- BULGAR
- Oct 26
ni Gerard Arce @Sports | October 26, 2025

Hindi natatakot sa mas matangkad na katapat si reigning at defending International Boxing Federation (IBF) minimumweight champion Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran na masusubok kontra sa undefeated at No.3 Pinoy contender Christian “Punchtian” Balunan sa main event ng Prelude to “Thrilla in Manila II Countdown” ngayong gabi sa San Andres Sports Complex sa Malate, Maynila.
Aminado ang 28-anyos na southpaw na napaghandaan at napag-aralan nilang maigi ang isitilo at galaw, gayundin ang taas na 3 pulgada ni Balunan. “Sanay naman ako lumaban ng matangkad na tulad ni Balunan. Maganda ang gameplan namin ni coach Carl Penalosa,” pahayag ni Taduran sa press-conference kahapon at official weigh sa Orchid Gardens Suites na kapwa tumapak sa 104.3 pounds.
“Kailangan ko ring iwasan yung mga malalakas na suntok niya pero kung mabibigyan naman ako ng pagkakataon na ma-knockout siya, darating yun,” paliwanag ni Taduran sa Bulgar Sports, na muling sasabak sa world title fight sa bansa, kung saan unang nagkampeon kontra Samuel “Silent Assassin” Salva sa 4th round stoppage sa Philippine Marine Corp sa Taguig City noong Set. 3, 2019, ngunit dalawang beses namang nabigo kontra Rene Mark “Mighty Mouse” Cuarto noong Pebrero, 2021 sa General Santos City at rematch noong Peb. 2022 sa Digos City dulot ng accidental headbutt.






