top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 13, 2023


Dapat nating saluduhan itong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) at ang kanyang economic team dahil sa pagtaas ng gross domestic product (GDP) growth rate ng bansa nitong ikatlong quarter.


Ang ating ekonomiya ay nagtala ng 5.9% growth sa ikatlong quarter ng taong kasalukuyan, higit na malakas sa 4.3% sa ikalawang quarter at pinakamataas na naitala sa kasalukuyan kumpara sa mga kalapit nating bansa sa Asia.


Sadyang napakagandang balita na habang papalapit ang pagsasara ng taon ay lumago ito ng 1.6% mula noong second quarter – lampas-lampas sa mga pagtaya ng merkado.


Marapat lang na bigyan naman natin ng karampatang papuri si P-BBM at ang kanyang grupo dahil sa tinalo ng Pilipinas ang mga kalapit bansa tulad ng Vietnam na may 5.3%; Indonesia at China na may 4.9%; at Malaysia na pumalo sa 3.3% GDP growth rate.


Resulta ito ng pagsisikap at pagtutulungan ng ehekutibo sa pamumuno ni P-BBM, kaakibat ang lehislatura na binubuo ng Kamara at Senado, kung saan naman tayo nabibilang. Pihadong ‘pag nagkakaisa at nagtutulungan ay mas madaling dalhin ang bansa sa tamang direksyon.


Target ng pamahalaan na maabot ang 6% hanggang 7% na full-year GDP growth para sa taong 2023 kaya dapat lumago ang ating ekonomiya ng mga 7% sa ikaapat na quarter para maabot natin ang low end ng target.


Kaugnay nito, buong-buo ang pag-asa natin na kayang-kaya pumalo ng economic growth ng bansa sa 6.5% hanggang 7% sa fourth quarter, o mga buwan ng Oktubre, Nobyembre, hanggang katapusan ng taong kasalukuyan.


Realistic ito dahil sa magiging pagtaas ng daloy ng pananalapi na ginagastos sa panahon ng Kapaskuhan, kasama na ang pagpasok ng mga remittance mula sa ating mga OFW, at nakadagdag pa ang nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Kaya itong itinataya nating 7% growth rate ay maaari talagang maabot lalo pa at normal na ang lahat at wala na ring umiiral na restriction, nakabangon na rin ang ating turismo maging local o foreign -- pati mga negosyo ay tuluy-tuloy na ang pagbangon.


Ang kailangan lang sa ngayon ay ipagpatuloy natin kung anuman ang ating nasimulan upang mas mabilis na maramdaman ng ating mga kababayan ang pag-usad ng ating ekonomiya, magandang senyales ito para matugunan ang inflation at pagtaas ng mga presyo.


Buo rin ang aking pag-asa na mababawasan ang bilang ng ating mga kababayan na walang trabaho sa panahong ito dahil mataas ang pangangailangan para sa mga bagong negosyong binubuksan ngayong Kapaskuhan.


Marami rin tayong kababayan ang naeengganyong magbenta ng kung anu-ano at dagsa ang napakaraming produkto mula sa iba’t ibang bansa na ang kailangan lamang ng ating mga kababayan ay magsipag.


Base kasi sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority ay bahagyang tumaas ang ating unemployment rate na pumalo ng 4.5 porsyento noong buwan ng Setyembre mula sa 4.4 porsyento ng buwan ng Agosto ng taong kasalukuyan.


Ngunit, kayang-kayang bawiin ‘yan dahil kung pagbabasehan natin ang ulat ng PSA noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nasa 4.2 porsyento lamang ito at kabilang pa rito ang epekto ng kasagsagan ng pandemya kaya kayang-kaya natin ito.


Sabagay, kitang-kita naman ang mabilis at determinadong pagkilos ng gobyerno para labanan ang inflation na nagresulta ng malaking pagbaba sa presyo ng mga bilihin na naitala nitong nagdaang Oktubre.


Kaya nga pinuri ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno ang 4.9% na headline inflation na nairehistro noong nakaraang buwan, na itinatampok ang pagbaba ng average rates na nakita noong Setyembre at noong nakaraang taon.


Bumaba rin aniya ang inflation rate noong Oktubre sa inaasahang hanay na 5.1% hanggang 5.9% na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Ang rate ng inflation nitong Oktubre ay nagdala sa 10-buwan na average sa 6.4%, na lumapit sa tinatayang saklaw ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na 5.0% hanggang 6.0% para sa buong taon ng 2023.


Ang National Capital Region (NCR) ay nakakita rin ng downtrend sa inflation sa 4.9% mula sa 6.1% noong Setyembre 2023.


Lahat ng rehiyon sa labas ng NCR ay nagtala rin ng mas mabagal na inflation rate, maliban sa Region VII (Central Visayas), na nag-post ng mas mataas na taunang pagtaas.


Sa kabuuan ay maganda ang ating hinaharap, basta tulung-tulong lang at sama-sama tayo tungo sa tama at maunlad na direksyon.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 10, 2023


Apatnapu’t limang araw na lang Pasko na!


Wala nang atrasan dahil marami sa ating mga kababayan ang nagsasagawa na ng countdown at ramdam na ramdam na ang pagkukumahog ng ating mga kababayan habang lahat ay excited na sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus.


Kilala ang Pilipinas na bansang may pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan dahil sa pagpasok pa lamang ng ‘bermonths’ ay nagsisimula na ang marami na magkabit ng mga Christmas decoration at naghahanda ng mga ipanreregalo kahit paunti-unti.


Ang mismong Senado ay nagsagawa na ng Christmas lighting na dinaluhan ng mga senador at mga empleyado kaya kitang-kita ngayon ang napakaliwanag na gusali tuwing sasapit ang gabi na lalong nagbigay sigla sa papalapit na araw ng Pasko.


Kasunod nito ay ang paghahanda sa mga dadaluhang Christmas party kaya masiglang-masigla na ang mga pamilihan at kabi-kabila na naman ang mga paninda na lahat ay may kaugnayan sa Pasko kaya ang lahat ng mga kababayan nating may hanapbuhay ay magsisimula nang planuhin kung paano pagkakasyahin ang inaasahang 13th month pay.


Ang 13th month pay ay karaniwang ibinibigay ng mga pinapasukang kumpanya sa bawat manggagawa tuwing Nobyembre 30 bilang karagdagang panggastos para sa isasagawang holiday shopping na bukod sa regular na buwanang suweldo.


Ngunit, nakiusap ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga negosyante na maagang ibagay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado upang maaga umanong makapaghanda ang mga empleyado sa darating na holiday.


Ipinaalala ng DOLE sa mga employer na walang exemption ang pagbibigay ng 13th month pay at nauunawaan umano ng kagawaran ang kalagayan ng ilang kumpanya na nagre-recover pa sa epekto ng pandemya, subalit ang pagbibigay ng 13th month pay ay obligasyon umano ng mga employer.


Hindi bonus ang 13th month pay dahil sa bisa ng Presidential Decree No. 851, lahat ng employer na mula sa pribadong sektor ay obligadong magbigay ng 13th month pay sa rank-and-file employees kumita man o hindi ang kumpanya, hindi tulad ng bonus na ibinibigay depende sa employer kung maganda ang takbo ng kumpanya.


Ayon sa website ng Department of Labor and Employment (DOLE) lahat ng rank-and-file employees ng kahit isang buwan lamang ay may karapatan na makatanggap ng 13th month pay kahit anong uri pa ng trabaho at kung gaano kalaki ang suweldo. Hindi kailangang maging permanent employee o makabuo ng isang taong pagtatrabaho.


Hindi kabilang sa panuntunan ang mga empleyado ng pamahalaan dahil hindi sila nito sakop ngunit nakatatanggap sila ng year-end bonus, cash gifts at posibleng may karagdagan pa ngunit hindi naman ‘yan ang pinag-uusapan.


Kung ang isang employer ay nagbibigay na ng higit pa sa 13th month sa loob ng isang taon, ang naturang kumpanya ay maaari nang hindi magbigay ng 13th month pay at ito ay aplikable lamang sa mga tanggapang nagbibigay ng garantisadong bonuses tuwing quarter o semester na kung susumahin sa kabuuan ay mas higit pa sa inaasahang 13th month pay.


Nakalulungkot ding sabihin na hindi rin makatatanggap ng 13th month pay ang mga project basis employees lalo na ‘yung mga kumikita na nakabase sa komisyon.


May mga employer na buwan pa lamang ng Hunyo ay ibinibigay na ang kalahati ng 13th month pay at ang kalahati ay sa buwan ng Disyembre na pinapayagan naman sa batas basta’t tiyakin lamang na bago sumapit ang Disyembre 25 ay nakumpleto na ang kabuuan ng 13th month pay.


Hindi rin puwedeng makiusap o humingi ng amnestiya ang isang kumpanya na mahina o nakararanas ng pagkalugi na huwag munang magbigay ng 13th month pay at sa halip ay pinapayuhan silang mangutang para hindi lamang maantala ang 13th month pay ng mga manggagawa.


Nag-aalok naman ang pamahalaan ng loans for workers 13th month pay lalo na sa mga maliliit na negosyante o kaya ay ‘yung mga kumpanyang labis na naapektuhan ang negosyo dahil sa kasagsagan ng pandemya kaya walang katuwiran ang mga employer na hindi maibigay ang 13th month pay.


Ngayon, sakaling may mga employer na hindi talaga nagbigay ng 13th month pay sa mga empleyado, maaaring isumbong ang mga ito sa online sa DOLE Establishment Report System sa report.dole.gov.ph. bago pa matapos ang Enero 15 ng kasunod na taon upang mabigyang aksyon.


Halimbawa namang nawala sa trabaho ang isang empleyado dahil sa kung anong dahilan o kaya ay nag-resign o nagretiro ay maaari pa ring makakuha ng 13th month pay benefit ngunit kailangan lamang kuwentahin kung gaano ang haba pa ng ipinanatili sa kumpanya na may kaakibat na halaga.


Marahil, maraming kababayan natin ang naliwanagan sa ilan nilang katanungan tungkol sa 13th month pay at malinaw din na marami sa ating mga kababayan ang ngayon pa lamang ay inaasahan na mapasakamay nila ang biyayang ito.


May panawagan naman ang Simbahang Katoliko hinggil sa ‘bermonths’ o ang mahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan dahil sa wala umano itong basbas ng Simbahan dahil hakbangin lamang umano ito ng mga negosyante para gawing commercial celebration ang Araw ng Pasko.


Ang nagbigay ng paalala patungkol dito ay ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na tila nababahala sa maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan ngunit hindi naman ito tinututulan basta’t hindi lamang iniuugnay ang Simbahan.


Pinaninindigan ng Simbahan na hindi kailanman hinihikayat o sinusuportahan ang maagang pagsisimula ng Pasko sa bansa dahil taliwas umano ito sa Liturgical calendar ng Simbahang Katoliko.


Wala umanong kinalaman ang Simbahan kung paano nagsimula ang ‘bermonths’ celebration sa bansa o ang pagpasok ng September, October, November at December – halos apat na buwan bago mag-Pasko dahil isa umano itong malaking pagkakamali kung iuugnay ang Simbahan at mariin nila itong tinututulan.


Kaya huwag magpadala sa bugso ng kalakaran na likha ng mga negosyante at ating ilaan ang ating 13th month pay at bonus sa mas kapaki-pakinabang na gastusin dahil ang diwa ng Pasko ay nagsisimula sa Simbang Gabi at sama-sama ang buong pamilya na magsimba sa mismong araw ng kapanganakan ng Panginoong Hesus.


Hindi naman masamang magsaya sa panahon ng Kapaskuhan ngunit sana ay huwag ubus-ubos biyaya para sa pagpasok ng Bagong Taon ay may nakatabi tayong ipon.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 8, 2023


Noong nakaraang Lunes ay balik-trabaho na naman ang lahat ng senador dahil sa muling pagbubukas ng sesyon kung saan ay nagsagawa tayo ng mga sponsorship sa mga local bills at may mga inihahanda rin tayong mga bagong panukalang batas na makatutulong sa pagsulong ng ating bansa.


Simula na rin ng pagdinig tungkol sa mga paglalaan ng pondo ng pamahalaan na kailangang busisiin nang mabuti na halos malaking bahagi ng buwan na ito ay nakalaan lamang sa budget hearing bago ang iba pang mga pagdinig na isasagawa hanggang Disyembre 15.


Bago mag-uwian noong Lunes ng gabi ay sama-samang nagtipun-tipon ang mga senador at empleyado sa harap ng gusali ng Senado at buong ningning na sinaksihan ang Christmas lighting bilang hudyat na papalapit na ang Pasko.


Positibo ang mga nagdaang araw dahil sa pagbisita sa ating bansa ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida na tiniyak ang kanilang pangako na tutulungan ang Pilipinas na mapalakas ang ating kakayanang pangseguridad.


Partikular ang ‘free and open Indo-Pacific’ (FOIP) at binigyang-diin ang pangako na makikipagtulungan sa ating bansa at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang makamit ang mithiin hinggil dito.


Sa kanyang talumpati sa joint session ng Kongreso nitong Sabado, sinabi ni Kishida na pumabor din ang gobyerno ng Japan kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na simulan ang pormal na negosasyon para sa Japan-Philippines reciprocal access agreement (RAA).


Patuloy umanong tutulong ang Japan sa pagpapaunlad ng kapabilidad pagdating sa seguridad ng Pilipinas, maging ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan kabilang na ang pagpapalalim pa ng ugnayan at pakikipagtulungan sa mga darating na panahon.


Tinalakay ni Kishida ang patungkol sa FOIP kasabay ng pagtitiyak hinggil sa seguridad at ligtas na paggamit ng dagat at himpapawid kaya ang Japan umano ay nakapagbigay ng 12 barko sa Coast Guard upang mapalakas ang maritime security capability ng bansa at nakatakda pang dagdagan ng lima pang barko.


Isang kumpanya rin umano sa Japan ang nagbigay ng warning and control radar sa Philippine Air Force (PAF) noong nakaraang buwan upang lumakas ang Air Domain Awareness.


Pumayag din ang Japan na maglagay ng coastal surveillance radars sa Philippine Navy bilang bahagi ng unang proyekto sa ilalim ng Official Security Assistance (OSA) ng pamahalaang Japan ngayong taon lamang.


Suma total umabot sa 600 million Japanese yen ang grant mula Japan o tinatayang nasa P235.5 milyon na nakatakdang ilaan sa coastal radars upang mapalakas ang ating military’s capabilities sa pagbabantay sa mga baybaying dagat ng bansa.


Dapat natin itong ipagpasalamat dahil ang coastal radar systems na pinondohan sa ilalim ng kanilang OSA program ay malaking ambag sa ating AFP maritime defense capabilities at mas magiging magaan ang isinasagawang monitoring para matiyak ang seguridad ng karagatang ating nasasakupan.


Nakakataas din ng moral ang pahayag ng Japanese Prime Minister hinggil sa usapin sa South China Sea na kailangan umanong idaan sa pagsunod sa batas at hindi sa pamamagitan ng puwersa o dahas.


Nasa proseso na umano ang trilateral cooperation sa pagitan ng Japan, Pilipinas at Estados Unidos upang protektahan at pangalagaan ang freedom of the sea (navigation) sa South China Sea.


Nagkaroon na kasi ng pag-uusap sina P-BBM at US Vice President Kamala Harris patungkol sa isyu ng South China Sea at ang pangangailangan na palakasin ang kooperasyon para manatili itong bukas at ligtas ay nangingibabaw pa rin.


Malaking bagay na binanggit ni Kishida na sa kasalukuyan ay mas matatag umano ang relasyon ng bansang Japan at Pilipinas dahil umabot na umano ito sa ‘golden age’ at patuloy pa rin umanong nagbubunga ng mabubuting bagay.


Partikular na tinukoy ni Kishida ang koneksyon umano ng mamamayan ng dalawang bansa na siyang nagpapatatag sa relasyon ng dalawang bansa at kahit kailan umano ay hinding-hindi ipagpapalit ang Pilipinas bilang partner ng kanilang bansa.


Kasi nga naman, ang Pilipinas ang ikalawang may pinakamalaking populasyon sa buong ASEAN countries at mahigit sa 300,000 citizens ay naninirahan sa Japan kaya ganu’n na lamang ang pagkalinga nila sa atin.


Matapos ang bilateral meeting sa Palasyo ay nagkasundo sina P-BBM at Kishida na magkaroon ng RAA na magbibigay-daan para sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa harap ng lumalakas na tensyon sa South China Sea.


Nagkasundo ang dalawang lider para palakasin ang ugnayan sa depensa at seguridad ng dalawang bansa kasabay ng pag-asang magsisimula na ang negosasyon sa lalong madaling panahon upang matugunan ang problema at tensyon sa South China Sea.


Mainit ang ibinigay nating pagsalubong sa delegasyon ni Kishida nang bumisita sa Malacañang nitong Biyernes ng gabi at binigyan pa ng arrival honors kasunod ang paglagda nito sa guest book ng Palasyo.


Lumagda rin ng memorandum of cooperation ang Department of Tourism (DOT) at Ministry of Land, Infrastructure, Transport, and Tourism (MLITT) ng Japan upang palakasin ang turismo sa pagitan ng dalawang bansa.


Hihikayat ang naturang memorandum ng mutual visits mula sa mga turista ng dalawang bansa, maging ang tourism industry growth para sa Pilipinas at Japan.


Sunud-sunod ang mga isyung kinaharap ng ating bansa ng mga nagdaang araw ngunit ngayon naman ay may pag-asang dala ang bansang Japan at hindi lang maagang pamasko kundi isang malaking biyaya para sa ating bansa.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page