- BULGAR
- Jan 12, 2024
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 12, 2023
Wala talagang puwedeng kumuwestiyon sa ilalim ng pananampalataya ng ating mga kababayan kung Poong Nazareno ang pag-uusapan matapos maging banner story ang naganap na Traslacion 2024 sa lahat ng radyo, diyaryo at telebisyon sa buong mundo noong January 9.
Tinawag pa ngang milagro ng ibang bansa ang naganap na Traslacion dahil sa hindi kayang tularan ang pangyayaring ito na kung hindi umano nakadokumento ay hindi paniniwalaan.
Marami tayong mga kababayan sa abroad ang nagsipagtawagan para lamang ipaabot sa atin na ‘proud na proud’ sila sa pananampalataya ng ating mga kababayan na nagsidalo sa Traslacion dahil labis-labis umano ang paghanga ng mga taga-ibang bansa sa kaganapang ito.
Ito ay matapos na dumugin ng tinatayang nasa 6.5 milyon nating kababayan ang bumuhos at pumuno sa lahat ng kalye sa Quiapo, Maynila upang lumahok lamang sa Traslacion 2024 o prusisyon para sa pista ng Itim na Poong Nazareno noong nakaraang Martes.
Nauna nang sinabi ng mga otoridad na inaasahan nila ang pagdagsa ng mga deboto sa pagbabalik ng tradisyunal na prusisyon matapos itong matigil ng tatlong taon dahil sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.
Hanggang alas-10:00 nang umaga kahapon, sinabi ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na umabot na sa 6,532,501 deboto ang sumama sa prusisyon na nagsimula ganap na alas-8 ng umaga.
Bukod dito, sa datos ng Philippine National Police (PNP) nasa 60,500 deboto ang nagsimba sa Basilica na kilala rin bilang Parish of Saint John the Baptist sa pareho ring oras.
Sinabi ni Rev. Fr. Hans Magdurulang, spokesperson para sa Nazareno 2024, na maaaring mas mataas pa ang bilang ng mga nakiisa sa prusisyon dahil sa Quirino Grandstand pa lang ay 1.3 milyon na ang dumagsa simula ng Pahalik hanggang umalis dito ang 400-taong imahe ng Poon ng alas-4:45 ng madaling-araw para sa prusisyon pabalik sa simbahan.
Samantala, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na payapa at walang anumang insidente ng karahasan ang prusisyon.
Sa isinagawang press briefing, iniulat ni Fajardo na nagtala ang Department of Health (DOH) ng 290 kaso ng mga minor injury, tulad ng pagkasugat, pagkahilo at inatake ng hika na agad namang nalapatan ng lunas.
Naging mabilis din umano ang daloy ng prusisyon dahil sa binagong disenyo ng andas.
Sa pahayag ni Fajardo, sinabihan nila ang mga deboto na hindi na kailangang sumampa, habang napabilis ang usad nito pero may mga kababayang nagpilit pa ring sumampa.
Kaugnay nito, mayroon pa rin umanong mga pasaway na nagbitbit ng mga matatalas na bagay na nakumpiska ng pulisya.
Mahigit sa 18,000 pulis, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang force multiplier ang ipinakalat sa paligid ng Quiapo dahilan para masakote ang mga lumabag sa panuntunang inilabas ng PNP.
Hindi rin nasunod ang paggamit ng face mask sa prusisyon bilang pag-iingat sa banta ng COVID. Dahil dito, nangangamba ang DOH ng posibleng pagsipa ng COVID-19 sa mga darating na araw lalo pa at marami na namang nahahawa sa naturang sakit.
Matatandaang naglabas ng pahayag mismong si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) na nagpositibo ito sa COVID-19 dahil sa sumisirit din ang kaso ng ubo, sipon at lagnat sa maraming lugar sa Pilipinas. Kaya huwag masyadong kumpiyansa baka tayo ay matsambahan.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




