top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 8, 2024


Hindi natin maitatanggi na malaking bahagi ng pang-araw-araw nating buhay ay napupunta sa pagtuon sa social media at wala itong pinipiling edad dahil mula bata hanggang matanda ay parang alipin na halos nito.


Napatunayan ang labis na pagkagumon ng maraming Pinoy nang mabulabog ang marami nating kababayan noong nakaraang Martes ng hatinggabi matapos mag-shutdown ang Facebook.


Sabi ng ilang apektado, basta-basta na lamang silang na-log out sa FB o nakakuha ng mensahe na ‘your session has expired.’ Nang sinubukan nila ulit mag-log in, sinasabihan nilang mali ang kanilang password kaya’t nagpapa-change password sila.


Kahit mag-change sila ng password, hindi pa rin sila makapasok sa FB uli kaya’t paulit-ulit nila itong ginagawa.


Ang unang reaksyon ng ilan nating kababayan ay na-hack na ang kanilang account at natakot na baka utangan o hingian ng pera ang nasa kanilang friends list.


Nag-down ang FB bandang alas-11 ng gabi hanggang halos alas-2 ng madaling-araw na ayon sa datos ng Downdetector.com. pinakamaraming nag-report ng alas-11:34 ng gabi noong Martes, March 5, na mayroong 617,270.


Sa Instagram, pinakamaraming nagreklamo ng alas-11:29 ng gabi na umabot sa 95,051 ang report. Sa WhatsApp, may nagreklamo na ng alas-9:02 ng gabi pa lamang at pinakamarami ang nag-report ng alas-12:02 ng hatinggabi ng 362 indibidwal.


Ayon sa Meta na may-ari ng Facebook, naibalik ang serbisyo ng alas-2:22 ng madaling-araw ng Miyerkules. 


Malaki ang tiwala ng kumpanya na kahit hindi sila magpaliwanag ay maiintindihan sila ng mga user dahil nga sa alam nilang nakadepende na ang marami nating kababayan sa kanilang sistema.


Magkagayunman ay nagpasalamat naman ang kumpanya sa ipinakitang pasensya ng mga user habang inaayos nito ang app.


Grabe ang idinulot sa ating kaguluhan nang mag-down ang system ng Facebook, kahit hatinggabi ay nabulabog ang marami sa ating mga kababayan. Napakaraming transaksyon ang apektado — ibig sabihin ganyan na katindi ang pagkabaliw ng ating mga kababayan sa social media.


Napakarami kasi nating pinag-uusapan at ginagawa ng personal ang halos naibaling na lahat sa paggamit ng social media, kaya nang panandalian itong nawala ay buong magdamag na hindi nakatulog ang marami nating kababayan, at ang pangyayaring ito ay buong maghapon pa rin na usap-usapan kinabukasan.


Halos buong buhay natin ay iniasa na natin sa socmed, pati ang paglalambingan minsan ng mga magsing-irog ay dito na rin idinadaan, lalo na ‘yung mga may karelasyon na overseas Filipino workers (OFWs) dahil mas madalas sa dis-oras ng gabi lamang nila nakakausap.


May mga magulang na nasa ibang bansa na nagtatrabaho at sa FB o ibang social media platform na lamang pinalalaki ang kanilang mga iniwang anak.


Dumating na tayo sa puntong lahat ng galaw natin sa buhay ay kailangan na ng tulong ng social media, ultimo sa paghahanap ng mga pupuntahang lugar ay nakadepende na rito.


May mga mag-asawa nga na muntik-muntikan nang maghiwalay dahil may mga misis na halos hindi na kinakausap ang kanilang mister dahil sa mas maraming oras na ginugugol sa socmed.


Maraming mabuting dulot naman sa atin ang social media, pero tama bang halos lahat na lang ay iasa na natin sa teknolohiyang ito? Sana lang ay makatulong ito sa pag-usad ng bawat isa at hindi makabagal pa sa pag-unlad.


Sa nangyaring ito, isang maliwanag na indikasyon na matindi na ang ating pagka-depende sa social media at hindi ko alam kong positibo pa ba itong matatawag o mayroong masamang epekto.


May ilan nga tayong kababayan na kapag umalis ng bahay at naiwan ang cellphone, kahit malayo na ay bumabalik pa para kunin lang ang naiwang cellphone.


Meron namang sirang-sira ang araw kapag ang lugar na pinuntahan niya ay walang signal dahil tiyak na hindi sila maiintindihan ng nagagalit na misis kung bakit hindi sila nagre-reply.


Hindi na tayo makakaatras sa sitwasyong ito, kaya ang tanong natin sa ngayon ay kaya pa ba nating mabuhay ng walang koneksyon ng social media?


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 6, 2024


Nagbigay ng babala ang Philippine National Police (PNP) kamakailan lamang sa ating mga lolo at lola laban sa bagong grupo na binubuo ng mga babae na walang ibang ginawa kundi ang mag-abang ng mga matatandang magwi-withdraw sa mga Automated Teller Machine (ATM) makaraang tumaas ang bilang ng mga biktima na karaniwang mga lolo’t lola.


Ito ang ibinunyag noong Sabado ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ng PNP makaraang dumagsa ang reklamo na kadalasang biktima ayon sa SOSIA ay pawang mga matatanda.


Nabatid na karaniwang nagpapanggap na magwi-withdraw din ang mga salarin, kaya hindi sila mapapansin dahil nakapila rin sila sa harap ng ATM at pawang mga babae.


Habang nasa pila ay kinakausap ng ilan ang puntiryang biktima, kaya hindi napupuna na ang kasabwat na mismong nasa machine ay may inilalagay na kung anong bagay para ang susunod na magwi-withdraw ay hindi na lalabas ng kumpleto ang pera.


May mga nakapila na kasabwat na kunwari at tutulong pa, ngunit ang magiging katapusan ng lahat ay aalis ang biktima na hindi nakapag-withdraw sa pag-aakalang may problema ang machine.


Dahil sa puro babae ang miyembro ng umano’y sindikato, hindi naghihinala ang biktima at sa tanggapan na lamang ng pulisya nalalaman na naging biktima na pala ng bagong modus na ito. 


Lumang istilo na ang paglalagay o pag-ipit ng manipis na ruler sa bukana ng machine, ngunit napansin ng sindikato na mas mabilis itong gamitin sa mga matatandang nagwi-withdraw kaya sa maikling panahon ay napakarami agad ng naging biktimang lolo at lola.


Ang paglalagay ng manipis na ruler na mayroong glue rito — na kadalasan umano ay gawa ang ruler sa plastic, fiber glass o steel sheet, at ipapasok ito sa cash dispenser nang sa gayon ay maiiwan o mata-trap ang pera mula sa inilalabas ng ATM machine.


Ang biktima ay aalis na lamang sa harap ng ATM machine sa pag-aakalang nagkaroon lamang ng technical glitch o problema o nag-hang ang machine at mabilis na kukunin ang naipit na pera ng nakasunod sa pila na tila walang nangyari.


Masyadong propesyonal ang mga babaeng miyembro nito, at kahit sa mga shopping mall ay hindi kapansin-pansin ang kanilang mga galaw kaya’t makabubuting huwag nating hahayaang mag-withdraw mag-isa ang ating mga lolo at lola.


Tinawag ng PNP ang mga babaeng sindikato na ‘Glue Ladies’, dahil sa makaraang umalis na ang biktima ay sila naman ang agad na lalapit sa machine at kukunin ang sumiksik na pera na nakadikit na sa ruler.


Nabatid na isa pa umanong modus ng mga ito ay ang paglalagay ng glue sa command keypads upang hindi makumpleto ng client ang kanilang ATM transaction, gayundin maglalagay sila ng adhesive sa card slot para ma-capture o makain ang ATM card at hindi na lumabas.


Sa puntong ito ay mag-aalok pa ng tulong ang kunwaring nagmamalasakit na mga salarin at kukumbinsihin ang biktima na umalis na lamang at may problema ang ATM, habang tulung-tulong na rin ang mga naturang babae sa pagkumbinsi sa biktima para umalis na nang tuluyan.


Sa ganitong pagkakataon, tatanungin na ng nag-alok ng tulong ang personal identification number (PIN) ng biktima, at ang PIN number ay kanilang tatandaan.


Kapag hindi pa rin lumabas ang ATM card ay kanila na itong sasabihan na dumulog sa bank employee o kaya sa mga nakatalagang security guard, at sa sandaling nakaalis ang biktima ay mabilisang kukunin ng mga salarin ang card saka agad na aalis at magwi-withdraw ng pera sa ibang ATM machine gamit na  ang card ng biktima.


Ang mga sinasabing Glue Ladies ay magkukunwari ring mga empleyado ng bangko at mag-aalok ng pag-asiste sa mga depositor at sila ay magbo-volunteer na magdedeposito ng pera sa mga walang kamuwang-muwang na biktima, na kadalasan nga na nabibiktima rito ay mga senior citizen.


Habang abala ang biktima sa pagsusulat sa deposit forms or slips, ang isa sa mga salarin ay kukunin ang pera o kaya naman ay ipagpapalit ito sa similar-looking envelop at agad na lalabas ng bangko dala ang pera ng biktima.


Dahil dito, inaalarma natin ang mga security guard, at mga private security service provider na magsagawa sila ng information drive para maiwasan na ang ganitong modus at mabigyan ng maayos na impormasyon ang publiko laban sa mga sindikatong ito.


Pinakamabuting huwag nating hahayaan ang ating mga lolo at lola na mag-isang mag-withdraw, lalo na sa mga ATM na nakapwesto sa gilid ng mga parking area sa mga mall dahil kahit tanaw natin mula sa ating sasakyan ay hindi natin mahahalata na binibiktima na sila ng ‘Glue Ladies’ dahil sa husay ng mga ito sa ganitong larangan, kaya magdoble-ingat.


Kahit sa loob mismo ng shopping mall ay huwag tayong magtitiwala na iwan ang ating mga lolo at lola para mag-withdraw dahil nakakalat ang ‘Glue Ladies’ sa mga lugar na hindi natin akalaing naroon sila.


Sa bagong modus na ito ay tiyak na santambak muna ang magiging biktima bago pa tuluyang masawata ng PNP ang nabanggit na grupo. Dapat ding tugisin ang mga salarin at huwag nating pabayaan ang ating mga lolo at lola ngayong alam na natin ang ganitong modus.


Malulungkot ako kapag ang pinaghirapan nating batas sa Senado para magkaroon ng diskwento at karagdagang benepisyo ang ating mga minamahal na lolo at lola ay mapupunta lamang sa mga sindikato na ito. Huwag nating hayaang maging biktima ang mga lolo at lola. 


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 28, 2024


]

Siyempre ay hindi natin makakalimutang pasalamatan ang mga kasamahan natin na katuwang nating nag-tawid ng pangarap na ito. And’yan ang chairperson ng komite na si Sen. Imee Marcos na pinagbigyan ang ating hiling na agaran itong maipasa ng Senado, pati na rin ang iba pang mga umakda at sumuporta sa batas na ito. Ang atin ding pasasalamat sa mga miyembro ng House of Representatives na nakipagtulungan din sa atin upang mabilis na maipasa ang panukalang batas na ito.


Ang noon na inaabangan lamang ng ating mga lolo at lola ay isang realidad na. Kung dati ay tinatanong tayo kung kamusta na ito, ngayon ay malugod natin silang sasagutin na simulan na nilang magpalista sa kani-kanilang Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) dahil selyado na ang benepisyo sa ilalim ng Revilla Law.


Napakalaking kasiyahan na naipagkaloob natin sa ating mga lolo at lola itong dagdag-benepisyo. Ika ko nga, binibigyan natin sila ng “something to look forward to and hope for” para mas mapangalagaan ang kanilang buhay at kalusugan. Malaking bagay din nga naman sa mga senior citizen na may natatanggap sila galing sa pamahalaan.


Hindi lang naman ito pangarap ng mga matatanda dahil sa katotohanan lamang ay katuparan din ito ng isa sa aking mga pangarap na mayroong legasiyang maiiwan sa oras na matapos ang aking panunungkulan bilang senador.


Simula noong Lunes matapos mapirmahan ng Pangulo ang Expanded Centenarian Law ay nakatatanggap tayo ng napakaraming mensahe ng pasasalamat at pagbati dahil ganap nang batas ang matagal na nating inilalaban nang pukpukan sa Senado at napagtagumpayan naman natin. Napakalaking bagay sa ating mga senior citizen ang ayudang maipagkakaloob sa kanila ng gobyerno lalo na at alam naman nating marami sa kanila ang may mga maintenance medicines na at iba pang mga pang-araw-araw na pangangailangan.


Pagtanaw na din natin ito ng utang na loob sa kanila sa mga nagawa nila noong kabataan nila.


Ang mga ganitong pangangailangan ng ating mga kababayan ay sinasabi mismo sa atin ng publiko sa panahong isinasagawa natin ang regular nating pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa mga lugar na biktima ng kalamidad.


Umasa kayo na umaraw man o umulan, ipagpapatuloy ko sa abot ng aking makakaya ang magagandang layunin at aking mga nasimulan para sa kapakanan ng ating bayan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page