top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 16, 2023


Noong nakaraang Oktubre 10 ay ipinagdiwang ang World Mental Health Day na may temang ‘Our minds, our rights’ na isang malaking oportunidad upang maitaas ang kaalaman hinggil sa lumalalang sitwasyon patungkol sa problema sa mental health.


Kailangan na umanong kumilos ng mga komunidad at mga eksperto upang magsama-samang mabigyan ng proteksyon ang maraming tao laban sa problema sa mental health dahil sa marami na umano ang nagdurusa sa suliraning ito na hindi pa nila alam o hirap silang tanggapin.


Lahat umano ng tao, saan mang bahagi ng mundo ay may karapatan sa pinakamataas na maabot ang standard sa mental health, kabilang ang mabigyan ng proteksyon sa mental health risks, tamang pangangalaga at malayang pagtanggap sa komunidad.


Ang maayos na mental health ay lubhang napakahalaga sa kabuuang pagkatao kaya medyo naaalarma ang mga eksperto dahil sa datos na isa sa bawat walong tao sa mundo ay nabubuhay o may malalang kondisyon sa mental health.


Lalo pa at tumataas na rin ang bilang ng may kondisyon sa mental health ng mga hindi pa ganap na matanda at mga bata na nagreresulta sa kanilang pakikisalamuha sa kapwa na may malaking epekto rin umano sa kanilang pisikal na kalusugan.


Ngunit, ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagkakaroon ng kondisyon sa mental health ay hindi dapat maging dahilan upang pigilan sila sa kanilang mga karapatan lalo na pagdating sa kung anong nais nila sa kanilang kalusugan.


Malaki nga lamang ang kinakaharap na problema ng mga may kondisyon sa mental health dahil marami sa kanila ang dumaranas ng paglabag sa karapatang pantao at karaniwang hindi ibinibilang sa mga mahahalagang desisyon sa pamilya at komunidad.


Sa kasalukuyan ay itinuturing na ring krisis ang patuloy na paglago ng bilang ng mga kababayan nating may kondisyon sa mental health at itinatrato na itong epidemya sa buong Pilipinas.


Ang Philippine Mental Health Association Inc. (PMHA) ay itinaas na ang alarma noong nakaraang Linggo at tinukoy nila itong ‘rising epidemic of mental health crisis’ sa buong bansa.


Sa pangunguna ng PMHA na binubuo ng mga mental health professional at advocates ay nagpahayag na kailangan na ng matinding suporta at aksyon upang matugunan ang naturang problema kabilang na ang malawakang pagpapakalat ng mga impormasyon hinggil dito.


Ayon sa pamunuan ng PMHA, napansin nila ang pagsirit ng problema sa mental health ay nagsimula sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic lockdown hanggang sa kasalukuyan at nagtuluy-tuloy na.


Tulad ng mga pag-aaral at datos sa ibang bansa ay natukoy din na marami sa ating mga kababayan ang naapektuhan ng mental health-related issues na walang pinipiling edad -- matanda o bata, mahirap man, mayaman kaya ito itinuring na silent epidemic na kailangan nang tuldukan.


Ayon sa Department of Health (DOH), ang mental illness sa Pilipinas ay nagiging pangkaraniwang kapansanan na at tinatayang nasa 3.6 milyong Pilipino na ang dumaranas ng mental, neurological at substance use disorder.


Ang nakalulungkot, inihayag ng PMHA na ang access ng ating mga kababayan sa mental health services sa buong bansa ay nananatiling limitado at hindi pantay-pantay ang pagtingin dahil sa stigma at takot sa naturang problema.


Lumalabas na mayroon umano tayong isang mental health worker sa bawat 100,000 Pinoy kaya matindi ang pagsisikap ng PMHA na himukin ang lahat ng ating mga kababayan na magsama-sama upang pagtulungang harapin ang problemang nabanggit.


Ayon sa PMHA, ang mental health umano ay ‘universal human right’, kaya marapat lamang na pag-ibayuhin ang diagnosis, treatment, pagkalinga at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng ugnayan sa mga eksperto na maaaring tumugon sa epidemyang ito.


Sa kasalukuyan ay mayroon tayong umiiral na Philippine Mental Health Act o Republic Act No. 11036, pagsasabatas ng local mental health ordinances, karagdagang pondo upang mapalawak pa ang mental health services at palagiang kampanya upang mapalawak pa ang kaalaman hinggil sa mental health.


Ang kailangan na lamang ay paigtingin ang umiiral na batas upang matulungan natin ang mga propesyunal at eksperto na ngayon ay nagsama-sama upang sagipin ang marami nating kababayan.


Dapat nating maliwanagan na ang kinakaharap nating krisis sa Pilipinas sa mental health ay nangangailangan ng sama-sama nating pagsisikap mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng local at national governments, private sector, healthcare providers, communities, schools at bawat indibidwal.


Lahat tayo ay may mahalagang papel na gagampanan upang matugunan ang mental wellness ng ating mga kababayan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 13, 2023


Walang sinuman ang makapagsasabi ngayon kung ano ang kahahantungan at kung kailan magwawakas ang nagaganap na sigalot sa pagitan ng Israel at Hamas. Kaya tama lang na dagdagan ng ating pamahalaan ang pagsisikap para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan na lubha ngayong apektado.


Hindi pa rin madetermina ang direksyon ng putukan at pagsabog na nagaganap sa hangganan ng Lebanon at Israel, maging sa Golan Heights na nasa boundary ng Syria at Israel kung saan may mga ulat na maraming Pinoy ang naninirahan.


Nasa dulo ng Israel ang Lebanon at katapat nito sa kabilang bahagi ang Egypt kung saan katabi naman ang Gaza Strip na labis ding nakaranas ng pagkadurog na halos ikawala na ng may 2 milyong mamamayan ng Hamas na siyang naglunsad ng giyera.


Labis nating pinangangambahan na posibleng makilahok ang ibang bansa lalo pa at nagbibigay na rin komento ang United Nations hinggil sa kaguluhang ito na sana ay humantong naman sa positibong resulta.


Sa ngayon ay puro inisyal at paiba-iba pa ang ulat hinggil sa bilang ng mga nasawi sa magkabilang panig ngunit ang higit nating inaalala ay ang kalagayan ng ating mga kababayan, tulad ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga Pinoy sa Gaza na karaniwan ay kasal sa Palestino.


May ulat na ring dalawa sa ating kababayan ang kumpirmadong nadamay sa libu-libong nasawi na sa digmaang nagaganap at sana naman ay huwag nang madagdagan pa.


Nag-anunsyo ang Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa Alert Level 2 na ang sitwasyon na ang ibig sabihin ayon sa desisyon ng Foreign Ministry ay itigil muna ang pagpapadala ng OFW sa Israel.


Kumpirmado rin na humihingi na ng tulong ang marami nating kababayan na nasa Gaza dahil sa labis na umano silang naaapektuhan ng bakbakan sa pagitan ng Israel at Hamas.


Sa ginanap namang pagdinig sa House Committee on Overseas Workers Affairs ay pinatotohanan ng DFA na mayroong 70 Pinoy sa Gaza ang humingi ng tulong para sa kanilang pag-uwi ngunit ang problema ay ‘under blockade’ ang Gaza kung kaya’t walang malalabasan.


Base sa datos ng pamahalaan, nasa 30,500 Pinoy ang kasalukuyang naninirahan sa Israel at ang ilan nga ay nakapag-asawa na ru’n at hindi sila basta-basta mailikas dahil sa hindi nila maiwan ang kanilang asawa at mga anak.


Malaking problema ng DFA na mailikas agad ang mga Pinoy dahil hindi nila matiyak kung papayagan bang lumabas ng kanilang bansa ang kanilang mga naging asawa at kung papayagan bang makapasok naman ng ating bansa.


Kaya nga matapos nating makumpirma ang digmaang ito ay agad nating kinalampag ang lahat ng sangay ng pamahalaan na gawin lahat ng makakaya upang masiguro ang kaligtasan ng Pinoy sa Israel at Gaza, at tiyaking wala kahit isa ang maiiwan sa gitna ng kaguluhan.


Nakakalungkot matanggap ang balita na dalawa sa ating mga kababayan sa Israel ay lubhang naapektuhan ng kasalukuyang sigalot na nauwi sa pagkawala ng kanilang buhay kaya nakikidalamhati tayo at nagluluksa kasama ng kanilang mga pamilya.


Sa DFA, sa Department of Migrant Workers (DMW), at sa iba pang sangay na pamahalaan na may maitutulong sa kasalukuyang sitwasyon ay hiniling nating doblehin pa ang pagsisikap upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng ating mga kababayan.


Dapat masiguro ang kanilang kaligtasan para hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga kababayan nating nasawi. WE SHOULD ENSURE THAT NO FILIPINO WILL BE LEFT UNACCOUNTED FOR. NO ONE SHOULD BE LEFT BEHIND.


Limang araw na ang nakararaan nang atasan ng DFA ang mga Pinoy na nasa gitna ng bakbakan na lumagay sa ligtas na lugar, ngunit tinitiyak naman natin na hindi naman nagpapabaya ang kasalukuyang administrasyon para sa paglikas sa iba pa nating kababayan.


Time is crucial in saving the lives of our kababayans in Israel. Kaya dapat siguruhin talaga na gagamitin natin ang lahat ng pagkakataon at oportunidad para madala natin sila sa mabuting kalagayan. Hindi tayo dapat magpatumpik-tumpik dahil buhay nila ang nakataya sa bawat segundong lumilipas.


Tiwala ako sa kakayahan ng ating mga opisyal, nitong nakaraang Abril lamang ay nakita natin kung paano ni-repatriate ang mga kababayan natin sa Sudan, kaya inaasahan kong ganito rin ang mangyayari ngayon.


Kaya nga buong puso nating pinasasalamatan ang mga tauhan ng DFA, DMW at iba pang ahensya ng pamahalaan dahil sa kanilang serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na sa mga OFW sa mga panahong tulad nito.


Sana lang ay hindi na humantong na aabot pa sa makikialam ang ibang bansa sa nagaganap na digmaan at manalangin tayo na sana ay maging matagumpay ang ating pakikipag-usap sa mga opisyal ng Israel at Egypt at payagan tayong mailikas ang iba pa nating kababayan sa Gaza.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 08, 2023


Masyadong naaagaw ang ating atensyon sa P23.62 bilyong halaga ng illegal drugs na nasamsam ng pamahalaan simula nang mag-umpisa ang kasalukuyang administrasyon hanggang sa kasalukuyan.


Hindi nga naman matatawaran ang 61,269 suspek na nasakote kabilang na ang 4,174 high-value targets (HVTs), sa loob ng 44,338 anti-illegal drugs operations mula Hulyo 1, 2022 hanggang sa kasalukuyan.


At ikinatutuwa ito ng taumbayan dahil maraming kabataan ang mailalayo sa kapahamakan ng bilyong pisong halaga ng nasamsam na ilegal na droga ngunit tila nakakaligtaan naman natin na nalulusutan tayo ng mga nakakalasong kemikal na ang biktima ay kabataan din.


Ilang araw na lamang ay ipagdiriwang na natin ang Halloween at kabi-kabilang costume party ang nauuso na karaniwang kinagigiliwan ngayon hindi lang ng mga kabataan kung hindi ng buong pamilya.


Dahil dito ay nagbigay ng babala ang ilang grupo sa publiko laban sa mga produktong nagtataglay ng nakakalasong kemikal na mapanganib sa kalusugan at kaligtasan ng bawat isa lalo na sa mga bata.


Kinumpirma ng BAN Toxics, isang toxic watchdog group, na lantaran na ang bentahan ng mga Halloween products kabilang ang nakakatakot na mga masks, face paint at make-up, horror blood at fangs, jack-o-lantern baskets, scary battery operated toys, creepy imitation weapons, skull and bones at iba pang Halloween items para sa maagang spooky shopping.


Napansin ng grupo na karamihan sa mga produkto ay hindi maayos ang label na hindi awtorisadong ipagbili at gamitin dahil wala itong tamang Certificate of Product Notification (CPN) mula sa Food and Drug Administration (FDA).


Pinangangatawanan ng naturang grupo na sa panahong ito ay lantaran na ang bentahan ng mga Halloween products hindi lang sa mga shopping mall kung hindi sa mga bangketa na dapat ay rehistrado sa FDA at naaayon sa labeling requirements.


Bultu-bultong Halloween products ang naglipana sa napakaraming pamilihan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na karaniwang nagmula sa mga bodega ng mga negosyante sa Divisoria at Baclaran na direktang binabagsakan ng mga delikadong produkto.


Bukod sa pagkakalantad sa toxic chemicals gaya ng lead na may seryoso at matinding epekto sa kalusugan ng mga bata, ang mga Halloween products ay may iba pang potensyal na panganib tulad ng choking, sunog, at laceration na hindi ligtas na paglaruan ng mga bata.


Ayon sa BAN Toxics, ang RA No. 9711 o FDA Act of 2099 -- ang importation, manufacture, exportation, pagbebenta, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertising o sponsorship ng anumang health product na walang tamang awtorisasyon mula sa FDA ay ipinagbabawal.


Tama nga naman na ang ipinagbibiling Halloween toys ay dapat manatiling laruan, katatakutan at magdudulot ng saya sa ipinagdiriwang na okasyon, hindi ‘yung magdadala ng seryosong problema sa kalusugan na sa huli ay mas nakakatakot pa kumpara sa Halloween.


Hindi rin nagpapahuli ang Laban Konsyumer, Inc. at EcoWaste Coalition, dahil pursigido rin sila taun-taon na maiparating ang tamang impormasyon sa mga mamimili hinggil sa kaligtasan ng mga laruang nasa merkado.


Kasabay ng mga Halloween toys ay bumabaha na rin sa mga pamilihan ang mga nakalalasong laruan, partikular ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.


Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga legal na toymakers, distributors at retailers ngunit maraming tiwali ang nagbebenta ng laruan na hindi pasado sa quality at safety verification kabilang na ang product labelling requirements.


Dapat umanong iwasan ng mga mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo o hindi sinasadyang naisusubo ng isang batang naglalaro.


Ang madalas na pagkalantad ng isang bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span, at anti-social behavioral.


Sa pag-iikot ng EcoWaste ay may mga laruan silang nakita na may bakas ng heavy metals tulad ng antimony, arsenic, cadmium, at chromium na wala ring product labelling information bilang pagtugon sa Republic 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act.


Maagang kumikilos ang mga negosyante, dahil napakarami na sa kasalukuyan ang namimili ng mga murang laruan at dinadala sa mga lalawigan na kung hindi maaagapan ay maraming kabataan na naman ang mabibiktima.


Sana naman ay kumilos din nang maaga ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan bago pa maikalat ang mga nakakalasong laruan, hindi ‘yung nagkalat na saka kikilos.


Hinihikayat din natin ang mga konsyumer na i-report sa FDA ang anumang pagbibenta, distribusyon, reklamo at/o adverse event sa paggamit ng ipinagbabawal na laruan at childcare articles sa pamamagitan ng online reporting facility ereport@fda.gov.ph o tumawag sa center for Cosmetics and Household/Urban hazardous Substances Regulation and Research (CCHUHSRR) hotline (02) 8857-1900 loc.8113 o 8107.


Kung wala kasing magre-report hindi rin sila kikilos agad!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page