ni Beth Gelena @Bulgary | July 4, 2026

Photo: FB / Sparkle
Umiinit ang streaming battle ng mga bagong serye na maglalaban, ang Someone, Someday (SS) nina Kathryn Bernardo at James Reid at Love, Siargao (LS) nina Nadine Lustre at Alden Richards.
Puksaan ito ng dating magdyowa na sina James at Nadine (JaDine).
Magsisimulang mag-stream sa Netflix sa Hulyo 24 ang SS at ipapalabas naman sa TV ang pilot episode sa Hulyo 27 sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TFC, at iWant.
Inaasahang magiging malakas ang promosyon ng serye matapos ang motorcade ng cast noong Hunyo 28.
Kasalukuyan namang ipinapalabas sa Viu ang LS. Ayon sa ulat, mula sa orihinal na 26 episodes, ginawa na lamang itong 22 episodes dahil umano sa mataas na gastos sa shooting sa Siargao at pagtaas ng production cost dahil sa fuel crisis.
Kapag ipinalabas naman sa Netflix ang serye nina Kath at James, marami ang mag-aabang kung makakapasok sa Netflix Top 10 ang kanilang Someone, Someday.
Inamin ng aktor-singer na si James Reid na kinakabahan siyang makatrabaho ang isang Kathryn Bernardo sa kanilang teleseryeng malapit nang ipalabas, ang Someone, Someday (SS).
Aniya, malaking karangalan para sa kanya ang makasama ang aktres ngunit may kaakibat din itong pressure dahil isa ito sa pinakamalalaking artista sa industriya.
Wika niya sa isang panayam, “Sa totoo lang, kinakabahan talaga ako. Malaki ang pressure na makatrabaho ang mga malalaking pangalan sa industriya.”
Sa kabila nito, puro papuri naman ang ibinigay niya kay Kath.
Inilarawan niya itong napaka-grounded at hands-on sa proyekto, at ipinaparamdam sa buong cast at crew na parang pamilya lang sila sa set.
Dagdag pa ni James, marami siyang natutunan sa pakikipagtrabaho kay Kathryn at excited na siyang mapanood ng publiko ang kanilang serye.
Ang teleseryeng pagsasamahan nila ni Kath ang magiging comeback TV ng aktor-singer matapos ang ilang taong pagtutok sa kanyang music career.
Aniya, pakiramdam niya ay parang hindi siya umalis sa telebisyon at masaya siyang nakabalik sa pag-arte.
Bukod dito, ibinahagi rin niyang mas espesyal ang proyekto dahil isa rin itong kolaborasyon nila ni Kathryn, na aniya’y isang bagong karanasan para sa kanya.
Si James ang nanalo ng Album of the Year award sa ika-17 Star Awards for Music para sa kanyang album na Jgh.
APAT na kilalang personalidad sa showbiz ang ginawaran ng espesyal na korona bilang celebrity ambassadors ng Mrs. Universe Philippines 2026.
Ang mga ito ay sina Kris Bernal, Chariz Solomon, Nathalie Hart, at Kitkat Favia. Bawat isa ay bibigyan ng partikular na adbokasiya na kanilang isusulong.
Sina Kris at Chariz ay magsusulong ng breastfeeding o pagpapasuso. Si Kitkat naman ay magiging tagapagtaguyod ng breastfeeding at HIV (Human Immunodeficiency Virus) awareness.
Si Nathalie Hart ay magsusulong ng kapakanan at pagbibigay-inspirasyon sa mga single mother.
Nagpasalamat si Chariz sa pagkakataong maging kinatawan ng mga ina at sinabi niyang “‘Di nagtatapos ang pangarap mo ‘pag naging ina ka na.”
Samantala, ibinahagi ni Nathalie na napakalapit sa kanyang puso ang adbokasiya para sa mga single mother.
Ayon sa kanya, “Dapat malaman ng bawat ina na ang pagsisimula muli ay ‘di ang katapusan ng kanyang kuwento. Minsan, dito nagsisimula ang kanyang lakas.”
Layunin ng Mrs. Universe Philippines na kilalanin at bigyang-inspirasyon ang mga kababaihan at ina sa pamamagitan ng iba’t ibang adbokasiya at serbisyo sa komunidad.



