top of page
Search

ni Lolet Abania | November 10, 2021


ree

Sumiklab ang sunog sa isang bahagi ng Cuneta Astrodome sa Pasay City, kung saan isinasagawa ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga menor-de-edad, ngayong Miyerkules ng umaga.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), itinaas sa unang alarma ang sunog pasado alas-8:00 ng umaga na nagsimula sa ikalawang palapag ng arena.


Agad sinuspinde ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa mga kabataan na nasa edad 17 pababa sa arena habang inilipat ito sa ibang vaccination center.


Sinabi ni Aurelio Vendivel, officer-in-charge ng Astrodome, inilipat nila ang vaccination rollout ng mga minors sa Mall of Asia sa Pasay City.


Nagtulung-tulong naman ang mga residente ng Barangay 76 Zone 10 at mga kawani ng Clean and Green Pasay City upang mailigtas pa ang mahahalagang kagamitan sa naturang lugar.


Idineklara ng BFP ang sunog na “under control” bandang alas-10:57 ng umaga.


 
 

ni Lolet Abania | August 27, 2021


ree

Patay ang dalawang batang babae matapos na ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Barangay Manggagawa, Guinayangan, Quezon ngayong Biyernes.


Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Guinayangan, sumiklab ang apoy pasado ala-1:00 ng madaling-araw ngayong Biyernes, kung saan umabot sa 39 kabahayan ang natupok habang tinatayang nasa 50 pamilya ang apektado ng sunog.


Itinaas naman sa ikalawang alarma ang sunog habang kinailangan pa ang tulong ng ibang mga bumbero sa karatig-bayan para tuluyang maapula ang apoy.


Kinilala ng BFP ang mga nasawi na sina Michaela Avellanosa, 15-anyos at Melissa Joy Dela Cruz, 4-anyos.


Paliwanag ng ina ni Melissa na si Imelda, iniiwan nilang mag-asawa sa bahay sina Melissa at Michaela para manguha ng isda sa bayan ng Calauag. Araw-araw umano nila itong ginagawa dahil sa kanilang hanapbuhay.


Nakuha ang bangkay ng dalawang bata na magkayakap pa sa bahagi ng kuwarto kung saan sila natutulog.


Ayon naman sa ina ni Michaela na si Marissa, sinubukan pa niyang iligtas ang mga bata subalit mabilis na kumalat ang apoy, kung saan nasugatan ang braso nito matapos na mapaso.


Patuloy ang imbestigasyon ng BFP para tukuyin ang naging dahilan ng sunog. Tinatayang nasa P800,000 ang halaga ng napinsala dahil sa sunog.


Agad namang nagpaabot ng tulong sina Guinayangan Mayor Cesar Isaac at ang tanggapan ni Representative Angelina Tan ng Quezon province.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 17, 2021


ree

Isa ang patay sa sunog na sumiklab sa factory sa Valenzuela City ngayong Martes nang umaga.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa Gilvan Packaging Corporation sa Barangay Paso de Blas alas-4:41 nang umaga.


Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, kaagad itong umabot sa third alarm matapos ang anim na minuto.


Samantala, idineklara namang under control ang sunog bandang alas-5:44 nang umaga.


Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog at gayundin ang pagkakakilanlan ng biktima.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page