ni Beth Gelena @Bulgary | June 13, 2026

Photo: IG _jodistamaria, _iam_iwa
Ibinahagi ng celebrity vlogger na si Iwa Moto na magiging isa sa kanyang mga bridesmaids si Jodi Sta. Maria sa nalalapit niyang kasal sa longtime partner na si Pampi Lacson.
Kilala ang maayos na samahan nina Jodi, Pampi at Iwa, na madalas ding nakikitang magkasama kasama ang kanilang mga anak. Marami ang humahanga sa magandang relasyon ng kanilang blended family.
Kamakailan ay inanunsiyo nina Iwa at Pampi ang kanilang engagement.
Sa isang panayam, inamin ni Iwa na hindi naging maganda ang simula ng relasyon nila ni Jodi, ngunit nilinaw niyang hindi siya ang dahilan ng paghihiwalay ng dating mag-asawa.
Aniya, “Siguro kasi, parang fresh pa lahat ng nangyari at parang ‘di n’ya rin ako kilala. Nu’ng dumating naman ako sa buhay ni Pampi, wala na talaga sila. Kaya siguro, ‘di naging mahirap ang transition namin to become friends, maybe because I’m not the reason why they broke up.”
Ayon kay Iwa, ang pagmamahal nila ni Pampi para kay Thirdy ay naging daan upang lalo pang tumibay ang kanilang samahan ni Jodi.
“Napunta ‘to sa napakagandang pagkakaibigan na hanggang sa puntong itinuturing ko na s’yang isa sa sa mga best friends ko,” aniya.
Ibinahagi rin ni Iwa na may espesyal na papel si Jodi sa kanilang kasal, na nakatakdang ganapin sa 2028 matapos ang pambansang halalan.
“Actually, nagbibiruan pa lang kami dati. She was joking around. Nu’ng may picture kami ni Pampi, ready na ang gown ko. Sabi ko, ‘‘Wag kang mag-alala, you’ll be the first one to know.’ So, nu’ng nag-propose si Pampi, isa s’ya sa mga unang nakaalam,” kuwento ni Iwa.
Masaya rin umano si Jodi para sa kanila.
Kuwento ni Iwa, “When I told Jodi, sabi n’ya, ‘Madam, kung alam mo lang kung gaano ako ka-happy kasi ang tagal nating hinintay ‘to.’”
Bongga, ‘di ba?
Pinag-isipan ni Ellen Adarna ang kanyang naging desisyon na magpakasal kay Derek Ramsay, kasunod ng pagbabalik-tanaw sa payo ng kanyang yumaong ama tungkol sa kasal.
Ayon sa aktres, matagal na niyang naririnig ang paalala ng kanyang ama na huwag magpakasal at mag-anak na lang.
Naalala rin niya ang sinabi nito na wala raw lalaking karapat-dapat sa kanyang luha.
Ngunit nang umibig siya kay Derek, sinunod niya ang kanyang puso at ginawa pa rin.
Sa pagdaan ng panahon at sa mga naging hamon ng kanilang relasyon, inamin niyang naisip niyang maaaring may punto ang payo ng kanyang ama, bagama’t wala siyang pinagsisisihan sa pagkakaroon ng mga anak.
“Naisip ko. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko… umiibig na ako,” pagbabahagi niya sa Bisaya talk show sa YouTube (YT) na Kuan on One (KOO) ni Melai Cantiveros.
Inamin din niya na hindi naging bahagi ng kanyang mga plano ang pagpapakasal, ngunit pinili niyang sundin ang kanyang damdamin.
Naghiwalay sila ni Derek Ramsay ilang taon matapos ang kasal, na pinagpiyestahan sa social media.



