- BULGAR
- Oct 15, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 15, 2023

Mga laro ngayong Linggo – MOA
9:00 AM NU vs. DLSU (W)
11:00 AM UE vs. AdU (W)
1:00 PM NU vs. DLSU (M)
4:20 PM UE vs. AdU (M)
Unang panalo ang naitala sa wakas ng Far Eastern University at pinabagsak ang walang iba kundi ang defending champion Ateneo de Manila University sa overtime, 66-61, sa pagpapatuloy ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament Sabado sa MOA Arena. Umangat sa 5-0 ang numero unong University of the Philippines at tinambakan ang kulelat na University of Santo Tomas, 110-79.
Muntikan na ang Tamaraws at sinayang nila ang 54-39 lamang maaga sa fourth quarter at mainit na bumalik ang Blue Eagles upang ipilit ang overtime, 57-57. Sinigurado ng mga gwardiyang sina LJ Gonzales at Xyrus Torres na hihinto sa apat ang kanilang mga talo.
Winasak ng dalawang shoot ni Gonzales ang 59-59 tabla at sinigura ni Torres ang resulta sa dalawang free throw na may 23 segundo sa orasan. Nagtapos na may 21 puntos at pitong rebound si Gonzales habang 13 si Torres.
Ito na rin ang unang panalo ni Coach Dennis Miranda na itinalaga bago ang UAAP. Unang nakilala siya bilang mahusay na point guard ng Tamaraws na naging daan para sa karera sa PBA.
Bumida sa Fighting Maroons si Harold Alarcon na may 21 puntos. Sumunod ang mga reserbang sina Joel Cagulangan na may 16 puntos at siyam na assist at Lowell Briones na may 14 puntos na parehong naglaro ng tig-17 minuto.
Bunga ng mga resulta, solong pangalawang puwesto ang naghihintay para sa magwawagi ngayong araw sa pagitan ng National University (3-1) at De La Salle University (3-1) sa parehong palaruan simula 1:00 ng hapon.






