ni Anthony E. Servinio @Sports | May 25, 2025
Photo: Gumigiri sa bolang dinadrayb ni Pascal Siakam ng Indiana Pacers si Miles McBride ng New York Knicks sa laban nilang ito sa Eastern finals playoffs ng NBA.
Naging mas matatag sa huling mga segundo ang bisitang Indiana Pacers para makuha ang Game 2 ng 2025 NBA Eastern Conference Finals laban sa New York Knicks, 114-109, kahapon sa Madison Square Garden. Maaaring tapusin ng maaga ang serye sa paglipat sa Gainbridge Fieldhouse para sa Game 3 at 4 ngayong Lunes at Miyerkules.
Lamang ang Pacers, 110-100, at 2:45 sa orasan pero humabol ang Knicks at lumapit, 109-110. Walang kabang ipinasok ni Aaron Nesmith ang dalawang free throw na may 15 segundong nalalabi upang makahinga, 112-109.
Nagmintis ang three-points ni Jalen Brunson at sinungkit ni Myles Turner ang rebound sabay kuha ng foul kay Mikal Bridges. Sinelyuhan ni Turner ang resulta sa dalawa pang free throw sa huling apat na segundo.
Uminit para sa 39 puntos si Pascal Siakam at ang kanyang huling buslo ang nagtayo ng 110-100 bentahe. Tumulong si Turner sa 13 ng kanyang 16 sa huling quarter habang 14 si Tyrese Haliburton.
Nasayang ang tinrabahong 36 at 11 assist ni Brunson. Sumunod sina Karl-Anthony Towns at Mikal Bridges na parehong may 20.
Samantala, pinamunuan ni MVP Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma City Thunder ang 2025 All-NBA Team. Kasama ni SGA sa First Team ang mga kapwa-nominado para MVP Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee at sina Jayson Tatum ng Boston Celtics at Donovan Mitchell ng Cleveland Cavaliers.
Nasa Second Team sina Brunson, Evan Mobley ng Cavs, LeBron James ng Los Angeles Lakers, Stephen Curry ng Golden State Warriors at Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves. Binubuo ang Third Team nina KAT, Haliburton, Jalen Williams ng OKC, Cade Cunningham ng Detroit Pistons at James Harden ng L.A. Clippers.
Ang Game 3 ng West Finals sa pagitan ng OKC at Minnesota ay ngayong Linggo. Umaasa ang Timberwolves na ang paglaro sa tahanang Target Center ang magbubunga ng unang panalo sa serye.










