ni Beth Gelena @Bulgary | September 14, 2025

Photo: Zanjoe Marudo, Arjo Atayde, Daniel Padilla at henry Alcantara - PBA, Circulated
Isa na namang larawan ang kumakalat sa social media kung saan magkakasama sina Cong. Arjo Atayde, bayaw niyang si Zanjoe Marudo at Daniel Padilla, at ang isa sa mga konektado sa anomalya ng flood control projects na si DPWH Engineer Henry Alcantara.
Ang larawan ng 4 na personalidad ay kuha habang nanonood sa Final 7 ng Ginebra vs. San Miguel nitong nakaraang season ng PBA Convention.
Dahil dito, samu’t saring komento na naman ang naglabasan mula sa mga netizens. Ilan sa mga nabasa naming komento…
“Grabe! Ano ‘yan? Magkaka-connect talaga silang lahat. Si Zanjoe, buti hindi nanalo.”
“Ay, grabe! I move to nominate OP as part of the Independent Commission. Lupet ng imbestigador skills. Wala ‘kong masabi.”
“Pakitago ‘yung resibo para ‘pag ‘yung asawa, nagsalita ulit, isampal n’yo sa mukha n’ya ‘to.”
“A picture doesn’t lie. Mukha nga silang magkakilala.”
“Grabe, ‘di ba? Lakas ng kapit nu’ng Alcantara kay Jinggoy. Silang dalawa ni Brice ‘yung may falsified ID pero si Brice lang ang idiniin hanggang sa ma-contempt. ‘Yung boss, nakalusot!”
Ang tinutukoy na mga pangalan ay sina Sen. Jinggoy Estrada at Brice Hernandez na dating kaibigan at tauhan ni Alcantara.
“Buti pala at ‘di naka-secure ng seat ‘yung partylist ni Zanjoe Marudo last election. For sure, si Arjo ang magiging mentor n’ya para mangurakot din.”
“Uy, ang galing! Hahaha! Eto ‘yung mga hindi basta-basta nahahanap. Matinding hanapan ‘to sa social media. Hahaha!”
“Tapos taga-Bulacan pa pala si Maine, ‘di ba? And they also have a road construction firm business (kung saan mas talamak ang corruption).”
Parang hindi naman tama na idamay ng isang commenter ang misis ni Arjo.
Below the belt naman ang sinabi nito na, “Tangin* mo, Maine Mendoza. Sinungaling.”
“Bago lang ‘to OP? If oo, walanghiya ka, Arjo Atayde, unbothered queen.”
Sana naman, ang mga netizens, bago magbitaw ng mga maaanghang na salita ay mag-isip munang mabuti ng kanilang sasabihin.
Tulad na lang sa estado ni Maine Mendoza, bago pa siya pumasok sa showbiz, mayaman na ang kanyang pamilya. May sarili silang gasolinahan at iba pang negosyo.
Sana, ang mga nanghuhusga sa idinadawit nilang pulitiko ay mag-final check muna. Ang hirap kasi sa iba, nakikiayon lang sa agos ng komento.
Bakit kaya hindi sila gumawa ng sarili nilang imbestigasyon para malaman kung ano ba ang talagang totoo?
Sabi nga ni Cong. Arjo, hindi siya titigil hangga’t hindi niya nalilinis ang kanyang pangalan.
Umaasa kaming malalampasan ng pamilya Atayde ang dagok na ito na dumating sa kanilang buhay.
Sabi nga, “The truth will prevail.”
KILALA ang award-winning actress na si Nadine Lustre na very vocal sa kanyang nararamdaman lalo na kung alam niyang may naaagrabyadong tao.
Tulad na lang sa isyu ngayon tungkol sa flood control scandal, dismayado ang aktres sa mga kontraktor na mapagsamantala.
Ibinahagi niya ang galit at pagkadismaya sa umano’y katiwalian ng mga indibidwal na sangkot sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha at hinimok ang mga Pilipino na magpatuloy sa pagsasalita.
“Talagang nalulungkot ako na nakikita ang mga taong nahihirapan, nawalan ng tahanan, kabuhayan, mga alagang hayop, dahil wala tayong mahanap na solusyon,” aniya sa isang panayam.
“Nakakagalit, nakakalungkot na ‘yung ibinibigay natin na buwis, sa ganu’n napupunta. Nakakainis talaga, it is sad that funds are being used for something else.
“Mabuting nagsasalita ang mga tao. Mahalagang marinig tayo. ‘Pag pinanindigan natin ang ating sinasabi, may gagawin ang mga tao tungkol dito. At the end of the day, kailangan nilang pangalagaan ang mga tao. Nagbabayad tayo ng tamang tax para tulungan tayo at gawing mas mabuti ang mga bagay para sa atin,” dagdag pa ng aktres.
Aniya pa, “Sabi ko nga, ‘di maiwasang isipin na ‘yung ibinabayad nating tax, ‘di nagagamit nang tama. Nakaka-discourage. Nag-aambag tayo para mapabuti ang bansa, ‘yun pala, sa mga bulsa lang nila isinusuksok. Wala silang awa.”
Bilib siya sa Unkabogable Superstar na si Vice Ganda, sa inilarawan niyang halimbawa ng katapangan nito.
“We all have to be outspoken. Si Meme, I have always admired Meme. Hindi s’ya natatakot sabihin ang nasa utak n’ya. At this day and age, we have to say what we want to say. Kung hindi, walang mangyayari sa atin,” wika pa ni Nadine Lustre.






