ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 9, 2024
Sa kabila ng mga ipinangakong reporma, hindi natin tinitigilan ang pagtutok sa PhilHealth lalo pa ngayong may bilyun-bilyong pisong pondo ito na hindi pa napapakinabangan ng taumbayan.
Sa deliberasyon para sa panukalang 2025 national budget noong Huwebes, mismong ang Department of Finance ang nagsabi na “natutulog” ngayon ang natitirang P30 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth na balak ibalik sa National Treasury pero pinigilan ng Supreme Court. Binigyang-diin natin bilang chairman ng Senate Committee on Health at Vice Chairperson ng Senate Finance Committee na dapat mapakinabangan ng mga Pilipino ang bawat pisong pondo ng gobyerno.
Sulit kahit papaano ang ating pangungulit dahil naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa patuloy na fund transfer mula PhilHealth papunta sa National Treasury para magamit sa ibang mga bagay. Nanindigan tayo na ang pera ng PhilHealth ay dapat para sa health!
Naiintindihan natin na kailangan ng finance managers ng gobyerno ang lahat ng malilikom na pondo upang magamit nang tama at hindi masayang ang pera ng taumbayan. Ngunit para sa akin, legal man ito, pero morally ay hindi ito katanggap-tanggap! Dapat sa PhilHealth pa lamang ay hindi na natutulog ang kanilang pondo para hindi ito mawalis papuntang National Treasury lalo na’t napakaraming mga Pilipino ang naghihingalo at nangangailangan ng tulong pampagamot.
Sa mga nagdaang pagdinig, marami rin tayong nadiskubreng polisiya ng PhilHealth na anti-poor gaya ng Single Period of Confinement policy na bawal mag-admit sa magkatulad na sakit sa loob ng tatlong buwan. Dahil hindi natin sila tinigilan, tuluyan nang ipinatigil ng PhilHealth ang polisiyang ito.
Naibunyag din natin ang 24-Hour Confinement Rule kung saan kailangang magpa-admit muna ang isang pasyente sa loob ng isang araw bago siya i-cover ng PhilHealth. Nangako naman ang PhilHealth na bago matapos ang taon ay rerepasuhin nila ang polisiyang ito at magkakaroon na sila ng mga package para sa outpatients o mga pasyenteng hindi kailangang i-admit sa ospital.
Umasa kayo na hindi ko titigilan ang PhilHealth hangga’t hindi nila natutupad ang iba pa nilang commitments sa mga Pilipino tulad ng kanilang pangako na taasan ang case rates; palawakin ang benefit packages; babaan ang premium contribution; i-cover ang dental, visual, emergency, out-patient at preventive care; magbigay ng libreng gamot, libreng salamin at wheelchair para sa mahihirap na Pilipino, at iba pa.
Nais kong iparating ang pasasalamat sa aking mga kasamahan sa Senado na sinusuportahan ang ating adhikain na maproteksyunan ang kalusugan ng ating mga kababayan. Hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo at sa iba pa nating mga gawain sa loob at labas ng Senado.
Nakiisa tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay Antique Chapter Provincial Congress sa Bacolod City sa pamamagitan ng video call noong November 6. Binisita rin natin ang ating mga kababayan sa Bulacan at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente ng Angat. Sa ating inisyatiba at pakikipagtuwang kay Mayor Jowar Bautista, nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal. Dumalo rin tayo sa reunion dinner para sa ika-108 anibersaryo ng Senado na pinangunahan ni Senate President Chiz Escudero.
Nasa Catanduanes tayo noong November 7 at pinangunahan ang pagbibigay ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente sa Virac, na may natanggap ding 25 kilo ng bigas sa ating pakikipagtuwang kay Gov. Joseph Cua. Binisita rin natin ang Malasakit Center sa Eastern Bicol Medical Center, at namigay ng lugaw sa mga pasyente, watchers at kanilang mga kasama, maging sa healthcare workers ng ospital.
Sa araw ding iyon, sinaksihan ng aking opisina ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Panganiban, Catanduanes kung saan nagbigay din kami ng suporta tulad ng foodpacks sa mga BHWs na nandoon. Tayo rin ay nagpapasalamat dahil kinilala tayong adopted son ng bayan.
Kahapon, November 8, isinagawa naman ang groundbreaking ng itatayong kalsada sa Brgy. San Roque, Madrid, Surigao del Sur na ating isinulong kasama si Mayor Juan Paolo Lopez.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan tulad ng dalawang biktima ng sunog sa Davao City; gayundin ang 54 sa Iloilo City; at 14 sa Tigbauan, Iloilo.
Nabigyan din ng tulong ang 300 residente ng Sebaste, Antique sa ikinasang medical and dental mission katuwang si Vice Gov. Ed Denosta.
Namahagi tayo ng relief goods para sa mga binagyo sa Camarines Norte, Catanduanes, Cagayan, at sa Banate, Iloilo.
Natulungan natin ang 323 kapos ang kita sa Sto. Tomas, Davao del Norte katuwang si Mayor Roland Dejesica. Tulong pangkabuhayan naman ang naipagkaloob natin sa 23 mahihirap sa Quezon City katuwang si Coun. Mikey Belmonte.
Binalikan natin at muling tinulungan ang 96 na nawalan ng tirahan sanhi ng sunog sa Iloilo City na nabigyan pa ng emergency housing allowance ng NHA na ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng materyales sa pagpapatayong muli ng kanilang tahanan. Bukod d’yan ay may 34 pamilyang nasunugan sa Zamboanga City ang ating natulungan.
Naalalayan din ang 96 biktima ng kalamidad sa San Andres, Romblon, na sa ating pakikipagtuwang sa DHSUD ay nakatanggap ng tulong pinansyal na pampaayos ng bahay.
Sa pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga displaced workers, na dagdag sa tulong na ating ipinamahagi sa 584 manggagawa sa Banaybanay, Davao Oriental katuwang si Mayor Ian Larcia; 118 sa San Pablo City, Laguna kaagapay si VG Karen Agapay; 50 sa Nasugbu, Batangas kasama si BM Armie Bausas; 98 sa Paniqui, Tarlac katuwang ang Market Vendors President na si Renato Fernandez; 920 sa San Enrique, Iloilo katuwang si Mayor Trixie Fernandez; 98 sa Culion, Palawan kaagapay si Mayor Virginia De Vera; at 500 sa Alabel, Sarangani kasama si Mayor Vic Paul Salarda.
Nakabenepisyo rin sa Misamis Oriental ang 132 sa Initao kaagapay sina Mayor Mercy Grace Acain at BM Pangky Acain; at 277 sa Gitagum, Alubijid at Tagoloan katuwang sina Mayor Emmanuel Mugot, Mayor Emmanuel Jamis, at Mayor Nadia Emano-Elipe; at 283 pa sa Lugait, Manticao at Naawan katuwang sina Mayor Wellie Lim, Mayor Stephen Tan, at Mayor Dennis Roa.
Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay ninyo sa akin na makapaglingkod sa inyo. Buong tapang at pagmamalasakit kong ipaglalaban ang tama at tutulong ako sa abot ng aking makakaya, dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.