ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 7, 2024
Napakasarap sa pakiramdam ng bawat Pilipino ang naging panalo ng ating gymnast na si Carlos Yulo na nakakuha ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics matapos niyang maghari sa men’s floor exercise at maging sa men’s vault event ng artistic gymnastics.
Kaya naman nitong August 5 ay isinumite natin sa Senado ang Senate Resolution No. 1100 at 1113 para bigyang pagkilala ang makasaysayang panalo ni Carlos sa Olympics. Bilang chairperson ng parehong mga komite sa sports at sa youth ng Senado, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng sports para sa kaunlaran ng bansa at sa kinabukasan ng ating mga kabataan gaya ng nakasaad sa ating Saligang Batas.
Dapat nating kilalanin at ipagmalaki ang nagawa, hindi lamang ni Carlos, kundi ng bawat atletang Pilipino na nagpursige na irepresenta ang bansa sa buong mundo. Sa bawat laro ay damang-dama natin ang kanilang taglay na pusong Pilipino na lumalaban hanggang dulo.
Ang pag-usbong ng mga mahuhusay na atletang Pilipino ay testamento kung ano ang kayang makamit kapag nagsanib-puwersa ang suporta ng pribado at pampublikong sektor para sa ikabubuti ng bansa at ng bawat mamamayan.
Bilang Vice Chair ng Senate Finance Committee, bawat taon ay ating ipinaglalaban ang dagdag na pondo para sa ating sports programs upang mabigyan ng sapat na suporta ang ating mga atleta na lumalahok sa international competitions, at mabigyan din ng oportunidad ang iba pang kabataan na lumahok sa iba’t ibang paligsahan at mahubog ang kanilang kakayanan sa larangang kanilang pinili.
Kamakailan lamang, nakipagtulungan tayo sa Philippine Sports Commission upang mabigyan ang bawat Olympian ng dagdag na suporta na P500,000 noong Hunyo para sa kanilang paghahanda sa Paris Olympics. Kahapon, August 6, ay inilunsad natin ang turnover ng financial support sa anim naman na para-athletes na sasabak sa Paris Paralympics. Sa ating inisyatiba ay binigyan sila ng PSC ng tig-P500,000 din.
Noong 2021, sinuportahan natin ang hiling ng PSC na karagdagang insentibo para sa mga atletang lumahok at nag-uwi ng medalya sa 2020 Tokyo Olympics at maging sa Paralympics sa Japan. Noong 2019, kaka-senador ko pa lang, tinulungan natin ang champion weightlifter na si Hidilyn Diaz para makakuha ng suporta mula sa isang private company. Kapag nagsama ang gobyerno at private sector para sa kapakanan ng mga atleta, malayo ang ating mararating.
Patuloy tayo sa ating adbokasiya na gawing prayoridad ang sports tungo sa nation-building. Ang sports ay nagtuturo ng disiplina, teamwork, camaraderie, unity at sportsmanship kaya pinalawak din natin ang ating grassroots sports programs para mabigyan ng oportunidad ang mga kabataan at maengganyo sila to get into sports, stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit!
Samantala, noong Lunes ay nakiisa tayo sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinangunahan ni Senator Ronald dela Rosa. Tinalakay dito ang hinihinalang paggamit ng ‘excessive force’ katulad ng pagde-deploy sa Special Weapons and Tactics team ng Philippine National Police sa kanilang operasyon sa Kingdom of Jesus Christ. Binigyang-diin natin na ang motto ng PNP ay ‘to serve and protect’ kaya ipinaalala natin sa mga pulis na ang trabaho nila ay panatilihin ang peace and order at hindi para takutin ang taumbayan. Ang apela ko sa kapulisan: be professional, huwag maging selective, at gawin ang tungkulin nang naaayon sa batas upang proteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino.
Tuluy-tuloy tayo sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Nasa Samar tayo noong Aug. 3 at personal na pinangunahan ang pamimigay ng suporta sa 1,000 community health frontliners sa San Jorge at 2,000 sa Catbalogan City katuwang ang tanggapan nina Sen. Robin Padilla at Gov. Sharee Ann Tan. Nagbigay tayo ng dagdag na tulong sa mga kooperatiba sa Eastern Visayas sa ilalim ng programang Malasakit sa Kooperatiba na ating inilunsad kasama ang Cooperative Development Authority. Dumalo rin tayo sa ginanap na Samar Educator’s Day kung saan namahagi tayo ng tulong sa humigit-kumulang 1,000 principals bilang bahagi ng kanilang Tandaya Festival para sa selebrasyon ng Araw ng Samar. Nagpapasalamat tayo sa lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Gov. Tan, Vice Gov. Arnold Tan, Cong. Jimboy Tan, Cong. Michael Tan, Catbalogan City Mayor Dexter Uy, San Jorge Mayor Leoncio de Guia, at iba pang opisyal.
Sinaksihan naman ng aking tanggapan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Catanauan, Quezon noong araw ding iyon.
Sa Cavite noong Aug. 5, pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong sa 2,000 PWDs, solo parents, scholars at iba pang mahihirap na residente sa Amadeo. Sa ating pakikipagtulungan kasama si Mayor Redel Dionisio ay nabigyan din sila ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan. Nag-inspeksyon din tayo ng kanilang bagong fire truck at ng Municipal Hall na napondohan ang renovation sa ating tulong. Bukod sa pagiging adopted son ng CALABARZON, nagpapasalamat din ako sa pagdedeklara sa akin bilang adopted son ng Amadeo.
Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa pagtulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 53 sa Magalang, Pampanga katuwang si Vice Mayor Joseph Guzman; 30 sa Hinundayan, Southern Leyte kasama si Councilor Jeanette Abuyog; 220 sa El Nido kasama sina Councilor Joel Rosento at BM Nieves Rosento at 221 sa Taytay, Palawan kasama si BM Anton Alvarez; 500 sa Surallah, South Cotabato katuwang si Mayor Pedro Matinong Jr. Sa Camarines Norte, natulungan naman natin ang 65 sa Paracale kasama si VM Adet Asutilla; 65 sa Jose Panganiban kasama si VM Kuatro Padilla; 65 sa Labo kasama si VM Alvin Bardon; 65 sa San Vicente kasama si VM Vivian Villamor; 65 sa Vinzons katuwang si VM Agnes Ang; 65 sa Talisay kaagapay si VM Tina Zantua-Arevalo; at 65 sa Mercedes kasama si VM Gina Yapyuco.
Pinuntahan din natin ang mga naging biktima ng insidente ng sunog at natulungan ang 229 sa Zamboanga City; at 35 sa Las Piñas City. Naghatid din tayo ng food packs para sa mga naging biktima ng Bagyong Carina sa San Fernando City, Pampanga.
Katuwang si Cong. Nelson Dayanghirang, nabigyan din ng tulong ang mga mahihirap na residente sa Davao Oriental, gaya ng 1,500 mahihirap sa Lupon at 255 na nabigyan ng livelihood assistance. May apat ding pamilyang nabiktima ng sunog sa Mati City katuwang si Councilor Xander Alcantara.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na suporta sa TESDA graduates kabilang ang 20 sa Binangonan, Rizal at 143 sa Marikina City.
Isang beses lang tayong daraan sa mundong ito. Kaya anumang tulong ang puwede nating ibigay sa kapwa, o anumang karangalan ang maaari nating ialay sa bansa, ay gawin at ibigay na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.