top of page
Search

ni V. Reyes | Apr. 29, 2025



Photo: Bulusan Volcano - Sorsogon PIO/Juban MDRRMO

Photo: Bulusan Volcano - Sorsogon PIO/Juban MDRRMO


Apektado ng ashfall ang ilang bayan sa Sorsogon kasunod ng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon, Lunes ng umaga.


Ayon sa Sorsogon Provincial Information Office, partikular na apektado ng ashfall ang mga bayan ng Juban at Irosin.


Nabatid din mula kay Philippine National Police Region 5 Director Andre Dizon, na mahigit sa 100 indibidwal o 33 pamilya sa mga apektadong barangay ang inilikas na.

Sinasabing makapal na abo ang bumalot sa mga Barangay Puting Sapa at Buraburan sa bayan ng Juban habang katamtaman sa Brgy. Guruyan at iba pang barangay.


Inabisuhan na rin ang mga motorista na magdahan-dahan sa pagbiyahe sa mga kalsadang apektado ng ashfall.


Alas-4:36 ng madaling-araw nang maganap ang phreatic eruption sa Bulkang Bulusan na tumagal hanggang alas-5 ng madaling-araw.


Ang phreatic eruption ay ang pagbuga ng usok o steam bunga ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa na nadikit o maaaring lumapit sa magma.


Sa impormasyon mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), inabot ng hanggang 4.5 kilometro ang pagbunga mula sa bunganga ng bulkan.


Nakataas na ngayon ang Alert Level 1 (Low-level unrest) sa Bulkang Bulusan kasunod ng pagsabog.


Inabisuhan na rin ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na sundin ang pinaiiral na 4-kilometer radius permanent danger zone.


"Vigilance in the 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) on the southeast sector must be exercised due to the possible impacts of volcanic hazards such as PDCs, ballistic projectiles, rockfall, avalanches and ashfall on these danger areas," dagdag pa ng PHIVOLCS.


 
 

ni Lolet Abania | June 12, 2022



Muling sumabog ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon madaling-araw ngayong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Batay sa PHIVOLCS, naganap ang phreatic eruption ng bulkan ng alas-3:37 ng madaling-araw at tumagal ito ng 18 minuto.


Sa isang radio interview kay PHIVOLCS Director at Science Undersecretary Renato Solidum Jr., sinabi nitong na-monitor nila ang pagtaas uli ng plume na nagmumula sa crater. “Alert Level 1 ay maintained,” saad ni Solidum.


Ayon sa PHIVOLCS, “a phreatic eruption refers to a steam-driven explosion that occurs when water beneath the ground or on the surface is directly heated by hot rocks or new volcanic deposits (e.g. pyroclastic density currents, lava) or indirectly by magma or magmatic gas.”


Sa kanilang volcano bulletin, binanggit ng PHIVOLCS na umabot na sa 136 volcanic earthquakes ang report na naganap sa Bulusan Volcano sa nakalipas na 24 oras.


Naglabas din ang bulkan ng 613 tonnes o tonelada ng sulfur dioxide noong Hunyo 10. Habang nasa 150-metrong taas ng plume ang ibinuga ng Bulkang Bulusan na kumikilos sa bahaging kanluran-hilagang kanluran at hilagang-kanluran.


Sinabi rin ni Solidum, nai-report na ang ashfall sa ilang bahagi ng munisipalidad ng Juban. Ayon naman kay Juban, Sorsogon Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Public Information Officer Arian Aguallo, ang buong munisipalidad ng Juban ay apektado na ng ashfall.


“Medyo scattered po ngayon ang bagsak ng ashfall, hindi lang concentrated sa isang barangay. As of now, buong munisipyo po may traces of ashfall. Pero may mga selected barangays na heavily affected,” sabi ni Aguallo.


Tiniyak naman ni Aguallo na walang adverse events na nai-report sa ngayon, habang ang mga residente ay hindi pa inabisuhan ng lokal na gobyerno na lumikas sa kanilang tirahan.


Gayunman, pasado alas-9:00 ng umaga, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinimulan na ang evacuation ng mga residente sa ilang mga barangay sa Juban.


“Ongoing din po ang evacuation sa oras na ito. May natanggap po kaming report na 103 families/438 pax ang bilang na nag-evacuate mula sa Juban,” pahayag ng NDRRMC sa mga reporters.


“Ongoing po ang aming coordination with the regional counterpart. As of this moment ay we received a report na may ashfall incident sa Casiguran, Juban, Irosin,” dagdag ng NDRRMC.


Una nang sinabi ni Sorsogon Governor at incoming Senator Francis “Chiz” Escudero na siyam na barangay sa munisipalidad ng Juban, Casiguran, at Magallanes ay nakararanas na ng ashfall.



 
 

ni Lolet Abania | June 7, 2022



Kontaminado na ang pinagmumulan ng tubig sa Juban, Sorsogon sanhi ng ashfall na mula sa Bulusan Volcano, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes.


“Nagkaroon ng problema sa patubig ‘yung community na spring water ang pinagkukunan dahil exposed ito at nalagyan ng abo,” saad ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa Laging Handa public briefing.


Ayon kay Timbal, nag-deploy na ang local government unit (LGU) ng mga water tankers upang magbigay ng suplay ng tubig sa mga apektadong komunidad. Ang pribadong sektor ay nagpamahagi na rin ng mga bottled water. Gayundin, ang Philippine Red Cross (PRC) ay nagkaloob ng katulad na mga supplies sa mga komunidad ng lugar.


Nang tanungin kung may posibilidad na ideklara ang state of calamity, binanggit ni Timbal ang tugon ni Sorsogon Governor Francis ‘Chiz’ Escudero na ang sitwasyon sa lugar aniya, “still manageable at the level of local government units.”


Ani pa nito, walang tirahan ang napinsala habang ang mga government services, gayundin ang mga public utilities gaya ng tubig, power, at telecommunications ay hindi naputol o nag-interrupt.


Ayon din kay Timbal, nasa kabuuang 216 katao ang inilikas na dahil sa ashfall. Nitong Linggo, naiulat ang pagsabog o phreatic eruption ng Bulusan Volcano na tumagal ng 17 minuto na nagtulak sa lokal na gobyerno para agad na ilikas ang mga apektadong residente.


Ang mga munisipalidad ng Juban, Casiguran, at Irosin sa Sorsogon ay nakaranas naman ng ashfall. Itinaas din ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo sa Alert Level 1 ang alert status sa Bulusan Volcano mula sa dating zero.


Batay sa ulat ng Phivolcs ngayong Martes, nasa kabuuang pitong volcanic earthquakes ang kanilang na-monitor sa Bulusan Volcano sa Sorsogon sa nakalipas na 24 oras.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page