw na asawang si Joe Burgos na nagtatag ng pahayagang Malaya noong Martial Law.

Nasaksihan niya ang makulay at mapanganib na buhay ng kanyang mamamahayag na asawa. At nang pumanaw ang kanyang asawa, akala marahil niya na magsisimula na ang kanyang tahimik na buhay. Subalit, kabaligtaran nito ang nangyari. Ilang taon na ang nagdaan noong ika-26 ng Abril, 2007, nang basta na lang dinukot ang kanyang anak na si Jonas Burgos sa Ever Gotesco, Commonwealth Avenue.

Ang tahimik na asawa ng kilalang si Joe Burgos ay biglang lumabas sa kanyang tahimik na lungga upang ipagsigawang, “Nasaan na ang aking anak?” Halos 13 taon nang sumisigaw si Edith pero hindi humihina at nawawalan ng tapang ang kanyang tinig.

Kakaiba ang katapangan ni Edith at naintindihan natin kung saan ito nanggagaling. Tiyak na malaki ang ambag ng kanyang pagiging asawa ng mahusay at kritikal na manunulat. Ngunit isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkatao ay ang pagiging kontemplatibong layko na kasapi ng Third Order Carmelites.

At isa ito sa madalas naming pag-usapan sa gitna ng samu’t saring isyung may negatibo o positibong epekto sa bansa at mamamayan. Maaari bang paghugutan ng lakas at inspirasyon ang buhay-espiritwal o buhay-panalangin para sa pagkilos at pakikisangkot? Sa kaso ni Edith, isang umaalingawngaw na “oo”.

Dapat ba siyang magreklamo at magprotesta sa pagdukot at pagkawala ng kanyang anak? Mabuti na lang at may kakayahan siyang magreklamo at ipahayag ang kanyang paninindigan at damdamin hinggil sa pagdukot at pagkawala ng kanyang anak. Kung hindi dahil sa kanyang walang sawang pagprotesta at pamamahayag ng damdamin at prinsipyo, baka tuluyan nang nakalimutan si Jonas.

Noong Mayo, 2018, naghain si Edith at mga kasapi ng iba’t ibang grupo ng “Writ of Amparo” at “Habeas Corpus” laban sa diumano’y Red Tagging mula kay Pangulong Rodrigo Duterte at hanggang sa maraming opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) tulad ni Gen. Hermogenes Esperon at mga miyembro ng “Task Force to End Local Communist Armed conflict. Samantala, noon namang Mayo, 2019, naghain din ng kasong perjury si Gen. Esperon at kampo nito laban kay Edith at iba pang mga kasapi ng demokratikong grupo.

Hindi na ito bago pagkatapos maabsuwelto ang ilang nakasuhan ng sedisyon at tinuluyan ang dalawang pari na sina Fr. Bert Alejo Sj at Fr. Flavie Villanueva SVD at iba pang mga personalidad.

Kung meron nang naunang kaso ng sedisyon at sinundan pa ito ng kasong perjury laban kay Edith at iba pang isinasangkot nila, malinaw ang mensahe. Huwag kayong makikialam at magrereklamo kung hindi kayo papipigil, mananagot kayo.

Napakagandang basbas ng Diyos ang kasong ito para kay Edith at mga kasama nito. Napakagandang hamon na bumaling at umasa sa karunungan, kapayapaan at lakas ng Panginoong HesuKristo.

At napakagandang nataon ang kaso laban sa magigiting na kababaihan ngayong linggo ng pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Matatakot ba ng pangulo at ni Gen. Esperon ang mga lumalaban para sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at ang “Rule of Law”?

Ngayong Buwan ng Kababaihan, nawa’y pagkalooban ng Diyos ng lakas, tapang at tatag ng paninindigan si Edith at napakarami pang matatapang at magigiting na kababaihang Pinay tulad nina Sen. Leila de Lima, Maria Ressa at iba pa. Mabuhay ang lahat ng matatapang at magigiting na babaeng Pinay.

 
 

Limampu’t anim na taong gulang lamang si Jose Morales nang pumanaw ito noong ika-24 ng Pebrero, 2020. Malaking kawalan ang pagpanaw ng isa sa mga kinikilalang “tinig ng maralita.”

Matagal na nating kilala si Ka Jose at sa katunayan, nagkasama na kami sa sari-saring pagkilos upang ipaglaban ang karapatan ng iba’t ibang sektor.

Hindi na mabilang ang aming pagtutulungan sa mga pagkilos laban sa hindi makatarungang demolisyon, pagsulong ng “in site relocation” o ang pagtatayo ng pabahay na hindi lalayo sa kabuhayan ng mga apektadong maralitang taga-lungsod.

Magtagumpay man o hindi ay hindi nawala si Ka Jose sa tabi ng mga maralitang taga-lungsod upang isulong ang kanilang mithiin at ipaglaban ang kanilang karapatan. At siyempre, parang labanan ng higanteng Goliath at batang si David ang mga eksenang ito.

Sa panig ng mga maralita si Ka Jose nakaharap at nakikipag-usap siya sa mga matataas na opisyal ng National Housing Authority (NHA), kapulisan, Malacañang, Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP), Department of Interior and Local Government (DILG), mga mayor, media at iba pa.

Samantala, ang kuwento naman ng pustiso ni Ka Jose ang paboritong biruan naming dalawa mula’t sapul ng aming pagkakaibigan. Pero sa totoo lang, wala talaga siyang suot na pustiso. Umabot pa sa hamon na magpagawa lamang siya ng pustiso ay sasagutin ko na ang gastos nito.

Ngunit, hanggang sa kahuli-hulihang sandali hanggang sa kanyang kamatayan ay hindi gumamit ng pustiso si Ka Jose.

Hindi malinaw sa atin kung bakit nito pinanindigan hanggang sa dulo ang hindi gumamit ng pustiso. Ito kaya ay protesta sa patuloy na pagpapabaya ng pamahalaan na bumuo ng matinong programa ng pabahay para sa maralita o baka dahil dito siya nakilala anuman ang kanyang ginagawa at saanman siya naroroon? At tulad ng kanyang pustiso, hindi na rin lumipat ng tirahan si Ka Jose sa ilalim ng tulay sa tabi ng isang bahagi ng Ilog- Pasig.

Kapwa hindi totoo ang dalawa — hindi totoong ngipin ang pustiso (na kailanman ay hindi niya ginamit) at hindi rin totoong “bahay” ang bahay sa ilalim ng tulay sa tabi ng Ilog- Pasig na mapanganib tuwing tag-ulan at panahon ng bagyo.

Ngunit sa kabila ng dalawang tila hindi totoong aspeto ng buhay ni Ka Jose — ang kanyang bahay sa ilalim ng tulay na hindi maituturing na tama at ligtas at ang kawalan niya ng ngipin o pustiso upang makakain nang maayos, nanatili siyang totoo sa kanyang paninindigan hanggang sa katapusan.

Napakarami nating nakilalang aktibista at ang iba pa ay mga rebolusyunaryong kumilos sa “underground” na mga batikang “paruparo” na pinaglaruan at pinagkaperahan ang kanilang galing sa pamamahayag, pag-oorganisa at pagkilos. Marami sa kanila ay gumanda ang buhay at hanapbuhay ngunit, hindi ganito ang naging buhay ni Ka Jose.

Nagkasakit ito at mahigit isang taong labas-pasok ng ospital. Noong nagmisa tayo nitong Martes sa iskinitang papunta sa kanyang bahay sa ilalim ng tulay, nagsiksikan ang kanyang mga kamag-anak at kasamang lider-maralita sa ilalim ng kubol na mistulang lugar ng isang kilos-protesta.

Sa halip na homiliya mula sa pari, isa-isa nating pinakiusapan ang kinatawan ng iba’t ibang grupo na buuin ang pangungusap na nagsisimula sa

“Maraming salamat, Ka Jose sa…”

Halos 20 na kumakatawan sa kani-kanilang grupo ang nagsalita. Nakakataba ng puso ang kanilang mga sinasabi tungkol sa kanilang mahal na kasama.

Wala na si Ka Jose. Hindi man lang siya nakagamit ng pustiso o hindi man lang nagkaroon ng maganda at maayos na bahay subalit, buhay na buhay ang “ngiting-bungal” na punumpuno ng wagas na pagmamahal sa kapwa-maralita at ang tinig na matatas at matibay na haligi ng maralitang taga-lungsod na nagsawa na sa mga ensayadong salita ng maraming pulitiko, malalaking may-ari ng lupa at taong pamahalaan.

Higit pa sa pustiso, matingkad, bukal ng lakas at pag-asa ang iyong pusong wagas, palaging nagmamahal at nagsusulong sa pangarap ng maralitang taga-lungsod.

Totoo ito, hindi pustiso… maraming-maraming salamat, Ka Jose.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page