top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 11, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Ayon sa 2024 survey ng Social Weather Stations (SWS), kalahati umano ng mga Pilipino ang pumabor sa diborsyo bilang opsyon sa mga mag-asawa na ‘irreconcilably separated’.


Lumabas din sa survey na 31 percent ang hindi pabor sa diborsyo, habang 17 percent naman ang undecided sa isyu.


Ang 50 percent na pabor sa divorce ay mas mababa kumpara sa 55 percent noong June 2023 at 65 percent noong March 2023.


Lumabas din sa survey ang net agreement score na +19, na maituturing na ‘moderately strong’ bagama’t nakapagtala ng pagbaba mula sa +27 net agreement score sa June 2023 survey ng SWS sa legalisasyon ng diborsyo sa bansa.


Ayon pa sa SWS, malakas ang net agreement score sa mga taong may live-in partner kumpara sa iba pang demographic tulad ng hindi pa kasal, balo, hiwalay at may-asawa.


Mataas ang pagpabor sa diborsyo sa Metro Manila, na sinusundan sa Balance Luzon (bahagi ng Luzon pero sa labas ng Mega Manila), Visayas, at Mindanao.


Pasado na sa Kamara de Representantes ang panukalang legalisasyon ng diborsyo pero sa Senado ay may pagkakahati-hati rin.


Sa dinami-rami ng pabor at sa dinami-rami rin ng ayaw ay mas makabubuting hayaan nating makarating sa Senado ang usapin at bigyan ng pagkakataong pagdebatehan upang tumining at lumutang ang talagang desisyon — lalo pa at hating-hati ang lahat.


Medyo may kabigatan ang usaping ito dahil tiyak na aalma ang nasa kabilang panig pabor man o hindi at inaasahang maglalabasan ang santambak na katuwiran para maitaas lamang ang kanilang panig.


Ngayon pa lamang ay pinakikiusapan na natin ang publiko na maging mahinahon sa magiging resulta dahil dapat natin na tanggapin sa ating loob pabor man sa gusto natin o hindi dahil hindi naman ito basta pinili lang.


Tiyak na daraan ito sa katakut-takot na argumento at pagtatalunan ito ng mga mambabatas upang patunayan ang mabuti at masamang dulot nito na sa huli ay hahantong din sa botohan na lalahukan ng mga ibinoto ninyong senador.

Anuman ang maging resulta ay wala na tayong magagawa dahil hindi naman ito dedesisyunan tungo sa ikasasama ng bawat isa kundi palaging sa kapakanan ng taumbayan.


Dapat kalmante lamang ang lahat, lalo na ang mga relihiyon sa bansa na tutol sa diborsyo tutal malaki naman ang tsansa dahil maging ang resulta ng SWS survey 50-50 ang mga Pinoy — pabor at hindi pabor ganoon din sa Senado, kaya maganda ang laban na ito. 


Para sa akin ay hindi naman tamang ang pinagsama ng langit ay basta na lamang paghihiwalayin ng tao, ngunit siyempre hindi rin tama na hindi natin igalang ang desisyon ng nakararami — lalo na’t kung isa nang batas.


Madasal lang tayong gabayan ng Maykapal ang mga mambabatas upang makapagdesisyon ng tama para sa ikabubuti ng lahat.


Anuman iyon ay huwag na tayong mabahala at palagi nating isipin na dumaan ito sa masusing pag-aaral at mahabang argumento bago maging isang ganap na batas.

Sa ngayon, makabubuting palakasin na lang muna natin ang moral ng ating mga anak, lalo na ‘yung nagpaplano na magpakasal na hindi ito kaning mainit na isinubo na kapag napaso ay maaaring iluwa agad.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 12, 2024



Nakakataba ng puso nang makumpirma nating pormal na nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro na idinedeklara ang inyong lingkod bilang adopted son ng naturang bayan. 


Sa isang programa nitong nakaraang Lunes, Abril 8, ay iginawad sa atin ang kopya ng resolusyon nina Mayor Walter “Bong” Marquez, Vice Mayor Edwin Mintu, at iba pang mga opisyales at kawani ng lokal na pamahalaan. Kasama rin sa naturang programa ang punonglalawigan ng Occidental Mindoro na si Governor Eduardo Gadiano.


Sa Resolution No. 2024-SDM335, kinilala at binigyang halaga ang suporta at tulong na ipinakita natin sa nasabing bayan, kasama na rito ang ating pakikibahagi bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng Palarong Panlalawigan ng Occidental Mindoro ngayong taon. 


Kinilala rin sa nasabing okasyon ang “Revilla Law” na inakda ng inyong lingkod na magpapaaga sa pagbibigay ng cash gift sa mga senior citizen. 


Lubos akong nagpapasalamat sa aking mga kababayan sa Sablayan, Occidental Mindoro sa kanilang pagtanggap sa akin bilang adopted son. Isang malaking karangalan ito sa akin at buong buhay kong tatanawin at papahalagahan ang kanilang pagtanggap, pagmamahal, at pagkilala.


Hindi ko akalain na gagawin ito ng mga taga-Sablayan sa akin at hindi ko maisip na nagkaroon ako ng bagong pamilya at damang-dama ko ang pagmamahal na ipinakita nila sa akin.


Isang napakalaking karangalan ang iginawad na ito sa akin dahil sa tuwang-tuwa ang aking buong pamilya at isa itong halimbawa ng mabuting pakikitungo sa ating mga kababayan na palagi kong itinuturo sa aking mga anak.


Lalo pa at tatlo sa aking mga anak ang naglilingkod na rin sa taumbayan at kailangang maging mabuting halimbawa ang tulad nito upang lalo nilang pag-ibayuhin ang malinis na paglilingkod.


Maging biktima man sila ng masamang pamumulitika ay hindi naman matatawaran ang pagtatanggol ng sambayanan na siyang tunay na nakakakita ng tunay na serbisyo ng isang lingkod-bayan.


Hindi na natin kailangang magbuhat ng sarili nating bangko dahil may mga kababayan tayong tunay na nagmamahal sa atin at hindi lang suporta ang kanilang ibinigay dahil itinuring pa nila tayong adopted son.


Matatapos ang aking panunungkulan bilang halal na opisyal ngunit, mananatili akong anak ng Sablayan habang ako ay nabubuhay at habambuhay ko itong tatanawin.


Malaking kalungkutan ang idinulot sa akin nang pumanaw ang aking ama ngunit, kahit paano ay naibsan ang nararanasan kong lungkot dahil isang buong bayan ang nagpadama sa akin ng panibagong pagmamahal.


Kaya taus-puso ang ating pagpapaunlak nang imbitahan tayo ng mga taga-Sablayan na dumalo sa kanilang Palarong Panlalawigan sa Sablayan, Occidental, Mindoro.


Pagdating natin sa Sablayan, bandang alas-12 ng tanghali ay agad tayong sinalubong ng isang masaganang tanghalian sa Siburan Municipal Hall na dinaluhan nina Gov. Gadiano, at ilan pang mayor ng mga karatig-bayan.


Bandang ala-1 ng hapon ay nagsagawa kami ng payout sa Occidental Mindoro, State College, kung saan umabot sa 2,000 benepisyaryo ang nabiyayaan ng tig-P2,000 bawat isa.


Bandang alas-2 ng hapon ay nagsimula na ang opening ng Palarong Panlalawigan at nagbigay tayo ng maikling pananalita na labis na ikinatuwa ng mga residente na walang tigil sa pagpapakuha ng larawan.


Bagama’t napakaraming aktibidades ng araw na iyon noong nakaraang Lunes, Abril 8 ay hindi tayo nakaranas ng pagod dahil sa sobrang init ng pagsalubong sa atin ng mga taga-Sablayan.


Napakarami ng nabuo kong pangarap para sa Sablayan na pakiramdam ko ay sarili ko ng bayan.


Kaya sa mga taga Sablayan — maraming salamat sa pagmamahal!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
  • BULGAR
  • Apr 10, 2024

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 10, 2024



Isang mainit na pagbati sa ating mga kapatid na Muslim ngayong araw -- Eid’l -Fitr o Ramadan Eid -- na marka ng pagtatapos ng fasting month ng Ramadan. 


Sadya namang espesyal ang pagdiriwang ngayong taon sapagkat ayon sa mga eksperto ay may kakaibang ipinamalas ang buwan dahil sa total solar eclipse. 


Lumalabas na ang crescent moon na hindi agad nagpakita matapos ang eclipse na naging dahilan ng pagkaantala para makita ang kabuuan ng buwan hanggang kahapon, Abril 9, 2024. 


Ngunit, anuman ang naging resulta sa pag-antabay sa paggalaw ng buwan ay idineklara pa ring regular holiday sa buong Pilipinas ngayong Miyerkules para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan, bagay na nangyayari matapos ang isang buwang pag-aayuno sa Islam. 


Sa pamamagitan ng Proclamation 514 ay idineklara ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) upang palawakin ang kaalaman tungkol sa paniniwala ng ating mga kapatid na Muslim at tuloy ay maintindihan ng marami pa nating mga kababayan ang napakabanal na araw na ito para sa kanila. 


Una nang inirekomenda ng National Commission on Muslim Filipinos ang ika-10 ng Abril bilang national holiday kaugnay ng okasyon. 


Dahil sa deklarasyon ng regular holiday sa araw na ito, karapatan ng mga empleyadong makakuha ng “double pay” kung sakaling papasok sa araw ng Eid’l Fitr. Makakukuha ng 100% ng kanilang sahod ang mga manggagawang hindi papasok sa naturang araw.


Dagdag na 30% naman ng hour rate sa naturang araw ang makukuha ng mga empleyadong lalampas ng walong oras sa trabaho.


Napapanahon ang proklamasyong ito ni PBBM dahil sa malaking hakbang ng pakikiisa natin bilang Kristiyano para sa mga kapatid na Muslim at maisa-isantabi saglit ang pagkakawatak-watak ng paniniwala. 


Sa ngayon, ang mga tagapamahala ng Manila Golden Mosque ay handang-handa upang alalayan ang mahigit sa 10,000 na mananalangin para sa Eid Al-Fitr na magbibigay hudyat na tapos na ang Ramadan. 


Dahil sa halos mga Katoliko ang nasa Pilipinas, hindi maikakaila na humigit-kumulang 10 porsyento ng 110 milyong populasyon ng bansa ay Muslim na karaniwang naninirahan sa southern island ng Mindanao at sa malaking bahagi ng Sulu. 


Sa pagtatapos ng Ramadan at ang mga kapatid na Muslim sa buong mundo ay ginugunita ang Eid Al-Fitr, marapat lamang na maipakita natin sa kanila ang ating pakikiisa kaya malaking bagay na maideklara itong national holiday. 


Ngayong araw na ito ay inaasahang dudumugin ng mga kapatid nating Muslim ang Manila Golden Mosque, na kilala rin sa tawag na Masjid Al-Dahaba, na may kapasidad na 22,000 mananampalataya. Ang naturang mosque ay pinakamalaki sa buong Metro Manila na tinawag base sa kulay ng naturang istraktura. 


Matapos na maisagawa nila ang taunang ‘moon sighting’ ay ginugunita na nila ngayong araw ang Eid Al-Fitr na kanilang sinisimulan sa panalangin kasunod ng maikling sermon. 


Ngayon ding araw ay inaasahan nila ang pagdagsa ng kapwa nila Muslim at bandang alas-6 ng umaga ay magsisimula na ang mga aktibidades at ang panalangin bandang alas-7 ng umaga. Kaya naman ilang araw nilang inihanda ang pagdarausan ng taunang paggunita.


Itinuturing nilang pinakamahalagang araw ang Ramadan, bilang Muslim pangunahing pagtugon umano sa aral ni Allah na panahon din ng pagbibigayan at pagtulong sa bawat isang mananampalataya. 


Ayon kay PBBM, ang Abril 10 ay ginawang national holiday upang ang umiiral na napakahalagang araw na ito para sa mga kapatid na Muslim ay mabigyang paggalang din ng mga kababayang Kristiyano at maisama na sa sistema ng bawat isa. 


Sa buong bansa, ang Golden Mosque ang pinakamalaking pagdarausan ng Eid Al-Fitr, kasabay ng kaparehong selebrasyon na isasagawa din ngayon sa Rizal Park at Blue Mosque sa Taguig City. 


Ang Eid Al-Fitr ay ang katapusan ng 30-araw na pag-aayuno sa mundo ng mga Muslim kaya masaya nila itong ipinagdiriwang na punumpuno ng pagkakaisa. 


Kung dati-rati ay hindi naiintindihan ng marami nating kababayan ang kahalagahan ng Eid Al-Fitr ngayong proklamadong national holiday ay mauunawaan na ito ng mga hindi Muslim na kababayan na taun-taon na ring makikiisa. 


Kaya sa mga kapatid nating Muslim -- buo ang ating pakikiisa sa paggunita ng Eid Al-Fitr at nawa ay maging matagumpay ang pagkikita-kita at mga kasayahang inyong isasagawa. 


Kasama ng ating mga kababayang hindi Muslim ay nakikiisa kami at nagbibigay respeto sa napakahalagang araw na ito. 


Eid Mubarak!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page